Heydrich Oxen Pria Ehrenberg’s Pov
Si Wayne ang patunay na nagpatuloy ang angkan ng isa sa pinakamagaling na miyembro ng Vampire Hunter Association noong panahon namin. At hindi talaga iyon maipagkakaila.
Pero tingin ko ay hindi nakuha ng lalaking ito ang ugali ni Zeldrix dahil masyado itong pormal magsalita at hindi ko iyon nagugustuhan.
“Tigilan mo ang masyadong pagkapormal sa akin.” ismid ko. “Naaalibadbaran ako.”
Nag-angat siya ng ulo at bakas ang pagtutol sa sinabi ko. “Pero--”
“I am not asking you, Wayne.” madiin kong sabi. “I am ordering you. Drop the honorifics and just call me Hope. Kung hindi mo kayang gawin ang bagay na iyon, maaari ka nang umalis.”
Natigilan siya at bakas pa din sa mga mata niya ang pagtutol ngunit bumuntong hininga nalang siya pagkuwa’y muling yumuko. “If that’s what you want. Hope.” Tumayo na siya at muling bumuntong hininga tsaka inasikaso ang tsaa na iinumin namin.
Ibinalik ko ang tingin kay Xan. “Kung namatay si Kei at ang tatay ko dahil sa sakim na bampira, ano naman ang nangyari kay Graysean, Wain at sa mga nakabilang sa squad ko noon?”
“Nanatili si Wain sa panig ng mga mortal dahil na rin sa huling bilin ni Kei sa kanya bago siya mamatay.” sagot nito. “Ito ang muling nagtaguyod sa mga natitirang mortal at gumabay sa itinalagang pinuno kaya naman kahit paano ay nakabawi din ang Valier sa epekto ng malakihang digmaan na naganap.”
“Si Graysean?”
Umiling siya. “Nang mamatay si Keliar, agad itong bumalik sa Hope Island upang siguruhin ang kaligtasan ng mga kapatid mo at mula noon ay wala na din akong balita sa kanya.”
“Then, posible ba na buhay pa din sila?”
Nagkibit balikat siya. “Hindi ko masasabi iyan dahil halos isang libong taon lang naman tumagal ang panggugulo ng panig ng sakim na bampira. Bigla nalang itong tumigil sa pagpaparamdam sa buong bansa kaya ina-assume ng lahat noon na may nakatalo dito o nakuha na nito ang pakay.”
“At mula nang maging mapayapang muli ang Valier, hindi pa din nagpapakita o nagpaparamdam man lang ang mga kapatid ko?”
Tumango siya. “Pumunta na din ako ng Hope Island pero wala akong nakita na kahit anong bakas nila.”
Naupo ako sa sahig at malalim na nag-isip.
Kung pagbabasehan ko ang ibinilin ni Papa bago nila ako patulugin, inaasahan na nila ang pagkabuhay ng bampirang may higit na kapangyarihan kaysa sa kanila at higit na kasakiman kaysa kay Kresha.
Alam nilang kapag sinunod nila ang kagustuhan kong mamatay ay tuluyan na ding maglalaho ang kapangyarihang tinataglay ng isang half-blood na nagmula sa angkan ng Ehrenberg.
At hindi pa sila handang mawala ang kapangyarihang iyon sa panig nila.
Pero hindi ko maintindihan kung bakit hindi nila ako ginising noong mga panahong kailangan nila ako? Bakit hindi noong mga panahong paubos na ang lahi ng mga bampira at nahihirapan na ang mga mortal na muling makabangon? Bakit ngayon kung kailan tuluyan nang naubos ang lahi namin at payapa na ang buong Valier Kingdom?
“Hindi ko din masasagot ang mga bagay na gumugulo sa iyon ngayon, Heydrich.” sambit ni Xan na ikinalingon ko sa kanya. “Hindi ko din naman alam kung ano nga bang dahilan kung bakit hinayaan ka nilang matulog sa loob ng mahabang panahon at hindi na nag-abala pang gisingin ka noong mga panahong nauubos na ang lahi natin. Pero nangako si Leora na mag-iiwan siya ng isang bagay kung saan iiwan nila ang lahat ng impormasyong kailangan mong malaman.”
“At nasaan ang bagay na iyon?”
Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko din alam.”
Napakamot ako ng ulo at masamang tingin ang ibinigay sa kanya. “Ang sarap mong sapakin noh?”
“Aba’y nagpresinta lang naman akong hintayin ang paggising mo dahil mukhang inaasahan din ni Kelliar na magigising ka kung saan iba na ang sibilisasyong iyong mabubugaran.” depensa niya. “At gusto nilang may mag-guide sayo sa panibagong buhay at paligid na bubungad sayo.”
Huminga ako ng malalim at inisip ang mga posibleng dahilan kung bakit sa panahong ito ako nagising gayong payapa na ang lahat at hindi noong nagkakaubusan na ang lahi ng mga bampira.
Pero ilang sandali lang ay inis ko ding ginulo ang buhok ko dahil wala namang pumapasok sa utak ko.
Ito yata ang isa sa epekto ng pagkakatulog ko sa loob ng dalawang libong taon. Humihina na ang utak ko.
Though, pwede naman akong bumalik nalang sa pagtulog. At sa pagkakataong ito, pwede ko na ding ituloy ang plano kong pagpapakamatay na naudlot lang dahil sa hindi ko malamang plano ng pamilya at kaibigan ko.
Pero nilalamon ako ng kuryosidad kung ano ang dahilan nila. Maliban pa doon, gusto ko ding malaman ang pagbabagong naganap sa buong Valier.
Bumaling ako kay Xan. “Since I am already here, alive and awake, I want to use this opportunity to learn what is new in this civilization.”
Nakita ko ang pagkislap ng mga mata ni Xan nang marinig ang sinabi ko. “T-talaga?”
Tinaasan ko siya ng kilay. “Bakit? Inaasahan mo bang babalik nalang ako sa pagtulog at tuluyan nang mamamahinga habang buhay?”
Tumango siya. “I know you. Ngayong payapa na ang Valier, alam kong iniisip mo na hindi na kailangan ng bansang ito ang presensya mo kaya naman pipiliin mo nalang na bumalik sa pamamahinga.”
“Iyan nga ang iniisip ko kanina,” sabi ko. “Pero ipagpasalamat mo nalang na mas malakas manghatak ang curiosity ko kaya ie-explore ko muna ang bagong panahong ito. Tsaka tayo mag-usap sa plano ko kapag na-bored na ako.”
“Heydrich…”
Napailing nalang ako nang makita kong halos maiyak na siya dahil sa sinabi ko.
Pero naalala ko, hindi ko nga din pala sila binigyan ng pagkakataon noon na makasama ako sa normal na sitwasyon kaya bumuntong hininga nalang ako at nilapitan si Xan.
Niyakap ko siya at doon tuluyang bumuhos ang luha niya na bahagya kong ikinatawa. “Hindi ko akalain na magiging iyaking bata ka.”
“I… I just miss you so much.” Hinigpitan niya ang yakap sa akin at hinimas ko na lamang ang likod niya.
Para sa akin kasi ay parang kahapon lang nang huli kaming magkita kaya hindi ko siya masyadong na-miss pero siya itong matagal na naghintay sa akin ay hahayaan ko siya sa mga trip niyang gawin ngayon.