Rochelle Dianne's POV
Minsan kailangan kong lunukin ang pride ko. Galit man ako sa ga pulis pero kailangan ko ang pera. Pera lang naman ang usapan kaya gagawin ko 'to para sa pera lang.
"Si Ethan?" tanong ko sa pulis na nasa harapan ko ngayon.
Hindi ko alam kung tama ba ang prisinto na pinuntahan ko pero ito ang pinakamalapit na prisinto kaya sa tingin ko narito siya.
"Ethan?" kunot noong tanong sa akin ng pulis na nasa harapan ko habang may sinusulat siya na kung ano sa log book.
Tanga naman nitong pulis na 'to. Hindi kilala si Ethan? Akala ko ba chief of police si Ethan eh bakit parang hindi kilala?
"Si Ethan Gian Fuentes hindi mo kilala? 'Yong mamang pulis na matangkad na nasa Divisoria kahapon? 'Yong mamang pulis na saksakan ng kaepalan, hindi mo kilala?"
Natigil ang pulis sa pagsusulat niya at napataas ang tingin niya sa akin. Nakanganga siya sa akin. Napairap ako sa kanya dahil naamoy ko ang mabaho niyang hininga.
"Bastos ka rin hah," sambit ng pulis na 'to na mukhang maiinis na sa akin.
"Anong bastos doon? Bastos nakahubad," sarcastic na saad ko.
Mukhang wala naman akong mapapala rito. Baka ito na ang sign para h'wag na akong tumuloy.
"Ang bastos mo. Bakit kung tawagin mo ang chief namin parang—"
"Tama na 'yan, Pilar." Napatingin agad ako sa kanan ko at nakita ko ang lalaking hinahanap ko at agad ko siyang inirapan. Hinawin ko pa ang hanggang balikat kong buhok. "Ako na ang bahala sa babaeng 'to."
Huminto sa harapan ko si Ethan. Suot niya ang uniporme niyang pang pulis at ang ngisi sa labi niya ayaw mawala-wala. Gusto kong sapakin ang mukha niya dahil parang nang-aasar siya sa klase ng ngisi niya.
"Hmm... Pwede na ba kitang tawaging Rochelle? Ikaw na mismo ang pumunta rito sa prisinto ko kaya close na siguro tayo—"
"Gusto kong pag-usapan ang tungkol sa trabaho," diretsahang saad ko at nag-iwas ng tingin sa kanya.
Masakit sa pride pero kailangan gawin. Sobrang sayang ng fifty thousand.
"Full name mo?" tanong niya sa akin.
Napahilamos ako sa mukha ko para pigilan ang kamay ko na manuntok na naman.
"Rochelle Dianne Aquino," walang ganang saad ko at humarap muli sa kanya. "So, pwede na tayong mag-usap tungkol sa trabaho?"
Mas lalong lumawak ang ngisi sa labi niya at bumaba ang tingin niya sa tsinelas ko at nagtaas papunta sa hita ko na malayang nakikita ng mga tao dahil sa suot kong maong na short.
"Tara sa opisina ko," aniya at tumalikod sa akin.
Nauna siyang naglakad sa akin at sinundan ko naman ang bawat yapak niya. Habang naglalakad ako sa prisinto na 'to para akong sinasakal ng nakaraan ko na pilit kong kinakalimutan.
Dito... Dito nabawian ng buhay ang nanay ko at ayoko nang alalahanin pa 'yon dahil sobrang sakit.
"Wala ka na bang ibang pambaba bukod diyan sa short mo na napakaikli?" tanong niya sa akin at pumasok sa isang pintuan.
Napailing na lamang ako habang masama ang tingin ko sa likod niya. Pumasok na rin ako sa loob ng opisina at hinayaan ko na bukas 'to.
"Pati ba ang short ko, kailangan mong pakialaman?" seryosong tanong ko sa kanya.
Naupos siya sa silya niya at ipinatong niya ang dalawang kamay niya sa ibabaw ng lamesa sa harapan niya. Nanatili naman akong nakatayo sa harapan ng lamesa. Ayokong maupo sa silya rito dahil baka kung ano pang sakit ang makuha ko.
"Ang trabaho ang pag-usapan natin at h'wag ang suot ko," sambit ko pa at tinaas ang dalawang braso ko sa tapat ng dibdib ko. "So, sino ba ang aalagaan ko?"
Imbis na sagutin niya ang tanong ko, iba ang kanyang ginawa. Binuksan niya ang isang puting folder sa ibabang ng lamesa niya at may kinuha na papel doon.
"Pirmahan mo muna ang kontrata." Inilahad niya sa akin ang papel.
Naglakad ako papalapit pa sa lamesa at hinablot ko sa kanya ang papel na 'yon. Hindi ko na binasa at nanatiling nakatingin ang mga mata ko sa kanya.
"Sabihin mo pa ang gusto mong sabihin tungkol sa trabaho. Tinatamad akong magbasa kaya ipaliwanag mo na sa'kin," utos ko sa kanya.
Tumaas ang magkabilang sulok ng labi niya at napasandal siya sa silya niya. Ipinatong niya ang magkabilang siko niya sa patungan ng kamay habang masayang nakangiti sa akin.
"Kaya una pa lang gusto na kita para sa alaga ko e. Palabas ang ugali mo at kahit ako na chief of police ay hindi mo kinatatakutan."
"Bakit naman ako matatakot sa pulis?" nakangising tanong ko at humakbang pa palapit sa lamesa niya.
Ipinatong ko ang dalawang kamay ko sa ibabaw ng lamesa niya at bahagang dumukwang.
"Pumapatay ba kayo ng tao? 'Di ba hindi naman?" nakangising saad ko pa.
Hindi man nag nagbago ang reaksyon niya at nanatili itong masaya na nakatingin sa akin.
"Anyway, bukas ka na magsisimula sa trabaho mo. Ibibigay ko sa'yo ang address ng bahay ko para makita mo ang magiging alaga mo. Ipapaalala ko rin sa'yo na simula alas-siete ng umaga at alas-dies ng gabi ang trabaho mo sa akin. Libre na rin ang pagkain mo," aniya.
Napataas ang dalawang kilay ko at inalis ko na ang dalawang kamay ko sa ibabaw ng lamesa niya. Ibinalik ko sa pagkakakrus ang braso ko sa harapan ng dibdib ko.
"So, nasa bahay mo ako at nag-aalaga habang ikaw naman ay narito sa prisinto?" masayang tanong ko.
Maganda kung gano'n dahil ayaw ko talaga siyang makita dahil naiinis pa rin ako sa mga pulis.
"Sino naman ang nagsabi sa'yo?"
Agad na nawala ang ngiti sa labi ko at napakagat labi para pigilan ang sarili ko na magalit. Fifty thousand 'to at hindi ko pwedeng pakawalan basta-basta.
"Sasama ka sa'kin pati ang aalagaan mo kahit saan ako magpunta—"
"Eh paano naman kung may aksidente kang pupuntahan? Kailangan ba kasama pa rin ako?" tanong ko pa.
Ayoko nga! Ayokong nakakakita ng dugo sa aksidente! Nakakatakot ang dugo dahil naalala ko lang ang nangyari sa amin noon ng pamilya ko. Ang pangyayari na sana nakalimutan ko na lang...
"Kasama ka pa rin, Dianne. Kasama ka kahit saan ako pumunta. Kahit pa sa gitna ng barilan tutal matapang ka naman 'di ba? Nagawa mo nga akong suntukin ng malakas kahapon."
Matapang hah? Mabuti naman ang matapang ang tingin niya sa akin dahil ayokong minamaliit ako lalo na ng tulad niyang pulis.
"Oo na pero pwede bang h'wag mo kong tawagin sa pangalan kong Dianne? Nakakainis e," prangka na saad ko.
Walang tumatawag sa second name ko maliban sa kanya at naririndi ako.
"Bakit naman?" mahinang saad niya at tumayo sa silya niya.
Naglakad siya palapit sa akin kaya hinanda ko agad ang mga paa at kamao ko sa susunod niyang gagawin sa akin.
"Ayaw mo ng tinatawag kitang Rochelle kaya tinawag na kitang Dianne." Huminto siya sa harapan ko at bahagyang yumukod para magpantay ang mukha naming dalawa.
Kalma lang dapat ako dahil baka kapag sinaktan ko na naman siya ay mawala pa ang pera na kikitain ko sa kanya. Ayokong maging bato pa ang pera na kikitain ko sa kanya.
Mabilis lang naman lilipas ang araw. Isang buwan lang at makakahinga na rin ako ng maayos.
"Ano bang gusto mong itawag ko sa'yo?" mahinang tanong niya. "Gusto mo ba na mahaba ang tinatawag ko sa'yo tulad ng miss na may bitbit ng echo bag? O baka naman gusto mong tawagin kitang babaeng maganda tutal doon ka lumingon ng tinawag kita kahapon."
Hindi ko alam kung ganyan lang ba talaga siya o inaasar na niya ako.
"Tawagin mo na lang kong Rochelle, Chief Ethan," madiing sambit ko sa pangalan niya. "Pero hindi ibig sabihin na pinahintulutan kita na tawagin akong Rochelle ay close na agad tayo—"
"I dont wan't Rochelle. I want Dianne because the named Dianne suits you well. Dianne means strength, and beauty of course..."