Ako at Si Prinsipe Yago
Book 2
AiTenshi
"Binasa mo ba?" tanong niya
"Hindi.." ang sagot ko
"Kaya hindi mo alam na mahal pa rin kita. At mahal pa rin kita hanggang ngayon." ang wika ni Yago sabay yakap sa akin.
Agad niyang sinunggaban ng halik ang aking labi dahilan upang mapako ako sa aking kinatatayuan.
Part 4
Ramdam na ramdam ko ang kanyang mainit na labi na naka sugpong sa aking labi. Kapwa kami amoy alak ngunit ang kanyang halik ay hindi pa rin nag babago. Masarap pa rin ito at nakapang hihina ng tuhod. "Ngunit, mali ito at hindi na maaari ang ganito!" ang sigaw ko sa aking isipan sabay tulak sa kanyang palayo sa aking katawan.
Naalis ang pag kakasugpong ng aming mga labi..
"Bakit? Bakit hindi mo sabihin sa akin na mahal mo pa rin ako?" tanong niya
Ngunit hindi na ako sumagot. Agad akong nag lakad pabalik sa aming upuan at pilit na ikinalma ang aking sarili. Kumilos ako ng normal at naupo sa tabi ng aking mga kaibigan. Samantalang si Yago naman ay naka sunod lang akin at hindi mabakbak ang kanyang seryosong tingin.
Pinilit kong mag deny ngunit hindi ko rin natiis na sumagot dahil paunti unting bumubugso ang aking emosyon kaya hindi ko napigilan ang aking dila na mag salita.
"Ayos ka lang ba pare Ned? Mukhang lasing kana ah." ang biro ni Kenny sabay akbay sa akin.
"Ayos lang ako." tugon ko naman habang iniiwas ang tingin kay Yago.
"Naku mukha ang prinsipe Yago ay lasing na." ang wika ng iba kong kaibigan noong makita si Yago naka pikit na tila nahihilo.
Kasabay noon ang pag punta ni Beth sa aming lamesa, may dala itong mga tasa ng kape. "Nakup, lagot kayo sa hari. Nilasing ninyo ang prinsipe!" ang wika nito.
"Ang mabuti pa ay ubusin na natin ito para makapag pahinga na tayo." wika ni Kenny
"At mas mabuti rin siguro kung alalayan nyo muna ang prinsipe at ipasok doon sa munti naming tirahan. Doon muna siya mag pahinga." ang wika ni Beth
"Bakit doon?!" ang gulat kong tanong dahilan para mapatingin silang lahat sa akin. "Ang ibig kong sabihin ay bakit doon sa atin? Baka hindi siya sanay sa maliit at matigas higaang papag." ang sagot ko
"Sanay ako doon." ang sagot ni Yago sabay ngisi sa akin ng palihim. Mukhang umaarte lang ang gago. Naalala ko tuloy dati na umarte rin ito na nawawala ang kanyang kwintas at dalang dala naman ako doon kaya tinulungan ko siya. Manloloko talaga.
"Ayun naman pala. Mabuti nalang at napaka humble at hindi maarte itong si Prinsipe Yago. Dahan dahan ang pag alalay sa kanya." wika ni Beth
"Mabuti pa ay ipahatid nalang natin siya sa mga kawal niya doon sa palasyo nila. Baka hindi siya sanay matulog sa matigas na papag at baka mag kasakit siya kapag kinagat siya ng lamok. Alam nyo naman ang mga dugong bughaw masyadong maselan sa kanyang paligid. Baka mapatay pa natin siya dito kapag nadapuan siya ng bacteria." ang pag pigil ko.
"Ned, ano ka ba? Bakit ba sinasabi mo iyan? Baka mag mana sa iyo ang anak mo ha. Huwag mong ipapakita sa kanya ang ganyang ugali mo. Pasensiya na po kayo prinsipe Yago, ganyan lang talaga si Ned." wika ni Beth.
"Ayos lang. Bitter lang iyan." ang wika ni Yago at doon ay marahan itong nag lakad patungo sa aming maliit na tirahan.
"Madali palang malasing ang prinsipe." wika ni Kenny
"Eh pare baka hindi siya sanay sa mumurahing alak. Buti hindi sumasakit ang kanyang sikmura." hirit ng isa
"Mura nga ang alak na ito pero maitindi itong sumipa! Hik! Cheers!" ang sagot ni Kenny.
Tuloy ang happy happy nila. Ako naman ay walang nagawa kundi ang sundan si Yago na noon ay umaarte nalasing.
Pag pasok sa bahay ay agad nilang inihiga si Yago doon sa aking papag. "Bakit diyan sa higaan ko?" ang tanong ko
"Syempre, doon nalang tayo sa kabilang silid. Saka bakit ba ganyan ang ipina kikita mo sa prinsipe? Baka isipin niya ay magaspang ang ugali mo."
"Mas magaspang ang ugali niyan, ang ibig kong sabihin ay basta dugong bughaw ay maselan." sagot ko naman.
"Huwag ka maingay dahil natutulog na ang anak mo doon sa kabilang silid. Shhhh." pag bawal ni Beth.
Binigyan niya ang kumot at unan si Yago, saka ito hinayaang naka higa sa aking papag. Ako naman ay naka tingin lang sa kanya at inaabangan itong dumilat. Hindi naman siya malalasing ng ganoon kadali e.
Nakahiga lang ito at naka pikit..
Ganoon pa rin ang kanyang itsura, hindi ito tumanda at mukhang hindi man lang siya nakaranas ng hirap sa buhay. Syempre prinsipe nga siya kaya ang lahat ay sadyang madali para sa kanya.
"Oy, dumilat kana. Ano bang kailangan mo?" ang tanong ko sabay sipa sa hita nito.
"Arekup, huwag mo nga akong sinisipa, prinsipe pa rin ako kaya dapat ay galangin mo ako." ang wika niya
Sinipa ko siya ulit. "Tumigil kana. Ano bang gusto mo? Tahimik na ang buhay ko."
"Hindi naman kita ginugulo. Nais ko lang malaman kung maayos ang buhay mo dito." ang seryosong wika niya.
"Maayos naman. Maayos at tahimik."
"Ako? Magulo.. Hindi masaya." ang sagot niya.
"Bakit? Hanggang ngayon ba ay nag dudusa ka pa rin sa pag kakamali mo?" tanong ko
"Hindi ko alam. Basta ang alam ko lang ay hindi ako masaya." ang sagot niya sabay balikwas ng bangon.
Tahimik..
"Galit ka pa ba sa akin?" tanong niya
"Oo, ngunit nag hilom na ang lahat. Halos 18 taon na rin iyon. Limot ko na ang mga bagay na mayroon tayo. Kasabay ng pag lipas ng panahon ang tuluyang pag kupas ng mga ala alang iyon."
"Kung ganoon ay hindi kana galit sa aking ngayon? Nabalitaan kong tumalon ka raw sa tulay at inanod kung saan."
"Matagal na panahon na noong mangyari iyon. Heto at buhay pa naman ako." tugon ko
"Alam mo ba tumalon rin ako doon sa ilog na iyon. Gusto ko kasing maranasan ang hirap ang sakit na inabot mo ng dahil sa akin. Nag baka sakali ako na anurin rin ako sa lugar kung saan ka dinala ng agos nito. Ngunit bigo ako dahil bumalik lang ako sa lugar kung saan ako nag simula." ang seryoso niyang wika.
"Iyon ang senyales na hindi kana maaaring sumunod pa sa akin. Na tayong dalawa ay mga taong pinag hiwalay ng mapag larong agos ng buhay. Sana ay kalimutan mo na ang nakaraan at ituon mo ang iyong pansin sa hinarap. Sa iyong asawa at anak." sagot ko dahilan para matahimik siya.
"Ned, mukhang mahirap yatang kalimutan ang nakaraan. Dahil ang mga ala alang iyon ang tanging nag papa ligaya sa akin. Pipikit lamang ako at iisipin kung paano mo ako binago bilang isang tao ay napapangiti na ako. Kung aalisin mo sa akin ang bagay na iyon at kung pipilitin mo akong kalimutan ang nakaraan ay para mo na rin akong inalisan ng karapatang lumigaya at ngumiti." sagot niya
"Masyadong mabulaklak ang dila mo mahal na prinsipe. Tila yata mahirap paniwalaan ang mga sinasabi mo."
"Hindi naman kita pinipilit na paniwalaan ang mga sinasabi ko. Nais ko lang na mag karoon ka ng ideya ukol sa nararamdaman ko."
"Kung mag karoon ba ako ng ideya ay mayroon bang mababago?" tanong ko naman.
"Wala, pero nainam na yung malaman mong may nag mamahal pa rin sa iyo." ang wika niya sabay tayo.
Agad niyang tinungo ang pintuan at lumabas sa aming bahay. "Saan ka pupunta?" tanong ko
"Doon sa plaza, naroon ang aking ama. May dala akong sasakyan kaya't madali lamang akong makakarating doon." ang sagot niya.
Hindi naman ako kumibo at hindi na rin ako humakbang para samahan siya. Tila yata lalo pang gumulo ang aking isipan. Nasa hustong edad na kaming dalawa ni Yago ngunit ang isipan niya ay ganoon pa rin, mapag laro at mahusay mag bitiw ng matatamis na salita. Hindi ko maunawaan kung totoo ba o hindi ang kanyang mga sinasabi.
Gayon pa man ay nangangako ako sa aking sarili na hindi na muling mahuhulog sa kanyang patibong kahit na ano ang mangyari.
Itutuloy..