Kabanata VII

1085 Words
 XERXES X CRESCENT  “Lyra,” Sabay napatingin si Lyra at Xerxes pinagmulan ng boses. Kilalang-kilala ni Lyra ang boses pero namangha pa rin siya nang makitang nakatayo na sa kanilang harapan si Crescent. Walang nagbago sa anyo nito para pa rin itong isang anghel. Hindi niya napansin na masyadong seryoso ang anyo nito at wala sa kanya ang atensiyon. Nakatitig ito sa kapatid habang pilit nagtatago sa likuran nito si Tomo. "Crescent!” Hindi na pinansin ni Lyra ang paggalang dahil sa sobrang tuwa ay tinakbo niya ang maliit na pagitan nila ni Crescent. Niyakap niya ito ng kanyang marating. Hindi mapigil ni Lyra ang kanyang mga luha, matagal niya itong hindi nakita. Hindi niya itatanggi na sa bawat araw, hiniling niya talagang bumalik ito. Napayapa si Lyra habang umiiyak nang maramdaman niya ang paghaplos ni Crescent sa kanyang buhok. Tumayo si Xerxes at sinalansan ang mga rosas ni Lyra. Pasimpleng nakikinig sa usapan ng dalawa. “Lumaki kang bigla, dati maliit na maliit ka lang…” natutuwang tinungo ni Crescent si Lyra at masuyong hinalikan sa noo. “Bakit hindi ka na naman nagpupusod ng buhok mo?” Inayos ni Lyra ang buhok. “Basa pa kasi siya kaya hindi ko muna pinusod.” Namumulang sagot ni Lyra. Hindi niya masabi ang totoo na simula nang nawala ito, hindi na siya sinipag maging maganda. “Natutuwa akong makita kang muli,” Lalong namula si Lyra, tingnan pa lang niya kasi ang ngiti ni Crescent parang gusto niya ng himatayin. “Maligayang pagbabalik.” Lumunok si Lyra, “Totoo ka na hindi ba? Hindi ka isang panaginip?” Nangiti lalo si Crescent. “Totoo ako, Lyra.” Hindi inaasahan ni Xerxes na ganito ituring ni Crescent si Lyra.  Si Crescent na kilala niyang hindi gusto ang mga bata dahil mabilis itong mairita, pero heto nasa kanyang harapan at inaalo ang isang batang babae na hindi nito kadugo at kalahi. “Salamat sa pagsama kay Lyra,” malamig na ang boses ni Crescent nang bumaling sa kanya. “Lyra, pumasok na tayo sa kastilyo.” Inilahad ni Crescent ang palad na kaagad tinanggap ni Lyra na hindi nawawala ang ngiti. Mabilis naman na kinuha ni Tomo ang basket kay Xerxes. “Maraming salamat, Master Xerxes!” nagmamadaling sabi ni Tomo. Nauna na si Lyra at Crescent, parehong masaya ang hitsura ng dalawa. Walang halong kasinungalingan maging ang ngiti ng kanyang kapatid. “Nagsumbong ka ba sa amo mo na narito ako, kaya siya bumalik?” humalukipkip siya sa harapan ni Tomo. Si Tomo na nagmamadali ay natigilan at pinagpawisan sa tanong nito, natumbok nito ang katotohanan. “Ah, eh, hindi, Master Xerxes! Sige, mauuna na ako!” Kumaripas na ito ng takbo. Wala nang nagawa si Xerxes kundi sundan ng tingin ang tatlo at lihim na napangiti. "Siguro'y sa ibang pagkakataon na lamang ako, makikigulo..."     *** “May pagkakahawig kayo ng kamahalang Xerxes, kaya naman natutuwa akong kausap siya. Isa pa magkasing-bait kayo!" nakangiting wika ni Lyra habang sinusuklay ang buhok ni Crescent sa loob ng silid nito. Napakatagal na simula nang mahawakan ni Lyra ang pilak na buhok ni Crescent na tila kasalanan ang mabawasan kahit isang piraso, kaya naman buong ingat niya 'yong pinadaraanan ng suklay. “Hindi ko gustong nagsasalita ka tungkol sa ibang lalaki, Lyra,” Natigilan si Lyra. Malamig ang dating ng boses ni Crescent sa kanyang pandinig. “Gusto mo bang sumama sa ‘kin, Lyra?” “Isasama mo ako?” Bumaba siya sa kama at hinarap ito. Hindi mawala ang kanyang ngiti. “Sasama ako sa ‘yo kahit saan, kahit sa dulo pa ng daigdig!” Nabigla si Crescent. Pero kaagad nakabawi at napangiti. Hinawakan ni Crescent ang mukha ng paslit, “Lyra, napakababaw nang kaligayahan mo.” Kinabig niya ito at hinalikan sa noo, “Magpaalam ka na sa kanila dahil bukas din aalis na tayo.” “Pangako hindi ako magiging pabigat sa iyo!”   ** TRONO NG HARING LARIUS WOLVEUS “Crescent, hindi tamang pinaghihintay mo si Sulli!” Mariin ang boses ni Larius habang nasa harapan ang anak na biglaan ang pagbabalik. Nasanay na rin naman siya. “Ama—“ “At anong sinasabi mo na dadalhin mo si Lyra? Hindi ako naniniwala sa kahibangan mo na pakakasalan mo ang taong 'yon! Anak, kukupas ang hitsura ni Lyra nang madali. Pero ikaw, hindi! Hindi mo siya dapat ikinukulong sa iyo, hayaan mo siyang magkaro'n nang ibang buhay, iyong sa kagaya niyang tao.” Tila hirap na paliwanag ng ama sa anak. Hindi nangiti si Crescent sa mga binitiwan na salita ng ama. “Ama, bilang respeto kaya ako nagpapaalam sa 'yo. Si Sulli, kung hindi siya makapaghintay, maaari mo siyang ipakasal kay Laxus, o kung nais mo ay kay Xerxes. Mas marami akong bagay na higit na kailangang pagtuunan ng pansin higit sa pag-aasawa.” “Crescent!” Napatayo si Larius sa naging sagot ng anak. “Ama, si Lyra ay para sa makasarili kong damdamin. Kung anuman ang nais ko sa kanya, hindi 'yon maaaring saklawan ninuman.” Naroon ang talim sa tingin ni Crescent sa ama. Lalong nakaramdam ng galit si Larius. Masyadong nagiging kampante si Crescent sa pagiging mapagbigay niya sa mga kagustuhan nito. “Ikaw ang ikakasal kay Sulli, pupunta ka sa lugar nila paglipas ng apat na taon bilang palugit ko sa iyo. Kailangang maging iisa ang mga lahi natin, para tuluyan nang mapuksa ang mga Bampira! At magkaroon kayo ng malalakas na supling!” Tumungo si Crescent at lumabas ng silid. Nakita niya si Xerxes na nasa labas ng pintuan. “Cres—“ hindi natuloy ni Xerxes 'yon dahil napansin niya ang talim nang tingin nito sa kanya bago siya nito lampasan. Iyon ang isa sa totoong ekspresyon nito, walang ngiti at puno nang pagbabanta. Nangiti naman si Xerxes. “Napakaganda ni Lyra. Kung magdadalaga siya, nanaisin ko siyang maging asawa kahit sabihin pang isa lamang siyang tao.” Nagulat si Xerxes nang pumutok ang salamin na mismong pader na bahagi ng pasilyong iyon. Si Crescent ang may gawa no'n! Kaagad naglabasan ang mga naroon sa gulat sa pagkakabasag ng salamin. Makakapal ang mga iyon at kahit ang sandata’y hindi iyon kayang basta lamang basagin! Nangisi lalo si Xerxes. “Kung ang dila'y hindi mapakikinabangan, kumuha ka ng matalas na bubog, maaari kang mamili sa mga nasa sahig at kusa mong putulin ang sa iyo, bago ko 'yon gawin mismo..." Naglakad na si Crescent palayo. Mahinahon, pero hindi na maitatago ang galit sa banta nito. "Ano bang pinagtalunan ninyo?!” si Hera 'yon na kaagad lumapit sa anak nang makalayo si Crescent. Tumawa lang si Xerxes. “Ano pang itinatawa mo?!” galit na wika ni Hera sa anak. “Ang kapatid ko, nagiging totoo na siya sa pagpapakita niya ng mga damdamin.” Tumawa uli 'to kaya naman hinampas 'to nang ina ng pamaypay sa balikat. “Xerxes!” Nagbulung-bulungan ang mga naroon, kilala kasing parehong mahinahon ang dalawa kompara sa panganay na si Laxus. Alam nilang hindi malalapit ang magkakapatid marahil dahil magkakaiba ang mga ina nito at magkakalaban sa trono. Pero hindi rin naman nagtatalo ang mga ito lalo si Xerxes at Crescent na kontrol palagi ang mga sarili. Pero nakakapagtaka na si Crescent mismo ang nawalan ng pagtitimpi.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD