LAKAS SILANGANAN
NANG NATAPOS KO ang pagdidilig ng mga halaman, hindi ko mapigilan na puriin ang ganda ng buong hardin. Lalo na roon sa area na kung saan may mga iba’t ibang kulay ng rosas. May pula, puti, rosas, dilaw, at asul. Sa totoo lang, hindi lang ang area na iyon ang maganda kundi halos lahat. Maaaring paborito ko lang ang area na iyon dahil rosas ang paboritong kung bulaklak. Kaya pala nangangailangan ng hardinero si Madam dahil sobrang kailangan ng mag-aalaga ng mga bulaklak niya. Hindi rin biro kung hayaan na lang iyon.
Pagbalik ko sa kubo, umupo na muna ako para makapagpahinga nang kunti. Hindi naman siya nakakapagod pero masasabi kong naninibago lang ang katawan ko. Ang sigurado ako, masasanay rin ako sa mga susunod pang araw.
Ang nakakainis lang, hindi ako nakita ni Madam. Gusto ko lang naman sana makita niya ako kung paano magdilig para masasabi niya sa kaniyang sarili na hindi siya nagsasayang ng pera sa akin—na kaya ko ang trabaho ko. Na iba ako sa lahat na naging hardinero niya. Pero bakit ba ako nagmamadaling puriin niya? Marami pa namang bukas? Hindi naman siguro ako tatanggalin nang ganoon kabilis. Kung mangyari man iyon? Ang tawag doon ay iba.
Tumayo na ako sa kinauupuan ko. Nang mapansin kong hindi pa pala ako nakapagbihis, agad kong isinuot ang damit ko na nakapatong sa mesa. Kinuha ko na rin ang tasa na pinaglagyan ng kape at nagsimula ng humakbang pabalik sa loob.
Habang naglalakad pabalik ng mansion, iginiya ko ang tingin sa buong paligid. Nag-iisip lang ako ng magandang gawin para sa mga halaman ni Madam. Maliban doon sa lagyan ng mga pangalan, gusto ko pa ng iba. Kasi nga ako si Lakas at ako ay. . . kayo na bahala manghula.
Napanguso naman ako nang maalala na inaway pala ako ni Busilak. Ilang taon na ba iyon at bakit parang tumandang paurong? Akala niya siguro magandang pakinggan ang salitang iyon mula sa isang babae. Para sa akin—hindi. Sayang lang iyong ganda at yaman niya kung taklesa siya. Mabuti pa iyong ina niya, kagalang-galang ang ugali. Tapos nagsasalita lang kung gusto. Pero sana hindi pasabog ang hininga ni Madam. Ganoon pa naman si Bango. Ang tahimik lang pero kapag nagsalita, ang ingay ng hininga. Nakakasira ng kinabukasan. Iba!
Tiningnan ko ang mansion ni Madam. Likuran pa lang ay sobrang ganda na. Ang ganda talaga ng disenyo. Ang sabi sa akin ni Madam Dora, kaibigan daw ni Sir Buhay ang may gawa. Ang mas nakatutuwa, isa itong portuguese. Sana makilala ko siya.
Nang nakapasok na ako sa loob ng mansion, sa likuran pa rin ako dumaan. Unang nakita ng mga mata ko, si Hiyas na kumakain sa dining area nila nang mag-isa. Nakasuot na rin siya ng uniporme at halatang handa na para pumunta sa unibersidad nila. Nakatalikod lang siya sa akin kaya hindi niya napansin na tinitignan ko siya.
Hindi nagtagal, dumating na ang dalawang maldita sa mesa. Katulad ni Hiyas, nakasuot na rin ang mga ito ng uniporme. Pagkaupo pa lang ni Busilak, inirapan na niya ako nang makita ako. Sinundan naman ito ng masamang titig ni Banal. Para hindi masayang ang oras ko, pinutol ko na ang tingin sa kanila. Kahit magaganda silang dalawa, hindi ko mapagkaila na nakasisira pa rin sila ng umaga.
Pagpasok ko sa pasilyo ng quarters namin, nakita ko si Tita Dora na nagtutupi ng mga damit niya. Ang ginawa ko, pansamantalang huminto sa tapat ng nakabukas na pintuan.
“Tita, busy?” tanong ko.
“Hindi naman masyado. Hijoh, tapos ka na ba?”
