◄Harvey's POV►
Hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Sa totoo lang sa tuwing nakikita ko si Lyka ay gustong-gusto ko siyang yakapin, pero hindi ko magawa dahil iyon ang utos sa akin. Kung hanggang kaylan ay hindi ko alam, pero hindi ko naman hahayaan na may lalaking aali-aligid sa kanya. Iyong kasama niyang ipinagmamalaki niyang kasintahan, papatayin ko ang hayop na 'yon at ipapakita ko sa kanya na hindi niya ako dapat tinatalo. Akin si Lyka, at hanggang sa kahuli-hulihan ng aking buhay ay akin lang si Lyka.
Alam ko naman na malaki ang kasalanan ko sa kanya. Sa sobrang laki nga, baka isinusumpa na niya ako. Gustuhin ko man sabihin sa kanya kung ano ang totoo ay wala naman akong karapatan. Ang tanging sinusunod ko lamang ay ang layuan ko muna si Lyka pero hindi nila ako inaalisan ng karapatan na mahalin ito.
"Bro, tulala ka na naman diyan. Huwag mong sabihin na 'yung assassin na naman ng Venum Org ang nasa utak mo?" wika ni Mikael, ang isa sa assassin ni Orion.
"May nabago ba? Alam naman ninyo kung ano ang tunay kong damdamin para kay Kai. Hindi lang talaga ako pwede pang gumawa ng kahit na anong hakbang hangga't wala silang sinasabi sa akin," sagot ko.
Hindi naman agad siya kumibo. Nagsindi lang siya ng sigarilyo at hinitit niya ito. Nandito kami sa Dark Immortal Mansion ni Orion, dito kami madalas magtagpo at dito rin namin madalas ginagawa ang mga meeting namin. Walang malaking underground si Orion na katulad ng sa Venum kaya dito namin ginaganap ang lahat ng meeting namin.
"Nasaan ba si Orion? Kanina pa 'yan wala dito, ang sabi niya ay dito tayo magkita-kita pero bakit wala siya dito?" wika ko.
"Parating na 'yon, sinundo pa siguro 'yung kapatid niya," sagot ni Mikael.
Hindi na ako kumibo pa. Kasama na naman pala ni Orion ang kapatid niyang nakakainis. Ang ingay pa naman ng babaeng 'yon. Napapailing na lang ako ng aking ulo. Makikita ko na naman kasi ang makulit na babaeng 'yon na nakakainis sagad hanggang batok.
"Ano ba ang importanteng pag-uusapan natin dito?" tanong ko.
"Wala naman siguro, wala naman siyang sinabi na importante," sagot naman ni Aja, ang isa sa female assassin na kasama namin.
"May iniisip talaga ang lalaking ito," ani muli ni Aja kaya napangisi lang ako.
"Hayaan mo lang 'yan, baka ang assassin sa kabila ang nasa utak niyan," ani naman ni Ynah ang ikalawang assassin ni Orion and of course, ang ikatlong assassin/Consigliere ay walang iba kung hindi ang kapatid sa ama ni Orion na si kulit na nakakainis, pero magaling makipaglaban. 'Yun nga lang nakakapikon ang kakulitan niya. Kung hindi lang siya kapatid ni Orion ay baka napatulan ko na ang babaeng 'yon.
Bigla akong natahimik at bumalik sa alaala ko ang nangyari nuong kaarawan namin ni Hugo. Hindi ko makalimutan ang ginawang palaro ni Marcus na nasa tent kami ni Kai. Kung hindi lamang siya nawalan ng malay, baka naangkin ko siyang muli. Hindi ko makontrol ang sarili ko sa tuwing mapapalapit siya sa akin. Ganoon na yata talaga ako kabaliw sa kanya. Sana lang ay matapos na ang lahat ng problema upang masabi ko na sa kanya ang lahat ng dahilan ko.
"Problema ng isang 'yan?" ani ni Greg na kararating lang kaya napangisi ako. Hindi ko naman siya pinansin. Mang-aasar lang naman ito sa akin na lagi niyang ginagawa.
