Prologue
PROLOGUE — Ito pong eksena na ito ay mangyayari pa lang sa future. Sa Episode 01 naman po magsisimula kung paano sila nagkakilala.
"GUSTO kong kumain tayo. Ayos lang ba sa'yo?" tanong niya pa sa akin na parang nag-aalangan pa.
Bakit ngayon lang siya nag-aalangan na alukin ako? Ilang beses na kaming kumain ng sabay tapos ngayon pa siya nahiya sa akin? Anong mayroon ngayon at parang iba ang awra sa katawan niya?
"Bakit mo ako tinatanong?" nagtatakang saad ko sa kanya.
Hindi naman siya marunong magtanong sa akin kapag kakain kami. Basta kapag kakain siya automatic na 'yon na kasama niya ako. Gano'n naman palagi hah. Wala namang nag-iba pero bakit parang may nag iba bigla sa kanya? Anong nangyayari kay Ethan?
"Hmm. Dapat naman 'di ba?" Bumalik ang tingin sa akin ng mga mata niya na hindi ko maintindihan kung ano ba talaga ang gustong sabihin sa akin pero isa lang ang alam ko... Malungkot siya.
Ethan... Anong nangyayari sa'yo ngayon? Bakit ka nagkakaganito? Nawalan na kaya siya ng gana sa akin? Hindi na kaya niya ako gusto? Ang dami kong tanong na gusto kong sabihin sa kanya pero hindi ko magawang itanong.
"Hindi mo kailangan magtanong, Ethan. Hindi ka naman kasi ganyan. Basta sinasama mo ako kung saan ka pupunta," madiing saad ko.
Nauubos na ang pasensya ko sa kanya dahil hindi ko talaga alam kung ano bang gusto niyang sabihin sa akin? Nakakainis ang inaakto niya ngayon dahil hindi ako sanay. Mapilit siyang tao pero bakit hindi ko makita ngayon na parang interasado pa siya na makasama ako na kumain?
"Noon 'yon, Dianne. Noong hindi pa tapos ang kontrata mo sa akin pero kasi pagbaba natin, tapos na. Tapos na ang lahat," punong-puno ng pait ang boses niya.
Bakit kasi may mga kontrata na kailangan pang matapos? Bakit kailangan magbago ang nararamdaman ko para sa kanya? Excited lang ako noon na matapos ang kontrata ko sa kanya pero ngayon ayoko na talaga.
"Kaya ba nagkakaganyan ka, Ethan?" Hindi ko maiwasan na ismiran na lang siya. "Kaya ba bigla na lang nawala ang nakilala kong Ethan--"
"Kasi alam kong wala na nga talaga, Dianne. Kahit anong pilit ko, wala na. Sinama kita rito sa Cebu para tulungan ka na magdesisyon. Para maisip mo na ako nga talaga ang gusto mo at ayaw mo akong mawala sa'yo pero kapag tinitignan kita parang suntok sa buwan na mapasakin ka talaga."
Napakagat ako sa dila ko dahil kung kailan na re-realize ko na ang lahat tsaka naman siya nagkaganito. Pota na buhay 'to. Ang sarap tumalon sa dagat at magpakain na lang sa pating.
"So, tumitigil ka na sa pagkakagusto--"
"Hindi ibig sabihin na tapos na ang kontrata ay tumitigil na ako, Dianne."
Napairap ako sa kanya dahil pinakaba niya talaga ako ng husto. Kaba na ibang-iba sa binibigay niya sa akin.
"Eh bakit kasi bigla kang naging ganyan!" asik ko sa kanya. "Bakit parang nag-iba na lang ang pakikitungo mo sa akin hah?!"
Bigla naman siyang natawa sa inakto ko at naglakad pa palapit sa akin. Masama lang ang tingin ko sa kanya kahit na hinawakan niya ang kamay ko.
"Ubos lang ang lakas ko, Dianne. Tapos na kasi ang kontrata mo at wala na kong dahilan para makita at makasama ka araw-araw."
Napairap ako sa kanya. Pwede naman kasi na sa bahay pa rin siya tumira. Hindi ko pa naman sinasabi sa kanya ngayon na umalis na siya e. Hindi ba niya itatanong sa akin kung gusto ko na umalis siya ng bahay? Hindi ba niya itatanong kung pwede siya na manatili sa buhay ko? Ang tanga! Alam niyang nahihiya ako e.
"Ang babaw ko ba?" tanong niya sa aki.
Kung mababaw siya e paano naman kaya ako? Baka nga mas mababaw akong tao.
"Hindi," tipid na sagot ko sa kanya.
Napangiti siya sa akin. Kahit pa paano nawala ang kanina niyang nakabusangot na mukha. Mabuti naman kung gano'n dahil naiirita ako kapag ganyan ang mukha niya na busangot.
"Sakto lang pero bakit hindi ka kumain? Kahit konti sana nilagyan mo ng laman ang tiyan mo," sambit ko sa kanya.
"Inaalala mo na ko," nakangiting sambit niya. "Napapadalas ang pag-aalala mo sa akin pero bakit ngayon lang kung kailan huling araw mo na sa akin?"
Kung makapagsalita siya parang hindi na niya ko ulit pupuntahan hah. Baka gusto niyang kotongan ko siya kapag hindi niya na ginulo ang buhay ko. Gusto kong guluhin niya ang buhay ko. Hindi ba obvious 'yon?
"Malapit na ba tayo?" pag-iiba ko sa usapan.
Hindi ko naman kayang sabihin sa kanya ng diretso ang gusto ko. Paano ko sasabihin sa kanya na pwede naman na hindi na matigil ang isang buwan. Na pwede namang hindi na kami magiba ng landas.
"Oo. Sa port na rin tayo kumain," aniya.
Napatingin ako sa daungan at nakita ko ang iilang ilaw ng restaurant. Mukhang malapit na nga kami dahil nakikita ko na ang mga iba-ibang ilaw.
"Ihahatid na rin kita pag-uwi natin. Tapos baka magkita na tayo sa pagbisita sa magulang ko," aniya.
Seryoso siya? Hindi na nga siya titira sa bahay ko na binigay niya mismo? Uuwi na siya sa penthouse niya?
"May gusto kang sabihin?" tanong niya pa sa akin.
Napakagat labi ako at napipilitan na umiling sa kanya. Paano ko naman kaya uumpisahan? Hindi ko kayang simulan kaya hindi na lang ako magsalita.
"Ako may sasabihin," aniya.
Napataas ang dalawang kilay at nagsimula na naman rumampa ang puso ko sa bilis ng kabog. Ito na kaya 'yong inaantay ko? Itatanong na kaya niya sa akin ang tungkol sa aming dalawa?
"Ibibigay ko na sa'yo 'to," aniya at may dinukot mula sa bulsa niya.
Isang puting sobra na makapal ang inilahad niya sa harapan ko. Tinanggap ko naman agad ito at sinilip ang laman. Libo-libo ang laman nito.
"Sweldo mo," aniya.
Tapos na nga talaga. Inabot na niya sa akin ang sweldo ko. Hindi ba talaga siya magtatanong sa akin? Alam naman niya kung gaano kataas ang pride ko at hindi ko kayang magsimula na mag open up tungkol sa relasyon naming dalawa.
"Papasok na ako sa loob, Dianne. May aayusin muna ako," aniya.
Nagsalubong ang kilay ko dahil iiwan niya talaga ko ng mag-isa rito? Siya na palaging buntot sa akin ay iiwanan ako? Nakakapanibago kasi hindi naman niya ko iniiwanan sa kung saan-saan lang basta.
"Pumasok ka na rin sa loob dahil malapit na tayo dumaong," aniya at wala akong nagawa kundi ang tumango lang sa kanya.
Ano pa ba ang pwede kong isagot sa kanya maliban sa pagtango? Hindi ko kasi talaga siya makuha. Akala ko okay na pero ramdam ko talaga na may nagbago. Tumalikod siya sa akin at naglakad na palayo.
Napakagat ako sa labi ko habang pinagmamasdan ang bawat paghakbang niya palayo sa akin. Hindi ako pwedeng sumigaw. Kailangan kong ikalma ang sarili ko dahil hindi ko siya pwedeng tawagin. Hindi ako ang mag o-open up ng bagay na mayroon kaming dalawa dahil hindi naman ako baliw. Siya ang baliw na baliw sa aming dalawa.
"Ethan!"
Pota. Ako pa rin talaga ang sumigaw. Ako pa rin ang talo pero dapat ko pa bang isipin 'yon kung ang kapalit naman ay hindi ako mapapakali kasi hindi ko na amin sa kanya ang totoo.
Humarap sa akin si Ethan habang nakapamulsa ang dalawang kamay sa slack niya at malaki ang ngiti sa labi. Abot hanggang tenga ang ngiti niya na hindi ko nakita kanina.
"May sasabihin ka, Dianne?" tanong niya.
"Ayoko na mag trabaho sa'yo kahit kailan," sambit ko.
Nawala ang ngiti sa labi niya na para bang hindi 'yon ang salita na inaasahan niyang lalabas sa labi ko. Alam kong nanghihinayang siya pero hindi pa ako tapos.
"Kailangan bang sabihin mo pa sa akin 'yan?" may poot na sambit niya sa akin.
Dahan-dahan akong lumakad palapit sa kanya. Kinakabahan ako pero narito na ako. Hindi na ko pwedeng magdalawang isip pa kaya dapat ko na lang agad sabihin sa kanya.
"Ayoko na mag-alaga ng aso mo at swelduhan ulit ako. Ayoko nang pumirma ng isang kontrata na pang isang buwan lang na may batas na dapat sundin..."
"Dianne..."
Kita ko ang sakit sa mga mata niya pero aalisin ko rin naman agad 'yan. Hindi na niya kailangan masaktan pa simula ngayon sa lahat ng mga sasabihin ko dahil iba na ang susunod.
"Pero gusto ko pa rin alagaan si Shoti kahit walang sweldo na natatanggap mula sa'yo. Gusto kong nasa bahay ko pa rin si Shoti at nasa loob ng kwarto ko at syempre ikaw. Palagi akong sumasama sa mga lakad mo kahit ayaw ko kaya dapat susunod ka sa akin," lakas loob na saad ko kahit na nanginginig na ang labi ko sa kaba. "Manatili ka na lang sa bahay ko, Ethan."
Nawala ang sakit sa mga mata niya at muling namutawi ang ngiti sa labi niya. Huminto ako sa paglalakad at pinagmasdan siya mula sa kinatatayuan ko sa gitna ng barko. Nababalot ng kadiliman pero ang puso ko hindi.
"Hindi ka na single ngayon, Ethan. May girlfriend ka ng palengkera at online seller."
Hindi ko na kailangan na matakot pa dahil siya na ang kasama ko. Hindi ko na rin kailangan mag alinlangan pa dahil siya ang lalaki na dapat pagkatiwalaan.
"Pero h'wag ka nga lang aasa na katulad ako ng ibang babae riyan na sobrang malambing," saad ko pa.
Pero isang malakas na tawa ang ibinigay niya sa akin at naglakad siya palapit sa akin. Hinila ako papunta sa kanya at niyakap niya ako ng mahigpit. Napapikit na lamang ako at dinama ang mainit niyang yakap sa malamig na simoy ng hangin.
"Dianne, 'yan lang naman ang inaantay ko na sabihin mo sa akin."