KINABUKASAN ay maagang nagising si Bella. Katunayan ay siya pa ang naunang nagising sa kanila nila Mara. Paano, maaga rin siyang natulog nang nakaraang gabi dahil kagaya nga ng pagpapaalam niya pagkatapos maghapunan ay dumiretso na siya sa villa. Medyo masama nga lang ang loob niya noon dahil imbes na nakapamasyal pa sana siya nang gabing iyon ay hindi na niya nagawa at baka makadaupang-palad na naman niya ang binatang sumira ng ikaapat na araw niya sa isla. Ayaw ni Bella na pati ang gabi niya ay tuluyang masira. Isa pa, mukhang masama ang pagkakabagsak niya dahil masakit pa rin ang katawan niya nang gabing iyon.
“Good Morning! Ang aga natin, ah?” bati ni Mara kay Bella na kalalabas lamang ng shower room at nagpupunas na ng buhok.
“Bakit? Bawal?” masungit na sabi ni Bella rito. Nagda-dryer na ito ngayon ng buhok habang nakaupo sa tapat ng salamin.
“Ay, ang sungit na naman. Ang aga-aga pa, Bella, ha?” nagmamaktol naman na sabi ni Mara.
“Biro lang.” Bella laughed. “Good Morning din. Maaga akong natulog, ‘di ba? Malamang maaga rin akong magigising. Ano ka ba?” muling sabi niya rito.
“Oo nga pala,” tumatangong sabi nito. “Hindi ka tuloy nakasama kagabi sa amin. Tumugtog ang Danger Zone! Oh my gosh! Ang gwapo noong bago nilang vocalist!” sunod pang sabi nito na para naman nang inaasinan sa kilig. Ang bilis magpalit ng mood!
“Danger zone?” nakakunot ang noong tanong ni Bella na nakatutok pa rin ang atensyon sa salamin. “Sino na naman ang mga iyon?”
Kung hindi lang maaga pa para bumuntong-hininga ay ginawa na ni Bella. Ano pa bang i-e-expect niya sa pinsan niyang hindi na yata nauubusan ng ‘K’ sa katawan. ‘K’ as in kalandian.
“Ano ka ba, Bella? Ikaw itong nasa music industry tapos hindi mo sila kilala?” hindi makapaniwalang sabi ni Mara at saka nakapamaywang na lumapit sa kaniya. “Sikat na ang Danger Zone even before. Iyon nga lang, nawala sila sa industry noong na-disband sila. Crush na crush ko kaya ang mga members noon. Ang gwagwapo ba naman tapos ang ta-talented! Nag-comeback sila last year at naka-attend na rin ako ng ilang gigs nila,” mahabang kwento nito na nakangiti pa nang todo at proud na proud pa sa mga ito.
“Oh, tapos? Hindi naman ako mahilig sa mga lalake kagaya mo, ano! Nadamay pa talaga iyong career ko. Hindi naman porket nagpe-perform din ako at mahilig sa musika ay dapat na kilala ko na rin sila.” Inirapan ni Bella ang pinsan. “Saka nandito tayo para mag-family bonding, ‘di ba? Hindi para maglandi. Umayos ka,” panenermon pa ni Bella na sinimangutan naman ni Mara.
“Hay nako! Ang KJ mo talaga kahit kailan,” reklamo pa nito.
“KJ na kung KJ. Ano kaya kung maligo ka na rin para makarami tayo ng activities ngayon. Tatlong araw na lang tayo rito kaya dapat nang sulitin. Lalo ka na. Ako, lagi lang naman nandito sa Batangas kaya sulit na sulit ko ang mga beach.”
“Oo na po, madam!” pabiro namang sagot nito at saka yumukod pa. “Nasaan na nga pala si mommy saka si tita?” pagkatapos ay tanong nito.
“Nauna na silang maglagalag as usual. Ano pa nga ba?” natatawang sabi ni Bella. Kahit mas nauna siyang nagising ay halos kasunod niya lang ang mga ito. Pagkatapos ay nakipag-unahan pa ang mga ito sa kaniya na maligo. Natatawa na lang si Bella sa pagkaalala niya ng eksena kanina. “Sige na, maligo ka na. Ngayong araw daw tayo pupunta doon sa kabilang isla.”
“Aye, aye, captain!” nakasaludong sabi ni Mara at saka dumiretso na sa shower room. Ipinagpatuloy naman ni Bella ang pag-aayos ng sarili sa harap ng salamin.
***
SIMPLENG puting short at itim na souvenir shirt lamang ang suot ni Bella nang araw na iyon. Naka-souvenir shirt din si Mara pero puti naman ang suot niya na tinernuhan niya ng palda na may floral design. Kagaya ng napagplanuhan ay pupunta nga sila sa karatig na isla ng Adam’s Island Resort. Excited na excited ang bawat isa lalo na at sasakay sila ng bangka. Balita rin nila ay maganda rin ang bahagi ng isla na iyon.
“Hoy, kanina ka pa lingon nang lingon sa kung saan? Anong hinahanap mo?” sita ni Bella sa kaniyang pinsan. Kanina pa kasi niya napapansin na parang may hinahanap ito. Nang hindi ito sumagot ay tinapik niya ito sa braso. “Huy! Ano ngang hinahanap mo. O sino?” muling tanong ni Bella saka ibinalik ang atensyon sa inaayos na life vest. Naghahanda na kasi sila para sumakay sa bangka.
“Bella, naniniwala ka ba sa destiny?” mayamaya ay biglang tanong ni Mara.
“Ha? Destiny?” nakakunot namang balik tanong ni Bella.
“Oo, iyong tipong itinadhana talaga kayong magkita ng isang tao. Tapos hindi niyo na lang mapipigilan iyong mga pangyayari hanggang sa—” Hindi na natapos ni Mara ang sasabihin dahil itinaas na ni Bella ang kamay nito na ibig sabihin ay pinapatigil siya.
“Hep! Saan na naman ba galing iyan?” nakakunot pa rin ang noo na tanong ni Bella. “Alam mo, parang hindi ko gusto ang patutunguhan niyan, ha?” muli pang sabi nito at pinaningkitan ng mata ang pinsan.
“Eh kasi . . . naalala ko lang iyong lalake kahapon. Alam mo bang nakita ko uli siya kagabi. Sobrang gwapo niya talaga. Sayang nga at wala ka,” kinikilig na sabi nito.
Kulang na lang ay batukan ni Bella ang pinsan. Ang aga-aga pa ay nahihibang na naman ito. Akala naman niya ay kung ano ang pinaghuhugutan niya ng tanong nito pero tungkol lang naman pala sa lalake kahapon.
“At ano naman ngayon kung wala ako kagabi? Eh kaya nga maaga akong natulog kasi ayoko siyang makita uli. Mabuti na lang pala talaga hindi ako sumama.”
“Ano ka ba? Alam mo ba, feeling ko kasi, bagay kayong dalawa, eh. Bukod kasi sa parehas kayong masungit—” Napatigil si Mara nang samaan ito ng tingin ni Bella. “I mean, bukod kasi sa parehas kayong gwapo at maganda, noong nagkabanggaan kayo kahapon, parang may nakita akong spark—” Hindi muli natapos ni Mara ang sasabihin nang sumingit si Bella.
“Spark? Kuryente lang?” mataray pa ring sabi nito. “Saka, ano ba? Don’t tell me, iyong lalakeng iyon ang hinahanap mo?”
“Ano ba? Putol ka nang putol sa sasabihin ko, eh! Hindi pa ako tapos.” Inirapan naman ni Mara ang pinsan. “Naisip ko nga kasi na kapag nagkita kayo uli ngayon, baka kayo na ang destined para sa isa’t isa.”
“Mara! That’s insane!” natatawang sabi ni Bella. “Huwag ka ngang nagpapaniwala sa mga ganiyan. Saka bakit kaya hindi mo sa sarili mo i-match iyong lalake na iyon. Tutal, mukhang type na type mo naman.”
“Ano ka ba? May JG na ako, ano? Mas type ko si JG. In fact, sasali pa nga ako sa pakulo nila para maka-date ko lang siya.”
“At sino naman si JG?” nakataas ang kilay na tanong ni Bella.
“Edi iyong bagong vocalist ng Danger Zone! You must see how cute he is! Grabe talaga! Syempre, hindi naman ako papayag na ikaw lang ang may island treasure dito, ano? Dapat ako rin! Para everybody happy!”
‘Island treasure? Ano daw?’
Napapailing na lang si Bella sa trip ng pinsan niya. “Alam mo, I don’t know kung med school talaga ang dahilan ng kahibangan mo o may tinitira ka na. Bad ‘yon, ha? May pa-island-island treasure ka pang nalalaman diyan. Kahit sa iyo na sila pareho. I am not interested.”
