KABANATA 8

1588 Words
LAKAS SILANGANAN NASA KUSINA PA rin ako at nagbabalot ng yema. Ang dami na ng nagawa ko. Hindi naman ako nakaramdam ng pagod dahil kasama ko rito sa kusina ang mga tita ko. Kahit paano, may nakakausap ako. Hindi ako mababagot. Iba! “Ang swerte ng mga magulang mo sa iyo, Lakas. Malayo talaga ang mararating mo,” sabi ni Tita Dora. “Ano ang masuwerte? Tita, ako po ang swerte sa mga magulang ko. Una, si Mama. . . noong pinagbubuntis niya ako sa Portugal, pinalayas siya ng pamilya ni Papa. Wala siyang pera niyon. Pero ginawa niya ang lahat para makauwi siya rito. Nanlimos, kinapalan ang mukha sa mga kapwa niya OFW, at kumain na ng mga tira sa food chain. Ginawa niya iyon lahat para sa akin po. Pangalawa, si Papa Toto, stepfather ko iyan, pero kung ituring niya ako ay parang anak talaga na dugo at laman niya. Kahit bitbit ako ni Mama, hindi niya iniisip iyon. Pinapa-aral pa niya ako at pinapakain. Alam ninyo po ano ang mas nakamamangha? Ni minsan, hindi dumapo ang kamay niya sa akin. Pinagsasabihan niya lang ako.” Napangiti ako. “Sobrang mahal nila ako kaya ang swerte ko sa kanila. Iba!” “Wow! Ganoon pala. At iyon ba ang dahilan kaya ka nagsusumikap sa buhay?” “Yes po. Alam ninyo po ba na may pakiramdam ako na yayaman ako, Tita? Tapos mabibili ko iyong malaking lupain sa tapat namin? Pakiramdam ko talaga kaya hindi siya mabili-bili dahil hinihintay pa niya akong yumaman.” Napalingon si Tita Cora sa amin. Nasa lababo siya at mukhang hinihintay na lang na kumulo ang niluluto niya. “Walang imposible, Lakas. Lahat ng pangarap mo sa buhay, matutupad mo iyan,” sabi ni Tita Cora. “Yes po, Tita. Pero hindi lang naman po ako nangangarap lang. Ginagawa ko po talaga iyon. Nagsusumikap din po ako sa pag-aaral. Alam ninyo po ba? Running for c*m laude ako. Pakiramdam ko po, kung may achievement ako na ganoon, maraming kukuha sa akin sa trabaho.” “Wow! Hindi ka lang pala gwapo at madiskarte. Matalino rin! Maraming babaeng iiyak sa iyo,” sabi ni Tita Cora. “Hala! Iba rin si Tita. Hindi po ako ganoon. Kung may babae man ako sa buhay ko, dapat isa lang. Para masigurado ko na wala akong masasaktan na iba kasi iba na iyon. Iba!” Tumawa si Tita Dora. “Bakit ang hilig mo magsabi ng iba? Nakakatuwa ka pakinggan.” “Noong bata pa po kasi ako, gusto ko magpabili ng laruan po. Tapos dahil walang pera ang mama at papa ko, sasabihin lang sa akin ni Papa. Halimbawa po, gusto ko ng sasakyan na laruan. Iyong gawa sa bakal? Mahal iyon, ’di ba? So hindi nila kayang bilhin para sa akin. Ako naman, iiyak hanggang sa pag-uwi. Sa sobrang iyak ko po, makakatulog na lang ako,” pagkuwento ko. Napangiti ako nang maalala ang nakaraaan. Ang sarap lang isipin kung gaano ako kamahal ng mama at papa ko. Pagpapatuloy ko, “At kapag nagising na ako. May sasakyan na ako. Hindi nga lang bakal, kundi kahoy. Gawa iyon ng Papa Toto ko. Kaya ang sabi ko niyon—” “Iba!” sabay na sabi nina Tita Cora at Dora.. Napatawa ako. “Yes po. Iba! Sa mga pangyayaring ganoon, pinapakita ni Papa sa akin na iba ang sitwasyon namin sa iba at maging grateful ako sa kung ano man meron ako. Lahat ng mga gusto ko po, ginagawan niya ng paraan. Doon ko po talaga nasabi na—” “Iba!” muling sabi nina Tita Cora at Dora sabay tawa. Tumawa na lang ako. Nakatutuwa lang sila Tita. Ang saya nila kasama. Kahit ang layo ng mga agwat namin sa usaping edad, nagkakaintindihan pa rin kami. Sa pagkakataong lagi ko silang kakuwentuhan, masasabi ko na sila ay. . . kayo na ang magdugtong. Napagod bigla ang lalamunan ko. Napatigil naman kami sa pagtatawanan nang biglang pumasok ang isa sa mga demonyo—si Busit. Napalingon siya sa amin at ang sama ng tingin sa akin. Sinundan ko siya ng tingin habang nakanguso. Kukuha lang naman pala siya ng tubig para uminom at bakit kailangan pa niyang mang-irap. Iba rin! Nang natapos siyang uminom ng tubig, dahan-dahan na siyang naglakad habang ang sama pa rin ng tingin sa. . . sa yema ko. Sa yema ko na siya nakatingin. Ano kaya ang binabalak ng Busit na ito? “What’s that?” tanong niya. “Yema po.” “Magkano?” taas kilay niyang tanong. Napanguso ako. “One peso with twenty five cents kung maldita at isang peso naman kung mabait.” “Okay.” Napataas ang kilay ko nang kumuha siya ng pitaka sa saya niya at inabutan ako ng bente. Pagkatapos, ibinuka niya ang palad niya sa tapat