Kabanata VIII

2465 Words
  Lyra Kinabukasan din na iyon umalis kami. Mahirap magpaalam sa mga kaibigan na naging malapit sa 'kin, sa mga naroon na nagturo at nakasama ko sa panahon na wala si Crescent. Babalik kami kagaya ng sinabi niya. Pero taon ang bibilangin. Kahit pa nalulungkot ako na malalayo sa marami, lubos naman akong nasisiyahan na makakasama ko na siya. Hindi na 'ko maghihintay sa pagbabalik niya na hindi ko nasisiguro kung kailan, hindi na rin ako mag-aalala dahil kasama ko na siya. Umalis kami kasama si Tomo. Sa panahon na nalayo kami sa kastilyo iba't ibang lugar ang napuntahan namin, doon ko nalaman na hindi napipirmi si Crescent sa iisang lugar noong dalawang taon na nawala siya. Hindi ko siya nakikitang nakikipaglaban dahil kung may kalaban ay pumipikit ako kagaya nang utos niya. Mga hiyaw at sigaw lang ang naririnig ko pagkatapos ay katahimikan kasunod ang boses ni Crescent na imulat ko na ang mga mata ko at makikita ko ang nakangiting siya. Wala man lang bakas na kahit na ano sa lugar akong nakita sa naganap na labanan. Hindi lang kami basta naglakbay, sinanay rin nila 'kong dalawa para maging matibay, malakas at isa sa sandata na hinawakan ko ay ang palaso at ang pitong punyal na kinakailangan kong mahawakan ng sabay-sabay. Hindi iyon madali kaya naman ilang sugat din ang tinamo ko, pero pinakita kong kaya ko. Gusto kong matuto at maging malakas upang makatulong nila at hindi maging pabigat. Madalas, ako ang nagiging target ng mga kalaban. Dahil siguro naamoy nila na isa lang akong normal na tao. Pero sa t'wing mapapahamak ako, darating si Crescent para iligtas ako. May mga pagkakataon na rin na nakakakita 'ko ng pagdanak ng dugo, lalo na kapag may sitwasyon na biglaan. Noong una, pinipilit ko lang na kaya ko, kahit ilang gabi rin akong 'di makatulog. Pero itinanim ko sa isip ko na kung gusto ko siyang makasama, kailangan kong masanay. Sa loob nang apat na taon, alam ko na may sinasaliksik siya. Hindi na ako nagtatanong dahil hindi si Crescent ang tipo nang nilalang na gugustuhing magpaliwanag. Masyado siyang matalino at ayokong magmukha akong walang alam sa tuwing nagpapaliwanag siya, lalo at hindi naman talaga 'ko madaling umunawa, napapansin ko kasi na kapag nag-uusap sila ni Tomo, wala 'kong maintindihan, maliban sa alam ko na nagsasalita kami ng iisang lengguwahe. Sa panahong magkasama kami mas napatunayan ko na hindi lang isang batang pag ibig ang nararamdaman ko sa kanya... Higit pa do'n… Totoo ang mga salita kong 'Mahal Kita' na para sa kanya. Pero sa tingin ko, hindi iyon ang 'Mahal Kita' na naririnig ko sa mga labi niya para sa 'kin. Sa apat na taon, do'n ko naunawaan na ang mga salita, maaaring pareho kung isulat at bigkasin, pero magkakaiba ang bigat ng katotohanan at kahulugan. Mahal ko siya... Kinalalakihan ko na ang pag-ibig na 'to... Sa paningin ba niya, isa pa rin akong bata? Dahil apat na taon na kaming magkasama, iniisip ko na mas magiging madali na ipakita ko sa kanya ang totoong nararamdaman ko. Pero ang pagsasama namin may hangganan, dahil bumalik kami sa kastilyo... Sa kastilyo... kung saan iniwan niya 'kong muli. Aaminin ko na iyon ang unang beses na nasaktan niya 'ko. Iyong sakit na marami akong naiisip na dahilan... Ganito ba kapag lumalaki na? Nagiging sentimental ka na sa mga nangyayari sa paligid mo? Hindi ko gusto ang nararamdaman ko, napupuno ako nang insekyuridad. Isa sa dahilan no'n ang magandang dalagang nakilala ko habang wala siya. Si Sulli, tila siya diwata... Napakaganda... Napakakinis... Puno nang