Capitulo Tres

1803 Words
BITBIT ang dalawang malaking plastic bag at isang malaking backpack na may lamang mga gamit namin ni Mama ay nilisan namin ang lugar kung saan na ‘ko lumaki. Nakaupo kami sa terminal ng jeep at nag-aabang na mapuno ito nang mapansin kong mukha siyang balisa. “Mama, saan po tayo pupunta?” Hindi ko na rin napigilang magtanong. Ilang minuto rin bago siya sumagot. Pinag-isipan pa siguro kung saan nga ba kami pupunta o kung dapat ko na ba itong malaman. “Uuwi na tayo sa Lola mo, Angel.” Dahil may hawak ang dalawang kamay ay inihilig niya ang ulo niya sa’kin. “Sa Lola ko po?” Tatlong beses ko lang tinanong kay Mama kung may Lola ba ako dahil ang kakilala ko lang na pamilya ay silang dalawa ni Papa. Tuwing magtatanong ako noon ay naluluha siya at umiiwas ng sagot. Kaya’t simula noon ay iniwasan ko na ring mangulit tungkol dito. “Oo, Anak. Magpakabait tayong dalawa doon. Kahit anong mangyari, umoo lang tayo at sumunod sa sinasabi ng Lola mo, okay?” Nanginginig ang boses niya at mga labi na parang nagpipigil ng pag-iyak. “Galit po ba sa’tin si Lola?” “Hindi anak. Hindi siya magagalit sa’yo. Mabait na tao ang lola mo. O umidlip ka muna at mahaba ang biyahe. Dalawang lipat pa tayo ng sasakyan.” Ngumiti siya kahit na alam kong pilit lang ito. Tumango naman ako bilang sagot. Inabot di ng dalawang oras ang biyahe naming mag-ina. Matapos bumaba ng jeep ay sumakay kami ng bus at pagtapos noon ay sa isang taxi. Pangalawang beses ko pa lang makasakay ng Taxi. Ang una ay noong nakatanggap ng bonus si Papa sa opisina at nagpunta kami sa isang magandang mall upang manood ng sine. “Malayo po ang pupuntahan natin? Hindi po dinadaanan ng jeep o bus?” Alam kong ito lang ang paliwanag kung bakit kahit wala kaming pera ay sasakay pa kami ng Taxi. “Oo anak, hindi kasi pinapapasok doon sa lugar nila Lola mo ang jeep at bus. Wala rin doong tricycle.” Napabuntonghininga si Mama nang sabihin sa driver kung saan kami pupunta. “Corinthian Gardens po,” mahinang sabi niya na mukhang narinig naman ng driver. Tahimik lang kaming dalawa. Ibang-iba ang itsura ng kalsadang binagtas namin kumpara sa maraming tao at may makupad na daloy trapikong normal kong nakikita. Pagdating sa gate ng subdivision ay may gwardiyang nanghingi ng pangalan na pupuntahan. Iniabot lang ni Mama ang isang ID niya na noon ko lang nakita. Nang makita ng guwardiya iyon ay nag-dial ito sa isang telepono. Ilang minuto pa ay nakalagpas na rin kami ng guard house. Nagbigay pa ng direksyon si Mama sa driver kung saan liliko at hihinto. Namangha ako sa laki ng mga bahay sa lugar na iyon. Sa TV ko lang ito nakikita noon kapag nagkakaroon ako ng pagkakataong makanood sa tindahan na malapit sa’min. Nang maalala ang ilang tagpo sa TV kung saan hinahamak ng mga mayayaman ang mahihirap na tulad ko ay napatingin tuloy ako sa suot naming dalawa. Naka-shorts lang akong pambahay, t-shirt na puti at tsinelas. Si Mama naman ay naka-t-shirt din na puti at isang itim na pantalon. Suot niya ang sandalyas niyang paborito na kulay asul. Mukha na itong luma. “Sa tabi na lang ho,” bulong ni Mama. Nang makapagbayad siya ay nauna siyang bumaba at ipinagbukas ako ng pintuan. Ang driver naman ay kinuha ang mga gamit namin sa likuran ng Taxi at ibinaba sa may bangketa sa tapat ng dalawang palapag na bahay. Bumukas ang gate at may lumabas na nakaunipormeng isang babae na kagaya ng mga suot ng kasambahay sa mga palabas sa TV. Kasunod niya ay isang lalaking naka-damit naman pang-gwardiya. “Senyorita Lina? Kayo nga! Naku! Senyorita Lina! Pasok po kayo. Nasa kwarto niya si Senyora. May tumawag kanina sabi kayo raw ang nasa labas. Mabuti at ako ang nakatanggap ng tawag. Tuloy kayo sa loob. Goryo, ipasok mo na ang mga gamit ni Senyorita. Ito na ba ang anak mo? Naku napakagandang bata! Kamuha ng lola! Matutuwa si Senyora kapag nakilala ang apo niya!” “Si Angel po, eight years old na siya. Anak, si Manang Dora, siya ang nag-alaga sa’kin noong bata pa ‘ko.” Nakangiti ang babae at nagmano naman ako bilang paggalang. Natuwa ito at niyakap ako. “Magalang na bata! Pasok na, pasok.” Halos ipagtulakan kami ng aleng iyon papasok ng mataas na kahoy na gate. “Manang Dora, tulog po ba ang Mama?” may diin sa dulo ang pagbanggit niya ng Mama, katulad ng mga mayayamang anak sa pelikula. Napaisip tuloy ako kung totoo ba ang lahat ng ito, sa ganito kalaking bahay nakatira dati ang ina ko? “Inakyatan ko kanina ng tsaa baka nagbabasa lang ng libro. Hindi siya pumasok ng opisina kanina. Kung umalis iyon baka gagabihin na ng dating. Baka alam niyang darating ka kaya—” “Hindi po niya alam na uuwi na ‘ko. Salamat po. Pupuntahan po muna namin si Mama.” Kitang-kita ang panginginig ng kamay ni Mama nang kuhanin ni Manang Dora ang kamay niya. “Goryo, iwan mo lang sa sala ang mga gamit nila. Ipapaakyat ko sa kwarto ni Senyorita mamaya. Ihahatid ko lang sila sa taas.” Tumango ang gwardiya na medyo bata pa. Mukhang bago lang ito dahil hindi niya kilala si Mama. Malayo ang nilakad namin simula gate hanggang sa harapan ng bahay. May sariling daan o pathway ang naglalakad na tao at iba pa ang daanang driveway para sa mga kotse. Tatlong kotse ang nakita kong nakaparada sa harapan ng bahay. Isang pula, itim at puti. Ang isa roon ay mukhang bagong bili lang dahil pinakamakintab ito sa tatlong nakaparada. “Lina, medyo masungit ngayon ang Senyora. Pagpasensiyaha mo na lang. Mahina rin kasing kumain at madalas magkulong sa kwarto. Baka ikaw na ang makapagpasaya sa Mama mo.” Tuloy ang pag-uusap nila ni Mama habang naglalakad kami. Ako naman ay abala sa pagmamasid sa buong paligid. Pagpasok pa lang ng bahay ay napanganga na ako. Napakataas ng kisame ng sala at may nakabitin na malaking ilaw na mukhang gawa sa kristal. Mabango rin ang sala, gusto kong singhutin ang bango ng lugar. Parang kasing laki ng mall na napuntahan namin ang laki ng bahay o baka dahil hindi lang ako sanay makapunta sa ganoong lugar kaya pakiramdam ko ay napakalaki nito. Sa kanang bahagi ng sala ay may malaking staircase na may carpet na pula. Ang sahig naman ay gawa sa marmol. Dahan-dahan kong itinatapak ang madumi kong tsinelas dahil pakiramdam ko ay mamamantsahan ko ang makintab na sahig. “Sana nga po, Manang. Wala na po kaming pupuntahan ni Angel,” pagkasabi noon ay napahinto si Mama ng paglakad. Napatingin ako sa kanya at nang mapansing nakatingala siya ay sinundan ko ang kanyang tingin. Sa ikalawang palapag ay may mahabang hallway na kita ang buong sala. Sa pinakataas na baitang ng hagdanan ay may nakatayong isang matandang babae. Nakasuot ito ng itim na damit simula ulo hanggang paa. Nakapusod ang buhok at may suot na malalaking perlas na alahas. Napanganga ako dahil kamukhang-kamukha siya ni Mama. “Bakit ka pa nagbalik dito Angelina? Umalis ka na.” Nabaling ang tingin niya sa’kin at napamulagat ang mata. Ikinubli niya ang pagkagulat nang ikampay ang kaliwang kamay na may hawak na pamaypay. Nagpaypay ito at nag-iwas ng tingin. “Mama, hindi na po ako aalis. Sana ay tanggapin po ninyo kami ni Angel. Anaka, si Donya Angelica Montreal, ang Lola mo. Magmano ka, anak.” Kahit na hindi ko pa lubusang kilala ang ina ni Mama ay naniwala akong mabuti siyang tao. Nang mapansin kong hindi sasama si Mama sa pag-akyat ay umalis ako sa tabi niya at marahang lumakad. Dahil sa palagay ko ay madudumihan ang pulang carpet dahil sa tsinelas ko ay hinubad ko ang mga iyon bago ako umakyat. Tahimik ang lahat hanggang sa makarating ako sa itaas. Matangkad din si Lola, parang si Mama. “Magandang hapon po, Lola. Mano po,” bulong ko habang kinukuha ang kamay niyang nasa tagiliran. Malamig ang kamay niya. Nang malapitan kong makita ang aking lola ay mas nagandahan ako sa kanya. Hindi man kasingkinis ng kutis ni Mama dahil sa katandaan ay kitang-kita ang kaputian nito. “Ang ganda po ninyo, Lola. Kamukha po kayo ni Mama.” Ngumiti ako at nanalanging ngingiti rin siya. Napansin kong gumalaw ang labi niya ngunit pinigilan niya ito. Lumingon ako sa baba kung nasaan ang ina ko. Nakatingin pa rin siya sa’min habang nagsisimula nang humikbi. “Umakyat ka na at sa kwarto tayo mag-usap.” Tumalikod si Lola at naglakad patungo sa dulong silid. Nang mapansin niyang bumitiw ako ay huminto siya at lumingon sa’kin. Ibinaling ang ulo sa kaliwa na para bang pinasusunod niya ako papunta sa kwarto niya. Lumapad ang ngiti ko at binilisan ang lakad. Nang marating ko ang tabi niya ay kumapit ako muli sa kanyang kamay. Ang buong ikalawang palapag ay mukhang binubuo ng isang malaking espasyo sa gitna na para ring sala at maraming silid. Pagpasok ng kwarto ni Lola ay napanganga akong muli. Para itong isang buong bahay sa laki. Sa gitna ay may malaking kama at sa may bintana naman ay may isang piano. Walang nakasabit sa kulay rosas na dingding na kahit anong frame ngunit napansin kong may ibang kulay sa itaas ng kama ni Lola. Parang may malaking frame doon na inalis lang at hindi na pinalitan. Sa may gilid ng pintuan ay napansin ko ang isang maliit na lamesang bilog. Mayroong parang maliit na takure na babasagin at maliit na kopita. Iyon marahil ang tsaa na nabanggit ni Manang. Maya-maya pa ay bumukas muli ang pintuan. Iginiya ako ni Lola papuntang kama ngunit dahil gusto kong maglibot ay tumayo ako at pinuntahan ang puting piano. Hindi ko pinindot ang tiklado dahil sa takot na mapagalitan. Naupo lang ako sa upuan doon at tumitig sa labas ng bintana. May balkonahe sa labas. “Pwede kang sumilip sa balkonahe,” unang beses akong kinausap ni Lola Angelica. Lumapad ang ngiti ko at lumapit sa inaakala kong malaking bintana. Idinikit ko ang noo at saka napagtantong mali ako. Pintuan pala iyon dahil gawa sa salamin ang buong gilid at may nakita akong bukasan sa gitna. Binuksan ko ito at bago ako lumabas ay narining ko na ang simula ng pag-uusap nila. Sinigurado kong hindi ko isasara ang pinto upang marinig ko pa rin sila kahit nakasilip ako sa malawak na garden na tanaw mula sa balkonahe ni Lola. “Mama, I’m sorry. Tama po kayo. Hindi ko dapat ginawa ‘yon.” “Lagi naman akong tama, Angelina. Ikaw naman ang pinili ang maling landas.” Napalingon ako nang lumuhod si Mama at nagsimulang umiyak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD