Continuation....
Tanghaling tapat na. Nang natapos ang aking klase, agad akong dumiretso sa mansion ng Santibañez. Sa sandaling ito, nasa harapan na ako ng gate nila. Mula rito sa kinatatayuan ko, hinding-hindi mo makikita ang mansion sa loob. Pinalibutan kasi ito nang matatataas na pader na gawa sa mamahaling semento. Iba!
“Bata, bawal ka rito,” sita ng isang guard. Pinakitaan pa niya ako ng batuta.
Lumapit ako sa kanya. “Pasensiya na po, chief. May tanong lang po ako, nandiyan po ba sa loob si Tiyo Kokoy?”
“Oo, ikaw ba iyong binatilyong si Lakas?” tanong niya.
Ipinakita ko ang ID ko. “Yes po.”
“M-Mag-a-apply ka ng hardenero?!” gulat niyang tanong.
“Oo, bakit po ba?”
“Ang guwapo mong bata. Baka nagkamali ka ng pinapasukan.”
“Hindi, ah. Magaling lang po talaga ako magdilig ng halaman. Nanunuyo na po ba ang halaman ng amo mo?”
Bigla siyang tumawa. “Tuyong-tuyo.”
“Kawawa naman pala.... Kung tatanggapin ako rito, didiligan ko talaga araw-araw ang halaman niya.”
Humahalaklak si Manong guard. Hindi ko naman alam kung ano ang nangyari at kung saan nagsimula ang tawa niya. Wala akong ideya. Iba!
Nang binuksan na niya ang gate para papasukin ako, malaya na akong pumasok. Pagtingin ko sa loob, nanlaki ang mga mata ko sa bumungad sa akin. Isang napakalaking bahay na gawa sa isang mamahaling uri ng kahoy. Ang ganda ng disenyo nito. Kahit dito sa kinatatayuan ko, alam kong milyong salapi ang ginastos nila rito. Iginiya ko naman ang tingin sa paligid, ang lawak ng lupain nila. Makikita rito ang kulay luntian na bermuda na ang sarap tingnan sa mata. Mga maliliit rin na puno na nagmistulang poste sa buong paligid. Para bang nasa loob ako ng isang sementeryo dahil sa lawak nito.
“Lakas!” pagtawag sa akin ng isang pamilyar na boses.
Paglingon ko, si Tiyo Kokoy. Lumapit ako sa kanya at nagmano.
“Hi, Tiyo,” pagbati ko.
“Magandang tanghali, Lakas. Kumain ka na ba?”
“Hindi pa nga po. Baka may tira pa kayo rin, Tiyo. Kakapalan ko na ang mukha. Nagmamadali kasi talaga akong pumunta rito. Hindi ako nakakain.”
“Oo, meron. Ikaw pa! Mabuti pumayag ka na magtatrabaho rito?”
“Kailangan po kasi. . . malaki po ba ang sahuran dito?”
“Oo. Galante si Madam. Hindi kuripot.”
“Pero bakit naghahanap sila ng hardenero? Saan po ba ang dati?”
“Umalis na dahil hindi nakayanan ang ugali ni Madam,” mahina niyang sabi. Huminto siya sa paglalakad at tiningnan ako. “Kaya kung ako sa iyo, tatagan mo lang ang loob mo para magtagal ka rito.”
“Gaano po ba siya kasama?”
Nagsimula muli kaming maglakad patungo sa lugar kung saan may pagkain. Doon kasi ako pakakainin ni Tiyo.
“Para sa akin, hindi naman ganoon. Siguro dahil stress lang palagi sa trabaho si Madam. Alam mo naman simula nang pumanaw ang asawa niyang si Sir Buhay, siya na ang nagpapatakbo ng kumpanya nila.”
“Ganoon pala. Huwag ka po mag-aalala, Tiyo. Hindi ko po kayo bibiguin dito. Maging magaling po akong hardenero rito sa mansion ng Santibañez.”
“Iyan si Lakas.”
“Iba,” gigil kong sabi.
Bakit kahit alam kong may ugali si Madam, nagagalak pa rin akong makilala siya? Nagagalak akong magtrabaho sa mansion nila. Gusto ko na nga magsimulang magdilig ng halaman niya. Iba!
“Saan po ba ang harden ni Madam, Tiyo?”
“Nasa likod ng bahay.”
“Ganoon po ba? Makikita ko rin iyon.”
Dumating na kami sa isang bahay na malapit sa mansion. Maganda rin iyon at gawa sa isang mamahaling kahoy. Napangiti naman ako nang makakita ng mga carp sa gilid ng bahay.
“Sino po ang nakatira rito, Tiyo?” tanong ko.
“Kaming guard. Duty kasi ako kagabi kaya ako ang nandito ngayon.”
“Ganoon po ba.”
Pagpasok namin ng bahay, mas lalo akong namangha. Ang ganda! Dito ko masasabi na may puso ang pamilya Santibañez. Dahil hinahayaan nila na may maganda rin na pahingaan ang mga trabahador nila.
Nang makita ko ang mesa, agad akong napatakbo at umupo.
“Tiyo, kakain na po ako, ah? Gutom na kasi talaga ako.”
Natawa siya. “Mukhang gutom na gutom ka na nga, Lakas.”
“Yes po. Bakit mukhang special ang pagkain niyo rito, Tiyo?”
“Alam mo Lakas, masungit lang iyon si Madam, pero hindi iyon madamot. Kung ano ang kinakain nila, iyon din ang sa amin. Hindi kami iba sa kanila. Kaya kung may araw na may sumpong siya, hinahayaan na lang namin. Alam mo, maganda ang benepisyo rito kaya masaya ako na tinanggap mo ang trabaho. Makatutulong talaga iyon sa iyo lalo pa at nag-aaral ka pa.”
“Kaya nga po. Pero Tiyo? Kailan ko po makakausap si Madam?” tanong ko.
“Siguro mamayang gabi o bukas. Basta pagkatapos mo ritong kumain, umuwi ka muna sa bahay niyo. At pagbalik mo mamayang gabi, dalhin mo na ang gamit mo.”
“Okay po.” Sinubo ko na ang roasted chicken sa tinidor na hawak ko. “Ang sarap po. Tiyo, last question po. May day-off po ba ang pagiging isang hardenero?”
“Oo, naman. Hindi puwedeng wala.”
“Mabuti naman po.” Nakahinga ako nang maluwag.
Binilisan ko na ang pagkain para may oras pa akong mag-impake sa bahay. Minuto ang lumipas, tapos na akong kumain. Nagpaalam na rin ako kay Tiyo at ang sabi niya ay hindi na niya ako maihahatid papunta sa labas dahil may gagawin pa siya rito sa loob. Dahil natatandaan ko pa naman ang dinaanan ko, wala akong problema roon.
Habang naglalakad sa hallway ng mansion, hindi ko mapigilang hindi mapatingin sa paligid. Ang sarap lang kasi sa mga mata. Nang may nakita akong kotse na papadaan, tumabi ako. Huminto naman siya sa harapan ko. Nang dahan-dahan bumukas ang bintana, tiningnan ko iyon. Iniluwa naman roon ang isang napakagandang dalaga. Matangos ang ilong niya na may bilugan na mga mata. Matalas nga lang siyang tumingin na para bang may kasalanan ako sa kanya.
“Who are you?” tanong niya.
“Lakas po. Ang bagong magiting na hardenero. Ikaw po?”
Napasimangot na lang ako nang bigla niyang isinara ang bintana ng sasakyan at nagpaharurot ng takbo. Ang sama ng ugali. Hindi man lang ako sinagot. Pero sino kaya iyon? Sa tingin ko, isa iyon sa mga anak ni Madam. Napangiti naman ako nang maalala ang talas ng tingin niya. Iba!
•••
NANDITO NA AKO ngayon sa aming munting bahay. Tinulungan naman ako ni Mama sa pagligpit ng aking mga gamit. Iniligay niya iyon sa isang lumang maleta. Mukha tuloy akong mangingibang bansa dahil sa mga dadalhin ko. Pagkatapos namin sa pagligpit, inabot ko na ang perang kinita ko sa yema kanina.
“Dalhin mo na lang iyan, ’Nak,” si mama.
“Sa inyo na po ’yan, may ipon pa naman ako. Bilhan niyo na lang po ng fried chicken ang tatlo kong kapatid.”
“Salamat, ’Nak. Basta mag-ingat ka roon. Kumain ng marami.”
“Naman... Alam niyo po ba, sabi ni Tiyo Kokoy, kung ano raw ang pagkain ng pamilya Santibañez, iyon din daw ang sa kanila.”
“Mabuti kung ganoon, ’Nak.”
“Pero ang sabi rin niya, mainitin nga lang ng ulo si Madam, pero okay na rin iyon. Parte naman sa sahod ang papagalitan.”
“Basta kung hindi mo na kaya at nahihirapan ka ng ipagsabay ang trabaho at pag-aaral, umuwi ka na lang dito.”
“Hindi ’yan mangyayari, Ma. Ano pa ang silbi ng pangalan ko kung magpapakahina ako? Si Lakas po ako, Ma. Iba!”
“Puro ka na lang iba. Basta ’Nak, magpakabait ka roon.”
“Yes po.”
Dumating na ang oras ng pag-alis ko ng bahay, nakapag-usap na rin ako sa mga kapatid ko at kay Papa. Masaya ako na masaya sila para sa akin. Hindi ako aalis na nag-aalala kung malulungkot ba sila.
“Kuya Lakas, nandiyan na ang taxi!” tawag sa akin ni Makisig.
“Paano ’yan, fam. Mag-a-abroad na ako,” natatawa kong sabi.
Inakbayan ako ni Papa. “Puro ka talaga kalokuhan, ’Nak.”
“Mana siguro sa iyo, Pa?”
“Parang nga.” Humalakhak pa siya.
Lumabas na kami buong pamilya ng bahay. Bumungad naman sa harapan ng pinto si bango. Niyakap ko siya habang hindi humihinga. Natatakot lang ako na mawalan muli nang ganang mabuhay.
“Mag-ingat ka, Lakas,” sabi niya sabay himas sa likuran ko.
Tinapik ko siya habang hindi pa rin humihinga. Mas mabuti ng ligtas ang may alam. Bumuwag na ako sa pagyakap. Nang makalayo ako nang kunti sa kanya, roon ko na ibinuga ang lahat ng hangin na naipon sa loob ng katawan ko.
“Happy ako sa iyo, Lakas,” biglang sabi ni Bango sa aking harapan.
At gaya noon, muli akong hindi nakaligtas sa bomba niya. Suko na ako. Muli na naman akong nawalan ng ganang mabuhay. Iba.
“Mauna na ako, mag-ingat din kayong lahat dito. Mahal ko kayo.”
“Bye, ’Nak.” Muli akong niyakap nina Mama at Papa. Pati na rin ng aking mga kapatid.
“I love you all,” sabi ko.
Matapos ang paalaman ng buong pamilya, pumasok na ako sa loob ng taxi at umalis. Sa totoo lang, masaya akong umalis na masaya sila para sa akin. At ang tanging hiling ko na lang, sana maging maayos ang lahat doon sa mansion ng Santibañez.
Ano kayang buhay ang naghihintay sa akin doon bilang ang kanilang bagong hardenero?
~~~