kahinhinan... Kahit bulag siya, walang kahit na sinong nangmaliit sa kanya... Sabi nila, magpapakasal si Crescent sa kanya. At sa 'twing titingin ako sa salamin, gusto ko na lang maiyak, hindi ako kasing ganda niya, wala akong maipagmamalaki maliban sa paningin na mayro'n ako. Pero hindi na naman niya 'yon kakulangan, dahil kahit bulag siya, napakasaya ng mga ngiti niya. Napakasama ko ba, para magalit sa isang babaeng wala namang ginawang masama sa 'kin? Pakiramdam ko, kamumuhian ako ni Crescent, kapag nalaman niya na ganito ako lumaki. Natatakot ako... Natatakot akong higit na mawala siya sa ‘kin… Pero mas napatutunayan ko habang tumatagal na si Crescent ay hindi akin, mas mataas siyang higit sa kung ano ako. Ang hitsura niya ay hindi pipili ng simpleng katulad ko lamang. Imortal din siya, sa maraming taon na lumipas, hindi nagbabago ang anyo niya pero ako lumalaki na. Mabilis lilipas ang panahon, magiging higit akong mas matandang tingnan sa kanya habang siya’y mananatili sa hitsura kung saan una ko siyang nakilala.   MAKALIPAS ANG LIMANG TAON   “Maligayang kaarawan, Lyra!” Masayang bati sa 'kin ng mga naninilbihan sa kastilyo nang lumabas ako ng aking silid. Nabigla ako, dahil hindi ko iyon inaasahan, isa pa masama ang pakiramdam ko kagabi kaya naman tinanghali na ako ng gising. Apat na taon kaming nawala at nagsama ni Crescent. Limang taon naman nang simula nang iwanan niya 'ko uli sa kastilyo. Labing-anim na ako ngayon. “Ang ganda mo talaga Lyra!” “Mukha talagang prinsesa si Lyra!” “Lyra, labing-anim ka na, dalaga na 'yon sa lupain ng mga lobo! Puwede ka ng magpakasal!” Masasaya ang hitsura nila, kaya naman nangiti ako at nagpasalamat sa iba't ibang panig kung nasaan ang mga lobo na tumanggap sa 'kin at nagpalaki. Tama sila, sa lupain ng mga lobo labing-anim ay maaari ng mag-asawa. Ito ang legal na edad para sa mga taong lobo. Silang lahat ang humubog at sumubok sa tibay ko, hindi man ako isang taong lobo damang dama ko naman na tinuturing nila akong kaisa. Hindi ko napigilang maging emosyonal habang minamasdan ko sila hanggang sa labas ng kastilyo ng mga Wolveus, kung saan inilatag nila ang handaan na para sa akin. Nakapalibot sila at ngiting-ngiti, ako na isang tao ay minamahal nila kaya naman bumagsak na ang pinipigil kong luha. May naglalakihang mesa na sinapinan ng sinulsi na may kulay luntian. Mga rosas na nasa loob ng magagandang vase na may mga larawan ng sinaunang panahon ng mga lobo. At mga pagkain na nagsasarapan, tila isang pista! “Salamat sa inyong lahat.” Pinahid ko ang luha ko, pero nagtuloy-tuloy 'yon. Ako na walang alaala ay niyakap ng mga nilalang na 'to. Kaya naman para sa 'kin, ang nakaraan ay hindi ko na bahagi pa. Ako si Lyra, at ang buhay ko ay nagsimula na simula nang makilala ko si Crescent. “Marami kaming inihandang regalo sa 'yo at mas magagandang kasuotan!” sabi nang isa sa mga kababaihan, hindi ko na malaman kung sino, dahil patuloy ang panlalabo ng mata ko sa mga luha. “Sandata rin sana, iyon nga lamang ay mapapagalitan kami ng kamahalang Julieth,” isa sa mga lalaking lobo 'yon na kaedad ko. Bahagya 'kong natawa, ang ina ni Crescent ay tutol na humawak ako ng matatalim na sandata. Hindi daw 'yon gawain ng isang babae, lalo pa at kagalang-galangan at sinauna ang kababaihan sa kaharian na 'to. “P'wede ka nang magkaroon ng kasintahan, Lyra!” “Napakaraming kalalakihan ang may gusto sa 'yo!” “Maaari na ba kaming manligaw sa 'yo?” “Hoy! magpaalam muna kayo kay Panginoong Crescent bago n'yo siya ligawan!” Iyon ang mga narinig ko at sa huli na nagpawala unti-unti nang ngiti ko Hindi na maaaring tiisin ko 'tong nararamdaman ko kay Crescent, matagal ko ng tinitiis na sabihin na mahal ko siya sa paraan na isa 'kong babae, at isa siyang lalaki. Sigurado naman ako na sasagutin n'yang mahal din niya ako. Pero ang tanong mahal niya ako bilang ano? Hinihintay ko na mula sa labi niya at siya ang unang magsasabi ng mahal niya 'ko. Pero hanggang ngayon, bigo akong makamit ang mga salitang yon sa kanya. Nakakainis na umaasa talaga ako, lalo pa at maraming nagsasabing maganda ako at mabilis mapansin. “Kaarawan mo pala hindi mo ko inimbita,” Si Xerxes ‘yon na may bitbit na mga bulaklak at ngiting ngiti. Nagbigay daan ang mga naroon para kay Xerxes na lumapit sa 'kin. "Maligayang kaarawan, napakaganda mo talaga Lyra.” Iniabot nito ang bulaklak sa 'kin. "Salamat, hindi ko rin nga naalala,” natatawang sabi ko. "Nasa edad ka na para mag-asawa,”sabi ni Xerxes din. Nangiti na lang ako, puro pag-aasawa, wala pa nga 'yong aasawahin ko. Natigilan ako nang hawakan niya ang kamay ko at dalhin 'yon sa labi niya at hinalikan ang likuran. "Maaari na ba kitang maging-asawa?" biro niya. Narinig ko naman ang pagsipol nang ilan at kilig na kilig na mga salita. Habang nawawalang pag-asa naman 'yong reaksiyon nang kalalakihan na 'di ko malaman kung totoo ba o hindi. Marami kasing magagandang babaeng lobo, at isa lamang akong tao, kompara sa kanila mas matagal silang mabubuhay. "Noong labing-apat ako, tinanong mo 'ko niyan, at ngayon ba uli?” Natatawa 'ko dahil alam ko naman na biro lang niya 'to. Mas madalas ko siyang makita kesa kay Crescent. Bihira lang bumalik si Crescent, noong unang tatlong taon, limang beses sa isang taon at tatlong araw kung magtagal siya. Pero nitong huling dalawang taon, hindi na naman siya nagpakita sa 'kin. Hindi rin malapit sa isa't isa ang magkapatid, hindi ko sila nakikitang mag-usap nang matagal. “Tignan mo naniniwala sila sa 'yo,” natatawang reaksyon ko. "Kumain na tayo,” hinila ko siya sa mesa, “Kumain na tayong lahat!” malakas na sabi ko. Kaagad naman silang natuwa at nagkanya-kanya nang kuha ng mga plato. Hindi nawawala ang mababangong sariwang prutas na kaaani lang. “Hindi naman ako nagbibiro, napakaganda mo isa pa—“ “Ay, ewan!” agap ko sa sasabihin ni Xerxes kaya natawa siya.       NAUPO kami sa lilim ng punong narra habang kumakain kami ni Xerxes ng iba't ibang prutas na siyang pinili naming kunin at ilagay sa maliit na basket. “Mag-aaral ka na sa lugar ng mga tao?” tanong ni Xerxes. Inubos ko muna ang saging na kinakain ko bago 'ko sumagot sa kanya.  “Oo, iyon ang gusto ni Inang Julieth at nang Hari, pumayag naman si Crescent.” Para 'di mapansin ang pagbabago ng timpla ko, namili na lang ako nang hinog na mangga sa lalagyan. Nagtatampo ko dahil mabilis si Crescent sumangayon. At kapag tungkol sa 'kin, oras na pumayag si Crescent, mangyayari na 'yon. Maraming nagsasabi na lumaki akong magandang babae, pero hindi ko nakikita ang gano'ng paghanga sa mata ni Crescent, kaya hindi ako naniniwala, siguro nga maganda ko sa paningin ng iba, pero wala pa ring panama kung si Sulli ang pagkukumparahan. Isa pa tumatanda ang isang pangkaraniwang taong katulad ko, samantalang siya ay hindi, lalo siyang nagiging kaakit-akit habang tumatagal ang panahon. May isa pang gumugulo sa 'kin, si Alunsina, isa sa babae na posibilidad na maging ikalawang asawa ni Crescent. Napakaganda niya rin, kagaya nang usap-usapan. “Kung puntahan mo naman kaya ang lugar ko nang hindi ka palaging narito, malapit lang naman iyon kung sasakay ka sa 'kin. Dali na, babalik din tayo bago sumapit ang dilim. Gusto ko lang ipakita sa 'yo ang lugar ko, hindi ka pa ba nagtitiwala sa 'kin?” tanong ni Xerxes sa 'kin nang naglalakad na kami. “Sige,”pagpayag ko. Tutal ngayon din darating si Alunsina, gusto kong umiwas. Hindi ko talaga maiwasang magalit sa mga babaeng 'yon, mainggit at lalong higit na maliitin ang sarili ko. “Ha?!”si Xerxes na tila 'di makapaniwala. Natawa naman ako. “Ano? Baka magbago pa ang isip ko.” “Nabigla ako, pero hindi ko hahayaan na magbago ang isip mo, Lyra.” ‘Kita ko ang kasiyahan niya. Binuhat niya 'ko, malakas na humangin no'n kaya sumabog ang buhok ko at nagkatawanan pa kaming dalawa. Nagpalit anyo siya sa pagiging lobo na hindi naman madalas sa kanilang pamilya. Sumakay ako sa kanya, at nang salubungin kami nang hangin hindi ko maiwasang balikan ang naging buhay ko, simula nang mapadpad ako sa lugar kung saan nakilala ko ang lalaking hindi ko kayang kalimutan, at ang batang puso ko noon, dala ko pa rin hanggang ngayon. Ang paghawak ko kay Tomo nang mahigpit para lang makasama sa kanila at makarating sa lugar ngayon na tinitirhan ko. “Lyra, malapit na tayo,” si Xerxes ‘yon habang bumabagal na sa pagtakbo. Mas nakita ko na ang kagandahan ng paligid. Nasa 'di kalayuan ang malaking mansion na gawa sa pinakamatitibay na kahoy sa kanluran. “Ang ganda!” pakiramdam ko bumalik ako sa unang araw nang makita niya ang kastilyo ng mga Wolveus. Tumawa naman si Xerxes, “Ito ang lugar ko, Lyra. Ito ang lugar na hindi ko ipagpapalit sa kahit na saang lugar,”ani Xerxes. Napakaraming bulaklak, mga batang lobo na naglalaro na napatingin sa 'min at ngiting-ngiti na naglapitan. Bumaba na 'ko kay Xerxes, nagpalit naman siya nang anyo at kaagad na niyakap 'to ng mga bata. “Binibini?” isang batang lobo na may malaki't buhay na buhay na mata ang lumapit sa 'kin. “Lyra ang pangalan ko,”pagpapakilala ko sa sarili. “Ako naman si Anya,” hindi nawawala ang magandang ngiti niya sa 'kin. Nakalimutan ko ang dinaramdam ko, masyado kong nasiyahan makipaglaro sa mga bata. Totoo nga na mahilig sa bata si Xerxes, iyong tawa niya, hindi 'yon pagkukunwari, kaya naman nasisiguro ko na hindi ito ang huling beses na pupunta ko rito. Siguro noong ganito ako kaliit, kinatutuwaan ako ni Crescent dahil ang cute tingnan ng mga maliliit na bata. Pero ngayong nagdalaga na ‘ko, hindi na ‘ko kaaya-aya sa kanyang paningin lalo pa at napakaraming babae siyang mapagpipilian at wala halos kapintasan sa katawan at hitsura. Madilim na nang ihatid ako ni Xerxes sa tarangkahan ng kastilyo ng mga Wolveus. Saglit lang at nagpaalam na siya dahil magkakabilugan ng buwan, kailangan nitong alagaan ang mga batang kasama. Sa silid ko ako tumuloy at pagkapasok ko roon may ‘di pamilyar na malamig na hangin ang humaplos sa ‘king balat. Nagtaka ako dahil naiwanan kong bukas ang aking bintana. “Alam mo ba kung anong oras na?” Nabigla ako at natigilan nang marinig ang boses ni Crescent. Doon ko lang napansin na sa bahagi ng bintana, sa madilim na parte, may hulma ng mataas na lalaking nakatayo. “Cres—" “Tinatanong kita, Lyra.” Mahinahon pa rin siya, pero naroon na ang diin sa boses. Kinabahan ako dahil ito ang unang beses niyang maging mariin sa pananalita sa ‘kin. “Alam mo ba kung anong oras na?” Napalunok ako nang lumingon siya sa ‘kin at tila may saglit na pagkukulay pula ang isa sa kanyang mga mata. May mas malamig na pakiramdam ang yumakap sa ‘king katawan dahil sa paraan ng pagtitig ni Crescent.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD