Rochelle Dianne's POV
Tahol nang tahol si Shoti sa tuwing may dadaan na mga tao sa harapan ng bintana ng restaurant. Hindi tuloy ako makakain dahil kailangan ko siyang patahimikin at pakainin.
"Shhh, kain ka muna, Shoti," isinubo ko ang dog food na baon ni Ethan para sa kanya.
Binuka naman ni Shoti ang maliit niyang labi at sinubo ang dog food. Dinila-dilaan niya pa ang kamay ko kaya mahina akong natawa.
"Ang ganda mo kapag tumatawa ka."
Mabilis na nawala ang ngiti sa labi ko at bumalik na naman sa pagiging busangot. Napataas ang ulo ko at nakita ko si Ethan na nakaupo sa silya niya habang nakapatong ang dalawang siko niya sa ibabaw ng lamesa at magkasiklop ang dalawang kamay.
"May hulos dili ka nga!" sita ko sa kanya. "Baka hindi ka matunawan niya."
Muli na namang tumahol si Shoti kaya napababa ang tingin ko sa aso niya. Sinubuan ko ulit ito na nakaupo ngayon sa kandungan ko. Kaya ang sarap alagaan ng aso niya dahil kahit ngayon pa lang niya ko nakilala, hindi niya ko kinakagat.
"Pero seryoso. Ang ganda mo talaga..."
Sunod-sunod akong napalunok at hindi siya pinansin. Pinanatili ko na lang ang mata ko sa aso. Alam ko naman na maganda ako at may mga mata ako. Nakikita ko ang sarili ko sa harapan ng salamin pero ayokong pinupuri niya ako. Naiinis lang ako.
"Hindi ka ba naniniwala sa akin?" tanong niya pa na kitaas muli ng ulo ko.
Salubong ang kilay ko ng sinalubong ko ang tingin niya na may masaya pa yata sa nanalo sa lotto.
"Alam mo, tigilan mo ako sa kaganyan mo. Kinikilabutan kasi ako," pag-aamin ko sa kanya.
Mas makulit at may sayad pa nga yata siya kaysa rito sa aso niya na kalmado lang at walang ibang ginawa kundi ang dilaan ako. Tapos kapag tumahol ang aso niya, ang hina lang naman pero ang mamang pulit na 'to, sobrang lakas. Sobrang lakas ng apog.
"Bakit takot ka bang kiligin sa sinasabi ko?"
"Yak!" mabilis na saad ko at umakto pa na parang nasusuka. "Pwede bang umalis ka na muna rito? Kasi hindi talaga ako makakakain habang nasa harap kita," inis na saad ko.
Napahalakhak naman siya pero sa huli tumayo pa rin siya sa silya niya kaya napaangat ang ulo ko sa kanya.
"Magbabanyo lang ako. Babalik din ako agad—"
"Haynako, Chief Ethan, kahit h'wag ka nang bumalik," masayang saad ko. "Kinagagalak kong tanggapin kung hindi ka na babalik pa."
Pero alam ko naman na hindi mangyayari 'yon. Gusto ko lang tignan kung maiinis ba siya pero wala man lang talaga. Todo ngiti na ako pero hindi man lang siya nainis tapos ako kapag nakikita ko ang ngiti niya, inis na inis ako?
"Kapag hindi ako bumalik, ano ang ibabayad mo? Kaya mo bang bayaran ang kinain natin dito?" nakangising tanong niya sa akin.
Napatingin kaagad ako sa buong cacycech's restaurant na sa tingin ko ay isang five star restaurant. Siguradong libo ang kinain namin dito at baka masimot ang wallet ko nito. Punyemas nga naman oh.
Ang galing niyang magbigay sa akin ng blackmail. Bakit ganyan siya umatake? Lintek siya.
"Oh ano?" natatawang tanong n'ya.
