Chapter 4 - Nakaraan

2230 Words
"HI," nahihiyang pagbati niya sa akin pagkabukas ko ng pinto. Hindi ko na nga sana siya pagbubuksan ng pinto, kaso naawa naman ako bigla at hindi rin naman ako ganoong klase ng tao, kahit pa sa mga tao na nakagawa ng kasalanan sa akin. "Hi?" nagtatakang ulit ko sa sinabi niya. Nakataas pa ang kaliwang kilay ko noong itanong ko iyon dahil nagtataka talaga ako sa asta niya ngayon. Katatapos ko lang umiyak kanina at nakatulog pa nga ako kahit na mahapdi ang mga mata ko dahil sa kan'ya, tapos ngayon ay magpapakita ulit siya sa akin? Aba, kasasabi ko lang na 'wag na siyang magpapakita sa akin, eh. "Sorry," sabi niya sabay kamot naman sa batok niya. "Kagigising mo lang 'ata." "Huh?" I even blinked twice when I asked that. Hindi ako nagulat dahil sa sinabi niya na mukhang kagigising ko lang dahil halata naman. Nagulat ako dahil nag-sorry siya. Si Mark? Magso-sorry? Hindi nga niya 'yon ginawa noong kami pa, eh. Pero wait, bakit nga ba ganito ang itsura ng isang 'to? Parang nakita lang ang crush niya na ewan. Gan'yan kasi siya umasta noong nanliligaw pa siya sa akin— wait, wait, bakit ko pa nga pala naaalala ang bagay na 'yon? Erase! Nagkakamot pa siya ng ulo habang nakatingin sa akin na parang nahihiya siya kasi nandito siya. May kuto ba siya? Saka, buti naman at may kahihiyan pala siya. Kulang nga lang, kailangan pang dagdagan. Malakas pa ang loob niya, eh. Kung nahihiya siya sa suot niya ngayon na puting polo shirt na may itim na polka dots at itim na pantalon, mas nahihiya naman ako sa suot ko. Pakiramdam ko ay may bad breath din ako at may mga muta pa sa mga mata ko. Pero, si Sunset yata 'to! Wala man akong hilamos, suklay, at kahit na kagigising ko lang ay maganda pa rin ako. Sige, teh, push mo 'yan! "Bingi ka ba?" tanong niya sa akin dahil sa sagot ko. Napakunot ang noo ko dahil doon. Aba! Nanggagago yata ang isang 'to, eh. Ang sarap-sarap ng tulog ko tapos manggigising siya. Sabi nga nila, magbiro ka na sa lasing, 'wag lang sa bagong gising. "Putangina ka ba?" nabubuwisit na tanong ko naman pabalik habang nakakunot pa rin ang noo ko at nakahawak ang kanang kamay ko sa doorknob. Hindi ko kasi gaanong binuksan ang pinto dahil baka biglang pumasok ang isang 'to. Siyempre naman, bilang isang dalagang Pilipina ay dapat mag-ingat ako. Weird man ang fashion sense ko pero maganda ako. Period! Tapon susi! "Ikaw yata ang bingi," pagbabalik ko sa sinabi niya sa akin. Hindi na kasi siya sumagot sa tanong ko. Nanatili lang siyang nakatitig sa akin. "Ang sabi ko, putangina ka ba? Ano'ng ginagawa mo rito? Paano mo nalaman ang number ng unit ko?" Napapalakpak ako sa utak ko dahil mabuti na lang ay hindi ako nautal, at na-manage ko 'tong abnormal na puso ko. Itong puso ko naman, ang harot! Parang gustong lumabas sa dibdib ko dahil sa titig niya, eh. Paano tayo magmo-move on niyan, ha? Akala ko ba hindi na tayo marupok? Cheater 'yan, bakit ka tumitibok ng abnormal para sa taong iyan, heart? Tanga ka ba? Ay, oo nga pala, tanga nga pala talaga ako. Literal na iniyakan ko nga pala siya kani-kanina lang, at two years ago, noong araw na nahuli ko siyang kasama si Stacey. S.hit, bakit ko 'yon naaalala? Ibinaon ko na 'yon sa limot, eh. "Pinasusundo ka ni May," wika niya sabay sandal sa pader. "Sabi niya ay kakain daw tayo roon sa bagong kainan. Ang sabi ko ay hindi na ako sasama pero gusto niyang kumpleto tay—" "Sinabi ko ba na mag-explain ka?" pagputol ko sa sinasabi niya sabay irap. Naiinis na naman tuloy ako. First day na first ko rito sa Pilipinas pero sinusubukan na agad ako ng tadhana. Sinusubukan nang husto ang pasensiya ko. "Hindi ako sasama, at wala akong balak, okay? Sinabi ko na 'yon kay May kanina kaya dapat ay hindi na niya ako pinipilit. Pagod ako ngayon kaya kung puwede, umalis ka na." Isasara ko na sana ang pintuan pero bigla akong may naalala. "Mark," tawag ko sa pangalan niya. Sa pangalan na ayaw ko na sanang marinig pa. "Alam mo naman kung ano ang nangyari sa ating dalawa, hindi ba? Hindi ka naman nagka-amnesia. For sure na tandang-tanda mo pa. Or kung hindi naman, gusto mong ikuwento ko sa'yo mula umpisa? Okay lang naman sa akin. Ano, gusto mo ba?" Ipinagkrus ko pa ang dalawang kamay ko sa harapan ko pagkatapos kong sabihin sa kan'ya 'yon. Kung may natutuhan man ako noong naghiwalay kaming dalawa, 'yon ay ang pagiging matapang ko. Kailangan kong maging matapang dahil wala nang magtatanggol sa akin ngayon kung hindi ang sarili ko. Nanatili siyang tahimik pagkatapos kong sabihin 'yon. Akala niya, ha! Buwisit siya! Pero, hindi ko inaasahan ang sunod niyang sinabi. "Ang pangit mo pa rin kapag nagagalit." Una sa lahat, wala man lang connect sa sinabi ko ang sinagot niya. Pangalawa, pinapainit niya hindi lang ang ulo ko, kung hindi ang buong pagkatao ko! Pakiramdam ko ay umuusok na ang ilong ko dahil sa inis. Kagigising ko lang! Bago ko pa siya sinimulang murahin ay naglakad na siya palayo sa akin. "Putangina mo, gago!" sigaw ko sa kan'ya habang pinanood ko siyang maglakad palayo sa unit ko. Pakiramdam ko nga ay may sixth sense ang isang 'to dahil pagkatapos ko siyang murahin ay itinaas niya pa ang kabilang kamay niya kahit na nakatalikod siya, tila ay kumakaway sa akin. Para bang narinig niya ako kahit na ang layo naman na niya sa akin. Agad kong isinara ang pintuan ko at noong ginawa ko iyon ay doon lang ako nagsimulang makahinga nang maayos. Pambihira! Akala ko ay mahihimatay na ako sa nerbyos ko! "Sunset, utang na loob, mag-move on ka na," sambit ko na lang sa sarili ko bago ako tuluyang nanghina at napaupo sa sahig. "Ikaw din naman ang mahihirapan, eh." Napabuntong hininga na lang ako. "SHET, ang init," reklamo ko habang nakatayo ako at nakatingin sa salamin dito sa unit ko. Dahil sa nabubuwisit ako ay naisipan ko na lang na kumain sa Crisso. Kung ayaw ni May na kumain doon dahil sawa na raw siya, puwes, ako gusto ko dahil na-miss ko ang mga pagkain sa Crisso. Nami-miss ko na ang paborito kong nilasing na hipon at ice cream! Tulad nga ng sinabi ko, si Stacey lang ang kaaway ko, hindi ang kumpanya ng pamilya niya. Masarap silang magluto, eh. Hindi madadamay ang pagkain sa galit ko. Promise iyan. Pero bago ko isipin ang pagkain ko, kailangan ko munang isipin sa sarili ko kung bakit puro sweaters ang mga nilagay ko rito sa maleta ko. Ang init pa rin pala sa Pilipinas. Akala ko naman ay malamig na dahil January naman na ngayon. Literal na katatapos lang ng new year, pero ang init. Or naiinitan lang ako dahil nasanay na ang katawan ko sa States kahit papaano? Ay, ewan. "Ay, ang cute!" puri ko sa sarili ko nang makita ko ang repleksyon ko sa salamin. Nakasuot ako kanina ng itim na sweaters, pero ngayon ay pinalitan ko ito ng pink na t-shirt na bumagay naman sa pink kong salamin at sa brown kong buhok na medyo kulot-kulot. Medyo kulot-kulot lang dahil hindi siya 'yong curly talaga. Slight lang. Sabi ng iba ay mukha raw akong nerdy, habang sinasabi naman ng iba na mukha raw akong titser dahil sa salamin ko, pero isa lang ang masasabi ko. Hindi basehan ang make-up at iba pang aesthetic sa katawan para masabi na maganda ang isang tao. Hindi ito ang magiging basehan para matawag ko ang sarili ko na isang magandang babae. Naniniwala ako na ang kagandahan ay nasa panloob at wala sa panlabas na anyo. Akala nila noong mga nakaraang taon ay babaguhin ko ang hugis ng katawan ko at ang pananamit ko para ipakita kay Mark na mali niya dahil iniwan niya ako at mas pinili niya si Stacey kaysa sa akin, pero hindi. Ito ang paraan ko ng pagmo-move on. May maganda akong trabaho, nabibili ko naman ang mga gusto namin ni mama kahit papaano, at payapa naman ang utak ko... pero sino ang niloko ko? Hindi ko lang alam kung paano ko siya iiwasan, lalo na ngayon na si May pa ang nagtutulak sa aming dalawa para magkalapit kami ulit. Kung may lakas lang siguro ako ng loob para sabihin kay May at Dale ang tunay na nangyari, siguro ay maiintindihan nila kung gaano kasakit ngayon para sa akin ang makita siya. Napabuntong-hininga na lang tuloy ako habang nakatingin pa rin sa salamin. "Kaya ko ito!" pagmo-motivate ko sa sarili ko at niyukom ko pa ang magkabilang palad ko. "Fighting!" Tatlong buwan lang naman akong mananatili rito. Pagkatapos noon ay aalis na rin ulit ako. Babalik na rin sa normal ang lahat. Makakalimutan ko na ulit siya. At itinataga ko sa bato st sa abs ni sir Lean, na oras na makabalik ako sa States, wala na ang natitira kong feelings para kay Mark. Masaya pa akong kumakanta pagkalabas ko ng pintuan. Inayos ko muna ang pagkakasara no’n bago ako tuluyang umalis. Siguro naman ay ayos lang kung lulubusin ko muna ngayon ang bakasyon ko. Char, hindi pala bakasyon ang ipinunta ko rito. May trabaho nga pala akong kailangang asikasuhin. Siguro ay bukas o sa makalawa ay aayusin ko na ang iba pang papeles para sa expansion. Pero habang hindi pa tuluyang nagiging hectic ang schedule ko sa ngayon ay magsasaya na muna ako. At hindi ko tatawagan ang pesteng si May dahil buwisit siya. Magsasaya ako mag-isa! "Oh, saan punta mo?" "Ay, palaka!" Napapitlag ako sa gulat nang may nagsalita sa bandang gilid ko. Punyeta, si Mark lang pala. Siya na naman! Wala na ngang ambag sa buhay ko, nanggugulat pa! "Ako, palaka?" tanong niya sa akin habang nakangisi. "Ang guwapo ko namang palaka." Nakatingala ang tingin niya sa akin dahil nakaupo siya sa sahig at ako naman ay nakatayo. Pakiramdam ko tuloy ay ang tangkad ko ngayon kahit na 5'4" lang naman talaga ang height ko at 5'8" naman siya. Higante! "Bakit nandito ka?" tanong ko bago ko inilagay ang kanang kamay ko sa beywang ko. "Sinong nagsabi na puwede kang umupo rito sa tapat ng unit ko?" Napangisi siya. Ang guwapo— este, ang gago. "Sino naman ang nagsabi na bawal umupo rito? Wala naman ang pangalan mo rito, ah. Mayroon ba?" Umasta pa siya na parang may hinahanap siya na pangalan ko sa sahig kahit na wala naman talaga. Napairap na lang ako. Basta talaga sa pamimilosopo ay magaling siya. Pero, kanina pa kaya siya naghihintay dito sa tapat ng unit ko? Halata, eh. Kumakain pa siya ng tsitsirya habang nakaupo sa sahig. Kung cup noodles lang sana ang kinakain niya, lalaglagan ko talaga 'yon ng barya. "Hoy, sagot," pangungulit ko noong hindi niya ako sinagot. Tatambay lang ba talaga siya rito? "Hinihintay kita. Okay na ba?" sagot niya sa akin bago siya tumayo. "Alam kong kakain ka dahil 'yon ang ginagawa mo kapag buwisit ka. Sigurado akong nabubuwisit ka sa akin ngayon, 'di ba?" "Ha?" Ano raw? Tinatanong pa ba 'yon? Matic na 'yon, 'no! "Tama 'yan." Tumatango-tango pa siya no'ng sinabi niya 'yan. Parang ungas. "Mabuwisit ka lang." Napakurap ako nang dalawang beses dahil sa sinabi niya. Talaga bang sa kan'ya pa nanggaling 'yon? Kahit hindi niya sabihin, buwisit talaga ako sa kan'ya! Sinasabi niya ba sa akin ngayon na alam niya na nabubuwisit ako sa kan'ya pero narito pa rin siya ngayon sa harapan ko? "Alam mo, ikaw," panimula ko. "Ginagago mo ako, ano? Umamin ka." Napakunot ang noo niya dahil sa sinabi ko. "Ha?" "Hatdog," pambabara ko. "Hindi mo kailangan sabihin sa akin na mabuwisit ako sa'yo. Kahit na lumuhod ka man ngayon sa munggo, hindi ko makalilimutan ang galit ko sa'yo. Lalo na sa asta mong iyan? Akala mo patatawarin kita? Hindi. Hinding-hindi." Hindi ko alam kung ano ang dahilan kung bakit pinepeste niya ako nang ganito, pero isa lang ang masasabi ko. Hindi na ako natutuwa, at ayokong umabot siya sa punto na makaistorbo na siya sa pagtatrabaho ko, at ayoko rin na magkaroon na naman ako ng feelings sa hunghang na 'to. Dahil itong puso ko, tanga 'to. Hindi lang pala tanga. Sobrang tanga. Hindi marunong kumilatis kung sino ang dapat niyang mahalin, at kung sino ang dapat niyang iwasan. Kung hindi ako gagawa ng paraan para protektahan siya, masasaktan na naman 'yan. Ayoko nang masaktan. "Sinasabi ko sa'yo, 'wag na 'wag mo akong susundan," pagbabanta ko sa kan'ya bago ako tumakbo palayo. Alam kong walang poise, pero ayokong makita niya ang luha ko na unti-unting tumutulo mula sa mga mata ko. "Maghiwalay na tayo." Napapikit ako nang mariin nang maalala ko ang mga katagang iyon. Bakit ngayon pa? "Mark naman! Sasayangin mo ba 'yong limang taon natin para lang sa babaeng 'yon?" S.hit. Hindi ako puwedeng umiyak. Ayoko. "Bakit? Dahil ba maganda siya? Mayaman? Maimpluwensya? Tapos ako, ganito manamit? Kailangan kumayod para may allowance? Pangit?" "Oo." Napatigil ako sa paglalakad bago ako bumuntong-hinga. Dalawang taon na ang nakalilipas, pero naaalala ko ang lahat na para bang kahapon lang iyon nangyari, habang si Mark naman, umaarte na para bang walang nangyari. Putangina, paano kaya iyon? Kasi, putangina, sana all, hindi ba? Dahil hanggang ngayon, hindi ko pa rin mapakawalan ang nakaraang iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD