NAMUMUGTO na ang mga mata ko kakaiyak at nagsisimula na rin siyang humapdi. Gusto ko pa sanang sulitin ang moment ng pag-iyak ko para na rin ma-realize ko sa sarili ko kung gaano ako kabobo dahil iniiyakan ko pa rin siya hanggang ngayon, pero wala akong choice kung hindi ang tumigil dahil may tumatawag sa phone ko.
“Ano ba ‘yan, panira naman ng momentum,” reklamo ko bago ako nagkamot ng ulo ko saglit saka ko tiningnan kung sino ang tumatawag.
Kaagad akong napabalikwas ng tayo nang makita ko kung sino ‘yon. Hala, ang prince charming ko pala!
Agad kong pinunasan ang luha ko at nag-ayos pa ako ng buhok na para bang makikita ako ni sir Lean kapag sinagot ko ang tawag niya.
Ini-stabilize ko pa ang boses ko habang ginagawang mic ang suklay ko. Baka kasi biglang mag-c***k ang boses ko mamaya kapag kausap ko na siya. It’s either dahil sa kilig or dahil sa pag-iyak ko kanina.
Pagkatapos no’n ay sinagot ko na ang tawag ni sir Lean. Baka kasi ay mainip na siya at magsisi pa bigla na tumawag pa siya sa akin, char.
“Hello, sir?” Nagpa-cute pa ako sa kan’ya kahit na hindi naman niya ako nakikita.
“Hi. How are you?”
Wait, ‘yong boses niya, natutunaw ako. Feeling ko isa akong yelo na kumekerengkeng.
Umupo ako sa kama at nilaro-laro ko ang dulo ng buhok ko dahil sa kilig. Hindi pa ako nakasagot sa kan’ya agad dahil kinilig muna ako at kailangan ko ‘tong pigilan.
Hindi naman ako ganito sa kan’ya kapag sa personal kami magkausap dahil kailangan kong maging professional. Baka bigla na lang ako kurutin sa singit ng co-workers ko kapag kinilig ako habang kausap ko siya, ‘di ba?
Ngayon na sa phone lang kami nag-uusap ay mas nailalabas ko ang pagnanasa, este, ang admiration ko para sa kan’ya.
Raile Leander Smith, or Lean for short, is my boss for two years in the States. Siya talaga ‘yong tipo ng boss na mai-intimidate ka pero at the same time ay kakakiligan ng mga kababaihan dahil una sa lahat, ang guwapo niya. Lalo na ‘yong blue niyang mga mata at jawline niya, naku, pamatay talaga! Siguro dahil na rin sa mahilig siyang mag-gym at dahil na rin half-half siya kaya naman ang ganda ng built ng katawan niya.
Iba talaga kapag imported, eh. Char, ginawa ko naman siyang aso dahil sa half-half na sinabi ko. Natawa tuloy ako bigla dahil sa iniisip ko.
“Sunset? Are you still there?”
“Sir yes, sir!” sigaw ko pero pakiramdam ko ay nagulat si sir Lean sa lakas ng boses ko. Ano ba naman kasi ‘tong utak ko, kung saan-saan nalipad! Manananggal ka, girl?
“I mean, I’m fine. I just went here,” I replied. Hindi ko alam kung bakit sa wikang Ingles ako kinakausap ni sir Lean ngayon, pero ayos lang naman. I can communicate in both languages naman.
Wow, feeling ko ang angas ko sa part na ‘yon, charot.
“I am not yet done packaging my things here since I had a hard time going here in the building where I am staying,” I explained as I stood up and turned on the air-con.
Ngayon ko lang kasi naramdaman ang init noong nasa tamang wisyo na ako. Hindi ko siya naramdaman noong umiiyak ako.
Hindi pa rin pala ako nagpapalit ng damit, kaya naman pala ako naiinitan.
“However, I already scanned the documents on the plane earlier. Don’t worry sir, you sent the right person. I got you. I got the company.” Nakangiti pa ako habang sinasabi iyon.
Hindi naman sa nagmamalaki ako, pero alam ko na maayos ako magtrabaho dahil na rin sa experience ko rito sa Pilipinas noon bilang isang Marketing Assistant, and Marketing Associate naman sa States.
Sa susunod ay ako naman na ang magiging Marketing Head, charot. Aagawan ko pa si sir Lean, ano? Pero nawa’y ma-promote ako kahit Marketing Manager. Goal ko talaga na umupo sa swivel chair tapos kagat-kagat ko ang ballpen ko habang may nagre-report na mga empleyado sa harapan ko.
Char, kagat-kagat talaga ang ballpen? Ang dugyot, ha. Baka naman nalaglag na iyon sa sahig tapos nangangatin ko pa after?
My gosh, I cannot. The contamination. Kung kanina ay nakangiti ako, ngayon naman ay nakangiwi na ako.
“I know,” he responded. Curious lang ako if nasa trabaho na siya kaya wala siya sa mood mag-Tagalog? “That’s why you’re the one the marketing department chose. You’re the best candidate.”
“Thank you for the compliment, sir.” Gusto ko sanang sabihin na ako lang ‘to, sir, pero hindi ko ginawa dahil una sa lahat, hindi ko sure if maiintindihan niya ba ‘yong punchline na ‘yon dahil sa Pilipinas lang naman ‘yon uso, at pangalawa, boss ko pa rin ‘to, ‘no.
Nakakausap ko man siya sa Tagalog, pero hindi ibig sabihin noon na puwede na akong mag-joke kung kailan ko trip.
“Anyway, how are you?”
I frowned. Natanong na niya ito kanina, ah? Lutang ba ‘tong si sir? Anyway, hindi naman ako nagrereklamo. Ang sarap kayang pakinggan ng manly niyang boses. P’wede na talaga siyang maging radio broadcaster kung ayaw na niyang maging Marketing Head, tapos bigay na lang niya sa akin ang posisyon niya, char only!
“As I mentioned earlier, I’m fine,” I replied. Bigla kong naramdaman ang pag-hapdi ng mata ko pagkatapos kong isagot iyon. Iyak pa more, tanga!
“No, I mean, you,” he said, shyly.
Hala, gusto kong tumili! Tama ba ‘yong nas-sense ko sa boses ni sir? Parang nahihiya at nag-aalala? Hala, sir naman, ‘wag naman paasa. Bad ‘yon. Baka umasa na lang ako bigla na crush niya rin ako, kaso feeling ko talaga kapag naging crush niya rin ako, mawawalan na ako ng feelings sa kan’ya. Hay.
“I’m… fine,” sagot ko naman.
Hindi rin kasi ako sure. Kakatapos ko lang umiyak. Ayos na ba ako after noon? Or more iyak sessions to come? Charot, ‘wag naman. Kawawa naman ang mga mata ko.
“I just hope that you didn’t encounter your stupid ex-boyfriend out there.”
I sighed.
Nangyari na, boss, gusto ko sanang sabihin. Sana lang ay ‘wag ko na talaga siyang makita ulit dito. Kung dito pa rin siya nakatira ngayon, I just hope na ‘wag nang magkrus muli ang landas naming dalawa. Tama na ‘yong kanina. Gusto ko lang naman ng promotion at ng mapayapang buhay. Sign ba ‘to na dapat ay hindi ko tinipid ang sarili ko?
“I didn’t.” I lied.
“That’s good to hear,” he answered, relieved. “I will hang up the call now. Do your best, Sunset,” he reminded me as he ended the call.
Gusto ko sanang kiligin pero mas naka-focus ang utak ko ngayon sa mga palpak na desisyon ko sa buhay. Bakit nga ba rito pa rin ako nag-stay kahit na alam ko na may possibility na rito pa rin siya nakatira? At hindi lang basta possibility, kung hindi isang malaking possibility.
Kahit naman papaano ay malaki ang Nasugbu, at may sasakyan naman ako rito dahil puwede akong magpasundo sa ibang employees ko na naka-assign din dito.
Alam ko naman ang pasikot-sikot ng Nasugbu kahit na marami na rin ang nagbago sa lugar na ‘to. Fast-learner naman ako kahit papaano kaya sigurado akong hindi ako maliligaw kapag gumamit ako ng Waze papunta roon sa site- ay, wala nga pala akong sasakyan! Assumera!
Hindi ko alam kung bakit, pero umaasa ba ako na makikita ko siya rito at magkakabalikan kami kung sakaling magkikita kami ulit? Talaga bang iniisip ko na wala nang epekto sa akin si Mark kung sakali mang magkakasalubong kami ulit?
Akala ko rin ay wala na, pero nagsisimula na namang manikip ang dibdib ko dahil lang sa simpleng pag-alaala ko sa kan’ya
Napakatanga ngang talaga.
Matapos ang dalawang oras ay natapos na rin akong mag-ayos ng mga gamit ko. Inilagay ko na rin sa study table ang laptop at ang mga dokumentong kailangan kong i-review.
Nawa’y maging successful ang expansion ng DLF rito sa Pilipinas. Siguro ay kapag may branch na kami rito ay sa akin na rin nila ito ipa-handle. Wala naman iyon problema sa akin dahil kung ako ang tatanungin, mas gusto ko sa Pilipinas dahil iba talaga kapag nakatira ka sa bansa na kinalakihan mo. Hindi ko nga lang sigurado kung gusto pa nga ba ng lugar na ito sa akin.
Isa pa, siya lang naman ang bukod-tanging kinaaayawan ko rito at si Stacey. Si Stacey na walang ibang ginawa kung hindi ang gamitin ang pera at impluwensiya niya para makuha lahat ng gusto niya sa buhay. Kaya nananatiling immature, eh. Magkaparehas lang naman kami ng edad pero ‘di hamak na mas mature ako kaysa sa kan’ya.
Anyway, nakakapanibago lang na wala siya rito ngayon. Dapat bantayan niya ang boyfriend niya kasi baka mapatay ko ‘yon bigla kapag binuwisit na naman niya ako, char not char.
INABOT na pala ako ng alas-singko sa pag-aayos pa lang. Nakapagpalit na rin ako ng damit dahil sobrang pawis na pawis na pala ako dahil sa suot ko kanina.
Nakasuot na lang ako ngayon ng pulang t-shirt at pink na pajama. Alam kong sobrang weird ng fashion sense ko pero mas gusto ko na magaan ang pakiramdam ko sa suot kong damit kaysa naman sa maganda nga akong tingnan pero hindi naman ako komportable.
Iyon na rin siguro ang dahilan kung bakit hindi ko masyadong gusto ang pagsusuot ng make-up bukod sa lipstick. Anyway, I don’t judge people who wanted to dress and wear make-up. It’s just not my cup of tea.
Sa pagod ko ay isinalampak ko ang sarili ko sa kama. Ang OA nga yata talaga ng bagahe ko. Feeling ko naman ay mamamasyal ako rito, eh ang pakay ko naman talaga rito ay mag-trabaho.
Bago ako tuluyang makatulog ay kinuha ko na muna ang phone ko at t-in-ext si mama. Nawala na sa isip ko ang i-update siya kanina dahil sa dami ng ganap. Nauna pa akong lumandi kay sir Lean bago kay mama. Sorry, mother dear.
Ma, I’m here na po. Kararating ko lang. Kain na po kayo ng breakfast, okay? I love you.
Matapos kong i-text si mama ay itatabi ko na sana ang cellphone ko para matulog pero may tumatawag na naman sa akin. Ang sakit pa nga ng ulo ko dahil sa jetlag at sa pag-iyak ko. Baka naman gusto muna nila akong pagpahingahin?
Tiningnan ko kung sino ang tumatawag. Ah, si May lang pala.
“Bakit?” Wala nang hello hello. Diretso na agad sa topic. Inaantok na ako, ‘no! Saka alam ko naman ang pakay niyan kung bakit ‘yan tumawag sa akin. Mag-aaya lang ‘yan sa Crisso!
Crisso ang paborito naming kainan ni May. Bukod sa masarap na ang pagkain, malapit lang iyon dito. At isa pa, unli-seafoods and desserts doon. Sulit na sulit! Kaya nga isa sila sa pinakadinadayo na kainan dito sa Nasugbu.
Ang alam ko rin ay competitor dapat ito ng kumpanya nila Stacey. Gonzales Foods Corporation o GFC naman ang pangalan ng kumpanya nila. Pero dahil in-acquire na nila ang Crisso at GFC na ang major shareholder nila, tinulungan nila ang Crisso para mas maging maganda pa ito at mas malakas. So, technically, tinutulungan ko ang kumpanya nilang lumago dahil doon ako kumakain madalas.
GFC is the most famous company in the food industry. Sa loob ng ilang dekada ay walang tumalo rito, at magpa-hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natatalo. They are still the best company, given Mr. Ramon Gonzales as the CEO.
I saw him a lot of times dahil ilang beses na rin siyang naging guest speaker sa seminars na pinuntahan ko noon. I can say that unlike her daughter, Ramon Gonzales was way more intimidating. Pakiramdam ko ay siya ‘yong tipo ng tao na ipapapatay lahat ng taong balakid sa pangarap niya.
Char lang, sa K-drama lang pala iyon nangyayari. Salbahe ang anak niya pero siguro naman ay mabait ang tatay niya. Siguro lang, kasi hindi ako sure, eh.
Pero sabi nga nila, ‘wag idamay ang pagkain sa anumang problema na kinakaharap natin sa buhay. Hindi ko naman kasalanan na sila Stacey na ang may-ari ng Crisso. Masarap naman talaga ang mga putahe sa Crisso, eh. Deserve nila ang number one spot dito sa Nasugbu.
If Mark’s father didn’t die before, maybe they also have the same popularity as GFC.
Fate really sucks, dahil kung kailan namin inakala na magiging maayos na ang buhay nila Mark dati, doon naman kinuha ang tatay niya. Mark believed that it was intentional. That someone killed his father because of their on-going business.
Hindi ko na lang siya sinagot doon noong in-open up niya iyon sa akin. I know how hard it is to lose someone you loved because I felt the same way when my father died. I didn’t know if kumusta na si Mark ngayon, pero nandiyan naman si Stacey para i-comfort siya. She stole Mark by being a b.itchy mistress, so dapat naman ay ayusin na niya ang role nila bilang bagong girlfriend.
“Hoy! Kanina pa ako tumatawag!” bungad sa akin ni May pagkasagot na pagkasagot ko ng tawag niya. Nakatatlong tawag na pala siya sa akin. Napatay ko pala kanina ang call niya pero hindi ko napansin. Sorry naman, nawili ako magmuni-muni.
“Nagsasalita ako kanina pa tapos nakapatay na pala ‘yong tawag, buwisit ka,” litanya niya pa kaya natawa na lang ako.
“Ano ba ‘yon? Yayayain mo akong kumain?” diretso kong tanong sa kan’ya.
“Aba, siyempre naman, ‘no!” excited niyang sagot. “May alam akong bagong kainan!”
“Wow, hindi na sa Crisso?” nagtatakang tanong ko naman. Bago ‘yon, ah. Ayaw na niya sa Crisso. “Pero okay, go lang ako. Basta naman pagkain, g ako. Anong oras ba?”
“For a change. Palagi na lang tayo sa Crisso,” paliwanag niya. “Mamayang alas-otso pa naman, sis. Alam kong pagod ka pa dahil kakarating mo lang so magpahinga ka na muna riyan.”
“Thanks.” Iyon na lang ang nasabi ko dahil sa ngayon ay dinadalaw na talaga ako ng antok.
“Kasama si Mark, ha! Tropa rin kasi ‘yon, eh,” sabi niya kaya naman nawala bigla ang antok ko.
“Ay sis, parang masamang-masama na talaga ang pakiramdam ko. Hindi na pala ako makakasama. Enjoy!”
Hindi ko na siya hinintay pang makapagsalita. Pinatay ko na ang tawag at saka ko ipinatong ang phone ko sa side table. Hindi nagtagal ay nakatulog na rin ako kaagad dahil na rin siguro sa jetlag ko.
“ANO BA?” reklamo ko noong may makulit na nagdodoorbell sa pintuan ko. Ano ba naman ‘yan, ang sarap ng tulog ng tao rito, eh!
Naiinis man ako ay tumayo ako sa kama para tignan sa peephole kung sino ang bumibuwisita sa akin, pero kaagad ko ring nailayo ang sarili ko sa peephole nang makita ko kung sino siya.
Mark? Siya na naman?!