“Hindi ka ba napapagod?” tanong ni Crescent kay Lyra na maayos at dahan-dahan ang ginagawang pagtitirintas sa mahaba niyang pilak na buhok. Siniguro pa nitong malinis ang mga paa nito bago tumungtong sa ibabaw ng kama niya na may asul na kulay ng sapin na tila kalangitan.
Naroon sila sa dulong bahagi ng kanyang kama at naaaliw sa maliit na kamay na gumagalaw sa kanyang buhok. Napakagaan.
“Hindi, kamahalan!” masayang tugon nito.
Nangiti na lamang si Crescent.
Naroon sila sa kuwarto niya na maliban sa ina, ito lamang ang hinayaan niyang makapasok din nang madalas. Paminsan-minsan lamang si Tomo kapag may iuutos siya rito.
“Natakot ako na paalisin dito, sana lumaki na ako para naman mas marami na akong magawa, kamahalan. Isa pa mabait silang lahat sa 'kin. Gusto ko na kahit hindi ako kagaya ninyo matuto akong makipaglaban, iligtas ang sarili ko at protektahan ka. Pero imposible na maprotektahan kita kung isa lang akong tao.”
Hindi sumagot si Crescent pero nakangiti ito. Hindi niya alam kung saan ba siya natutuwa sa sinabi ba nito o sa madalas na pag-ngiti nya dahil sa presensiya nitong nakagagaan ng pakiramdam.
“Gusto ko hanggang sa paglaki ko, ako ang gagawa nito sa 'yo, at kapag kaya ko na lahat na gawin para sa 'yo ako na ang gagawa papayagan mo 'ko, hindi ba?" tila isa lang naman ang sagot na maaring ibigay ni Crescent sa mga sinabi nito.
“Kung saan ka magiging masaya Lyra.”
Naramdaman niya na malapit na itong matapos sa ginagawa nito sa buhok kanyang buhok.
“Aalis ako, mawawala ako nang dalawang taon marahil…” bukas ni Crescent sa nalalapit na pag-alis. Hindi niya gustong biglain ito. Gustuhin man niyang isama ito, hindi maaari, masyado itong bata para sa paglalakbay niya. Isa pa, hindi niya 'to gustong masanay na puno nang dugo ang mga kamay niyang nakikita nito. Inosente si Lyra.
“Iiwanan mo ako rito?” natigilan ito sa ginagawa at mabilis na bumaba sa kama at hinarap siya. "Dalawang taon? Dalawang taon na diretso kitang hindi makikita?" mabilis na bumagsak ang mga luha nito sa isiping napakatagal niya 'tong hindi masisilayan, makakausap at makikita!
“Lyra, kailangan mong manatili rito, ang mundong ginagalawan ko ay hindi maaring palaging kasama ka. Magsasanay ka para matuto, babalikan naman kita,” pinahid ni Crescent ng likurang palad ang luha ni Lyra sa pisngi. Ngunit walang tigil iyon, hindi gusto ni Crescent na lumuluha ito dulot nang kalungkutan.
“Lyra, tumahan ka na, pagbalik ko dapat marami ka nang alam para naman dumating ang pagkakataon na ikaw na ang lahat ang gagawa ng mga ginagawa nang iba para sa 'kin,” mahinahon niyang kumbinsi rito.
“Pagbalik mo, mas malaki na 'ko at mas maganda!” humihikbing wika ni Lyra na natanggap naman ang pag-alis ni Crescent bagaman ninanais niyang kahit sa mapanganib na daanin ay kasama ito. Pero baka isa lamang siyang istorbo at kainisan pa nito ang pagiging makulit niya
“Mahal na mahal kita, kamahalan. Mag-iingat ka, iingatan mo palagi ang 'yong sarili, at h'wag kang mag-asawa kaagad!” umaasa si Lyra sa sagot ni Crescent.
" Hindi pa 'ko mag-aasawa, mahal rin kita," bulong ni Crescent kasunod nang marahan na halik sa noo ni Lyra.
Agad namang natuwa si Lyra sa sagot ni Crescent at sa batang puso niya ay kanya iyong dadalhin.
“Pangino—on,” may pagpiyok pa si Tomo sa labas ng pintuan.
“Lyra, ipatatawag na lang uli kita mamaya para turuang magbasa at sumulat.”Pinisil niya ang baba nito kaya nangiti si Lyra.
Nagtungo na ito sa pintuan atkinawayan pa siya bago tuluyang lumabas.
**
Sa pasilyo nakasalubong ni Lyra si Riel. Nag royal bow siya rito. Inaasahan na niyang ‘di siya papansinin ng pamangkin ni Crescent, palagi lang itong lumalagpas at tinitingnan lang siya.
“L-Lyra,”
Nagulat si Lyra at nilingon si Riel pabalik.
“N-nagsasalita ka na?”
Ngumiti ito na tila nahihiya.
Nagmamadali siyang lumapit dito at nginitian ito.
“Prinsipe rin ba ang itatawag ko sa ‘yo?”
Mataas si Riel sa edad na pito.
Nagulat si Lyra nang lumapat ang malalamig nitong palad sa kanyang pisngi at pisilin ang mga ‘yon saka ito ngumiti at pinamulahan.
“Malalambot nga ang malalaki mong pisngi.” Binitiwan na siya nito at nginitian siya bago uli tumalikod.
Napahawak naman si Lyra sa pisngi.
“Malalaking pisngi?” ulit ni Lyra na ‘di makapaniwala.
Lumingon uli si Riel na hindi nawawala ang ngiti, “Siopao, Lyra.”
Pakiramdam ni Lyra nagtaasan lahat ng buhok niya dahil sa sinabi ni Riel!
“A-anong siopao?”
Humagikgik ito at tumakbo na palayo.
Nagpapadyak naman si Lyra sa inis.
“Lyra, bakit nakatayo ka pa diyan?!”
Nagulat si Lyra nang marinig ang boses ni Dama Lilia.
“Kumilos ka na, baka makita ka pa ng hari na nakaharang diyan sa pasilyo!”
Natakot naman si Lyra na makita ang hari kaya nagmamadali siyang naglakad na patungo sa kusina para alamin kung ano ang ihahanda sa araw na ‘yon.
Sa tuwing naglalakad siya sa pasilyo pakiramdam niya ay nalulula siya sa taas niyon. Gintong-ginto ang kastilyo.
Sabi nila totoong yari sa ginto ang kastilyo. Puwede kaya akong pumukpok at kumuha ng ilang piraso?
Sa araw na ‘yon marami siyang ginawa pero hindi siya nawalan ng oras para makipaglaro sa mga batang taong-lobo. Tuwang-tuwa siyang makipaghabulan sa mga ito kahit palagi siyang talunan dahil sanay ang mga binti nito sa mabibilis na takbuhan.
Para talagang paraiso ang lupain ng mga Wolveus. Napakagandang lupain at maging ang hangin ay napakasariwa.
Sa mga lumipas na araw pa, si Crescent ang nagturo sa kanya ng pagsulat at pagbabasa. Pero bukod sa turo nito ay pumapasok na rin siya sa Primaryang paaralan sa lupain din ng mga Wolveus, kasabay niya ang mga kabatang taong-lobo.
Pinagbubuti niya ang pagsusulat at pagbabasa dahil aalis si Crescent, at nasabi nitong susulat ito sa kanya. Gusto niyang mabasa ang sulat nito para sa kanya. At makapagpadala rin ng sulat dito gamit ang sarili niyang sulat kamay.
Minsan naman ay napapansin niya si Riel pero sinisimangutan niya ito kapag naalala niyang sinabi nito na mukha siyang siopao!
Madalas na ring nawawala si Crescent, pero sa gabi naman ay bumabalik ito. May panahon pa itong kausapin siya at turuang magbasa’t magsulat. Pero mukhang ang gabi ng iyon ang isa sa huling gabi nilang magkasama at matagal na itong mawawala…
“Marunong ka ng bumasa ng mga pantig at maayos na rin ang sulat mo,” ani Crescent matapos niyang basahin ang isang maikling kuwento. Hindi pa siya mabilis. Nahihirapan pa siyang alamin ang kaibahan ng ‘d’ at ‘p’ kaya natatagalan siya. Isa pa, nagkakamali pa rin siya. Pero totoo na kahit paano ay nakababasa na siya.
“Gusto mo bang dito matulog?”
Natigilan si Lyra at tuwang-tuwang nilingon si Crescent. Kasalukuyan siyang buhat-buhat nito habang ibinubukas ang pintuan.
“Pero magagalit ang mga dama—“nalungkot si Lyra. “Hindi nga nila gusto na pumapasok ako sa silid mo, kamahalan. Dahil babae raw ako at lalaki ka.”
“Oo nga pala,” nginitian na lang siya nito.
“Pero gusto kong matulog sa tabi mo, kamahalan. Gusto kitang makausap pa nang mas matagal. Matatagalan na uli kitang makita,” nalungkot nang husto si Lyra.
Nag-isip naman si Crescent.
“Ako na lang ang pupunta sa silid mo mamaya.”
“Pero kamahalan, makapagpapahinga ka ba ng maayos sa silid ko?”
Alam ni Lyra na pang-isahan lang ang kanyang kama.
“Marami kang inaalala.” Hinalikan na siya ni Crescent sa noo. “Hayaan mo na ang pag-aalala sa mas nakatatanda sa ‘yo.”
Napakabango ng kamahalan. Tila ito bulaklak na nagsasabog ng napakabangong amoy at isa iyon sa hahanap-hanapin niya rito. Lalo na ang mga ngiti nito para sa kanya. Pero ikinapagtataka niya ang pagkailang ng iba rito.
“Kamahalan, napakabuti mo, para kang isang anghel!”
Natigilan si Crescent.
“Anghel?” ulit ni Crescent na may ngiti.
“Napakabait mo, kamahalan! Para kang tunay na anghel. Pakpak na lang ang kulang at puwede ka ng lumipad! Napakaganda ng pilak mong buhok. Mahilig ka sa putting kasuotan. Palagi kang nakangiti at uulitin ko uli na napakabuti mo!”
“Lyra, paano kung hindi naman ako totoong mabuti?” hindi nawawala ang ngiting tanong ni Crescent.
Nagtaka naman si Lyra.
“Kunwari lang kamahalan, gano’n?”
Tumango si Crescent.
“Mamahalin pa rin kita, at gagawin kitang mabuti!”
Napaawang ang labi ni Crescent saka nangiti.
Namangha naman si Lyra, talagang napaka-atraktibo ni Crescent.
Nagkasundo sila ni Crescent na hihintayin niya ito sa silid niya. Kumain muna sila nang magkahiwalay dahil kasabay nito ang pamilya nito. Isinasama siya nito pero nasabi niya nang kinakabahan siya sa hari kaya pumayag din naman si Crescent.
“Lyra, bakit bukas pa ang ilaw?” si Dama Elise ‘yon nang buksan ang silid niya.
“A-ah, may binabasa lang po ako.” Pagsisinungaling niya.
“Itigil mo na ‘yan at lalabo ang ‘yong mata. Matulog ka na.”
Hinintay nito siyang mahiga at magkumot at ito na ang nagpatay ng ilaw. Isinara na rin nito ang pinto ng kanyang silid.
Nakakaramdam na siya ng antok. Hindi pa rin dumarating si Crescent. Nalulungkot na siya. Mukhang hindi na ito darating. Bumaba siya ng kama at sinubukang buksan ng maliit ang pintuan. Sinilip niya ang magkabilang daanan sa pasilyo pero wala siyang nakitang Crescent.
Malungkot siyang nagsara ng pintuan.
“Aaahh--!”
Nagulat si Lyra nang may mag-angat sa kanya at takpan ang kanyang bibig. Base sa amoy nitong tila bulaklak kaya natutuwang nilingon niya ito. Salamat sa ilaw na mula sa lamp shade kaya nakita niya na ito nga si Crescent.
“Akala ko hindi ka na darating!” tuwang niyakap niya ito.
“Hinintay ko lang mag-ikot ang dama.”
Dinala siya nito sa kama.
“Hindi pala tayo magkakasya sa higaan mo, Lyra—“
“Tititigan na lang kita, kamahalan!”
Natawa si Crescent.
“Bukas, ipababago ko ang higaan mo sa mas malaki’t komportable.”
Ayos lang naman talaga sa kanya iyon pero baka matulog uli ito sa kanyang tabi sa susunod.
Naupo ito at marahang nahiga. Nasa ibabaw siya nito nakahiga.
Naririnig ni Lyra ang kalmadong t***k ng puso ni Crescent.
“Magpahinga ka na, Lyra.”
Inaantok na rin naman talaga si Lyra, lalo na sa amoy ni Crescent. Isama pa ang paghaplos nito sa kanyang nakabagsak na buhok.
“Lyra, hindi mo ba gustong bumalik sa tahanan mo?”
Umiling siya.
“Ito na ang tahanan ko, kasama ka, kamahalan…”
Nagulat si Crescent, pero kaagad ding napangiti. Hinalikan nito sa ibabaw ng uluhan si Lyra.
Hindi na kita ibabalik sa kanila…
Sa akin ka na…
At ikaw na si Lyra hanggang kamatayan