ko. “Bilis naman,” naiirita niyang sabi. “Oo na.” Kinuha ko ang lalagyan ng yema at kumuha ng yema. Nagsimula na akong magbilang at inalagay ko sa palad niya. “Thirteen, fourteen, fifteen, sixteen, seve—” Ibinalik niya sa akin ang isa. “Sixteen na. Nahiya ka pa. Maldita ako, ’di ba? Anyways, kapag sumakit ang tiyan ko. Ipapakulong kita.” “Okay. Galingan mo lang sa pag-arte,” sagot ko. Inilagay na ni Busilak ang yema sa bulsa niya at agad ng umalis nang walang anumang sinabi. Pagtingin ko kina Tita, nakimita ko ang pagkairita ng mga mukha nila. Masasabi ko na ayaw talaga nila sa presensiya ni Busilak. “Ano kaya ang plano ng babaeng iyon?” tanong ni Tita Dora. “Asahan mo na magpapanggap na sumasakit ang tiyan,” ani Tita Cora. “Pero paano kung hindi?” tanong ko. “Huwag ka ng umasa, Lakas,” sabi ni Tita. Bumuntonghininga na lang ako. Kahit maldita si Busilak, sana wala siyang gagawin na ikapapahamak ko. Kung totoo man niyang kakainin ang yema, sana matuwa siya. Sana masarapan siya. Isang oras ang lumipas, bumalik si Busilak sa kusina. Hindi na siya nagsalita pa at diretsong ibinigay sa akin ang bente. Napangiti naman ako sa katotohanan na mukhang natuwa siya sa yema na ginawa ko. “Masarap?” tanong ko. “Sinubukan ko lang ang mga pagkain ng mahihirap,” irap niyang sagot. “Iba.” “Anyways, twenty four na ang ibigay mo sa akin. Iyong apat kanina, ibalik mo. ’Wag mo akong binubudol.” “Okay po. Salamat po sa pagbili,” nakangiti kong sabi. Ipinakita niya sa akin ang kaniyang gitnang daliri. “Magpasalamat ka rito.” “Iba rin.” Pag-alis ni Busilak, napangiti na lang ako. Mabuti na lang, wala sila Tita at hindi ako mahusgahan. Sino ba ang hindi matutuwa sa nangyari? Gusto lang naman ng future stepdaughter ko ang yema na gawa ko? Hmm. Humalakhak ako bigla. Natawa lang ako sa sarili ko kung bakit iniisip ko na maging stepdaughter ko si Busilak. Ang ibig sabihin ba niyon ay maging kami ni Madam? Hayop rin talaga minsan mag-isip ang utak ko. Nang natapos ako sa pagbalot ng yema, nagligpit na ako. Hindi ko naman mapigilan na mapahikab. Aminado ako sa sarili ko na napagod ako. Sa tingin ko, nabigla lang ang katawan ko. Nang natapos na ako sa pagligpit, dinala ko muna sa kuwarto ang yema. Balak ko lang ilagay iyon sa refrigerator kapag malalim na ang gabi. Natatakot lang ako na baka may gagawin na namang kalokohan ang dalawang demonyo. Mahirap na magtiwala sa dalawang iyon. Paglabas ko ng kusina, dumiretso na ako patungo sa quarters namin. Pagdating ko sa kuwarto, inilagay ko muna iyon sa ibabaw ng drawer at humiga na muna. Gusto ko lang magpahinga sandali. “Kaya mo ito, Lakas,” sabi ko sa sarili ko. Nang nakapaghinga na ako nang kunti, naisipan ko muna na lumabas ng mansion. Gusto ko lang magmuni-muni at para masanay na rin ang sarili ko sa ambiance ng mansion. Habang naglalakad sa sala, napayuko lang ako. Akala ko, umuwi na si Don Thomas. Nandito pa pala siya at mukhang may ginagawa sila ni Madam. Pareho sila nakatapat sa isang laptop. “Lakas, right? Onde está você (Saan ka)?” sabi ni Don Thomas. “Lá fora, Senhor. Eu quero pensar primeiro (Sa labas lang, sir. Gusto ko muna mag muni-muni),” sagot ko. “Estou com o meu filho. Quer que eu te apresente a ele? (Kasama ko ang anak ko. Gusto mong ipakilala kita sa kanya)?” “É uma mulher? Ou homem? (Babae po? O lalaki?” tanong ko. “Mulher.” Napangiti ako. “Okay, sir.” Nagpaalam na muna ako bago lumabas. Hindi ko naman mapigilan na mapangiti. Natutuwa lang ako na ipapakilala niya ako sa anak niya. Sana maganda. Sana iba! Nang nakalabas na ako ng mansion, nakita ko si Hiyas na naglalakad sa hallway. Hindi ko naman mapigilan na mapangiti sa suot niya. Ang iksi lang ng saya niya. Kahit dito sa kinatatayuan ko, kitang-kita ko ang kinis ng binti niya. Binilisan ko ang paglalakad at sinundan siya. Gusto ko lang siya makausap. Kahit paano, gusto kong magkaroon ng kaibigan dito na malapit lang sa edad ko. Nang malapit na ako sa kaniya... “Hiyas!” pagtawag ko. Nang narinig niya ang boses ko, bigla na lang siya tumakbo. Ang ginawa ko, hinabol siya nang paatras para iba. Sa tingin ko, ayaw niya akong makausap kaya ako na ang iiwas. Ako na ang tumakbo paatras para mapalayo sa kanya. Sana nga lang walang makakita sa akin para hindi ako masabihan na iba. ~~~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD