Heydrich Oxen Pria Ehrenberg’s Pov
Kasalukuyan akong inililibot ni Xan at Wayne sa buong Sierra City, ang kabisera ng buong Valier Kingdom at pinakasibilisadong lugar sa buong bansa, at hindi ako makapaniwala sa mga nakikita ko.
Maliban sa mga nagtataasang gusali na halos tumatakip na sa langit ay marami na ding kakaibang sasakyan na naglipana sa paligid.
Ang karamihan dito ay mga two seater car lang at bahagya itong lumulutang hanggang limang pulgada ang taas mula sa lupa.
Akala ko nga ay gumagamit ito ng mahika o kapangyarihan ngunit ang paliwanag ni Xan ay gumagana ang ganoong klaseng sasakyan dahil sa science na hindi ko na pinag-aksayahan pang pakinggan.
Wala pa sa kundisyon ang utak ko kaya nasisiguro kong hindi ko lang iyon maiintindihan.
Napansin ko din na halos karamihan sa mga taong naglalakad sa paligid ay hindi na gumagamit ng cellphone para tawagan ang kanilang gustong tawagan.
Ang nagsisilbi nilang cellphone ay ang suot nilang singsing kung saan naglalabas ng isang holographic screen na maaaring kontrolin gamit lang ang pagwe-wave ng kamay.
Hindi naman iyon nakakasagabal sa iba dahil makikita lang ang screen ng kani-kanilang device sa mismong harap ng owner nito kaya sa malayuan ay aakalaing may isinusulat lang sa hangin ang bawat gumagamit ng cellphone alternative na iyon.
High tech na din ang ibang mga establishments na nagkalat sa paligid. At mayroon na ding mga robot na mukhang mga tao na nakikihalubilo sa mga nasa paligid.
“Hindi ko akalain na ganito pala ang magiging hinaharap ng Valier.” Kasalukuyan kaming nasa isang restaurant nang maisipan naming kumain at nakaupo ako sa gilid kung saan tanaw ko ang mataong kalsada. “Makabangong-makabago ngunit walang mga bampira.”
Isang hinaharap na hindi ko kailanman inakalang mangyayari.
“Payapa, ngunit wala ang lahing kinabibilangan ng kalahating ako.”
“Isang lugar kung saan maaari kang mamuhay ng simple at normal,” sabi ni Xan. “Buhay na malayong-malayo sa kinagisnan mo noon. Buhay na ipinagkait sa iyo noon para sa iba’t-ibang dahilan.”
Hindi na ako sumagot.
Hindi ko naman pinagsisihan ang mga desisyong ginawa ko noon kahit pa marami itong ipinagkait sa akin.
Madami din naman akong natanggap kapalit ng mga sakripisyo ko kaya para sa akin ay tama lang din ang ginawa ko noon.
“Why don’t you stay and experience the life that you always want to have?” ani Xan. “Sa panahong ito, wala kang ibang iisipin kung hindi paano mag-adjust sa bagong panahong ito. Wala ka nang lalabanang bampira, wala ka nang ililigtas. You can be selfish all you want.”
“At alisin na nang tuluyan sa isip ko ang pagpapakamatay?”
Tumango siya. “Nagdesisyon kang mamatay na noon dahil sa pagkawala ni Tammy at dahil alam mong hangga’t nabubuhay ka sa panahon natin noon ay hindi matatapos ang responsibilidad na pilit iniaatang ng tadhana sa balikat mo. But now that everything changes, tingin ko naman ay oras na ito para isipin mo naman ang kaligayahan mo.”
Muli ay hindi ako sumagot dahil may punto ang sinasabi niya.
Pwede na nga naman akong maging makasarili sa pagkakataong ito.
Noon kasi ay hindi ko magawa dahil maraming buhay ang nakasalalay kapag sarili kong kagustuhan lang ang inisip ko. Marami ang posibleng magbuwis ng buhay kapag sinunod ko kung ano talaga ang gusto ko at tinalikuran ang tungkulin ko bilang half-blood vampire na nagtataglay ng pinakamalakas na kapangyarihan sa lahi namin.
Pero ngayong payapa na ang lahat, hindi ko kailangang alalahanin pa ang buhay ng iba. Hindi ko na kailangang isipin ang sarili nilang tadhana.
Bumuntong hininga ako at bumaling sa kanya. “Kung pagbabasehan ko ang mga sinasabi mo ngayon ay talagang iniiwasan mong tuluyan akong magpakamatay. Binibigyan mo ako ng mga options na alam mong posibleng hindi ko tanggihan.”
Napaiwas siya ng tingin sa akin. “It is not like that, Heyd.”
“Don’t worry, Xan.” Ipinatong ko ang kamay sa balikat niya. “You win this time.”
Bumaling siya sa akin at bakas sa kanyang mukha ang pagkagulat matapos kong sabihin iyon. “You mean--”
Tumango ako. “Magpapatuloy ako sa buhay.”
Isa lang naman ang dahilan kung bakit ginusto kong mamatay noon.
Alam ko kasing kapag namatay ako ay malaki ang posibilidad na ma-reincarnate ako at nagbabaka sakali na ang pangalawa kong buhay ay isang simple at normal na matagal ko nang inaasam.
Pero sa pagkakataong ito kasi, hindi ko na kailangang mamatay. Kusa nang ibinibigay sa akin ang buhay na pinapangarap ko at ayoko nang palampasin pa ito.
Baka kasi mag-back fire pa sa akin kapag itinuloy ko ang nauna kong plano.
Iyon bang kapag namatay ako at ipinanganak uli ay hindi ko na makuha iyong mga pinapangarap ko dahil pinalampas ko na ang pagkakataong ito.
Kaya mas mabuti nang i-grab ang opportunity na ito.
Isa pa, naku-curious din ako sa pamumuhay ng mga mortal sa panahong ito. Gusto kong malaman at masaksihan ang mga pagbabagong naganap sa bansang ito mula nang mawala ang lahi ng mga bampira. Maging ang mga bagay at teknolohiya na bago sa panahong ito.
“Hey!” Pinitik ko ang noo ni Xan dahil hindi siya nagsalita matapos kong sabihin na magpapatuloy ako sa buhay.
Nanatili lang siyang nakatitig sa akin at hindi umiimik.
“Xan!” Inis ko na siyang sinampal at doon lang siya natauhan.
Ngunit isang masamang tingin ang ibinigay niya sa akin habang hawak ang kanyang pisngi. “Bakit ka nananampal?”
“Aba’y kanina pa kita kinakausap pero nakatulala ka lang sa akin,” inis kong sabi. “Kabigla-bigla ba talaga ang naging desisyon ko?”
Tumango siya. “Akala ko ay kakailanganin pa kitang kumbinsihin ng matagal para lang itigil mo na ang pagpapakamatay mo.”
Tumangu-tango ako. “Point taken.” Basta kasi nagdesisyon ako ay talagang pinaninindigan ko. “Pero mukhang nakalimutan mo din yata ang ugali ko na agad gina-grab ang isang pagkakataon na magbibigay sa akin ng mga ninanais ko.”
Hindi na siya sumagot pa at bigla na lamang akong niyakap.
Agad nga sana akong kakalas ngunit narinig ko ang marahan niyang paghikbi kaya hinayaan ko na lamang muna siya.
“Matagal na panahon din talaga ang lumipas.” Bumaling ako sa maliwanag na kalangitan at ngumiti. “Marami nang nagbago sa paligid. But I am glad that I still have a chance to be with one precious friend that I have before.”
Masaya na din ako na makakasama ko si Xan sa panibagong buhay na mayroon ako ngayon.