***
HALOS sampung minuto rin ang itinagal ng pagtawid nila Bella sa kabilang isla. Kung habang nasa gitna sila ng dagat ay namangha na sila sa mga tanawin . . . mas namangha pa sila nang nakarating na sila sa mismong isla. Mas maliit iyon kumpara sa pinanggalingan nilang main resort pero katulad ng sinabi ng tour guide habang nasa byahe sila kanina ay na-preserve nga ang natural na ganda ng lugar.
Walang masyadong facility doon at mas malinaw din na ang tubig dagat. Imbes na villas ay mga simpleng bahay-kubo na cottages lamang ang naroon. Hindi rin daw maaaring mag-stay sa isla nang overnight dahil walang kainan at commodities na available. Kailangan pang tumawid sa main resort para makakain at hindi rin basta-basta makakapunta doon nang walang tour guide.
"Uy, tara! Picture tayo!" aya ng pinsan nila Bella na si Kelvin. Hawak nito ang Osmo Gimbal Stabilizer niya habang sini-set ang kanyang phone. Lumapit naman sila kaagad ni Mara at nakigulo na rin sa pagsama sa litrato.
Halos isang oras din silang nagtagal sa islang iyon bago nila naisipang bumalik na sa main resort. Bigla silang nakaramdam ng gutom kaya nag-ayang kumain muna sa isa sa mga stalls na naka-set up 'di kalayuan sa shore si Bella.
Isang waffle stall ang napili nilang kainan. Kakaiba ang waffles doon dahil para iyong pizza na ni-roll at inilagay sa malaking baso. May ice cream pa iyon sa ibabaw at iba't ibang toppings.
Umupo sila sa isa sa mga sunbed benches na napapayungan sa hindi kalayuan nang makuha nila ang kanilang order. Mayamaya lang din ay nai-serve na ang in-order nilang chocolate shake.
"Ano pa kayang magandang gawin?" mayamaya ay tanong ni Mara habang nakatanaw sa mga tao na namamasyal sa beach. “Grabe, ang saya doon sa isla na pinuntahan natin. Sayang nga lang at limitadong oras lang tayo pwede roon,” nanghihinayang pang sabi nito.
“Oo nga, eh. Pero sa sandaling panahon, sulit na sulit na rin ang stay natin doon dahil sa ganda ng lugar, ‘di ba?” sabi naman ni Bella.
“Tama. Sulit na sulit talaga,” pagsang-ayon naman ni Mara at saka humigop sa chocolate shake niya. “Grabe, ang sarap din talaga ng mga pagkain dito.”
“So, ano na nga ang gagawin natin mamaya?”
Saglit naman na napaisip si Mara. "Ah! Alam ko na. Mag-swimming na lang tayo mamayang hapon."
“Wow, ha? Bagong-bago iyan.”
“Anong bago? Hindi ka pa naman sumasama sa amin mag-swimming. Palagi ka ngang nawawala noong mga nakaraang araw, ‘di ba?”
Natahimik naman sandali si Bella. Sabagay, tama nga ito. “Oh, edi mag-swimming. Ang dami pang sinabi.”
“Ikaw kaya!”
“Oh, ano? Mag-aaway pa ba tayo?”
Sabay silang natawa sa isa’t isa. Parehas silang bente singko anyos na pero minsan ay hindi talaga nila maiwasan magbangayan na parang bata.
"Sige na. Mag-swimming na tayo mamaya. Mga bandang five para hindi na mainit."
“Game!”
Nang magkasundo silang dalawa ay bumalik na silang muli sa pagkain. Habang kumakain ay kung anu-ano pang mga bagay ang napagkwentuhan ni Bella at ni Mara. Dahil matagal silang hindi nakapagsama nang ganoon ay iyon na ang nakuha nilang tyempo para makapag-catch up. Hindi talaga nawawalan ng topic lalo na kung si Mara ang kasama dahil sa sobrang kadaldalan nito. Pati nga ‘yung lalakeng na-encounter nila sa isla ay napag-usapan din nila uli.
Kahit hindi aminin ni Bella, somehow ay naku-curious din siya sa lalakeng iyon. At kahit iwaglit niya sa kaniyang isipan ay hindi rin mawala ang sinabi ng pinsan niya nang umagang iyon.
Paano nga kaya kung magkita uli sila ng lalakeng iyon?