“Yes po. Ang dali lang naman pala. Kayang-kaya ko po,” pagkuwento ko.
“Mabuti. Hindi ba may pasok ka pa? Maligo ka na. Pagkatapos, kumain ka na roon sa kusina. ’Wag ka na roon sa dining. Alam kong hindi ka kumportable roon.”
Napabuntonghininga ako. Masaya lang ako sa aking narinig. Tama si Tita na nakaiilang kung doon ako kakain. Para lang naman kasi sa may-ari iyon. Bakit ang kapal ko kagabi? Iba!
“Sige, Tita. Maligo na muna ako,” paalam ko sa kaniya.
Pagdating ko sa kuwarto, agad kong kinuha ang tuwalya ko at nagmadaling pumasok na sa banyo para magsarili. Biro lang! Maliligo na ako dahil baka mahuli pa ako sa klase ko. May oral pa naman kami sa isang minor subject na may terror na professor. Kailangan talaga na bawal maka-miss sa anumang activities nito dahil kung hindi? Mapapahamak ako. May grado pa naman akong hinahabol sa iskolarsip ko. Kailangan dapat laging ninety pataas. Hindi naman siya gaano kahirap kasi kaya ko naman. Pressure at oras lang talaga ang kalaban lagi.
Minuto ang lumipas, nang natapos akong maligo ay agad kong inilabas ang uniporme ko para plantsahan; neck tie, white long sleeves, gray vest, at gray slacks. Kahit nasa payak na pamumuhay kami, iskolar ako sa isang pampribadong unibersidad kaya maganda ang uniporme ko. Kunti nga lang ang pera kaya nagsusumikap sa buhay.
Nang natapos ako sa ginagawa ko, pinalamig ko muna ang mga susuotin ko. Kinuha ko naman ang salawal ko at sinuot na muna iyon. Baka matanggal pa ang tuwalyang nakatakip sa katawan ko at makita ng kuwarto ang ganda ng katawan ko.
“Ano na ang susunod?” tanong ko sa sarili ko.
Ihinanda ko na rin ang mga kailangan ko. Una na rito ang itim na backpack ko na wala masyadong laman. Tanging papel, binder na notebook, at mga ballpen lamang. Hindi ako iyong tipo na estudyanteng maraming laman ang bag. Sakto lang na magmukhang estudyante para iba.
Nang sa tingin ko, malamig na ang mga damit ko, sinuot ko na iyon lahat. Humarap naman ako sa malaking salamin na nakadikit sa halagi. Kapag may magandang babaeng multo sa likuran ko na magpakita? Titirahin ko talaga nang nakaduling ang mga mata ko para siya na ang matakot sa akin. Iba!
“Wala kang yema na ibebenta ngayon, Lakas. Magtipid ka,” sabi ko sa sarili ko.
Paglabas ko ng kuwarto, agad napatingin sa akin sina Tita Dora at Cora. Makikita sa mga mata nila na pinupuri nila ako. Napangiti kasi silang dalawa habang umiikot ang mga mata. Sana hindi sila mahilo.
“Salamat po, Tita,” nakangiting sabi ko.
“H-Ha? Wala pa nga kaming sinabi. Grabe ka,” ani Dora. Napatawa siya.
“Iba po ba? Ganito po kasi. . . nakikita ko sa titig ninyo na napopogian kayo sa akin. Salamat po.”
“Totoo naman kasi. Hula ko, wala pang isang buwan, may mahuhulog na sa iyo sa isa sa mga anak ni Madam,” panghuhula ni Tita Cora.
“Baka nga si Madam pa,” pagbibiro ni Tita Dora.
“Hala! Iba! Grabe kayo. Pero pogi ba talaga ako, Tita? Sakto lang naman po, ’di ba?”
“Ano ang sakto? Sobra pa nga. Kung siguro kaedad mo kami at single kami. . . baka isa kami sa mahuhumaling sa iyo. Salamat sa Diyos at matatanda na kami.”
Napakunot na lang ang noo ko habang naririnig ang pagpuri nila sa akin. Kahit nakaiilang, masaya pa rin ako. Sino ba ang hindi? Hindi lang naman ako ang pinupuri nila. Kasama na roon sina Mama at ang totoo kong ama kasi sa dugo at laman nila ako nanggaling. Kaya kung ano ang meron ako? Malaking bahagi niyon ay galing sa kanila.
“Grabe kayo, Tita. Sige na, kakain na muna ako sa kusina,” sabi ko.
Nang nasa kusina na ako, agad akong kumain. Habang nginunguya ang ulam sa bibig ko, naalala ko sila Mama. Ano kaya ang ulam nila ngayon? Sana iba para masaya.
Bumuntonghininga ako. Napagtanto ko lang na hindi dapat ako malungkot na nandito mag-isa. Maliban sa mabasawan ang gagastusin ni Papa Toto, makakatulong pa ako sa kanila. Doble ang benefits, ’di ba? Iba!
Nang natapos akong kumain, iniligpit ko na ang pinagkainan ko. Kahit gustuhin ko mang hugasan ang pinagkainan ko, hindi ko na ginawa at baka mapagalitan pa ako ni Tita Cora.
Paglabas ko ng kusina, sinilip ko muna sila Tita sa pasilyo sa quarters namin.
“Mga Tita, mauna na ako,” pagpapaalam ko.
Habang naglalakad palabas sa pasilyo sa pagitan ng quarters at kusina, nakayuko lang ako. Ayaw ko lang makita ni isa sa mga anak ni Madam kaya ginagawa ko iyon.
“Lakas,” maawtoridad na sambit ni Madam.
Nagising na pala siya? Ang aga pa, ah? Sa tingin ko, nanggaling ang boses niya sa itaas. Ang ginawa ko, tumingala sa may hagdan para tingnan si Madam. Hindi ko man lang namalayan na nasa sala na pala ako. Ganoon ba ako kabilis humakbang? Dahil nandito nandito na ako sa sala, ang ibig sabihin niyon ay nasa paligid ko lang ang mga malditang anak ni Madam.
“Yes po?” sagot ko.
“Sumabay ka na sasakyan ng mga anak ko.”
“’Wag na po. Maglalakad lang po ako palabas ng villa.”
“Okay,” sagot ni Madam.
Grabe! Hindi man lang ako pinilit. Pero bakit ba ako nagpapapilit? Sino ba ako? Si Lakas lang naman ako? Iba!
Pagharap ko sa may pinto para lumabas, hindi na ako nakatakas sa titig nina Busilak at Banal. Pinaglihi siguro ang mga ito ni Madam sa sama ng loob. Ang tataray ng mga mukha. Ano ba ang aasahan ko sa kanila? Mga maldita nga, ’di ba? Iba!
Paglalabas ko ng mansion, maglalakad pa ako ng malayo papunta sa gate nila. Siguro, mga apat o limang minuto rin kung lalakarin. Ganoon kalawak ang lupain nila. Hindi na rin nakapagtataka dahil ang pamilya Santibañez ang isa sa pinakamayaman sa nayon namin.
Nang nasa lalabas na ako ng gate ng Santibañez, nagpaalam na ako kay Tiyo na nagpasok sa akin dito bilang hardinero. Hindi na rin ako nakipag-usap sa kaniya dahil nagmamadali na ako.
Nang nasa gitna na ako ng kalsada palabas ng villa, may humintong sasakyan. Pagtingin ko, bumungad sa akin ang dalawang maldita na anak ni Madam. Nakalabas pa ang ulo ng dalawa.
“Bakit po?” nagtatakang tanong ko.
“Sumakay ka na at baka mahuli ka pa,” sabi ni Banal.
Napangiti ako sa narinig ko. Mukhang hindi talaga totoo na maldita sila at nagpapanggap lang. Maaaring dahil hindi nila ako kilala? Ganoon siguro.
“Sige po. Salamat po talaga. Akala ko, mahuhuli na ako,” sabi ko.
“Sorry, ha? Halika na?” nakangiting sabi ni Busilak.
“Salamat po ulit,” sabi ko.
Nang bahagyang bubuksan ko na ang sasakyan, bigla iyong tumakbo at inilabas muli nilang dalawa ang mga ulo nila. Humalakhak ang mga ito habang pinakitaan ako ng gitnang daliri.
Habang papalayo sila sa akin, napangiti na lang ako. Ganoon pala talaga ugali ng mga mayayaman? Laro lang para sa kanila ang lahat.
“Iba kayo, ha! Naiinis na ako!” sigaw ko.
~~~