KABANATA 1

2103 Words
LAKAS SILANGANAN “KUYA LAKAS, HINAHANAP ka po ni Tiyo Nalding!” sigaw ng bunso kong kapatid na babae na nasa labas ng bahay. Napalingon ako banda sa aming pinto na gawa sa kawayan. “Sandali lang po, Tiyo!” Itinigil ko muna sandali ang pagbalot ng yema at pinuntahan si Tiyo sa labas. Maaaring may mahalaga siyang sasabihin sa akin. Nang makarating ako sa labas, kausap niya si Mama at mukhang seryoso ang pinag-uusapan nila. Nababasa ko iyon gamit ang aking kulay tsokolateng mga mata. “Bakit po, Tiyo?” tanong ko sabay mano sa kanya. “Nak, naghahanap daw ng hardenero ang pamilya Santibañez,” sabi ni Mama. “Sinabi ko kasi sa kaibigan kong si Kokoy, na baka puwede kang ipasok, Lakas. Makakatulong iyon sa pag-aaral mo. Masipag kang bata. Kaya mo ’yon,” sabi ni Tiyo nang buong katapatan. Ang pamilya Santibañez ay ang isa sa pinakakilalang may gintong kutsara sa aming nayon. Lumaki akong alam ang tungkol sa pamumuhay nila. Sikat ang sapatusan na negosyo nila at doon sila nakilala. Sa sandaling ito, iniisip ko muna ang schedule ng pag-aaral ko. Magsisimula ang klase ko sa alas otso ng umaga at magtatapos ito ng alas dose sa tanghali. Napangiti naman ako sa katotohanan na puwede ko pang maisingit ang pagtatrabaho ko sa mansion ng Santibañez. “Sige po.” Nilingon ko si Mama. “Papayag ka ba, Ma? Na malalayo sa tabi mo ang pinakaguwapo mong anak?” “Para rin naman ito sa iyo, anak, sa pag-aaral mo. Alam mo naman, maliit lang ang kinikita ng Papa Toto mo.” “Kaya nga po.” Tiningnan ko si Tiyo Nalding. “Papayag po ako, Tiyo. Pero kailan po ako pupunta roon sa kanila?” “Bukas. Pagkatapos ng klase mo, dumiretso ka lang sa mansion ng Santibañez, sabihin mo lang sa guard na hinahanap mo si pareng Kokoy.” “Ganoon po ba? Salamat po, Tiyo.” Matapos ang usapan namin ni Tiyo Nalding, umalis na siya. Agad ko naman inakbayan si Mama nang makitang nalungkot bigla ang mukha. Alam kong mamimiss niya ako dahil sobrang mahal niya ako. Ipinaparamdam niya iyon sa akin simula nang ipinagbuntis niya ako. “Akala ko ba para sa akin ang lahat ng ito? Pero bakit ganyan ang mukha mo?” tanong ko. “Mamimiss ko lang ang kakulitan mo.” “Hindi naman ako makulit, ah?” sabi ko. “Lakas, 150! Beke nemen perenes neng hegepet me!” sigaw ng mga grupo ng bading na may gusto sa akin. Nakatayo silang lahat sa gilid ng kalsada. Nilingon ko sila. “Tuwad!” Siniko ako ni Mama. “Bibig mo.” “Mama naman, e. Pinapansin ko nga lang.” Huminto si Mama at nilingon ako. Nakita ko naman ang pagsalubong ng mga kilay niya. Mukhang may kakaibang iniisip siya sa akin. “Namamakla ka ba?” tanong niya. “A-Anong klaseng tanong ’yan, Ma? Ako? Si Lakas? Titira sa kapwa ko lalaki? Hindi iyon mangyayari. Pero Ma, ang sabi nila, malaki raw ang binabayad ng iba. Sayang din po.” Hinampas niya ako. “Subukan mo lang talaga.” Tumawa na lang ako. Ganito ba talaga ang mga ina? Kahit kilala na nila kung ano klaseng tao ang anak nila, mayroon pa rin pagdududa. Iba ako. Iba. Nang makapasok kami ng bahay, agad akong dumiretso sa mesa para ipagpatuloy ang ginagawa ko kanina. Ang pagbabalot ng aking special yema. Nagtitinda kasi ako sa unibersidad namin para may pangbili ako ng mga kailangan ko sa eskwelahan at pandagdag baon na rin sa mga kapatid ko. Tatlo rin iyon, dalawang junior high at isang elementary. Habang nagbabalot ako sa mesa, nasa gilid ko naman si Mama at naghihiwa ng sahog sa lulutuin niyang ulam. Sa nakikita ko, mukhang pinakbet ang lulutuin niya. May alamang bagoong kasi sa gilid niya. “Buhay pa kaya si Papa, Ma? Alam niya kayang gwapo ang anak niya? Iba.” “Huwag mo ng isipin iyon, Lakas. Nasa sinapupunan pa lang kita, pinatay ka na niya sa puso’t diwa niya. Hindi mo na siya kailangan.” Huminto siya sa paghiwa at tinitigan ako. “Hindi ba kami sapat ng Papa Toto mo para hanapin mo pa siya?” “Nagtatanong lang naman ako, e. Kahit itinakwil niya ako, gusto ko pa rin naman siya makita dahil ama ko siya.” “Masasaktan ka lang.” “Pero paano kung...” “Lakas,” inis na sambit niya. Hindi man lang ako pinatapos magsalita. “Eu só para ver, pai,” mahina kong ani, gamit ang lengwahe ng aking ama. Ang portoguese. “Paano ka natuto niyan?” “Inaral ko lang po. Sige na po, ipagpatuloy ko na itong ginagawa ko.” Nakaramdam tuloy ako ng lungkot. Para sa akin, hindi naman masama kung gusto kong makilala ang ama ko. Kahit pagbaliktarin man ang mundo, ama ko pa rin siya at anak niya ako. Gusto ko lang naman magpasalamat na nagtanim siya ng similya sa hardin ni ina. Kahit hindi niya ito diniligan para mabuhay, may ibang tao namang gumawa niyon para sa kanya. Nandiyan ang mga grandparents ko at si Papa Toto na sobrang mahal ako. Sa kinalaunan, bumuntonghininga na lang ako. Paano ko pala hahanapin ang isang tao na kahit pangalan, wala akong alam. Hindi hinayaan ng aking ina na malaman ko ang pangalan ng ama ko. Wala talaga siyang balak na ipakilala iyon sa akin. Nang natapos na akong magbalot ng yema, lumabas na muna ako ng bahay para makalanghap ng sariwang hangin. Dahil nasa probinsiya kami nakadestino, bumungad sa aking harapan ang bakanteng lote na mahigit limang hektarya sa laki. Nasa harap lang ito ng bahay at kalsada lang ang pagitan mula sa amin. “Lakas!” pagtawag ng babae. Nilingon ko iyon. “Bango.” Si Bango ay ang babaeng kaibigan ko rito sa aming nayon. Simula bata, siya na ang madalas kong kasama. Maganda rin siya at mabait, ngunit mabaho nga lang ang hininga. Iba! “Ano ang ginagawa mo rito?” tanong niya nang dumating na siya sa kinatatayuan ko. Inilayo ko muna nang kunti ang sarili ko para makaiwas sa pagsabog ng bomba ni Bango. Nakahihilo kasi ito. Iba! “Tinatanaw ko lang ang lawak nitong lupain.” Itinuro ko ang isang karatola. “May nakasulat na ‘for sale’, oh. Bibilhin ko ito kapag yumaman na ako.” “Ikaw talaga, Lakas,” natatawang sabi niya. “Urghhh,” inda ko nang napuwing ako dahil sa alikabok nang dumaan ang isang pampasaherong dyip. “Ihipan ko na,” pagmamagandang loob ni Bango. “Okay na,” pasisinungaling ko. Nginitian ko pa siya para makatotohanan ang arte ko. Kaibigan ko si Bango. Mabait siyang tao, iyong hininga niya lang ang hindi. Noon, sinabihan ko na siya tungkol doon. Pero akala niya nagbibiro lang ako. ’Tapos ngayon, hindi ko na alam kung paano muli sabihin iyon sa kanya. Pinanghihinaan na ako ng loob. Bahala na nga lang ang maging kasintahan niya, pero baka kasi mapapahiya siya. Inamoy ko na lang sa harapan niya ang hininga ko gamit pantakip ang kamay ko. “Ang baho,” pagsisinungaling ko sa amoy ng hininga ko. Kahit mahirap kami, mabango at malinis itong bibig ko. Inamoy niya rin iyong sa kanya. “Akin, hindi. Amoyin mo pa.” Nanlaki ang mga mata ko. “A-Ano?! Huwag na.” “Sige na, Lakas.” “Huwag na nga.” “Nababahuan ka sa hininga ko, ’no?” tanong niya nang may pagdududa. “Oo,” pag-amin ko. Tumawa siya sabay hampas sa akin. “Hindi ka pa rin talaga nagbabago, Lakas. Mahilig ka pa rin mang-asar.” Ano ang gagawin ko? Hindi talaga siya naniniwala sa sinasabi ko. Seryoso ako roon, pero bakit para sa kanya? Hindi? Iba. “HaaaaaaAAAAAAAA!” biglang sabi niya sa harapan ko. Sinadya niyang ipinaamoy iyon sa akin. Dahil hindi ko inaasahan iyong ginawa niya, naamoy ko ang lahat ng iyon. At aaminin ko, nawawalan na ako ng ganang mabuhay. “Mabango, ’di ba?” nakangiti niyang sabi. “Oo na lang. Oo na lang ulit,” sabi ko. May humintong traysikel sa tapat ng bahay namin. Iniluwa roon si Papa Toto, itinapik ko naman si Bango, senyales na aalis ako para salubungin ang ama ko. Kinuha ko ang bitbit ni Papa na bigas at bag na ginagamit niya sa trabaho. “Salamat, ’Nak,” masayang aniya. “Walang anuman, Pa. Huwag ka munang pumasok ng bahay, ihahanda ko muna ang maligamgam na tubig para sa paa mo.” “May binili ako sa iyo, ’Nak.” “Ano po? Sandali lang po.” Nagmamadali na muna akong pumasok ng bahay at nilagay ang mga pinamili at gamit ni Papa. Inihanda ko na rin ang maligamgam na tubig na may halong luya para sa paa niya. “Ano po iyon, pa?” tanong kong muli. Pagkaupo niya sa upuan, agad niyang binuksan ang bag na binitbit ko kanina. May kinuha siya roon na nakabalot sa isang papel. Nang inabot niya sa akin ang binigay niya, gusto kong lumuha sa harapan niya dahil sa sobrang saya. Ang regalong ibinigay niya ay isang drawing materials na magagamit ko sa kurso kong Argricultural Engineering. Niyakap ko si papa. “Salamat po.” “Masaya ako na masaya ka anak,” aniya. “I love you po. Pero alam mo ba, Pa, magtatrabaho na rin po ako.” “’Nak, ipagpatuloy mo muna ang pag-aaral mo. Ako na ang bahala sa lahat, gagawa ng paraan si Papa, para sa iyo, sa inyo na mga anak ko.” “Pa, hindi naman mahirap iyon, e. Maging isang hardenero po ako ng pamilya Santibañez. Makakatulong din iyon sa akin. At least, ’di po ba, related sa course ko.” “Papayag ka ba sa gusto ng anak natin mahal?” tanong ni Papa kay Mama na naghahanda ng pagkain sa mesa. Ang sarap lang sa pakiramdam kapag naririnig kong inaangkin ako ni Papa na anak niya. Dumating siya sa buhay namin ni Mama noong nasa anim na taon pa ako at tinanggap niya ako nang buong-buo. Hindi ako iba para kanya. Mahal niya rin ako na katulad ng pagmamahal niya sa mga kapatid ko na totoong mga anak niya. Si Papa Toto ang nagpapatunay na kahit hindi mo kadugo ang isang tao, kung mabuti kang tao, matatanggap at mamahalin mo rin iyon na parang nanggaling talaga sa iyo. Kailanman, hindi ako pinagbuhatan ng kamay ni Papa, ang palagi lang niyang ginagawa ay pagsasabihan ako sa mga maling ginagawa ko. Iyon ang desiplina na natutunan ko sa kanya. “Pa, alam kong mahal mo ako. At katulad ni Mama, ayaw mo rin ako malayo sa inyo. Pero makatutulong po iyon sa atin.” Nilingon ko ang bakanteng lote mula rito sa bintana ng bahay. “Kung yayaman talaga ako, bibilhin ko ’yon para sa inyo.” Kinurot ako ni Papa. “Maaabot mo rin ang mga pangarap mo, Nak. Malaki ang tiwala namin sa iyo ni mahal.” “Salamat, Pa.” “Tama na ’yang pag-uusap niyong mag-ama, kumain na muna tayong lahat dito sa mesa.” “Kayong tatlo, maghugas na kayo ng mga kamay niyo,” utos ni papa sa mga kapatid ko. Tiningnan ko naman ang tatlo kong kapatid na kaagad sinunod ang sinabi ni Papa. Napakasuwerte ko lang na may tatlo akong mababait na kapatid. Hindi rin sila sakit ng ulo ko dahil sinusunod nila ang mga inuutos ko. Oras ang lumipas, nasa kuwarto na ako para matulog. Bago ko ipinikit ang mga mata ko, nagdasal muna ako sa Panginoong Diyos. Umaga na, nasa paaralan na ako. Papasok pa lang ako ng gate, nakaabang na ang mga estudyanteng uubos ng yema ko. Mukhang ito na iyong paborito nilang agahan. Isang libong piraso pa naman araw-araw ang dinadala ko para sa kanila. “Good morning,” bati ko sa kanila sabay yugyog sa lalagyan ng yema. Agad naman nagsigawan ang lahat at pumila. Natatawa na lang talaga ako kung bakit ganito nila ako tratuhin dito sa unibersidad. “Ilan sa iyo?” tanong ko sa namumulang babae. “Isang daan with touch, Kuya Lakas,” naluluha niyang sabi. Napangiti naman ako sabay kurot sa pisngi niya. “Ang cute mo, Miss. W-Wait. Magbibilang muna ako.” Nang natapos akong magbilang, ibinigay ko na iyon sa kanya. Pagkaalis niya sa harapan ko, napatalon-talon pa siya sa sobrang saya. Nakatataba lang ng puso. Minuto ang lumipas, agad naubos ang yema na paninda ko. Nagpaalam at nagpasalamat na ako sa mga estudyanteng nakapila. Pagkatapos, pumunta na rin ako sa school building namin. To be continued...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD