“Hindi ko inaasahan ang nasaksihan ko,” nakangising lumapit si Alunsina kay Crescent na nasa hardin nito kahit madilim na. “Hindi iyan ang pangkaraniwang gawain ng Crescent na nakilala ko.”
Hindi siya binalingan ni Crescent na dumiretso lang ng tayo mula sa pagkakatungo sa mga rosas nito.
"Kung magsalita ka parang kilalang-kilala mo ako. Minsan nagtataka na ‘ko na baka naman mas kilala mo pa ako higit sa ‘king sarili?” Sinapo ni Crescent ang kaliwang mata, nagkukulay dugo ‘yon at masyadong nagpupula ang kanyang paningin.
Natigilan si Alunsina sa sinabi ni Crescent. Mas matanda siya ng dalawampung taon dito. Sapat ang mga taong tanda niya rito para masabing kilala niya ito. Pero tunay nga kayang kilala niya ‘to?
Naakit na siya nang husto sa lihim ng pulang mata nito. Hinangad niya rin ito. Bilang imortal, napakahaba ng buhay nila at ang mga pagitan sa edad ay hindi na malaking usapin pa sa katulad nila.
Ang pagiging palasunod niya kay Crescent ay nagtapos no’ng naging masyado na ‘tong sensitibo at mabilis na siyang maramdaman. At bilang isang nilalang na may kakaibang kakayahan rin, nararamdaman niya na ang pagiging misteryoso nito ay nababalot rin nang kadiliman.
“Ikumusta mo na lamang ako kay Laxus, Alunsina,” ani Crescent.
Naglakad na si Crescent patungo sa masukal at madilim na lugar ng kagubatan.
Si Laxus ang kanyang napangasawa nang tanggihan siya ni Crescent. Mayroon na silang anak nito na hindi nalalayo sa edad ng ampon ni Crescent na si Lyra.
Hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa na si Crescent ang magiging Hari? O' dapat niyang gawin ang lahat para si Laxus ang maging tagapagmana para maging reyna siya? Pero malinaw na ito ang paborito ng hari, iyon ang malaking laban ni Crescent.
“Anong espesyal ang mayroon sa batang babaeng 'yon at nagagawa niyang maging isang mabuting nilalang sa harapan nito? Kung siya ang magiging tagapagmana, nakikinikinita ko na na isa siyang malupit na hari,” bulong ni Alunsina sa hangin.
“Napansin mo rin pala.”
Nagtaka si Alunsina kung sino ang nagsalita pero pamilyar ang boses.
Nabigla pa siya nang bumaba ito sa kanyang harapan. Si Xerxes, ang ikalawang anak ng hari.
“Xerxes.”
“Matagal na simula nang nangyari ang trahedya noon sa buhay niya at masasabi ko na dahil kay Lyra may pag-asang mas lumala ang kasakiman niya o may pag-asang bumalik siya sa katauhan niya noon.”
Umangat ng bahagya ang kilay ni Alunsina kasabay ng paghalukipkip.
“Umaasa ka ba na babalik pa siya sa mas maayos niyang katauhan? Sa palagay ko, dapat ka ng matauhan. Si Crescent, hindi na siya babalik sa dati niya. Hindi ba at isa ka sa may kasalanan kung bakit siya nagsimulang magkaganyan? Ang babaeng si Lyra, habang tumatagal, magiging malaking balakid at malalim na tinik siya na magbibigay kay Crescent ng higit na kasakiman.”
Mapait ang ngiting naiwanan kay Xerxes nang umalis si Alunsina.
Hindi man ganoon kalalim ang nalalaman niya kay Crescent, alam ‘yon ni Alunsina. Pero tiyak namang may nalalaman siyang hindi nalalaman nang iba, mga lihim nang kahapon na maaring kapag nabunyag ay magiging isang masangsang na amoy na maaring sumira ng imperyo ng mga Wolveus. At oras na mabunyag ‘yon, kailangan na ng mga ‘to na matakot kay Crescent.
"Tama, ako lang ang dapat sisihin.” Dumaloy sa alaala ni Xerxes ang batang nasa pitong taong gulang at masayang nakangiti sa kanya. Natural na isinilang si Crescent na may magkaibang kulay ng mga mata na ayon sa babaylan ay magdudulot ng pagdurusa sa buhay nito. Ang kaliwang mata nito ay kulay pula, kaya kinilala ito bilang malas o isang Child of Hell –natatangi ang mga katulad nitong may pulang mata. Itinatago ni Crescent sa gintong kulay ang tunay na pulang kulay niyon para hind imaging takaw atensiyon. Nagawa iyon ni Crescent nang matuto ito ng salamangka.
Nag-angat ng tingin si Xerxes sa kalangitan.
“Ginawa ko iyon bilang kapatid. Kung hindi ko iyon ginawa sa kanya noon malamang na nagdurusa ng husto ang kaluluwa niya o baka winakasan na niya ang sariling buhay. Gayon man, umaasa ako na mababago siya ni Lyra.”
Samantala, sa gitnang bahagi ng kagubatan ay nagmamadali si Tomo na sumunod kay Crescent. Ang mabagal na lakad ni Crescent ang dahilan bakit naabutan ‘to kaagad ni Tomo. Nang matanaw ni Tomo na huminto na ‘to sa gitnang bahagi kung saan walang harang na mga puno ang kalangitan ay tumigil na rin siya pagsunod dito at pinagmasdan na lamang niya ‘to mula sa kanilang limang talampakang pagitan.
Nakatingin ‘to sa kalangitan na may kalahating buwan.
Madalas iniisip ni Tomo kung ano talaga ang mga laman ng isipan nito. Napakalalim nito at napakaraming iniisip. Pero napakatalino nito kaya marahil ang isipan nito ay masyadong aktibo.
“Noon, iniisip kong de-susing manyika na napabayaan ang Panginoon. Pakiramdam ko wala siyang damdamin at hindi siya nakararamdaman ng kahit na ano. Isang perpektong nilalang na hindi magkakaroon ng kahinaan dahil walang pinahahalagahan at iniisip. Pero nang dumating si Lyra, natuto siyang ngumiti, magalit sa maliit na dahilan, pero hanggang saan nga ba kayang dalhin ni Lyra ang malikot at mapaghangad na Panginoon?”
∞∞∞
Kinaumagahan.
Mabibigat ang mga paang inihakbang ni Lyra sarili sa labas ng kagubatan. Pakiramdam niya oras na maglakad siya patungo sa kabayanan ay malalayo na siya ng tuluyan kay Crescent. Kaya na niyang ipagtanggol ang sarili pero kahit minsan gusto nyang sagipin siya nito sa panganib dahil ito ang anghel niya. May alam naman siya sa pakikipaglaban gayunman isa pa rin siyang tao. Pero mundo naman ng mga tao ang papasukin niya hindi ba? Wala siyang dapat ipangamba.
Sabi ni Crescent palagi itong nagbabantay at naniniwala naman siya rito. Kahit pa mukhang inuuto lamang siya nito. Nang sabihin nito iyon alam niya na aalis ito at si Tomo. Nagseselos na talaga siya kay Tomo, gustong-gusto kasi ni Crescent na kasama 'to kesa sa kanya!
“Sana bago ka umalis siniguro mo na kasintahan mo si Master Xerxes,” ani Agatha kay Lyra.
“Oo nga, napapansin ko nga na napapadalas siya dahil kay Lyra,” nakangising sabi ni Akane.
Nauuna si Lyra sa dalawa. Hindi naman si Xerxes ang gusto niya, bakit ba hindi makita ng mga ‘to na si Crescent ang para sa kanya!
“Master at kaibigan ko lang si Xerxes. Si Crescent nga ang gusto ko. Bakit ba wala man lang nagkamali na sabihin na si Crescent ang nobyo ko!” asar na tugon niya sa mga ito, halos magkanda-tulis ang nguso niya para iparating sa mga ito ang pagkadisgusto niya.
“OMG! Simple lang anak ka niya o nakababatang kapatid. Siya ang umampon sa ‘yo, ‘di ba?” natatawang pang-aasar ni Agatha sa kanya.
“Hinalikan na niya 'ko!” malakas na sigaw niya na na nakapagpatigagal sa dalawa. Kahit sya pinamulahan sa sinabi kaya naman mabilis siyang nauna sa mga ito bitibit ang maleta.
Nagkatinginan naman ang dalawang kasama niya.
“Pinalaki nya para gawing kasintahan ganoon ba 'yon Agatha?” tanong ni Akane kay Agatha.
“Ano man 'yong meaning no 'n na heart broken ako,” naiiyak na inarte ni Agatha na malaki ang pagkakagusto kay Crescent. At kung malalaman pa iyon nang kababaihan sa kanila ay baka maglunsad nang malawakang pagluluksa ang mga ito dahil si Crescent, na hindi nakitaan nang babaeng ginugusto ay mapupunta pala sa taong inalagaan nito na inakala nilang anak ang turing nito. Marami pa nga silang gustong mapalapit kay Lyra, iniisip nila na kung magiging malapit sila sa itinuturing nitong anak, mabilis 'tong mahuhulog sa isa sa kanila.
Pero kung tutuusin hindi na bago ‘yon sa kanilang lahi. Iyong bata pa lamang ay ipagkakasundo na kahit may malaking pagitan ng edad ang dalawa at magiging babae kalaunan ng lalaki o asawa. Dahil silang mga taong lobo ay imortal ang katawan. Kaya nilang mabuhay ng daan-daang taon, iyon lamang ay malakas lamang ang iba sa kanila kung kabilugan ng buwan kaya iyong imortalidad lang ang masasabi nilang maganda sa karamihan sa kanila.
Nang makalabas sila ng kagubatan may sasakyan na kaagad na naghihintay sa kanila.
“Wow! Dahil kay Lyra makakasakay tayo ng mamahaling sasakyan!”
“Sa 'kin?” nakita n ani Lyra ang ganoong sasakyan sa larawan. Pero ngayon lamang talaga siya nakaalis sa kagubatan. Madalas ay naglalakad lamang sila o mayroong mga sasakyang magagandang kalesa pero ang mga sumasakay lamang doon ay ang mga matataas na taong lobo.
Bumukas ang pintuan ng driver’s seat at lumabas ito.
“Binibining Lyra, ipinadala ako ng Panginoong Crescent para ihatid ka.”
Unipormado ito at mukhang hindi naman niya napapansin sa lugar ng mga Wolveus kaya nag-alangan si Lyra.
“Dapat ay isama mo kami dahil nangangamba si Lyra at hindi ka niya kilala, Joaquin!” Natutuwang sabi ni Agatha.
“Tama, hindi sasama sa ‘yo si Lyra basta-basta!” segunda ni Akane.
Tumango naman si Lyra dahil totoong hindi niya ‘to kilala at hindi siya sasama kung hindi naman kasama ang mga kaibigan.
Wala naman nagawa ang lalaki at pinapasok na rin ang dalawa.
Sumakay naman ang tatlo at napalapit si Lyra sa bintana. Malamig ang loob ng sasakyan, may kakaibang amoy, at hindi niya maiwasang mamangha ng gumalaw 'yon nang mabilis.
Sa umpisa, mahabang daanan pa na bahagi ng palayan ang dinaanan nila na sinundan ng konkretong daanan. Nagsimula nang makakita si Lyra ng mga naglalakihang empraestruktura na hindi katulad ng pagkakahugis ng kastilyo ng mga Wolveus. Nakatitig siya sa pagkamangha, nakakita na rin siya ng mga tao na ang suot ay hindi katulad ng paraan ng mga kasuotan nila sa kastilyo.
“Lyra, ang pananalita sa lugar na ‘to ay hindi gaanong pormal kaya iwasan mo ‘yong malalalim na pananalita,”payo ni Akane.
Hindi ‘yon napansin ni Lyra dahil mas naroon siya sa pagkamangha.
Dumarami na rin ang sasakyan kaya naman hindi maiwasan ni Lyra na masdan ang mga ito, may nauunahan sila at nauuna naman sa kanila. Pakiramdam niya isa 'yong karera katulad ng madalas gawin ng mga taong lobo.
“Bilisan ninyo pa, aabot na sila!” Nagtitili si Lyra.
Takang nilingon siya ng driver.
“Lyra, 'wag kang ganyan kapag nasa eskuwelahan ka na, day!" si Akane na nabigla.
“Natutuwa lang ako!” Hindi mapigil ni Lyra na mapangiti.
Sa halos isang oras na biyahe, narating nila ang isang malaking bahay na kulay puti. Malaki ang lupa dahil wala iyong malapit na kapitbahay at kulong na kulong ng mga naglalakihang bakal na may katulisan. May malalapit na bahay pero iyon ang may pinakamalaking lupa.
“Iiwan ninyo 'ko rito mag-isa?”
Tiningnan ni Lyra ang tatlong palapag na bahay na modern ang disenyo. Bagong-bago ang kulay puti nitong kulay at ang ikalawa at ikatlong palapag nito ay gawa naman sa makapal na salamin na natatakpan ng kulay asul na tila karagatang disenyo ng kurtina. Base sa disenyo niyon, hindi niya maipagkakaila na mula sa lugar ng mga Wolveus ginawa ang naturang mga kurtina.
“Oo, ang hari ang may utos no'n. Pero huwag kang mag-alala malapit lang kami rito, isa pa araw-araw kaming dadaan sa 'yo pagpasok, okay?” nakangiting tinapik siya sa balikat ni Akane.
“Bakit ganito ang mga lugar dito?” Hindi sanay si Lyra mga nakikita, lalo na iyong mga naglalakihang gusali na nadaanan nila kanina. Pakiramdam niya anumang oras babagsak iyon sa kanila. Kaya naman tinatawag siya ng mga ito na taong gubat –totoo naman. Unang beses niyang makatungtong sa kabayananan at lumaki naman talaga siya malapit sa gubat!
Sumama siya kay Crescent noon sa paglalakbay. Pero tila isa rin iyong gubat. Magagandang lugar na hindi nawawalan ng matataas at mabubungang mga puno at napakalinis na tubig, karamihan pa ay mga hayop ang nasa paligid nila. Ngayon tila siya napunta bigla sa isang mundo na hindi niya alam kung paano tatanggapin ng sistema.
Kung noon na pinag-aral ka nang tatay s***h kuya s***h boyfriend mo, baka hindi ka ngayon mukhang tanga,” inismiran siya ni Agatha.
“Agatha!” Saway ni Akane rito. “Baka magsumbong siya, ikaw talaga!”
"Ibalik ninyo na ako! Ayoko rito!” luminga-linga si Lyra sa paligid. Pakiramdam niya hindi siya ligtas sa lugar na 'yon! “Sabihin ninyo kay Crescent na hindi ako mabubuhay rito!”
“Binibini, ‘wag kang matakot. Ligtas ka sa lugar na ‘to.” Pang-aalo sa kanya ni Joaquin.
“Lyra, mas ligtas dito. Dahil lugar 'to ng mga kagaya mo, mas mapanganib pa nga sa kagubatan,” pagpapayapa sa kanya ni Akane, pinisil nito ang palad niya at nginitian siya. Alam nitong naninibago lamang siya at makakasanayan rin niya ang lugar.
“Wala kang kasama sa bahay na 'yan. Dahil ang sabi ni Panginoong Crescent, magaling kang magluto, maglinis, mag hugas ng plato. Lahat-lahat kaya mong gawin mag-isa kaya alam namin kaya mo 'yan. Isa pa mas magaling ka pa nga sa 'min kung labanan ang usapan, kasi naman dito na kami halos lumaki kaya naman transformation lang ang inaasahan naming panlaban sa mga Bampira. Kaya hangga't maari iwasan mo ang mga taong napapalapit sa 'yo dahil hindi lahat ng nasa paligid mo ay tao," ani Akane na nakalakip ang babala sa boses.
Sa lahat nang sinabi ng mga ito, sa pagluluto nagsinungaling si Crescent. Wala siyang alam sa bagay na 'yon! Totoo bang mabubuhay siya sa lugar na 'yon malayo kay Crescent? Hindi kaya kaparusahan niya ito?
Iniwanan na siya ni Agatha at Akane na sumabay kay Joaquin. May dadalhin daw ‘to sa kanya kaya babalik pa si Joaquin.
Pagbukas ni Lyra ng pintuan ay awtomatikong bumukas ang ilaw ng naturang bahay. Paano ba niya sasabihing tahanan iyon kung wala naman siyang kasama? Kahit pa namamangha siya na ganoon pala ang hitsura ng bahay ng mga nasa kabayanan ay hindi pa rin niya mapigil pangilidan ng luha.
Nasanay siya sa tila lumang panahon at ngayon ay biglang nadala sa modernong panahon. Ilang beses ba siyang nakakita nang kadalagahang maiiksi ang kasuotan? Dibdib na imbis na itago ay ipinangangalandakan pa? Sa lugar ng mga taong lobo, kailangan ang dalagang tulad nila'y hindi makikitaan nang anumang bahagi ng katawang maaring magbigay malisya sa kalalakihan. Magsuot nga lamang ng pang itaas na makapagpapakita ng balikat ay ipinagbabawal.
Nanghihina siyang napasandal sa kasasara lamang na pinto. Napakaganda nang buong bahay, maayos na nakasalansan ang mga kagamitan, mga pintang nakasabit sa iba't ibang parte at ang nangingibabaw na kulay asul ay nakapagpapagaan nang kanyang pakiramdam. Pero ang isip niya ay naglalakbay sa kawalan at hinahanap si Crescent.
“Mas maayos pa pala 'yong pakiramdam na iniwan niya ako at maghihintay akong babalik siya. Kesa ganito na ako 'yong umalis at hindi ko alam kung may babalikan pa ba ako pagbalik ko sa kanya. Malaki nga ang lugar na ‘to. Pero kung mag-iisa ako, mas gusto kong sa kalye na lamang matulog kasama ang mga aso.”
Isa sa inaalala ni Lyra ay ang babaeng si Alunsina. Nasa kastilyo ito nang umalis siya. Maganda at sopistikada 'to, katulad ng dalawang reyna na mukhang mataas ang ere.
Bumabagabag sa kanya na baka may balak si Crescent na tuluyan na siyang ipatapon sa lugar na 'to. Kung saan malayo dito para hindi siya makahadlang sa pakikipag-asawa nito sa iba.
"Oo, alam ko na p'wede silang mag-asawa kahit ilan ang gustuhin nila. Pero gusto ko ako lang, kami lang at kahit sampung anak bibigyan ko siya 'wag lang sa iba siya magkaroon noon. Masakit na masakit kapag nagkaroon siya nang iba.” Para siyang baliw na kinakausap ang sarili nang makarating siya sa kuwarto at makaupo sa kama. Nasasabunutan pa niya ang sarili sa dami ng pumapasok sa kanyang isipan.
Inalis niya ang mga gamit niya na nasa maleta habang ang isipan niya’y magulong-magulo.
Nasa ikalawang palapag ang pinili niya na mayroong tatlong kuwarto. P'wede kayang maghanap siya nang makakasama? Marami namang kuwarto? Pagkalatag niya sa Queen size bed ng mga kasuotan niya ay lumapit siya sa bintana at binukas iyon. Agad nadama niya ang hangin na siyang naiiba sa kagubatan, hindi iyon ganoon kasariwa gayunpaman, sapat na 'yon para maalala ang lugar na pinanggalingan. Binalikan niya ang ginagawa at naupo sa gilid ng kama.
"Lyra… Lyra... Lyra…”
Napalingon siya sa bintana at nangiti sya nang makita si Paparotti –ang ibon na kayang banggitin ang mga pangalan nila. May nakatali sa paa nito kaya agad niyang tinanggal ang pulang laso para makuha ang liham. Nagmamadali siya kaya nanginginig rin siyang malaman ang nilalaman niyon. Alam niya kung kanino 'yon nanggaling. Si Crescent lang naman ang nagsusulat sa itim na papel at gumagamit ng puting tinta.
Lyra,
Mag-aral kang mabuti, dadalawin kita kapag nakauwi na ako, mag-iingat ka. Para sa 'kin lang ang mga ngiti mo kaya ipagdamot mo ang mga ‘yon sa iba.
Crescent
Sa simpleng liham na iyon ay sobra na siyang natuwa. Kaya naman nang yakapin niya si Paparrotti ay nagwala ito sa sobrang higpit kaya naman natatawa niya 'tong pinakawalan. Dito lang daw ang mga ngiti niya? Kinikilig siya at biglang parang kaya niya ng mabuhay mag-isa pansamantala.