"Sa tingin ko nasa airport na sina kuya Leo, kuya Elijah, Jacob, Caleb, at Jude para sunduin si Rage," wika ni Janessa habang nagmamaneho.
Kami naman ay pauwi na sa Tarlac. Kakapasok lang namin sa NLEX at kasalukuyang nakatigil sa toll gate para sa RFID. Umangat iyong harang at saka na tumuloy sa pagmamaneho si Janessa.
"Baka mauna tayo ng kaunti sa kanila sa pag-uwi sa Tarlac. Tumawag kasi si kuya Leo sa akin kanina bago kita sunduin. Ang sabi niya six pm ang arrival ni Rage. Anong oras na?" ani Janessa.
Tiningnan ko ang oras sa aking gold Cartier wristwatch. "Six thirty na," sagot ko.
"Baka magkakasama na sila niyan," wika ni Janessa. "I-video call ko kaya si kuya Leo?" suhestiyon pa niya.
"’Wag!"
Nabulabog tuloy si Janessa sa aking naging reaksyon. Muntik pa niyang mabitawan ang manibela dahil sa gulat at gumewang ng kaunti ang sasakyan.
"Ano ka ba, Ysabelle! Nasa NLEX tayo! Ba't ka ba nasigaw!" saway ni Janessa sa akin.
Napangiwi naman ako sa kanya nang tingnan ko siya. "Sorry! Ikaw kasi, eh!"
"Anong ako! Kasalanan ko pa! Bruhildang 'to! Mamaya masagasaan tayo!"
"H-huwag mo na kasi silang tawagan. Makikita naman natin sila sa old house mamaya, eh," paliwanag ko.
"Eh, naninigurado lang ako kung kasama na nila si Rage at kung nagbi-byahe na rin sila pauwi."
"Huwag na, please. Sure ako magkakasama na sila niyan," pangungulit ko pa.
Huminga ng malalim si Janessa at nagpokus na ng maayos sa kalsada. "Alam kong nahihiya ka lang kay Rage, eh. Naiintindihan ko naman kung bakit."
Minabuti kong huwag nang magsalita pa at magbigay ng reaksyon. Dahil doon ay nagkaroon ng katahimikan at tanging ang engine lamang ng sasakyan ang naririnig.
Alam naman lahat ni Janessa ang dahilan ko kung bakit nagkakaganito ako kapag pinag-uusapan si Rage. Pakiramdam ko kasi ay ibang tao na ang makakaharap kong Rage mamaya. Naaalala pa kaya niya ako?
"Sigurado akong nakalimutan na niya ako, Jan," basag ko sa katahimikan.
"Paano mo naman nasabi?" aniya.
"Syempre, nasa London siya. Nagbago na ang pamumuhay niya. Sigurado akong marami na siyang nakilala doon at nakasalamuha. Baka nga hindi na niya ako pansinin," paliwanag ko habang nilalaro ko ang aking mga darili na nakapatong sa aking mga hita.
"Hindi ko naman yan masasagot, Ysa. Malalaman natin mamaya kapag nakauwi na sila sa old house. Ang isipin mo ngayon ay magpahinga ka sa bahay. Hindi mo ba na-miss ang buhay natin sa Tarlac?"
"Nami-miss naman," sagot ko. Sa tuwing naiisip ko ang buhay ko sa Tarlac, halos si Rage ang laman nito. Yung kaming dalawa lang...
Para bang siya na ang naging mundo ko simula noong kupkupin siya ni daddy. Hindi lang siya basta isang kuya sa akin. He was everything to me. Until he's not.
"Sigurado akong papasyalan nila kuya kasama si Rage yung pagawaan ng tela, rancho, at palayan kapag nakauwi na sila. I mean, sa mga susunod na araw syempre. At dahil matagal kang nawala sa atin, siguradong isasama ka nila," ani Janessa.
"Hindi ka ba sasama?" tanong ko.
"Hindi ako sure," sagot niya.
"Sumama ka, please," pagmamakaawa ko. Hinawakan ko pa ang braso ni Janessa at niyugyog iyon.
"Huwag ka nga magulo baka maaksidente tayo!" saway ni Janessa ngunit patuloy lamang ako sa pagyugyog ko sa braso niya. "Oo na nga! Kulit mong babae ka." I could tell she is so done with me. Pero wala siyang magawa dahil love niya ako.
Ngumiti ako ng malawak kay Janessa at saka na siya pinabayaan sa pagmamaneho. "Thank you!"
Hindi ko namalayang nakatulog ako sa byahe. Ginising na lamang ako ni Janessa at napansing nasa tapat na kami ng malaking puting old gate na sakto namang binubuksan ng aming isang caretaker na si Mang Carding.
Binuksan ko iyong bintana sa passenger's seat. "Mang Carding!"
Nagawi sa akin ang atensyon ni Mang Carding at saka pa niya inaninag kung sino ang tumawag sa kanya. Nang mapagtanto niyang ako ang tumawag ay ngumiti siya sa akin at nilapitan niya ako sa may bintana ng sasakyan.
"Ysabelle! Ikaw na pala iyan!" ani Mang Carding. "Kay tagal mong nawala rito sa atin! Sigurado akong matutuwa ang nanay Lita mo gayong nandito ka na."
Speaking of nanay Lita na asawa ni Mang Carding ay lumabas ito mula sa likod ng old house, marahil ay galing siya sa dirty kitchen kung saan gumagamit ng uling, kahoy, at malalaking kawa para sa pagluluto.
"Lita! Nandito na ang maganda mong alaga! Bumalik na siya!" sigaw ni Mang Carding sa kanyang asawa.
"Teka, ipapasok ko lang ang kotse, lumabas ka na muna, Ysa. Salubungin mo si nanay Lita," ani Janessa. Ginawa ko naman ang kanyang sinabi at saka ko niyakap si nanay Lita nang makalapit siya sa akin.
"Nanay Lita! Na-miss ko po kayo," saad ko sa aking nanay Lita na nag-alaga at nag-aruga sa akin noong pumanaw ang aking mama.
"Nako, ang alaga ko! Napakaganda mo lalo, anak!" mangiyak-ngiyak na wika ni nanay Lita. "Ang laki ng ipinagbago mo. Para kang model sa suot mo. Salamat at umuwi ka na sa atin," nakangiting saad pa ni nanay.
Tinitigan ko ang old house na tila napinturahan muli ng puting pintura. Sinisigurado kasi ni daddy na naaalagaan ang old house pati na iyong ancestral house.
Magsasalita pa sana ako nang marinig ko ang busina ng sasakyan sa aking likuran dahil nakaharang kami sa malaking gate.
Kahit nakatalikod ako ay kumalabog ang puso ko sa aking dibdib dahil alam ko na kung sino ang dumating.
Nandito na sila kasama si Rage...
Para akong maiihi sa sobrang kaba. Nanghihina ang katawan ko dahil naaligaga na naman ang mga paru-paro sa aking tiyan.
"Anak, tumabi ka muna. Naririto na sina Leo kasama ang kababata mo," excited na wika ni nanay Lita. Habang ako naman ay natuod sa aking kinatatayuan.
Kung hindi pa ako hinila ni nanay Lita para tumabi sa gilid ay hindi ako maaalis sa aking kinatatayuan. Idiniretso ni Leo ang sasakyan hanggang sa maiparke niya ito sa tabi ng sasakyan ni Janessa.
Lumapit si Janessa sa akin matapos niyang magpark. "Tara na, pumasok na tayo sa bahay. Sa loob na natin sila hintayin," aniya.
Hinila ni Janessa ang kamay ko na para bang bata ako na hindi alam ang gagawin kaya nagpatianod na lamang ako sa kanya.
Pumasok kami sa old house at napansin sina tita Valeria, Courtney, tita Claudia, tito Samuel, at tito Andrew kasama ang kanilang mga asawa na naghihintay sa sala habang ang iba sa kanila ay nasa dining area.
"Ysa, nandito ka na pala!" sambit ni tita Claudia nang makita niya kami ni Janessa na kapapasok lang. Lumapit si tita sa amin at saka niya ako niyakap. I hugged her back.
"Hello po, tita ganda," bati ko sa kanya bago ako lumayo.
"It's good to see you again. Look at you, napakaganda mong dalaga," ani tita. Pinanood naman kami nila tito Andrew at tito Samuel na may ngiti sa kanilang labi.
"You're a grown up now, Ysabelle," ani tito Samuel.
"Yes po, tito. Time flies so fast," nakangiti kong saad kay tito na nasa dining area at tinutusok ang mga prutas sa malaking glass bowl gamit ang tooth pick na nakatabi rito.
Hindi naman kami pinapansin nila tita Valeria at Courtney na nakaupo na parang reyna at prinsesa sa living room. Umupo kami nila tita Claudia at Janessa sa sofa at matapos ng ilang minuto ay bumukas muli ang pinto. Pumasok sina Leo at ang iba pa.
“Welcome home, bro!” dinig kong saad ni Caleb sa may pinto.
Kumalabog na naman ang aking puso sa aking dibdib habang isa-isang pumapasok ang mga pinsan kong lalaki sa loob ng old house, hanggang sa huling pumasok si Rage.
Tita Claudia stood up and went to Rage to hug him. My two uncles hugged him too and patted his back.
"..good to see you again, Rage," dinig kong saad ni tito Andrew habang nagkakamayan sila na may halong higpit.
"Same here, uncle," ani Rage habang nakangisi ito sa kanya.
Natulala na lamang ako habang nakatitig kay Rage. After ten years... he's finally here.
Hindi ko naiwasang pasadahan ng tingin ang kanyang kabuuan. He's wearing a white polo with long sleeves na nakatupi hanggang sa kanyang siko. Bagay rin sa kanyang polo ang light brown na pants at brown formal shoes niya.
Hindi ko alam kung ano itong nararamdaman ko. Naghalo-halo ang mga memories naming dalawa sa isipan ko at ang bagong Rage na kadarating lamang ngayon. Pilit kong pinag-iisa sa aking isipan ang old kuya Rage at ang bagong Rage ngunit hindi ko magawa.
Maybe... maybe the old Rage is gone after living in London for ten years. Maybe... he has forgotten about me…
Pilit kong iniisip na siya ang aking kuya Rage, ngunit bakit ganito? Bakit mas nangingibabaw iyong pagsidhi ng damdamin ko ngayong nakikita ko siya?
"...hindi mo ba papansinin ang kababata mo, Rage?" dinig kong saad ni nanay Lita kay Rage.
Mas lalong nagkagulo ang mga paru-paro sa aking tiyan sa aking narinig. Nagkagulo na rin ang aking isip at pati na ang puso ko na halos lumabas na sa dibdib ko sa sobrang kaba.
Napansin kong hinila ni Mang Carding si nanay Lita palapit sa kanya para tumahimik ito. Ramdam ko naman ang palitan ng tingin ni Janessa sa akin at kay Rage.
"Of course,” sagot ni Rage. “I do remember Mariya.”
Natigil sa pagbuga ng hangin ang aking baga dahil sa narinig mula kay Rage. Napansin ko namang napangiti sina nanay Lita at Janessa.
I looked at Rage.
And I realized that he was staring intently at me.
Not just that. He still calls me by my first name. No one has ever called me by my first name except for him dahil siya lamang ang pinahihintulutan kong tawagin akong Mariya simula pagkabata.