"AH, GANOON BA?" tanong sa akin pabalik ng babaeng matanda. Nakatingala siya sa akin nang bahagya dahil nakatayo ako at nakapameywang sa harapan niya, habang siya naman ay nakaupo katabi ni Mark. "Okay."
Sa totoo lang ay nadi-distract pa rin ako sa abs ni Mark nang bahagya, pero karapatan niya kung gusto niyang nakaganiyan ang suot niya. Beach naman ito. Puwede nga ako mag-two piece kung gugustuhin ko, kaya lang ay ayaw ko.
Ang hindi lang puwede ay 'yong basta-basta na lang may humahawak ng abs niya na para bang laruan iyon na ibinibenta sa toy store.
Pero, ano raw?
Napakunot ang noo ko nang marinig ko at ma-realize ko kung ano ang isinagot niya sa akin.
"Okay?" nagtatakang tanong ko.
Wow? So kung sakali palang... kung sakali palang boyfriend ko talaga 'tong si Mark in real life, wala pa ring paki 'tong isang 'to? Ayos, ah.
Nagpapasalamat na lang talaga ako sa mga seminars na napuntahan ko noon. Dahil sa mga seminars na 'yon ay talaga namang na-stretch ang pasensiya ko nang husto.
Kaya lang, sa dami ng nangyayari sa araw na ito ay malaki pa rin ang chance na maubos pa rin iyon.
"Oo, tama ang narinig mo. Okay nga ang sinagot ko," pagtataray niya pa pabalik sa akin at tumayo pa siya sa harapan ko, tila ay binabantaan ako sa presensiya niya.
Akala niya ba ay matatakot niya ako sa presensiya niyang iyan? I've handled the worst clients back in States. Walang epekto sa akin ang mga tingin niyang parang papatay dahil isa akong masamang d**o. Maging si Stacey nga ay na-handle ko, siya pa kaya?
"Bakit, ano ba ang ine-expect mong sagot ko, ineng?"
Ipinagkrus niya pa ang magkabilang braso niya sa harapan ko kaya naman ay napangisi ako habang nakapameywang. Alam kong Marketing Associate ako, at dapat ay maging mabait ako sa mga ahente at maging sa mga ordinaryong tao na rin, pero may exception ang kabaitan ko.
Dahil una sa lahat, hindi ko siya ahente, hindi namin siya kliyente, at kung sakali man na maging kliyente namin siya sa future ay hinding-hindi ko siya ie-entertain.
Pero, wait, ano raw, ineng?
"I-Ineng?" nauutal ko pang tanong, hindi makapaniwala dahil tinawag niya akong ineng. "Twenty-five na po ako!"
Nakakasama ng loob, ha!
Okay na sa akin ang tawagin akong nerdy, pero ang ineng ay isang malaking kalapastangan lalo na at pakiramdam ko ay magkasing-edad lang naman kami. Charot. Mas matanda siya, for sure.
Maging si Mark tuloy ay natawa dahil sa sinabi ng isang 'to. Ang offensive, ha! Dahil ba sa salamin ko ay hindi na ako mukhang twenty-five?
"Alam mo, ineng," paglilitanya niya bago siya bumunot ng kung ano mang maliit na papel sa loob ng wallet niya. Talagang pinangangalandakan niya na sa akin na ineng ako, ha! "Wala akong masamang intensiyon sa boyfriend mo, okay? Gusto ko lang siyang i-recruit."
Binigyan niya ako ng business card. Hindi ko iyon kinuha pero nabasa ko ang laman no'n. Totoo naman kaya 'tong business card na 'to? Hindi ako madaling magtiwala sa mga tao, eh. Lalo na sa mundong 'to kung saan ay napakaraming nagkakalat na scammer.
"Talent scout ako at naghahanap ako ng model," litanya niya. "Naisip ko na mukhang puwedeng maging model ng underwear itong boyfriend mo, pero kung gan'yan kakitid ang utak ng girlfriend niya, hinding-hindi talaga 'yan makahahanap ng trabaho."
I blinked my eyes twice. Ano raw? Ako pa ang makitid ang utak? Hindi niya ba makita na wala akong paki kung isa man siyang talent scout o kung ano man ang trabaho niyang talaga? Ang ipinaglalaban ko rito ay 'yong pangha-harass niya!
Sigurado na ako na ginagawa niya nga ito sa iba pang lalaki. Disgusting. Matanda na pero parang wala pa ring pinagkatandaan.
Saka, ano raw? Hindi makahahanap ng trabaho? Ano'ng tingin niya kay Mark, unemployed?
Teka, unemployed na nga ba si Mark ngayon? Hmm... hindi ko rin alam. Pero, wala naman doon ang point, eh!
"Sayang naman at sa'yo pa siya napunta."
Pakiramdam ko ay nag-init na talaga ang dugo ko nang marinig ko ang ibinulong niya. Pero, parang hindi na nga yata bulong 'yon, eh. Parang sinadya niyang hinaan ang boses niya para ako lang ang makarinig sa sinasabi niya. Parang inuubos niya talaga ang pasensiya ko na katiting na lang.
"Ano'ng sabi mo—"
"As much as I wanted to respect you, miss, I think that you're now crossing the line."
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang biglang tumayo si Mark at tinulak nang bahagya 'tong babaeng nasa harapan ko upang makapuwesto siya sa harapan ko, tila ay pinoprotektahan ako.
"What?" tanong niya na para bang hindi siya makapaniwala na sinasagot na rin siya ng lalaking minolestiya niya.
"I am not interested in modelling miss, lalo na ng mga underwear," sagot niya. "No offense, pero ang kaguwapuhan ko ay hindi available para sa harap ng camera," dagdag niya pa bago ako inakbayan.
Gusto ko sanang matawa at mainis at the same time dahil bigla-bigla na lang niya akong inaakbayan na para bang close kami, kaya lang ay sobrang seryoso niya noong sinabi niya 'yon kaya naman ay nanahimik na lang ako. Maganda rin naman ang hangarin niya na ipagtanggol ako, though kaya ko naman sanang sagut-sagutin ang babaeng 'to.
This position somewhat makes me calm. Standing behind him makes me at peace. His presence felt like home. His existence felt like... perfection.
To be honest, I miss him. I miss the old us. Kaya lang ay kahit ano'ng gawin ko ay hindi na 'yon mababalik pa.
"Isa pa," diniinan niya ang pagkakaakbay sa akin nang kaunti, "she's the best girlfriend that I ever had. Please don't ever talk like that in front of my girlfriend again. Hindi ko alam kung hanggang saan lang ang pasensiya ko ngayon."
Hindi ko na rin napansin na hinila na pala niya ako palabas ng bar, at nakuha na rin pala namin ang atensyon ng lahat ng tao roon sa loob ng Crisso.
"Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong niya sa akin. Hinawakan niya pa ang magkabilang balikat ko at iniharap sa kan'ya. "Dapat pala ay kinuha ko 'yong business card niya. Mukhang scammer ang isang 'yon, eh."
Kinaladkad ko siya papunta sa parking lot na malapit dito at pumunta na kami sa kotse niyang kulay pula.
At paano ko nalaman na ito ‘yong kotse niya? Simple lang. Kaming dalawa ang bumili nito noon. Noon, na naman. Tae, ba’t ba kasi ginagamit niya pa 'to? Napapabalik ako sa nakaraan eh.
"She's the best girlfriend that I ever had.”
Isang patak ng luha ang lumandas sa mga mata ko nang maalala ko ang sinabi niya kanina. Agad ko naman iyon pinunasan at iniangat ko ang tingin ko para hindi na tumulo pa nang tuluyan ang luha ko na nagbabadya na namang lumabas mula sa mga mata ko.
Nakaramdam ako ng kirot sa puso ko matapos kong maalala ang lahat ng nangyari sa amin noon. Mula sa panliligaw niya sa akin, hanggang sa naging kami. Kung paano namin pinagdaanan ang lahat ng problema namin nang magkasama, hanggang sa dumating din ang araw na napagtanto namin na hindi pala kami ang para sa isa't-isa.
Ang sakit lang kasi wala naman nang katotohanan ang mga bagay na iyon. I am the best girlfriend that he ever had? Eh, naghiwalay na nga kami. Alam kong dapat ay nagagalit ako ngayon dahil niloko niya ako, pero mas nangingibabaw sa akin ngayon ang pagsisisi. Pagsisisi na hindi ko ipinaglaban ang relasyon namin.
Paano kaya kung hindi ako pumayag na maghiwalay kami noon?
Paano kaya kung ipinaglaban ko siya at hindi ko siya tuluyang ibinigay kay Stacey noong mga panahon na iyon?
Paano kaya kung hindi ako umalis papuntang States noong araw na naghiwalay kami at noong namatay si papa?
Paano kaya kung nanatili ako rito sa loob ng dalawa pang taon? May magbabago kaya? Kami pa rin kaya hanggang ngayon?
"Aayusin ko na nga ulit 'tong damit ko. Ang lakas ko talagang maka-attract ng fans kahit saan ako magpunta," wika niya bago niya sinimulang ibutones ang polo niya.
Doon ko lang din naalala na basa na nga pala 'yong damit niya kaya naman ay kailangan na niyang magpalit. Kung 'yang polo pa rin niya ang isusuot niya ay baka magkasakit na talaga siya.
"Huwag mo nang isuot 'yan. Nabasa na 'yan, eh," sita ko sa kan'ya. Napatigil naman siya sa pagbutones niya ng damit niya. "Wala ka bang damit doon sa kotse mo? Palagi kang naglalagay ng extra na damit sa kotse mo, 'di ba?"
Napatingin siya sa akin dahil sa sinabi ko, at na-realize ko rin bigla ang sinabi ko noong napatingin siya sa akin. Old memories don't die talaga, ano? Buwisit.
"Ay, oo nga pala," sagot niya na parang ngayon lang din niya naalala na mayroon nga pala siyang extra t-shirt sa kotse niya. "Ang astig, ah. Natatandaan mo pa 'yon?" dagdag niya pa bago niya binuksan ang pintuan ng kotse niya at kumuha ng gray sweater doon.
That was the car that we bought a few years ago. Bayad na kaya ito ngayon? Sa tingin ko ay fully paid na 'to dahil nagagamit na niya nang maayos, eh. Noong umalis kasi ako papunta sa States ay hindi pa ito bayad nang buo, eh.
Si Stacey kaya ang nagbayad ng kabuuan nito? Kaya niyang bilhin kahit ang buhay ng tao dahil sa yaman ng pamilya niya, kaya naman sigurado na sisiw lang sa kan'ya ang mga bayarin katulad ng car loan.
Napayuko na lang ako. Ang pathetic mo, Sunset. Dalawang taon na ang nakalilipas, pero pathetic ka pa rin.
Hanggang kailan ka magiging gan'yan?
"Astig mo mukha mo," sagot ko na lang sa kan'ya bago ako naglakad paalis. "Umuwi ka na rin. 'Wag ka nang paggala-gala rito."
Napakatamad talaga ng isang 'to. Walking distance lang naman pero talagang nagkokotse pa siya. Sayang sa gas, saka baka maluma pa ang gulong ng kotse niya dahil idinadaan niya rito sa buhanginan.
"Hindi ka ba sasabay sa akin?"
Napalingon ako sa kan'ya... at pati sa suot niyang gray hoodie.
"Mark!" tawag ko sa kan'ya na naglalaro ngayon ng Mobile Legends. "Ay, naglalaro ka pala. Go lang, mahal. Mukhang rank iyan, eh."
"Salamat, mahal." Iyon lang ang sagot niya at ipinagpatuloy ang paglalaro niya.
Hindi naman ako baliw para awayin siya habang naglalaro siya. Isa pa, rank kaya iyon. Sayang naman kung mawawalan siya ng isang star dahil lang sa pangungulit ko. Umupo na lang ako sa tabi niya at nag-scroll sa sss ko habang pinagpapatuloy niya ang paglalaro niya.
Hindi ko rin kasi alam kung paano laruin 'yang ml, kaya kahit na panoorin ko siyang maglaro ay hindi ko rin talaga ma-appreciate. Minsan naman ay sumasama ako sa kanila ni Dale pero hindi rank. Doon lang kami sa Classic.
"Ano? Panalo?" tanong ko sa kan'ya noong itinabi na niya ang phone niya sa side table.
"Oo naman," sagot niya pabalik. "Kami pa ba?" dagdag niya pa saka siya ngumisi.
"Yabang, ah!"
Natawa naman ako roon.
"Anyway, tingnan mo 'to! Nakita ko 'to sa mall kanina, eh. Tapos bigla kitang naalala," sabi ko sa kan'ya sabay bigay sa kan'ya ng gray na hoodie.
Nasa three hundred pesos ito pero binili ko pa rin dahil gusto ko siyang bigyan ng regalo. Hindi naman kailangan na magkaroon ng okasyon para bigyan ko siya ng regalo, eh.
"At bakit mo naman ako naalala dahil sa gray na hoodie? Dahil gray ang buhok ko?" tanong niya.
Tumango ako. "Paano mo nalaman 'yon?"
"Siyempre naman," lumapit siya sa akin at ginulo ang buhok ko, "weird ka, eh."
"Aba, gago ka ha—"
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil bigla niya akong hinalikan sa labi.
"I love you."
"Ayaw mo sumabay?"
"Ha?"
Kanina niya pa ba ako kinakausap? Hindi ko namalayan. Naglakbay na naman kasi ang utak ko papunta sa ibang dimensiyon.
"Ang sabi ko, ayaw mo sumabay?"
Napairap ako. "Bakit ako sasabay? Ano ka, chicks? Baka kung ano pa ang gawin mo sa akin, 'no."
Abnormal talaga ang isang 'to. Mas gugustuhin ko pang maglakad! Malapit lang naman iyon, eh. Thirty minutes lang naman. Malapit na iyon para sa masisipag na tao kagaya ko.
"So, akala ko ba girlfriend kita? Tapos ayaw mong sumabay sa akin?"
Napakurap ako nang dalawang beses dahil sa sinabi niya. Ano raw? Girlfriend? Nahihibang na ba talaga ang isang 'to?
"Girlfriend? Sure ka riyan?" natatawang tanong ko. "Kahit sabihin mong magkadikit or magkahiwalay 'yang word na 'yan, hindi tayo 'yan. Girlfriend? We broke up years ago. Girl space friend? Mas lalong hindi! Hinding-hindi kita kakaibiganin."
Sumasakit ang ulo ko sa kan'ya. Asa naman siya na kakaibiganin ko siya? Kung babalikan ay puwede pa. Charot!
"Umuwi ka na. Sumasakit ang ulo ko sa'yo," litanya ko bago ako naglakad nang tuluyan papalayo sa kan'ya.
Dapat ko na talaga siyang iwasan. Hindi na healthy para sa puso ko ang maging malapit pa sa kan'ya, lalo na ngayon.
Lalo na ngayon na nagsisimula na namang mahulog ang marupok kong puso sa kan'ya.