Capitulo Uno
ANO nga ba ang batayan ng isang Buena Familia? Ito ba ay ang pagkakaroon ng maayos at masayang pagsasama, mayamang disposisyon sa buhay o ang pagkakasama-sama ng isang buong pamilya sa hirap at ginhawa?
“Papa, sinong pinakamagandang bata sa kalawakan?” tanong ko sa aking ama habang hawak ang maliit na salamin. Nakita ko ang ngiting sumilay sa mga labi niya mula sa may likuran ko. Tuwing gabi na nagluluto ng pagkaing panghapunan si Mama ay sinusuklay niya ang hanggang beywang kong buhok.
“Siyempre ang Angel ko ang pinakamagandang bata sa lahat!” Hahabaan niya ang salitang pinakamaganda hanggang sa matawa ako dahil sa eksaheradong sagot niya.
“May mas maganda pa ba sa’king iba, Papa?” Tanong ko muli sa kanya kahit na alam ko na ang isasagot niya.
“Siyempre wala pero may kasing-ganda ka at nagngangalan itong Angelina,” Doon na magsisimulang matawa ang ina kong nagluluto sa di-kalayuan. Ang bahay na tinitirhan namin ay para lang isang maliit na silid. Dalawang hakbang lang mula sa kama ay kusina na may lababo at lutuan. Ang maliit na mesa at tatlong stool ay abot-kamay lang mula sa lutuan. Ang gasul, lamesa, upuan at papag na higaan at manipis na kutson ay naroon na sa bahay nang lumipat kami roon ayon kina Mama. Ang sahig ay magalas na semento lamang.
“Kanino naman magmamana si Angel kung hindi sa’kin din naman. Hindi ka naman kagwapuhan, no.” biro pa ni Mama na may pag-irap pa sa aking ama. Sa puntong iyon ay tatayo na si Papa at lalapit sa kanya upang yakapin siya mula sa likuran. Napapangiti ako tuwing makikita ko silang malambing sa isa’t-isa.
“Talaga ba? Kaya pala noong elementary at high school tayo pinapadalhan mo pa ko ng sulat para lang mapansin kita.”
“Hindi ko naman alam na lalaki pala ang ulo mo dahil sa mga sulat kong ‘yon. O, bakit noong hindi na kita pinansin ikaw naman ang naghabol?” Nakapameywang na pagbanat naman ng aking ina.
“Paano namang hindi kita hahabulin, apat-apat ang manliligaw mo! Dati ako lang tinitingnan mo tapos nag-third year highschool lang biglang nalimutan mo na ‘ko!”
“Pakipot ka kasi. Feeling gwapo ka. Magaling ka lang kumanta, pero hindi ka gwapo. Tandaan mo ‘yan.” Alam naman naming tatlo na hindi iyon totoo. Magaling nga kumanta si Papa ngunit gwapo itong tunay. Kahit nakakapit ako sa kamay niya kapag minsang bibili kami ng de-lata sa tindahan ay napapalingon pa rin sa kanya ang mga babaeng nakasalubong namin. May isang beses pa ngang lumapit sa kanya ang isang babae at sinubukang hingin ang kanyang pangalan. Napagkamalan pa ako noon na pamangkin niya. Sa pagkakaalam ko ay ipinanganak ako noong beinte-uno anyos pa lang silang dalawa matapos ang kanilang kurso sa kolehiyo kaya’t bata pa silang tingnan.
“Naku hindi ako maniniwala sa’yo. Kung titigan mo ‘ko sa jeep tuwing magkakasabay tayo pauwi galing eskwelahan mas malagkit pa sa ube.” Hindi pa rin titigil sa pagkukulitan ang dalawa.
“Ube talaga ang description?” Hahalik naman ang ama ko sa pisngi ni Mama.
“Paborito mo ‘yon kaya ube na lang,”
“Mas paborito kita.” Susuklian ng halik sa labi naman na hindi magtatagal dahil maalala nilang nanonood nga pala ako sa usapan nila.
“Alam ko. So, ano payag ka na na gwapo ako? Kamukha ko naman si Angel. Hating-hati. Sa’kin ang tangkad, ilong at mata. Sa’yo ang labi at hugis ng mukha. Mabuti pala at maputi at makinis din parang ikaw.” Kikindat pa sa’kin si Papa at mag-thumbs up sign naman ako bilang sagot.
“Oo na. Gwapo ka naman talaga. Papatol ba ‘ko sa panget, ang ganda ko kaya!”
“Oo naman! Pinakamaganda sa buong kalawakan ang mag-ina ko. Hinding-hindi ko kayo iiwan. Mahal na mahal ko kayong dalawa.” Matatapos ang usapan na luto na rin ang pagkain at kakain na kami ng magkakasalo. Normal itong ganap sa amin sa araw-araw. Napapalitan lang ang kulitan at pag-uusapan ngunit sa kabuuan ay lagi kaming masaya at magkakasama.
Minsan pakiramdam ko nakakaistorbo ako sa mga magulang ko dahil sa dalas nila maglambingan. Nagtatawanan at nagbubulungan. Kapag kausap naman nila ako ay buong atensiyon nila ay nasa’kin. Hindi man kami madalas lumabas dahil sakto lang sa pang araw-araw na gastusin ang kinikita ni Papa bilang clerk sa isang maliit na kumpanya ay masaya naman kaming naguusap at naglalaro ng Bingo sa bahay. Paborito ko ang paglalaro kasama sila dahil na rin sa pag-aasaran nila at kaingayang dala ng pagbola ng numero. Ang ama ko na yata ang pinakamakulit na tatay sa mundo. Minsan ay sa mga biro niya sa’min halos maluha na si Mama sa pagtawa. Ang ina ko naman ay napakamaalaga at masiyahin. Laging may ngiting pabaon sa’min ni Papa tuwing papasok na siya sa opisina at sa akin naman tuwing inihahatid niya ‘ko sa labas ng pampublikong paaralan.
Salat man kami sa pera ay masasabi kong napakasaya ng aming pamilya. Ngunit hindi pala lahat ng kasiyahan ay nanatiling ganoon lamang habangbuhay. Sa murang edad na walong taon ay nawasak ang imahe ko ng wagas na pagmamahalan at mabuting pamilya.
“Art, saan ka nga pupunta? Bakit kinukuha mo lahat ng mga gamit mo? Arturo! Sumagot ka!” Pagdating ko galing tindahan dahil sa inutos sa akin ng aking ama na bumili ng softdrinks ay nakaluhod sa sahig ng aming mallit na barung-barong si Mama. Tumatangis siya habang sinusubukang pigilan ang tatay kong naglalagay ng iilang piraso niyang damit sa isang itim na bag.
“Alam mong mangyayari rin ang ganito. Para rin to sa’yo. Sa inyo. Bumalik ka na sa Mama mo. Alam kong tatanggapin ka ni Donya Angelica basta magpakumbaba ka lang.”
“Papa?” bulong ko habang hawak ang isang supot ng coke na may straw na akala ko pa naman ay ipinabili niya dahil noong nakaraang linggo ko pa ito inuungot sa kanya.
“Anak, lumabas ka muna. Hindi mo dapat marinig ang mga—”
“Bakit hindi niya dapat marinig kung iiwanan mo naman pala kami dapat malaman ni Angel! Art, please naman, gagawin ko ang lahat basta ‘wag ka lang umalis. Please—” Halos hindi na makapagsalita ng maayos si Mama dahil sa tindi ng pagpapalahaw niya. Bawat salita ay napagigitnaan ng paghikbi at pag-iyak. Ngunit si Papa ay walang reaksiyon. Hindi niya pinapalis ang mga kamay ni Mama nakakapit sa pantalon niya. Tumayo lang siya na parang hinihintay na si Mama na mismo ang kusang bumitiw sa pagkakapit sa kanya.
“Kailangan ko nang umuwi sa asawa ko. Alam mong iyon ang tama, Lina. Mag-iingat kayo ni Angel. Aalis na ‘ko.” Asawa niya? Kaya ba Montreal ang apelyido ko at hindi Rivero kagaya ng apelyido niya ay dahil hindi kami ang tunay niyang pamilya? Kahit ganoon ang paalam ni Papa ay nabitiwan ko ang coke at tumakbo papunta sa kanya. Hindi ko alintana na tumapon na sa paa ko at sa sahig ang softdrinks na matagal kong inasam. Sa kaliwang binti ay nakayakap si Mama habang sa kanan naman ay ako.
“Papa, ‘dito ka lang, please? Paano na ‘ko kapag wala ka? Hindi mo ba mahal na si Angel mo, papa? Sabi mo ako lang ang Angel mo—” Natatakot ako noong tumingin sa mukha niya dahil baka galit siya dahil pinipigilan namin siya. Hindi siya gumagalaw at pinabayaan lang kaming nakasiksik sa kanya. Kung may makakakita o makakarinig sa’min. Iisipin na may namatay dahil ganoon katindi at kalakas ng pagtangis namin. Kasingtunog ng iyak ng mga nabiyuda at naulila sa habang ibinababa ang ataul sa hukay.
“Para sa inyo rin ito. Hindi ko kayo mabibigyan ng magandang buhay. Magiging pabigat ako sa inyong dalawa. Pabayaan n’yo na kong umalis,” walang emosyong sagot niya.
“Hindi ako papayag. Dito ka lang! Kami ang pamilya mo. Sinabi mo dati na hindi mo ‘ko iiwan kahit anong mangyari—” Nasasamid na si Mama dahil sa magkahalong luha at laway na dala ng pagtangis niya. Doon ko nakita kung gaano kasakit magmahal at maiwan. Ang mga sumunod na sinabi ni Papa ang nagtapos ng lahat.
“Sinabi ko lang iyon dahil may pera ka pa dati. Wala na ‘kong makukuhang benepisyo sa’yo ngayon. Bumalik ka na sa pamilya mo at isama mo ang anak mo.” Dahil sa mga salitang ito ay natahimik ng ilang segundo ang pagtangis ng aking ina. Sinisipat niya ang mukha ng lalaking minamahal kung seryoso ba ito sa mga katagang binitiwan. Nang makita niya na wala na siyang pag-asang magbabago pa ang isip ni Papa, bumitiw na siya.
Pakiramdam ko noon ay katapusan na ng mundo. Sa pagbitiw ni Mama at marahang pagtayo mula sa pagluhod ay sumunod na rin ako. Nakita ko kung paano nagbago ang mukha ni Mama nang umatras siya at bigyan ng espasyo ang taong gusto nang umalis. Tuluyang binitbit ni Papa ang itim niyang bag, tumalikod at naglakad ng ilang hakbang palabas ng aming bahay. Ang pagdadalamhati ni Mama ay napalitan ng galit. Hinawakan niya ang magkabila kong balikat sa pag-aakalang tatakbo ako at hahabulin si Papa.
Pakiramdam ko noon ay kasama akong namatay ng ama ko. Patay na siya. Iyon ang inisip ko nang tuluyan na siyang umalis at iniwan kaming mag-ina.