TREINTA minutos mula nang makaalis kami sa unang eskwelahan ay sa isang mas malaki at mas malawak na lugar naman kami nagtungo. Maraming naglalakihang puno sa paligid at mayroong mga waiting area na may ilang estudyanteng nakaupo at nagkukwentuhan. Ang iba ay may mga hawak na bola at ang ilan naman ay libro. May nakita rin akong malawak na takbuhan. Mukhang isang olympic village ang parteng iyon ng paaralang napasok namin. “Angel, ito ang pinakamalaking exclusive at international school dito sa Maynila. May kalayuan lang sa bahay natin kaya kailangan mong gumising ng maaga kung ala-siete ang magiging pasok mo. Simula elementarya at kolehiyo rin dito kagaya noong sa lumang school ng Mama mo. Ang mga nag-aaral dito kadalasan ay mga anak ng pulitiko, mga anak ng malalaking kumpanya.