Inabutan ako ni Greg ng isang bote ng beer. Nandito kami sa pool area at naghihintay sa pagdating ng magkapatid. Pero hanggang ngayon ay wala pa ang mga ito.
Nagsindi ako ng sigarilyo at sunod-sunod ko itong hinitit. Naupo si Greg sa tabi ko pero hindi ko siya pinapansin at nakatingin lamang ako sa malayo.
"Bakit hindi mo sabihin sa kanya ang totoo kaysa naman para tayong tanga na laging nakasunod sa kanya. Pati 'yong nobyo niya, kulang na lang ay sugurin mo," wika niya.
"Hindi pa pwede. Saka na kapag okay na ang lahat. Alam naman ninyo kung gaano ko kamahal ang babaeng 'yon. Kaya nga ako sumapi kay Orion upang maipagtanggol ko siya, pero sabi sa akin ay kaunting panahon pa," sagot ko.
Habang nag-uusap usap kami ay dumating din sa wakas ang magkapatid. Akala namin ay bukas pa sila makakarating dito. Uuwi na talaga ako at marami pang trabahong naghihintay sa akin.
"Kuya Harvey!" malakas na sigaw ni Jhovel at mabilis akong sinugod at pumasan sa likod ko.
"Get off me, you moron!" inis kong ani sa kanya.
Tawa lamang ng tawa si Orion na naupo sa lounger. Ako naman ay pilit kong inaalis si Jhovel na nakapasan sa akin. Nakakapikon na talaga ang isang ito. Ang sarap pektusan. In love kasi dati kay Hugo kaya ito ganito, pero in love naman ang kakambal ko kay Joyce. Bago pa man kami umanib nuon kay Marcus ay matagal na niyang gusto ang kakambal ko. Mukha ni Hugo ang nakikita niya sa mukha ko kaya ako ang lagi niyang napagti-tripan.
"Jhovel, bumaba ka nga diyan. Huwag mong pahirapan si Harvey. Isa pa ay baka makita ka ni Red. Tandaan mo, nagkasundo na kaming dalawa na ipapakasal kita sa kanya sa oras na tumuntong ka na ng twenty-five," wika ni Orion.
Bumaba naman ito mula sa likuran ko kaya umayos ako ng pagkakatayo at nag-inat pa ako. Ang bigat, masyadong nagpapahirap, sarap ihagis sa pool at lunurin.
"Hindi nga ako magpapakasal sa kanya. Wala akong plano at kahit na ba three years from now pa bago mangyari ang pag-uusap ninyo, hindi pa rin magbabago ang isip ko. Hindi ko pakakasalan ang pangit na lalaking 'yon," ani niya.
Ngumisi lang si Orion at tumingin sa akin sabay iling ng ulo nito. Lumapit ako sa kanya upang malaman ko kung bakit nandirito kaming lahat maliban lang kay Noah na may pinagdaraanan.
"Ano ba ang pag-uusapan natin ngayon dito? May lakad ako, kailangan kong sundan si Lyka. Ang alam ko ay may iniutos sa kanya si Marcus at kailangan ko siyang bantayan upang makasiguro ako na hindi siya mapapahamak," wika ko.
"Wala ka bang tiwala sa kakayahan ni Lyka? Baka nakakalimutan mo na isa din siyang magaling na assassin," ani ni Orion.
"Sa kanya, malaki ang tiwala ko, pero sa mga nakakalaban niya, wala. Nuong isang linggo, kung wala ako duon, baka patay na siya ngayon ng inakala niya na walang kasama ang lalaking pinatarget sa kanya ni Marcus. Nanduon ako, pinatay ko ang lalaking 'yon na sumunod kay Lyka at lihim na natutukan ng baril ang mahal ko. Nuong nakaraang taon naman, silang dalawa ni Janine. Kung hindi ko binaril sa braso ang humahabol sa kanila, baka napuruhan siya ng gabing yon. Pero sa tagiliran lang siya natamaan. Nanduon ako ng panahong 'yon na inaakala nila na nasa ibang bansa ako. Kahit papaano ay bumabalik-balik ako hanggang sa tuluyan na akong hindi bumalik dahil sa pakiusap sa akin na tigilan ko muna si Lyka kaya naglagi na lang muna ako sa England. Sinadya kong tutukan ng baril nuon ang judge para papuntahin ni lolo ang grupo ni Marcus upang muli kong makita si Lyka. Tumakas man ako pero nakasunod na ako sa kanya, at alam mo 'yan dahil kasama ko kayo," sagot ko. Natahimik siya at narinig ko na lang ang malalim niyang pag buntong hininga.
"Nandito kayo, kasi may ipapagawa ako sa inyong lahat. Ikaw Harvey, gusto kong pumunta ka ng Japan. Tignan mo ang larawan ng lalaking ito. Siya ang gumugulo ng dealings natin patungong Japan. Sakit na 'yan ng ulo ko kaya gusto ko, bukas na bukas din ay lumipad ka patungong Japan," wika niya. Kinuha ko ang inabot niyang larawan at pinakatitigan ko ito. Kinuha ko rin ang malaking envelope na naglalaman ng impormasyon ng lalaking ito at ipinaloob ko sa loob ang larawan nito.
"Makaka-asa ka na sa darating na araw ay wala ng manggugulo pa sa mga shipments natin patungong Japan. Kakausapin ko rin si Hakiro upang ipabatid sa kanya ang pagdating ko bukas," sagot ko kaya tumango siya.
Pagkatapos ay isa-isa na niyang iniabot sa mga kasamahan ko ang bawat envelope na may lamang impormasyon ng mga taong itutumba nila.
"Pwede na ba akong umalis? Kailangan kong sundan si Lyka," wika ko. Tumango siya kaya nagmamadali na akong umalis pero kasunod ko si Greg kaya nilingon ko siya.
"Saan ka ba pupunta?" tanong ko.
"Sasamahan kita, wala naman akong gagawin ngayon dahil bukas pa ang lipad ko patungong Thailand," wika niya kaya nagkibit balikat lang ako at sumakay na ako ng aking sasakyan. Paglingon ko sa likuran ko ay nakasakay na rin si Ynah at si Aja sa motor nila at nakangisi sa akin.
"Wala ba kayong ibang lakad? Tigilan ninyo ako, hindi circus ang love life ko para lagi ninyo akong panuorin," inis kong ani.
"Wala naman kaming gagawin ni Ynah kaya sasama na lang kami sayo, then inuman tayo mamaya sa bar nila Marcus," wika ni Aja. Napabuga ako ng marahas at wala na rin naman akong magagawa dahil kahit itaboy ko pa sila, susunod lang sila sa akin.
Buti na lang at may lakad pa sila Orion at ang kapatid niya kaya iwas sakit ng ulo ako ngayon. Mabilis ko na ring pinaharurot ang aking motor at kasunod ko lang sila sa likuran ko.
Nakarating kami ng Nueva Ecija. Lihim kong nilagyan ng tracker ang telepono niya kaya alam ko kung saan-saan siya nagpupunta kapag naka-on ang phone niya. Buti na lang at nalasing siya ng gabing 'yon sa resort ng kakambal ko, kaya ng hinanap nila ang phone ni Lyka ay simple ko 'yung naibalik sa table.
"Guys, diyan lang kayo. Baka makita kayo mabulilyaso pa ang pagsunod-sunod ko sa kanya," ani ko. Bumaba ako ng aking motor at maingat akong umakyat ng bakod. Sinilip ko kung nasaan si Lyka at nakita ko siya sa isang mataas na bahay sa bubungan na nakadapa at nakatutok ang rifle sa malayo.
Tinignan ko kung saan naka tutok ang kanyang sniper rifle at napangisi ako ng makita ko na mga drug dealer ito. Naupo ako sa ibabaw ng bakod at nangalumbaba ako upang panuorin ang gagawin ng babaeng mahal ko. Mayamaya ay bigla na lamang bumagsak ang isang lalake, tumakbo ang kasama nito pero segundo lamang ay bumagsak din agad ito na walang buhay. Sinilip ko si Lyka na nagmamadaling umalis kaya mabilis akong tumalon pababa ng bakod at bumalik ako sa mga kaibigan ko.
Tinignan ko ang phone ko, mabilis ang pag-usad ng arrow kaya sigurado akong sakay na siya ng kanyang motor. Napapangiti ako, napakahusay talaga ng babaeng pakakasalan ko pagdating sa labanan.
"Bulls eye?" tanong ni Aja.
"Siguradong bulls' eye 'yan!" sagot naman ni Ynah. Ako naman ay nakangiti at mabilis na sumakay ng aking motor. Tumingin ako sa kanila at tinignan ko rin kung anong oras na.
"Let's go, alas siyete na ng gabi. Mag dinner muna tayo bago tayo pumunta ng bar," ani ko at pinaharurot ko na muli ang motor ko upang bumalik na kami ng Manila.
Hindi nagtagal ay nakarating din kami ng Manila. Kumain muna kami sa isang mall bago kami nagtungo ng bar. Dito kami ngayon sa Oasis bar na pag-aari ng Venum Org. Dumiretso kami sa second floor, vip area dahil ang third floor ay sarado at okupado ng Venum group sa mga oras na ito. Hindi na kami nagpakita sa kanila, usually naman ay hindi kami nakikisalo sa kanila kapag nasa iisang bar kami, unless na lang ay iimbitahan kami ni Marcus na maki-join sa kanila.
"Aja, kuha ka ng maiinom natin, huwag mo na silang hintayin na lapitan pa tayo at mukhang busy pa ang mga waiter," ani ni Greg.
Napalingon ako sa may hagdanan ng makarinig ako ng taong tumatakbo. Napatitig ako sa babaeng napahinto sa pagtakbo patungong third floor at nagtama ang aming paningin. Agad din naman niyang binawi at mabilis na umakyat sa ikatlong palapag. Napangiti ako at sinundan ko na lamang siya ng tanaw hanggang sa tuluyan na siyang nawala sa paningin ko.
"Namumulaklak ang mga mata mo," ani ni Ynah. Natawa lang ako at nilaro ng dila ko ang loob ng labi ko habang hindi naaalis ang ngiti sa aking labi. Ang laki na talaga ng ipinagbago niya, mula sa simpleng babae na tuluyang nauwi sa pagiging isang matapang at mahusay na assassin.
"Kidnapin na lang natin," wika ni Greg.
"Baliw ka? Isang Lyka Sullivan, kikidnapin mo? May toyo ka na sa utak kung inaakala mo na kakayanin mo ang isang Lyka Sullivan," ani ni Aja na nakabalik na.
Hindi naman kumibo si Greg, napasandal lang siya sa kanyang upuan at natahimik na tila ba kay lalim ng kanyang iniisip. Alam ko naman na si Celestina ang iniisip niya. Ang nag-iisang babae na nagpatibok ng kanyang puso, ngunit pag-aari na ito ni Josh, ang pinaka magaling na assassin ni Marcus. Sa totoo lang ay hanga ako sa kakayahan ng lalaking 'yon, isang katangian na hindi kayang gayahin ng iba. Maging ako ay tunay na humahanga sa kanya, at napapabilib niya ako sa angkin niyang husay sa lahat ng bagay.
"Huwag ka ng mag-aksaya ng oras sa kakaisip sa babaeng 'yon dahil pag-aari na siya ng isang Morin, at nalaman ko rin na kasal na pala sila dahil kay Marcus," wika ko kaya napalingon siya sa akin.
"Tumahimik ka nga! Wala akong iniisip. Uminom ka na lang diyan, nandito tayo para uminom," wika niya kaya nagkibit balikat na lamang ako at tinungga ko na ang kopitang may lamang alak.
Hindi na ako nagsalita pa. Iniisip ko na lang si Lyka kung ano ang ginagawa niya. Ngayon tuloy ay ipinagdarasal ko na sana ay puntahan kami dito ng pinsan ko kung sakaling banggitin sa kanila ni Lyka na nandito kami upang pasamahin kami sa grupo nila na nag-iinuman. At least sa ganuong paraan ay makakasama ko siya.
Ang ganda mo talaga Kai, hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nagbabago. Hintayin mo lang mahal ko, malapit na at sisiguraduhin ko sayo na magiging masaya ka sa piling ko.