Muling bumalik ang tingin ko sa kanya at matalim ko siyang tinitigan. Kung pwede ko lang talagang patayin ang mamang pulis na 'to ng hindi ako nakukulong baka kanina ko pa siya sinaksak.
"Letche! Bilisan mo na lang," asik ko sa kanya.
Nag-iwas na ako ng tingin sa kanya at pinakain na muli si Shoti. Narinig ko ang paghakbang niya paalis kaya napataas muli ang tingin ko sa kanya.
Pinagmasdan ko ang likuran ni Ethan at napaisip na naman sa sinabi niya. Maganda ako? Talaga lang hah. Kung maganda man ako sa paningin niya, ulol siya. Hindi ako magpapauto sa katulad niyang pulis. Ang hirap pa naman magtiwala sa lalaki ngayon lalo sa gwapo— Basta hindi siya gwapo. May itsura siya pero pangit.
Basta! Hindi ko magugustuhan ang mamang pulis na 'yon at hindi ako magpapadala sa mga sinasabi niya.
"Online seller 'to, Ethan. Hindi mo ako mauuto," bulong ko sa sarili ko.
Nilunok ko na ang pride ko nang tanggapin ko ang alok niya na magtrabaho ako sa kanya at hindi ko na ulit lulunikin ang pride ko para magpatangay sa agos nang pan-uuto niya sa akin.
"Miss!"
Nanliit ang mga mata ko sa lakas ng pagsigaw sa likuran ko. Napalingon ako sa likod ko at sinamaas ko agad ng tingin ang isang sopistikadang babae na ang sama makatingin sa akin.
"Bakit?" pabalang na tanong ko sa kanya.
Tumayo ako sa silya ko at humarap sa kanya habang buhat ko pa rin si Shoti na kanina pa pala tumatahol. Ngayon ko lang napansin kaya hinimas-himas ko ang ulo ni Shoti.
"Pwede bang patahimikin mo 'yang aso mo?" mataray na saad niya hang nakataas pa ang isang kilay niya sa akin kasabay ng panlalaki ng mga mata niya.
Napatingin ako sa kay Shoti at tahimik naman na 'to ngayon.
"Okay," walang ganang saad ko at tinignan siya mula ulo hanggang paa.
Maganda ang suot niya at bumagay sa kurbadang katawan niya ang skinny dress na off shoulder. Hanggang gitna lang ng hita niya ang haba ng dress pero ang boots na suot niya ay lagpas pa sa tuhod niya.
Buti pa siya ang haba ng boots niya, ako kasi ang ikli ng pasensya ko tapos wala pang boots.
"Okay? Okay lang? Kanina pa ko tawag nang tawag sa'yo tapos sasabihin mo, okay lang?" anas niya sa akin.
Hindi ko alam na mahilig din pa lang maghamon ng away ang mga yayamaning katulad niya. Ang ganda pa naman ng suot niya tapos mukhang mabunganga siya. Mabuti na lang ako, hindi maganda ang suot ko kaya okay lang na magbunganga ako.
"Tahimik naman na ang aso ko 'di ba?" nakangiting sambit ko. "Ikaw na lang ang tahol nang tahol diyan—"
"What are you stuttered? Hindi ako tumatahol dahil hindi ako aso!" sigaw niya na parang asong galit.
Nag english pa talaga siya e ang kinalabasan pa rin naman ay para siyang asong galit. Mukha pa siyang bulldog.
"Oh, hindi ka pala tumatahol. Sorry hah akala ko kasi tumatahol ka katulad ng tahol sa bulldog," sambit ko at nagpantay ang labi ko.
Nakita ko na mas nagalit pa ang bruha sa akin kaya napaatras ako bago pa niya mahabot ang buhok ko kaya salampak tuloy siya sa sahig.
"Babe!"
Napatingin naman ako sa lalaking bagong dating na tinulungan ang babae sa lapad. Otomatikong napabilog ang labi ko ng may mapagtanto ako. Ang lalaking kasing 'to ay ang lalaking kanina pa tingin nang tingin sa akin.
"Alam ko na kung bakit ka galit sa akin," nakangising saad ko sa babaeng 'to na handa ko ng galitin.
Inantay ko muna siyang makatayo dahil sa tulong ng boyfriend niyang mukhang lolokohin lang naman siya.
"Dahil kanina pa tingin nang tingin sa akin ang boyfriend mo!" masayang saad ko. "Hindi ka talaga galit dahil sa tumatahol ang aso ko dahil nagseselos ka sa pagtingin-tingin sa akin ang boyfriend mong tukmol."
Tutal nasira ang araw ko kay Ethan, siguro kailangan ko muna na i-refresh ang utak ko. Tutal siya naman ang nag-umpisa kaya ako naman ang tatapos sa pang-iinis niya.
"What? At sino ka naman? Ang babaeng katulad mo na mukhang taga iskwater area na nakapasok sa mamagaling restaurant—"
"Bingo!" masayang sambit ko. "'Yon na nga e. Mahirap lang ako pero nakuha ko ang atensyon ng boyfriend mo kaysa sa'yo na nakasuot ng magandang alahas at magandang damit. Kaawa-awa ka naman. Kung ako sa'yo hiwalayan mo na 'yang boyfriend mo bago ka pa lokohin niyan."
Sa sobrang gigil niya, itinulak niya ang boyfriend niya at mabilis na humakbang papalapit sa akin. Itinaas niya ang kamay niya pero bago pa tumama sa akin ang kamay niya at may sumalo na ng malakas na sampal niya.
Imbis na magalit ay mas napatawa pa ako dahil si Ethan ang sumalo ng sampal na para sa akin.
"Ang galing!" masayang sambit ko at naglakad papunta sa tabi ni Ethan habang buhat-buhat ko pa rin si Shoti na ang tahimik.
Napadungaw ako sa pisngi ni Ethan. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na mapangiti dahil bawing-bawi ako. Hindi ako ang sumampal kay Ethan pero pakiramdam ko ako na rin ang sumapal sa kanya. Siguradong malakas 'yon.
"Iwanan ko na kayo hah," singit ko sa kanila. "Nawalan ako ng gana sa mga mayayaman na 'to na parang walang class sa buhay," mapang-asar na saad ko at mabilis silang iniwanan.
Napatingin ako kay Shoti na buhat ko, mahimbing na pala ang tulog niya kata hinalikan ko ang uluhan ni Shoti.
"Nice show," masayang saad ko at lumabas ng restaurant.
Ang sarap marinig nang pagsampal ng babae kanina dahil sapul na sapul talaga si Ethan. Ang bilis nga naman ng karma oh.
"Dianne, sandali!" sigaw ni Ethan pero mas binilisan ko pa ang ang paglalakad ko pero sadyang mabilis siya dahil nakaharang na siya sa harapan ko kaya napahinto ako sa paglalakad.
Napabuga ako ng hangin at mahinhin na hinimas ang ulo ni Shoti na natutulog. Binigyan ko siya ng malawak na ngiti habang pinagmamasdan ko ang pisngi niya na mapula at bakat pa ang kamay ng babae.
"Bakit, Chief Ethan?" masayang tanong ko.
Makita ko lang nag mukha niya na nasampal at ang mukha niyang seryoso, nagiging masaya na ako. Kasiyahan ko ang mainis siya at maalis ang tawa niya.
"Bakit nakikipag-away ka? Sandali lang akong nawala tapos may kaaway ka na agad?" sambit niya at bahagyang kumukunot ang noo niya.
Ganyan nga... Dapat lang na mas kumunot pa ang noo mo dahil ako ang magiging bangungot mo.
"Ako ba ang nagsimula?" nakangising tanong ko sa kanya. "Wala ka roon kaya hindi mo alam kung ano ang nangyari."
Wala rin naman akong panahon para sa kanya. Hindi ko ugaling magpaliwanag kahit na kanino. Isipin nila ang kung anong gusto nilang isipin dahil alam ko naman na kahit sabihin ko sa kanya ang totoo, wala pa rin. Titirahin niya pa rin ako patalikod tulad ng mga kaibigan ko noon.
Sobrang hirap na ko magtiwala sa kahit na kanino kaya ang kaibigan... Hindi ko na kailangan 'yan.
"Sabihin mo sa akin kung anong nangyari para alam ko—"
"Pwede bang tumigil ka na?" diretsahang saad ko dahil ito na naman siya sa pakikialam sa buhay ko. "Bakit maniniwala ka ba sa sasabihin ko hah?"
Taas noo ko siyang hinaharap. Ayokong makipagplastikan sa mga tao kaya minsan ako na ang lumalayo sa kanila. Online seller ako pero hindi ako sanay makipagplastikan sa mga buyer ko. Bilhin nila ang product ko at magiging mabait ako na ibibigay ito.
"Maniniwala ako, Dianne kaya sabihin mo na sa akin. Dahil kapag nalaman ko na hindi naman pala ikaw ang nauna, ipapa-ban ko ang babaeng 'yon sa restaurant na 'yon."
Hindi ko maibuka ang labi ko kahit na may gusto akong sabihin. Gagawin niya 'yon? Pero hindi nga dapat ako magpadala sa kanya. Pulis pa naman siya at hindi ko alam kung sino o ano ba talaga ang ugali niya.
"Pulis ka naman. Ikaw na lang ang umalam," walang ganang saad ko at naglakad sa gilid niya para lagpasan siya.
Pero hindi pa ako nakakalayo sa kanya ng bigla niyang hapitin ang bewang ko at hinarap ako sa kanya.
"Ano ba!" sigaw ko at napatingin agad kay Shoti na hele-hele ko.
Hindi naman siya nagising kahit na ang ingay-ingay na namin. Mabuti na lang din at hindi ko siya nabitawan at naipit sa pagitan namin ni Ethan.
Napataas ang tingin ko kay Ethan na hawak ako sa bewang ko ng mahigpit.
"Pakawalan mo ako, Ethan. Hindi porket ikaw ang magpapasweldo sa akin, may karapatan ka na agad na hawakan ako," malamig na saad ko.
Pero mas lalo lang humigpit ang paghawak niya sa bewang ko at nadagdagan pa 'to ng isang kamay niya. Ang lakas ng loob niya porket hawak ko ang aso niya at alam niyang hindi ko mabibitawan si Shoti.
"Bakit parang ang hirap-hirap kunin ng tiwala at ng loob mo? Bakit ang laki ng galit mo sa mundo?" mahinang sambit niya at sakto para marinig ko dahil sa sobrang lapit namin sa isa't isa.
Kailan ko pa siya binigyan ng karapatan na magtanong tungkol sa personal na bagay? Sa pinakapersonal pa talaga.
"H'wag mo ng alamin dahil wala kang makukuha sa akin, Chief Ethan Gian Fuentes." Tumaas ang sulok ng labi ko.
Sinarado ko na ang mundo na mayroon ako para sa mga panibagong tao na darating sa buhay ko at sisira nito. Hindi pa ako nakakapag-move on sa sakit ng nakaraan ng mga magulang ko kaya ayokong pumasok na naman sa panibagong sakit. Ang tapang ko. 'Yon ang sinasabi ng lahat pero hindi nila alam kung ano talaga ang dala-dala ko sa loob ko.
"Matatapos ang isang buwan ng wala kang kahit isang nakukuha sa akin, Chief Ethan," matigas na sambit ko.
"Magdahan-dahan ka sa pagsasalita ng patapos dahil hindi rin naman ako papayag ng hindi ko nakukuha ang gusto ko. I am chief of police in Manila, after all. I can grab all I want in one snap."