Capitulo Quatro

1089 Words
  NAG-IWAS ng tingin si Lola Angelica nang managhoy na ang aking ina sa tapat niya. Nakaupo si Lola sa gilid ng kanyang kama.    “Alam ko po, Mama. Humihingi po ako ng patawad,” mahinang sagot ni Mama na nakayuko at patuloy ang paghikbi at pagtulo ng mga luha. Masakit na makita na naman siyang umiiyak.    “Sinasabi mo lang ba ‘yan dahil—”   “Matagal ko na pong gustong umuwi, Mama. Kaso alam kong hindi ninyo matatanggap kung kasama ko si Arturo. Ngayong iniwanan na niya kami ni Angel—”   “Iniwanan? Iniwanan kayong mag-ina niya? Bakit? Namatay na ba?” Pataas ang boses ni Lola na parang nangungutya. Halata sa boses niya kung gaano siya kagalit sa aking ama.    “Mama—“   “Kung iniwanan ka na at bumalik ka rito sa’kin, sa tingin mo ba ay tatanggapin pa kita? Matapos mo siyang piliin, ngayong iniwan ka na ay saka ka lang babalik sa’kin? Ganoon lang ba kadali para sa’yo? Matapos mo akong ipagpalit sa lalaking ‘yon? Ako na sarili mong ina, na nagpalaki at ibinigay lahat ng pangangailangan mo—” Bakas ang panginginig sa boses ng aking Lola.   “I’m sorry, Mama, alam ko po na malaki ang pagkakasala ko. Mas inuna ko ang puso kaysa isip. Hindi kita pinahalagahan,” tumingala si Mama at paluhod na lumapit sa aking Lola, “kahit ano po gagawin ko, Mama, tanggapin mo lang ako muli. Wala na kaming mapupuntahan. Hindi na kami maaring bumalik sa dati naming tinutuluyan. Wala na rin kaming babalikan. Please po, Mama, tanggapin po ninyo kami ni Angel. Kahit maawa na lang po kayo sa apo ninyo. Hindi ko na po alam kung anong gagawin.”   “Mahirap na wala nang ibang matutuluyan pero mas masakit maiwanan, hindi ba? Lalo na kung alam mo na ginawa mo naman ang lahat para sa kanya?”   Napahinto sandali ang aking ina sa pagpanaghoy habang nanginginig ang labi at baba. Bago siya sumagot ay napakapit siya sa kanyang dibdib.   “Masakit na masakit. Walang kasing sakit.”   Ilang segundo ring katahimikan bago nagsalita si Lola Angelica. Damang-dama ang sakit na nararamdaman niya mula sa pagkakabitiw niya ng mga salita.   “Lina, gusto ko man sabihing mabuti nga sa’yo at pinagdudusahan mo na ang mahigit walong taong pagtalikod mo sa’kin ay hindi ko magawa.” Napatingin si Lola sa may ulunan ng kanyang kama. Para bang may iniimagine itong isang bagay na nakalagay doon.   Sa ilang minutong nagdaan ay nakaluhod lang ang aking ina at humihikbi. Hindi mapigtas ang pisi ng luha na patuloy na dumadaloy. Hindi ko alam kung ano ang mas iniiyakan ni Mama, ang iniwan siya o ang hindi pa pagatanggap sa’min ng aking lola.   Si Lola naman ay nakatitig sa espasyo na iyon sa may headboard ng kama. Kapwa sila may hinihintay na hindi ko naman mawari kung ano. Napabuntonghininga ako at pumasok na muli sa silid. Dumiretso ako sa tabi ni Lola Angelica at itinanong ito, “Lola, ano po ang nakalagay sa dingding na ‘yon? Sa taas po ng kama?”   “Isang patunay na mayroon ako noong anak.”  Napaisip ako kung ano ba iyon? Litrato o larawan ba ni Mama o sa kanilang dalawa? Kung inalis niya ang nakalagay doon ay bakit palagi pa rin niya itong tinitingnan? Bakit hindi din tinakpan o inalis ang marka? Dahil naguguluhan ako ay minabuti kong itanong na lang.    “Mama—”   Alam kong wala naman akong magagawa kung ayaw kaming tanggaping mag-ina ngunit nakikita ko kay Lola na malungkot din siya at tila nagtatalo ang isip. Palagi siyang tumitingin sa espasyong iyon sa tapat ng kanyang higaan.   “Kahit po pala inalis na ng matagal na panahon, Lola, mayroon pa rin pong marka? Hanggang sa hindi po tinatakpan ulit o pinapalitan ang pintura?” tanong ko.   Hindi ko alam kung bakit nang sinabi ko iyon ay parang nagitla at pagkatapos ay  napabuntonghininga si Lola at saka ako hinila sa isang mahigpiti na yakap.   Hinawakan niya ‘ko sa magkabilang balikat at seryosong sinabi, “minsan kahit takpan pa at palitan, mayroon pa ring nakatagong marka mula sa bagay na nawala na. Maganda man o hindi ang dating nakalagay doon ay nag-iwan pa rin ito ng bakas na hindi na mabubura dahil parte na ito ng nakaraan.”   “Pero ‘di ba po, pwede pa rin namang takpan at pagandahin o kaya naman po ay palitan ng katulad ng inalis na bagay ngunit mas maganda at mas pinagbuti? Baka po Lola, maganda rin po na sa hinaharap din tumingin kaysa manatiling nag-iisip ng nakaraan?”   Napakunot ang noo niya at napatitig sa’kin. Maya-maya ay mas kumunot pa ang noo at nagsalubong ang kilay.   “Walong taong gulang ka pa lang hindi ba?”   “Opo, Lola,” nakangiti kong sabi.   Napangiti rin siya at ginulo ang buhok ko gamit ang isa niyang kamay, “Napakatalinong bata. Pumunta ka na sa labas at hanapin mo si Manang Dora para ituro ang kwarto ninyo ng Mama mo.” Napanganga ako at napayakap sa kanya. Narinig ko namang napasinghap si Mama. Hindi niya inaasahan ang magiging sagot ni Lola.   “Salamat po, Lola!”   “Sige na,” bulong niya habang nakayakap sa’kin. Marahan akong binitiwan ni Lola Angelica. Tumayo si Mama at lumapit sa’min. Naupo siya sa kabilang gilid ni Lola at tinutop ang kanyang mga kamay.   “Mama, salamat po sa pagpapatuloy sa’min ni Angel,” humihikbi pa rin si Mama.   “Kahit natiis mo ‘ko at nagawang talikuran bilang anak, hindi ko iyon magagawa bilang ina.”   “Mama, I’m sorry. I’m sorry...”   Kahit na pinapalabas na ‘ko ay hindi ko pa rin sila maiwanan. Gusto kong maintindihan nilang dalawa na hindi ko sila iiwan. Niyakap ko si Mama at si Lola. Gusto ko rin na sa mumunting paraan ay magawa kong paglapitin silang dalawa. Dahil sa maliit lang ang mga bisig ko ay nagmukha lang akong nakadantay at nakakapit sa kanila.   “Tama si Angel, Lina. Palitan natin ang hindi magagandang ala-ala.”   “Mama, I’m sorry.” Hindi pa rin mapatid ang paghingi ng tawad.   “Hindi ko masabing napatawad na kita pero hindi ko ipagkakait sa’yo ang karapatan mong bumalik sa buhay ko at manatili rito. Ang hiling ko lang ay sana, hindi na maulit ang nakaraan.”   Simula sa araw na iyon ay nagbago na ang buhong buhay naming mag-ina. Hindi ko naisip na dahil lang sa paguwi namin doon ay maraming pintuan ng oportunidad ang mangyayari sa’kin.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD