“Bakit walang katao-tao rito?”
Kanina pa ako paikot-ikot sa malaking bahay na 'to, bukod sa aming tatlo nina mayor at Arkia, wala ng ibang tao. Bakit kaya wala man lang katulong o kaya guard dito?
Gusto ko sanang tumakas, kanina ko pa binabalak tumakas, pero natatakot ako na baka biglang sumulpot si mayor o ang tauhan niya. Buti sana kung buhay ko lang ang nakasalalay, pati pamilya at mga kaibigan ko madadawit kaunting maling galaw ko lang.
Ibig sabihin mag-isa lang si Arkia rito? Grabe, kawawang bata naman. Mayaman nga ang Papa niya kaso mukhang hindi siya naaalagaang mabuti.
“Mama!”
Natigilan ako sa paghahalungkat ng pagkain sa ref nang marinig ko ang boses ni Arkia. Yumakap siya sa baywang ko habang tumatalon-talon. Napangiti na lang ako.
Sobrang cute niya, kung anak ko lang 'to baka ginawa ko ng kikay 'to. Pero sabagay, kahit ano'ng isuot niya ang cute niya pa rin.
Idagdag pa na kamukha niya si Mayor Arken, sana lang talaga 'wag siyang magmana sa Papa niya kapag lumaki na siya. Mala-anghel pa naman siya.
“Good morning, Arkia,” bati ko sa kanya saka bahagyang ginulo ang buhok niya.
“Mama, ang pretty mo po ngayong morning ah,” nakangiting sabi niya. Aba, marunong mang-uto ang batang 'to ah.
“Arkia, morning man, madaling-araw, tanghali, hapon o gabi, maganda talaga ako. Saka ikaw rin maganda ka, siguro dahil ako ang Mama mo,” sabi ko na lang habang nakahawak sa baba ko.
Nakikita ko na agad na lalaki siyang maganda, pero good luck na lang sa magkakagusto sa kanya. Mala-demonyo pa naman ang Papa niya, namamaril.
“Sabi na nga po ikaw talaga ang Mama ko,” sabi niya saka muli akong niyakap. Natigilan ako.
Hindi ko namalayan na nasabi ko pala na ako ang Mama niya, pero iyon naman talaga ang dahilan kung bakit ako nandito diba? Magpanggap muna raw ako na Mama niya sabi ni mayor. Kung ako ang papipiliin, ayaw ko talaga, kaso ayoko namang mamatay ng maaga.
“Ano'ng gusto mong kainin, Arkia? Kaso kaunti na lang ang laman ng ref,” sabi ko saka napakamot sa batok ko.
“Kahit ano po Mama, kahit milk na lang po at toasted bread,” sabi niya habang nakayakap pa rin sa 'kin.
Napahawak ako sa baba ko habang nakatingin sa laman ng ref. Hindi ko siya pwedeng pakainin ng tinapay lang at gatas. Breakfast is the most important meal of the day.
Ano ba 'tong naiisip ko? Pakiramdam ko tuloy Mama talaga ako ni Arkia eh.
“Gusto mo ng scrambled egg, ipapalaman sa tinapay? Masarap 'yon,” sabi ko saka nagtaas-baba ng kilay. Lumaki ang ngiti sa labi niya.
“Opo, Mama, gusto ko po 'yon!”
Kinurot ko ang cute na pisngi niya bago nagluto ng itlog saka nagtoast ng timapay. Nagluto na rin ako para sa sarili ko dahil hindi ako nakakakilos ng ayos kapag hindi ako nag-aalmusal.
“Mama, ano po ang name mo?” tanong niya. Natigilan ako, hindi niya pala alam ang pangalan ko.
“Jonalyn Macarios, Ayen ang nickname ko,” sagot ko naman.
“Wow, ang pretty po ng name mo, Mama.”
Napangiti na lang ako sa sinabi niya. Pakiramdam ko tuloy maganda talaga ang pangalan ko. Hindi ko talaga kasi masyadong gusto ang pangalan ko dahil common na.
“May kape ba rito ang Papa mo, Arkia?” tanong ko habang naghahanap sa cabinet.
“Meron po riyan si Papa na coffee beans, may coffee bean grinder din po si Papa. Kaso mapait po ang iniinom niyang kape baka po hindi niyo gusto.”
Napakurap na lang ako sa sinabi niya. Malamang hindi uso kay mayor ang mga instant coffee o yung tinatawag 3-in-1 coffee. Sosyal nga pala siya, ano ba 'yan? Mukhang kailangan kong magshopping request sa kanya, mahilig ako sa kape pero ayoko ng mapait na kape.
“Wag na nga lang, tubig na lang,” sabi ko saka napakamot sa batok ko. Napahagikhik naman si Arkia habang pinapanood ako.
“Okay, kain na tayo,” sabi ko at inihain na sa kanya ang tinapay na may palamang scrambled egg. Napapalakpak naman siya.
“Yehey! Thank you po Mama, you're the best,” tuwang tuwa na sabi niya. Napangiti na lang ako habang nakatingin sa kanya.
Kawawang bata naman 'to, ang bilis niyang matuwa sa lahat ng bagay. Halatang hindi siya masyadong hinahayaan ni mayor na gawin ang lahat ng gusto niya.
“Arkia, may itatanong ako sa 'yo,” sabi ko saka kumagat sa tinapay. Napatigil siya sa pag-inom ng gatas saka napatingin sa 'kin.
“Bakit wala akong nakikitang ibang tao? Ikaw lang ba mag-isa rito bago ako dumating?” tanong ko. Pinahid niya ang gatas sa labi niya bago ako sinagot.
“Opo, nagdadala lang po lagi ng food, toys, CDs at books dito ang tauhan ni Papa, saka po may driver na naghahatid at nagsusundo sa 'kin sa school. Tuwing gabi lang po nauwi si Papa kaya sa gabi lang po ako may kasama,” parang wala lang na sabi niya saka kumagat sa tinapay niya.
I sighed while staring at her. May kung anong humaplos sa puso ko habang nakatitig sa inosenteng mukha niya. Mas lalo akong naawa sa kanya. Pero bakit parang wala lang sa kanya na palagi siyang mag-isa?
“Hindi ka ba nalulungkot? Mag-isa ka lang dito palagi”"
“Hindi po, alam ko po kasi na busy si Papa palagi kasi po mayor siya. Sanay na rin po ako na mag-isa kaya po hindi ako natatakot, saka kasama ko po lagi si Lord. Binabantayan po Niya ang lahat ng tao, sabi po 'yon sa bible,” sabi niya saka uminom ng gatas. Napakurap na lang ako.
“Nagbabasa ka ng bible?” tanong ko. Ngumiti siya saka tumango.
Nahiya ako bigla sa sarili ko, nagsisimba naman ako tuwing linggo, pero hindi ako mahilig magbasa ng bible. Wala rin kasi kaming bible.
“Opo! Gusto ko po maging madre kapag lumaki na ako. Gusto ko pong magserve kay Lord habang buhay,” nakangiting sabi niya.
Nasamid ako sa sinabi niya. Ngiting ngiti siya na para bang pangarap niya talaga ang maging madre.
Kapag nagdalaga siya, mukhang maraming lalaki ang malulungkot kapag naging madre siya. Pero kung iyon naman talaga ang gusto niya eh, saka maganda nga iyon. Iaalay niya ang sarili niya sa pagsisilbi sa Diyos.
“Nasabi mo na ba 'yan sa Papa mo? Pumayag na ba siya?” tanong ko. Tumango naman siya.
“Sabi niya, ako raw po ang bahala, mas okay rin daw po iyon kasi sabi niya, ‘men are animalistic creatures’ kaya wag na raw po akong mag-asawa at magmadre na lang.”
Napangiwi ako sa sinabi niya. Bakit naman gano'n ang tinuturo ni mayor sa anak niya? Masyado naman niyang ginagawang man hater si Arkia.
“Arkia, may tanong pa ako.”
Ewan ko kung naiirita na si Arkia sa kakatanong ko, pero nakangiti lang siya sa 'kin kaya mukha namang hindi.
“Ano po 'yon, Mama?” magalang na tanong niya.
“Bukod sa gusto mong magserve kay Lord, ano pang dahilan mo kung bakit gusto mong maging madre?” tanong ko.
Pakiramdam ko hindi bata ang kausap ko ngayon, mukha naman kasing matalinong bata si Arkia, pero sabagay, matalino rin naman kasi si Mayor Arken.
“Gusto ko po kasing humingi ng tawad kay Lord para kay Papa,” nakangusong sabi niya. Napakunot ang noo ko.
“Bakit naman?” tanong ko pa.
“Kasi po bad guy si Papa, makasalanan po siya.”
Napakurap ako at tila hindi makapaniwalang napatingin sa kanya. Alam niya ang mga ginagawa ng Papa niya?
“Pinatay niya po ang nanny ko dati na nanakit sa 'kin, narinig ko po sa usapan nila ng bodyguard niya. Kaya po hindi na po siya naghire ng nanny simula no'n. Gusto ko pong humingi ng tawad kay Lord para sa mga kasalanan niya,” nakangusong sabi pa niya saka muling kumagat sa tinapay.
“Wag niyo pong sabihin kay Papa na alam ko 'yon ha, magkunwari na lang po tayo na hindi natin alam. Papa is kind naman po, kaso he already killed someone.”
Napabuntong hininga ako habang nakatingin sa kanya. Alam kong hindi madaling tanggapin para sa kanya ang totoong katauhan ng Papa niya. Kung sakaling ganyan ang tatay ko, baka naloka ako ng wala sa oras.
Nakatingin lang ako kay Arkia na abala sa pagkain at pag-inom ng gatas. Pakiramdam ko naubusan ako ng sasabihin, limang taon lang ba talaga ang batang 'to? Mas matured pa yata siya sa 'kin mag-isip.
“Mama, hindi ka po ba natatakot kay Papa?” tanong naman ni Arkia sa 'kin.
Napangiwi ako sa tanong niya.
“Ahm, hindi naman.” Takot na takot ako sa Papa mo, kung alam mo lang.
“Wow, mukhang love na love mo po talaga si Papa!” tuwang tuwa na sabi niya.
Ay nako, bawal ko siyang mahalin, Arkia. Ayoko pang mamatay.
“Ahm, parang gano'n na nga,” sabi ko na lang at napakamot sa batok ko.
Inasikaso ko na si Arkia pagkatapos naming mag-almusal. Napansin ko kay Arkia na sanay na siyang alagaan ang sarili niya, pero siyempre inasikaso ko pa rin siya. Gusto ko namang maramdaman niya na may kasama siya rito sa malaking bahay na 'to.
“Mama.”
Napatingin ako kay Arkia sa salamin habang tinitirintas ko ang mahabang buhok niya.
Malaki ang kwarto ni Arkia, marami siyang mga laruan at libro, pero ang makapal na bible lang ang nakalagay sa bedside table niya. Malinis ang kwarto niya at halatang marunong talaga siyang mag-asikaso sa sarili niya.
Mas lalo sigurong nakakalungkot para sa kanya ang mag-isa rito lalo pa't ganitong kalaki ang silid niya.
“Ngayon lang po natirintasan ang hair ko, ang galing niyo po,” tuwang tuwang sabi niya saka hinawakan ang nakatirintas niyang buhok. Napangiti ako habang nakatingin sa kanya.
Nakakaawa talaga ang batang 'to.
“Beh, dito ka lang sa kwarto ha. Try kong silipin sa labas kung nandoon ang Papa mo, wala na kasing laman ang ref natin eh,” sabi ko na lang matapos ko siyang tirintasan.
“Pinapayagan ka po ba ni Papa na lumabas?” tanong naman niya. Napakurap ako saka napakamot sa batok ko.
“Sisilip lang ako, sige, magbasa ka muna ng bible riyan o kaya maglaro.”
Lumabas na ako ng silid niya. Napailing ako habang nililibot ng tingin ang kabuuan ng bahay, nakasara ang makakapal na kurtina kaya madilim kahit tanghaling tapat. Ilaw sa chandelier at iba pang ilaw ang nagsisilbing ilaw sa bahay. Para bang bampira ang nakatira rito sa bahay. Napailing na lang ako, kaya pala ang puti masyado ni Arkia.
Kahit walang permiso ni mayor, ibinuka ko ang mga kurtina upang pumasok ang liwanag sa bahay. Wala naman siyang sinabi na bawal akong makialam sa mga gamit dito eh.
Binuksan ko ang malaking pinto na nagsisilbing main door ng bahay. Napangiti ako nang maramdaman ko ang hangin pagkabukas ko no'n. Grabe, pakiramdam ko ngayon lang ulit ako nakasagap ng simoy ng hangin sa loob ng ilang taon kahit wala pa kong dalawang araw rito.
Lumabas ako ng bahay, natigilan ako nang mapansin kong napakalawak ng labas ng bahay na 'to.
Napakamot ako sa batok ko. Sabi ni mayor bawal daw akong umalis dito ng walang permiso niya. Pero paano naman ako makakaalis dito? Ni hindi ko makita kung nasaan ang gate sa sobrang lawak ng lugar. Maraming halaman sa paligid at may malaking fountain sa gitna, iyon ang nagpaganda sa paligid.
Sa totoo lang hindi dapat bahay ang tinatawag ko rito kundi mansyon. Ganito ang mga mansyon na napapanood ko sa TV, mas malaki pa yata 'to.
“I told you last night that you're not allowed to go outside without my permission.”
“Ay kabayo.”
Napahawak ako sa dibdib ko dahil sa gulat nang biglang may magsalita. Gulat na napatingin ako kay mayor na nakatayo mula sa di kalayuan habang kasama ang bodyguard niya. Napangiwi na lang ako.
Naalala ko na naman tuloy ang nangyari sa eskinita.
“Paano naman po ako makakaalis dito, mayor? Mas malawak pa yata sa Caloocan City ang lugar na 'to,” bulong ko saka napaismid.
“Should I kill her?”
Nagtayuan ang mga balahibo ko sa tanong ng bodyguard niya. Ano ba naman 'yan? Pinanganak ba siya para patayin ang mga gustong idispatsa ni Mayor Arken?
Pero sa totoo lang gwapo rin itong bodyguard ni mayor, mukha lang talagang galit sa mundo.
Naglakad si mayor papalapit sa 'kin. Napalunok naman ako at napaiwas ng tingin sa kanya nang nasa tapat ko na siya.
Naamoy ko na naman ang mabangong amoy ni mayor, lalaking lalaki ang amoy nito at hindi masakit sa ilong. Gusto ko ngang hingiin ang coat niya, aamuyin ko lang.
Kaso paniguradong nabaril na niya 'ko bago ko magawa 'yon.
Hay, simula nang makilala ko ang totoong katauhan ni mayor, ang dali na lang para sa 'kin ang sabihin ang mga harsh words.
“Ahm mayor, pwede ko po bang makuha ang cellphone ko? Kasi po baka nag-aalala na yung kaibigan at amo ko. Hindi naman po ako tatakas, takot ko lang na mabaril 'no.” Binulong ko na lang ang huling sinabi ko.
Natigilan ako nang ihagis niya sa 'kin ang bag ko na bitbit ko noong gabing nakita ko sila sa eskinita. Akala ko tinapon niya na 'to, buti na lang hindi dahil nandito ang cellphone ko.
“S-salamat, ahm... Mayor, kaunti na lang ang laman ng ref. Saka gusto ko sanang mag-grocery ng mga personal necessities ko saka mga kape, wala rin akong damit, saka wala ba kayong wifi rito at--”
Naputol ang sasabihin ko nang mapansing malamig na nakatitig sa 'kin si mayor. Itinikom ko na lang ang bibig ko, hindi ko talaga makontrol ang pagdaldal ko minsan.
“You have to quit to all of your current jobs, you have to focus on taking care of my daughter.”
Natigilan ako sa sinabi niya.
“P-paano ako kikita ng pera?” nakakunot-noong tanong ko.
“Here's my card, buy whatever the f**k you want, go wherever the f**k you want, but you have to ask for my permission first.” Inabutan niya ako ng itim na card. Napalunok ako at nanginginig ang mga kamay na kinuha 'yon.
Totoo ba 'tong nahahawakan ko ngayon? Black card ba talaga 'to?
Pero ano'ng silbi nito? Hindi ako makakabili ng ukay-ukay at mga street food gamit ito? Wala ba siyang cash diyan?
UMALIS din agad si mayor pagkatapos niyang ibigay sa 'kin ang card at ang gamit ko. Hindi niya muna ako pinayagan lumabas ngayong araw, hindi ko alam kung bakit.
“Ano ba 'yan? Wala akong load, paano ko tatawagan sina Wrena?” Napakamot na lang ako sa batok ko.
Pero teka, bakit wala man lang texts at missed calls sa akin ang babaeng 'yon? Wala na bang pakialam sa akin 'yon?
Pupuntahan ko na nga lang siya bukas, pwede na raw akong lumabas bukas eh. Kaso dapat saglit lang dahil walang kasama si Arkia rito.
“Mama.”
Napatingin ako kay Arkia nang tawagin niya ako.
“Bakit Arkia?”
Napatungo siya habang may hawak ang barbie, tila ba nahihiya siyang sabihin sa 'kin ang pakay niya. Lumapit ako sa kanya at hinawakan ang balikat niya.
“May gusto ka ba?” tanong ko.
“Pwede po ba tayong maglaro, Mama?” tanong niya saka inangat ang barbie na hawak niya.
Natawa na lang ako at kinurot ang pisngi niya. Napakacute naman ng batang 'to, iyon lang pala ang kailangan niya hirap na hirap pa siyang magsabi.
“Oo naman, maglalaro tayo ng barbie. Pero teka, bakit ang simple naman ng damit ng barbie mo” tanong ko. Napanguso naman siya.
“Sabi ko po kay Papa ibili niya ng damit si barbie ko kaso nakakalimutan po niya.”
“Don't worry bebe, madali lang 'yan. May tahian ba kayo rito?” tanong ko. Ngumiti naman siya at tumango.
“Magtatahi tayo ng mga damit ng barbie mo, magaling yata manahi ang Mama mo,” proud na sabi ko. Kung meron man akong maipagyayabang, iyon ay ang namana ko ang galing ng nanay ko sa pananahi.
“Sige po! Yehey!” excited na sabi ni Arkia. Napangiti na lang ako habang pinagmamasdan siya.
Paano kaya kapag dumating ang araw na kailangan ko na siyang iwan? Sana dumating ang tunay niyang ina bago mangyari 'yon, awang awa ako sa batang 'to.
NANAHI kami ng mga damit ng barbie buong araw, halata namang nag-eenjoy si Arkia dahil magaganda ang mga damit na natatahi ko.
“Mama, ang galing mo po talaga! The best na Mama ka po talaga,” sabi ni Arkia at nagthumbs up pa sa 'kin. Natawa na lang ako at muling kinurot ang pisngi niya. Naging hobby ko na yata ang pagkurot sa pisngi niya. Ang cute niya kasi eh.
“The best talaga ako, kasi the best din ang anak ko,” sabi ko naman saka nginitian siya ng matamis.
Sige, paninindigan ko na lang muna ang pagiging Mama niya.
Pakiramdam ko tuloy mag-asawa kami ni mayor.
Natigilan ako sa biglang pumasok sa isip ko. Napailing na lang ako at mahinang sinampal ang sarili ko. Ano ba 'tong mga naiisip ko?
Hindi pwede, Ayen. Kung mahal mo pa ang buhay mo, 'wag kang magkakagusto kay mayor.
“Kumain na tayo, Arkia. Magluluto lang ako.”
Nagluto na ako ng hapunan namin ni Arkia. Niluto ko na lang kung ano ang meron sa ref. Napansin ko naman na hindi pihikan sa pagkain si Arkia kaya hotdog na lang ang niluto ko.
Pinagshower ko na rin siya pagkatapos naming kumain. Mukhang napagod siya sa tahian session namin kaya agad din siyang nakatulog.
“Where's Arkia?”
“Ay palaka.”
Napatalon ako sa gulat at napatigil sa paghuhugas ng plato. Napatingin ako sa pinanggalingan ng boses, natigilan ako nang makita si Mayor Arken na nakatayo ro'n at nakatingin sa 'kin.
“Tulog na si Arkia, napakain ko na rin siya. Ahm, gusto mo bang kumain, mayor?” tanong ko saka napakamot sa leeg ko.
“Follow me,” malamig na sabi niya saka agad akong tinalikuran.
Napabuntong hininga na lang ako at sumunod sa kanya. Pinangarap ko na magkaroon ng relasyon na ituturing akong reyna ng lalaking mahal ko. Paano kaya kung si mayor ang naging boyfriend ko? Baka pati pag-ihi, kailangan ko pang ipaalam sa kanya.
Napailing na lang ako, bakit ko naman magiging boyfriend si mayor? Nababaliw na naman yata ako.
Nagtaka ako nang pumasok kami sa malaking silid. Napakunot ang noo ko habang nililibot ng tingin ang kabuuan ng silid. Malaki ang kama ro'n at may couch din, parang nasa hotel room lang ako ng 5 star hotel na napapanood ko sa mga palabas.
Sa pagkakaalam ko ito ang silid niya.
“Ahm... bakit po, mayor?” tanong ko na lang habang panay ang tingin sa kabuuan ng kwarto niya. Nakakalula ang laki ng kwartong 'to, sadyang madilim lang, parang bampira ang nakatira rito.
“Call me Arken.”
Gulat na napatingin ako kay mayor. Nagbibiro ba siya?
Napalunok ako nang mapatingin sa seryoso niyang mukha. Mukhang hindi nga siya nagbibiro.
“B-bakit?” tanong ko.
“Call me Arken when Arkia's around but call me mayor when we're alone,” he said coldly while removing his coat.
Napalunok na lang ako at tumango. Ang lakas talaga ng dating niya sa suot niyang three piece suit. Hindi talaga siya mukhang mayor.
“Sige, punta na ako sa kwarto ko,” sabi ko na lang at akmang aalis nang magsalita siya.
“You'll sleep here.”
Pakiramdam ko natulos ako sa kinatatayuan ko dahil sa sinabi niya. Napakurap ako at muli siyang hinarap.
Ano raw?
“H-ha? Diba kwarto mo 'to?” nauutal tanong ko.
“Obviously,” he said with a hint of sarcasm.
“D-dito ako matutulog? K-kasama ka?” tila hindi makapaniwalang tanong ko.
Tumingin siya ng diretso sa mga mata ko bago sumagot.
“From now on, you'll be sleeping here with me.”