"SUNSET..."
Napakunot ang noo ko nang may tumawag sa pangalan ko. Boses lalaki iyon, pero hindi ko siya mabosesan nang husto dahil sa kadahilanang lutang pa rin ako hanggang ngayon.
Sa pagkakatanda ko ay umiinom lang kami ni Mark ng alak kahapon, tapos ay wala na akong maalala.
So, bakit kaya ay nandito na ako sa isang lugar na parang paraiso? Ang dami pang fog at ako lang mag-isa ang nandito. Hala, hindi kaya ay ito na ang langit? Foggy pala rito sa langit? Akala ko ay may sasalubong sa akin na mga anghel, pero ako lang naman ang mag-isa rito ngayon.
"S-Sino ka?" medyo natatakot na tanong ko. Hindi ko kasi sure kung nasa langit nga ba ako, or nasa ibaba.
Sana po ay langit ito. Naging mabait naman ako sa buhay ko kahit papaano, hindi ba?
"What are you thinking?"
Wait, 'yong boses. Ang lalim. Oh my gosh, sir Lean?!
Napalingon ako sa likod ko dahil doon nanggagaling ang boses ng lalaking tumawag sa akin, at napanganga ako nang makita ko si sir Lean na nakangiting naglalakad papalapit sa akin.
Nakasuot siya ng puting tuxedo at puti rin na pants habang may hawak-hawak siya na isang boquet ng puting rosas sa kanang kamay niya. Nakangiti rin siya sa akin ngayon kaya naman pakiramdam ko ay hihimatayin na ako on the spot.
Pero, teka, bakit naman ganoon? Bakit naman puro puti ang suot niya habang ako ay nakapantulog lang? Kung assumera lang ako ay iisipin ko na ikakasal na ako sa kan'ya, pero dahil medyo assumera lang ako ay medyo lang din ang pag-aassume ko.
Gusto kong tumili!
"It's nice seeing you here," aniya.
Kung isa lang akong ice cream ay natunaw na ako dahil sa titig niya. Feeling ko ay ang ganda-ganda ko!
Gumalaw tuloy ako na parang kerengkeng at akmang iiipit ko pa sana ang nagkalat na buhok ko sa mukha ko nang bigla niyang inilapit ang kanan niyang kamay sa mukha ko at siya na ang nag-alis ng buhok kong magulo rin katulad ko.
Fudge. Kasasabi ko lang noon na nakatatakot ang love, at ang feeling ng ma-inlove ulit, pero ngayon ko lang na-realize na hindi naman pala.
Hindi naman siguro, hindi ba?
Pero kung katulad ni Mark ang muli kong mamahalin, aba ay matatakot na talaga ako. Bukod sa nangyari sa past namin, ang mga lalaking katulad ni Mark, mahirap mahalin.
Mahirap kasi masyadong unpredictable ang mga kilos nila. Minsan ay ipararamdam nila sa iyo na mahal ka nila, tapos sa mga susunod na araw naman ay ayaw na nila sa iyo, at sa mga susunod na araw ulit ay lalandi na naman sila na para silang isang mushroom na bigla na lang nawawala at sumusulpot kung kailan nila gusto.
In short, pa-fall.
Ganoon si Mark.
At kahit papaano ay naaawa naman ako sa kan'ya dahil parang kailan lang ay ikinumpara ko siya sa isang peste, tapos sinabi ko pa na baka isa siyang ipis sa past life niya, tapos ngayon naman ay sinasabihan ko na siyang kabute sa mumunting utak ko. Saan ko naman kaya siya ico-compare sa susunod?
"You look pretty," pambobola ni sir Lean sa akin kaya naman ay nabalik ako sa reyalidad.
Hindi sana ako maniniwala, pero dahil kay sir Lean ‘yon nanggaling ay maniniwala ako. Marupokpok ako, eh.
"Thank you," nakangiting tugon ko at ngumuso pa ako nang kaunti.
Mabuti pa si sir Lean. Guwapo na, may abs pa, at Marketing Head pa! Pero bonus na lang naman iyon. Ang pinakanagustuhan ko lang talaga sa kan'ya ay ang pagiging competent at mabait niya.
Come to me, baby Lean. Char!
Teka, may abs din naman si Mark, ah?
Kung kanina ay lumalandi ako, ngayon naman ay nakakunot na ang noo ko dahil sa biglaang pag-epal ng konsensiya ko. Putik. May sapak na nga yata talaga ako sa utak. Kinakausap ko na ang sarili ko, shet.
"S-Sir Lean?"
Bigla akong nautal at namula dahil sa ginawa niya. Hindi ko man nakikita ang mukha ko ngayon pero nararamdaman ko naman na sobrang init ng balat ko, lalo na sa mukha ko.
Bigla ba naman akong niyakap ni sir Lean, eh! Shems! Ang biceps niya, mga sister! Ramdam na ramdam ko! Water, please!
"Sunset," bulong niya sa tainga ko habang nakayakap pa rin siya sa akin.
Shems, ang manly pa ng boses, mga sis. Parang si Johnny Bravo na talaga siya, pero mas hot version nga lang.
"Mahal pa rin kita," wika niya. Naramdaman ko sa likuran ko na binitiwan niya ang hawak niyang isang bouquet ng rosas upang mahapit niya pa ako nang husto mula sa pagkakayakap niya.
Nanlaki ang dalawang mata ko nang sabihin niya sa akin ang mga katagang 'yan. Hindi ko alam kung maniniwala ako sa sinasabi niya o hindi, pero mas gusto kong paniwalain ang sarili ko. May tiwala ako kay Sir Lean.
Kung panaginip lang 'to, ayoko nang magising.
Ramdam na ramdam ko pa rin ang mabilis na pagtibok ng puso ko dahil sa sinabi niya. Napapikit na lang ako dahil sa saya habang yakap-yakap niya ako.
"Mahal na mahal kita, Set."
Pero sabi nga nila, pagkatapos ng isang masayang panaginip ay susunod ang nakatatakot na bangungot. Napadilat ulit ako ng mga mata ko nang marinig ko ang tinawag niya sa akin.
Teka, Set? Isa lang ang tumatawag sa akin no’n, ah?
Bumitaw ako sa pagkakayakap ko sa kan'ya at itinulak siya nang bahagya para matingnan ko ang mukha niya... na sana pala ay hindi ko na lang ginawa dahil napamura lang ako matapos kong makita ang pagmumukha niya.
Parehas pa rin naman sila ng damit. Nakaputing tuxedo rin siya at puting leather shoes. Pero... bakit si Mark na 'tong nasa harapan ko?! Nasaan na si sir Lean?!
Ngumisi siya bago siya tumawa na parang timang habang nakatingin sa akin.
"Ano'ng mukha 'yan, Set?" tanong niya na parang hinahamak niya ako. "Akala mo ba ay ako 'yong bagong lalaki mo? Walang makakukuhang iba sa ‘yo mula sa akin.”
Inilapit niya 'yong mukha niya sa akin kaya naman agad akong humakbang paatras, pero huli na ang lahat dahil nahuli niya ang kanang kamay ko. Hinila niya ako papalapit sa kan'ya bago niya ako niyakap nang mahigpit.
"You're mine, Sunset," saad niya. "Only mine," dagdag niya pa... bago niya ako hinalikan nang marahan sa leeg.
Bigla akong napasinghap dahil sa ginawa— I mean, ginagawa niya. Kingina! Ano 'to, b.old?!
Hindi ako interesado!
"Tulong!"
Bigla akong napatayo mula sa pagkakahiga ko sa kama ko dahil sa kadahilanang bigla akong nagising. Takte naman! Hindi na yata panaginip 'yon, eh! Isa 'yong bangungot!
Tama, bangungot!
"Hala sis, ano'ng nangyayari sa'yo?! May masakit ba sa katawan mo?! Sagot!"
Agad akong napatakip sa tainga ko nang biglang sumigaw si May habang tumatakbo papalapit sa akin. Nadapa pa nga siya habang papalapit pero hindi na niya iyon ininda. Tumayo lang siya na para bang walang nangyari.
Gustuhin ko man siyang tawanan ay hindi ko magawa dahil masakit ang ulo ko. Pakiramdam ko ay pinukpok ako sa ulo nang seventy-seven times.
Kung bakit seventy-seven ang numero na pumasok sa isip ko ay hindi ko na rin alam. Pakiramdam ko kasi ay pinalakol ang ulo ko dahil sa sakit nito. Feeling ko ay mas gugustuhin ko pang tanggalin ang ulo ko at mamuhay na lang bilang isang pugot na ulo kung ganito lang din naman ang sakit nito.
"Teka, bakit ka nga pala sumisigaw?!" reklamo ko sa kan'ya. "Ang sakit kaya sa tainga! Hindi porke't sound proof ito ay sisigaw-sigawan mo na ako, ha!"
Etchoserang 'to!
Wait, etchosera? Bakit parang familiar sa akin ang word na iyon? At teka, ano nga pala ang nangyari? Bakit ang sakit naman yata ng ulo ko? Dahil ba sa panaginip ko?
"Aba naman, sis! Paanong hindi ako sisigaw, eh nauna kang sumigaw?! Ang sabi mo pa sa akin, 'tulong!' Nalasing ka lang tapos nagka-amnesia ka na?" reklamo niya rin sa akin at umupo na sa kama, dito sa tabi ko.
Kinuha niya sa side table 'yong kape na mukhang kanina niya pa hinanda at inabot iyon sa akin.
Agad ko naman 'yon ininom dahil bukod sa nauuhaw ako, bigla kong naalala na uminom nga pala ako kagabi at kakailangan ko ng hangover coffee.
"The best ka talaga, May," puri ko sa kan'ya bago ko ininom nang isang lagukan 'yong kape. Hindi na rin naman kasi siya sobrang init kaya naman ay kaya na ito ng dila ko.
Inirapan niya lang ako dahil sa sinabi ko. Aba, ang maldita niya ngayon, ah!
"Ano ba kasing trip mo sa buhay at bigla kang uminom? At hindi mo pa ako isinama, ah? Ang hina pa naman ng tolerance mo sa alcohol."
Hindi ko alam kung nagrereklamo ba siya sa akin or nagtatanong, eh. Or baka both?
"'Yong hinayupak na Mark na 'yon kasi, eh," reklamo ko pabalik. "Isa siyang malaking ipis."
Nagulat na lang ako nang biglang tumili si May nang madawit ko 'yong pangalan ni Mark sa usapan namin. Bruha talaga 'tong babaeng 'to! Hindi ba siya aware na may girlfriend na si Mark kaya naman ay hindi na puwede 'yong gan'yang mga reaksyon niya? Lokaret 'to.
"Hala, gagi! Spill! Ano nangyari sa inyo ni boyfriend mo?"
"Ex-boyfriend," I corrected her. "Sis, naka-move on na kaming lahat, ikaw na lang ang hindi."
"Tanga," pagmumura niya sa akin. Gaga 'to, ah! Umagang-umaga! "Sinong niloko mo? Ako? Wala kang maloloko rito? Naka-move on? Utot! Walang magmo-move on hangga't hindi nagkakabalikan ang MarSet!"
Napakunot ang noo ko. "MarSet?"
"Oo, Mark at Sunset! Ang witty ko, hindi ba? Ako kaya ang leader ng fans club niyo!"
"Fans club namin na ikaw lang ang member? Alam mo, gutom lang 'yan," natatawa kong saad sa kan'ya bago ko inilapag 'yong baso ng kape sa side table. "Matagal nang lubog 'yang ship mo, sis. Two years ago pa."
Dahil niloko niya ako. Period.
Kung alam mo lang kung gaano ko kagustong sabihin 'yan sa iyo, May, pero ayokong magkagulo-gulo pa rito. Saglit lang naman ako rito sa Pilipinas, eh, kaya bakit pa ako magkukuwento? Bakit pa ako manggugulo?
"Magkakabalikan din naman kayo, 'no! Nananalig ako roon, okay? Sa ngalan ni Sailor Moon at Sailor Venus!"
Hanggang pananalig na lang talaga siya. Magkakabalikan? Napangiwi ako at naramdaman ko rin ang kaunting pagkirot ng puso ko at the same time. Kahit yata sa panaginip ko ay hindi na 'yon mangyayari.
Kahit gustuhin ko pa… pero ayoko na.
Ayoko na.
"So, ano na nga ang nangyari? Spill! Spill!" Tinulak-tulak niya pa ako habang pinipilit niya akong magkuwento. Tingnan mo 'tong isang 'to. Mukhang mas excited pa siya kaysa sa akin, eh. Wala namang nakaka-excite roon sa nangyari kahapon.
To be honest, ang naaalala ko lang ay noong pineste ako ni Mark mula roon sa Crisso, 'yong talent scout daw pero mas mukha naman siyang scammer, at 'yong inaya ko siyang uminom pero isang soju lang naman ang ibinigay niya sa akin.
So, 'ayon. Dahil sa alam kong hindi rin naman ako titigilan ni May hangga't hindi ako nagkukuwento sa kan'ya ay ikinuwento ko na lang din sa kan'ya 'yong mga nangyari kahapon, except nga lang doon sa part na nag-inuman kami dahil wala akong maalala. Hindi ko rin alam kung bakit.
At ang reaksyon niya? Nagtititili lang naman ang gaga. Ang sakit sa tainga!
"O to the M to the G, as in OMG! Nakakikilig sis, nakakikilig!" tili niya pa habang hinahampas ako nang paulit-ulit.
Ang sakit, grabe! Ang lala na talaga niyang manghampas. Pakiramdam ko ay naging boksingero 'to noong nasa States ako, eh. Nililihim lang niya. Charot.
"Bes, masakit," reklamo ko sa kan'ya. "Masakit talaga. Mas masakit pa 'yong hampas mo sa akin kaysa sa hampas ng alak sa ulo ko, eh," naka-pokerface na wika ko habang hawak-hawak ko ang balikat ko na pinalo-palo niya.
Masakit na nga ang ulo ko, tapos lalo pang sumakit dahil sa tinis ng boses at kahahampas sa akin ng babaitang 'to.
"Hala, sis, sorry!" sabi niya pa sabay peace sign sa harapan ko. Pasalamat siya at cute siya sa buhok niyang mukhang dora the explorer!
At teka, pumunta siya sa unit ko habang nakasuot ng pajama lang at sando? Kakaiba rin talaga ang utak ng isang 'to. Kaya nagkakasundo kami, eh.
Tiningnan ko 'yong kanang braso ko na namumula na ngayon. Maputi kasi ako kaya mabilis akong mamula.
"Tingnan mo ang ginawa mo sa akin, oh," reklamo ko sa kan'ya bago ko siya sinamaan ng tingin. "Namumula na 'yong balat ko—"
Napatigil ako sa pagsasalita nang may mapansin ako. Agad akong napatingin sa katawan ko na nakabalot sa comforter ngayon.
Parang may mali, eh. Bakit ganoon?
"Oy, teh, ano? Natanga lang? Ano'ng nangyari sa'yo?" tanong sa akin ni May pero hindi ko siya pinapansin.
Inalis ko 'yong comforter sa katawan ko, at tama nga ako, may mali nga! Anak ng peste!
"What the hell?! Bakit naka-underwear lang ako?!"
Iyan na lang ang nasabi ko nang makita ko ang buong katawan ko na nakasuot lang ng underwear habang nakabalot sa makapal na comforter.