Chapter 1
Heydrich Oxen Pria Ehrenberg’s Pov
‘When the right time comes, the half-blood vampire will wake up and once again, she will save this country from the cruel and greedy women who are planning to conquer not only this country but the whole world using some modified creature.’
“Iyan ang huling sinabi ng iyong ama matapos kang patulugin ni Graysean at i-sealed ang kabaong pinaglalagyan sayo,” sabi ni Xan habang tinutulungan akong ayusin ang mga gamit ko.
Dalawang libong taon.
Ganoon na katagal ang lumipas nang imbes na patayin ay pinatulog lang ako ni Graysean.
At wala akong kaalam-alam sa plano nilang iyon kaya ganoon nalang ang gulat ko nang bumungad sa akin ang mukha ni Xan nang imulat ko ang mga mata ko.
Kaya ngayon ay ipinapaliwanag sa akin ni Xan, ang nag-iisang nilalang na nananatiling buhay mula sa panahon ko, ang lahat ng napag-usapan nila noon nang sa gayon ay maintindihan ko kung bakit ako nananatiling buhay hanggang sa panahong ito.
Marami-rami na din ang nagbago sa paligid.
Sa tagal ba naman ng pagkakatulog ko, halos ibang sibilisasyon na ang bumungad sa akin.
Well, nananatili pa din namang pag-aari ng angkang pinagmulan ko ang Ehrenberg Mountain at nasa tuktok pa din nito ang mansion namin. Pero ang lahat ng nasa paligid nito ay tuluyan nang nagbago.
Mga nagtataasang gusali, mga daang halos nasa ibabaw na din ng lupa at masasabi kong tumaas na din ang populasyon ng mga mortal.
Maliban pa doon, wala akong maramdaman presence mula sa mga bampira maliban kay Xan.
Bumaling ako sa kanya. “Anong nangyari sa lahi ng mga bampira?”
“Isa sa angkan ng Sierra ang ipinanganak na nagtataglay ng malakas na kapangyarihang kayang lampasan ang kapangyarihan ni Kei at ng iyong ama.” aniya. “At taglay din ng batang iyon ang kasamaan at kasakiman sa impluwensya at kapangyarihan ni Kresha.”
“Muling sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga bampira at mortal?”
Umiling siya. “Sa pagkakataong iyon, nagtulong-tulong ang mga bampirang nasa panig pa din ni Kei, ang mga rouge at ang mga mortal laban sa pwersa ng batang Sierra na iyon.”
“And?”
Bumuntong hininga siya. “Pero tulad ng nauna kong sinabi, taglay ng batang iyon ang malakas na kapangyarihang higit sa sinuman.”
“Sinasabi mo bang natalo ng batang iyon si Kei at ang tatay ko na naging dahilan kaya tuluyang bumagsak ang buong Valier?”
Muli siyang bumuntong hininga at ginulo ang buhok tsaka naupo sa sofa. “Yes, iyan nga ang sinasabi ko,” aniya. “Natalo ng batang iyon ang lahat ng angkan, maging ang mga pinuno ng rouge na naging dahilan ng tuluyang pagbagsak ng lahi ng mga bampira.”
Kumunot ang noo ko. “What do you mean?”
“To be honest, hindi ko din talaga alam kung ano ang plano ng batang iyon at ng mga pumapanig sa kanya ngunit nang mamatay si Kei at ang tatay mo, maging ang bawat pinuno ng pitong angkan ng bampira ay tumigil sila sa malawakang pag-atake.”
Ibig sabihin ay tanging ang lahi lang ng mga bampirang hindi pumapanig sa kalaban ang planong pabagsakin ng batang iyon. Dahil tanging mga mortal nalang ang nabubuhay sa panahong ito eh.
“Ikaw nalang ba ang nag-iisang bampira sa panahong ito?”
Nagkibit balikat siya. “Sa hindi maipaliwanag na dahilan, hindi magawang pasukin ng batang iyon ang Ehrenberg Mountain maging ng mga kapanalig niya kaya naman naging takbuhan ng mga bampira ang lugar na ito. Pero habang lumilipas ang panahon ay isa-isa din silang umaalis at muling lumalabas.”
“Nagbabakasakali na muli nilang makamit ang kalayaang ipinagkait sa kanila ng sakim na bampira.”
Tumango siya.
Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil naging proteksyon ng mga kalahi ko ang tahanan ng aking angkan kaya hindi sila agad naubos. Pero naiisip ko din na naging kulungan din nila ito dahil hindi sila makalabas dahil sa posibilidad na sila ay mamatay kapag nahuli sila ng mga kalaban.
“At dahil wala nang pag-asa ang bansang ito para sa lahi ng mga bampira, nagdesisyon ang marami na lisanin nalang ang lugar na ito.” dagdag pa niya. “Pero wala akong ideya kung nagtagumpay ba sila. Hanggang sa ako nalang ang naiwan sa mansion na ito, kasama ang angkan ni Zeldrix.”
Kumunot ang noo ko. “Nagkaasawa si Zeldrix?”
Bahagya siyang natawa sa naging reaksyon ko at umiling. “Hindi ba kapani-paniwala na magkakaroon ng asawa at anak ang lalaking iyon?”
“Hindi talaga kapani-paniwala!” mabilis kong sagot. “Sa pagkakakilala ko sa lalaking iyon, imposibleng may magkagusto sa kanya.”
“You are being mean, Heydrich.”
“Hindi kaya,” ismid ko. “Nagsasabi lang ako ng totoo.”
Aba’y hindi ko itatanggi na magaling sa pakikipaglaban si Zeldrix. Malaki ang naitulong niya noong nasa gitna kami ng digmaan. Naging mabuting kaibigan din naman siya sa akin at isang magaling na pinuno pero kailanman ay hindi ko siya na-imagine na mayroong asawa at anak dahil tanging tungkulin lang ang nasa isip niya noong mga panahong kasama ko siya.
“But seriously, may isang military officer ang nagkagusto kay Zeldrix,” sabi niya. “Lorika Tabitha ang pangalan. Nagkakilala sila nang i-assign siya ni Kei na maging training officers ng mga military recruit.”
Oh well, hindi man kapani-paniwala ay kailangan kong tanggapin ang katotohanang iyon dahil may ebidensiya naman na nagpatuloy ang angkan ni Zeldrix hanggang sa panahong ito.
Bumaling ako sa pintuan nang bumukas iyon at pumasok ang isang lalaking malaki ang pagkakahawig sa lalaking kanina pa namin pinag-uusapan.
Pumasok ito sa kwartong kinalalagyan namin na may dalang trolley na naglalaman ng tsaa at mga matatamis na pagkain
“He is Wayne Andrade.” ani Xan. “Galing sa angkan ni Zeldrix.”
Humarap sa akin si Wayne pagkuwa’y iniluhod nito ang isang tuhod at yumuko sa harap ko. “Tulad ng ipinangako ng aking ninuno, ipagpapatuloy namin ng aking kapatid ang paglilingkod sa nag-iisang half-blood vampire, Lady Heydrich.”
Bumuntong hininga ako.
Hindi nga mapagkakaila na galing sa angkan ni Zeldrix ang lalaking ito. Maliban sa kahawig niya ay hindi din nalalayo ang ugali kapag tungkulin na ang pinag-uusapan.
Ang kaibahan lang nito ay bakas ang pagiging seryoso sa lahat ng bagay, istrikto at hindi yata marunong ngumiti.