Ala-sais ng umaga kinabukasan nang umalis kami ni Mama ng bahay.
“Saan po tayo pupunta?” tanong ko sa kanya noong naglalakad na kami papuntang terminal ng jeep. Hindi na kami nag-tricycle marahil dahil nagtitipid na rin at kakaunti na ang laman ng pitaka niya. Bago siya sumagot ay huminto kami saglit at yumuko siya upang magkatapat ang mga mukha namin. Hinaplos niya ang pisngi ko bago nagsalita.
“Angel, maghahanap ng trabaho si Mama, ha? Hindi kita pwedeng iwan mag-isa sa bahay kaya isasama na lang kita. Mabuti at bakasyon pa ngayon. Kailangang makahanap ako ng pang-enroll mo at pambayad sa renta at gastusin natin. Alam kong hindi ko dapat sinasabi sa’yo ‘to, anak, pero kailangan ni Mama ng kaunting pag-unawa mo, ha, Angel ko?” Naluluha niyang sabi. Ako naman ay tumango at yumakap sa kanya. Kinuha na niya ang kamay ko at nagpatuloy na sa paglalakad. Pagdating sa terminal ng jeep ay mahaba na ang pila ng mga taong papasok sa opisina. Ang iba ay nakauniporme habang ang iba naman ay naka-business casual attire. Naikumpara ko ang ternong asul na damit na suot ni Mama sa sopistikada at magarbong damit ng mga babaeng nakapila. Naisip kong kapag may sapat na kong kakayahan, sisikapin kong mabihisan din ng magagandang damit ang aking ina.
Tumagal ng treinta minutos ang paghihintay naming makasakay. Inabot din ng dalawang oras ang pagbagtas mula sa inuupahan naming bahay sa Pasig papunta sa Makati kung saan marami raw mapag-aapplyan ng trabaho. Mula periodikong nahiram ni Mama sa kapitbahay ay nakapaglista siya ng mga posibleng mapasukan ng trabaho at iyong mga iyon ang puntirya namin ngayong araw.
Sa unang building na pinuntahan namin ay hindi kami pinapasok dahil marami na raw applikante. Sa sumunod namang napagtanungan ay kailangan daw na mayroong experience na bago mag-apply. Nabasa ko sa papel naming dala na nakatapos naman ng Business Administration si Mama ngunit wala siyang naisulat na experience.
Ilang lugar pa ang ginalugad namin habang naglalakad. Ang tanging pananggalang lang sa init ay ang pulang payong na may bali na ang kaliwang gilid at may butas na sa gitna. Kung uulan ay hindi kami mapoprotektahan ng payong na iyon laban sa pagpatak ng tubig ulan. Nang maubos ang nasa listahan niyang prospects na pag-applyan ay inisa-isa namin ang mga nadaanang mga gusali. Sa guwardiya pa lang ay tinatanong na kung may kailangan silang Staff o Clerk man lang. Kapag sinabing oo ay agad kaming pumapasok na umaasang magkakaroon man lang si Mama ng tsansang mapag-exam o ma-interview.
Sa maghapong iyon ay may ilang recruitment agencies din kaming napuntahan. Ang iba ay inaalok pa si Mama na mag DH sa ibang bansa na agad naman niyang tinanggihan dahil hindi niya raw ako pwedeng iwanan. Gabi na nang makabalik kami ng bahay. Ang kinain lang namin noong tanghalian ay isang mangkok ng mami mula sa isang kantina kung saan kami inabutan pagpatak ng alas-dose kaya’t kumakalam na ang sikmura ko simula noong hapon hanggang nang makauwi kami.
“Anak, gutom ka na? Magsasaing lang muna ‘ko. Ito na lang ulamin natin, okay lang?” Iniangat niya ang maliit na supot ng chicharon na nabili namin sa nagtitinda ng balot sa may kanto na binabaan namin.
“Sige po. Hindi pa naman po ako gutom,” nakangiti kong sagot sa kanya. Bakas ang pagod at hirap sa mga mata niya.
“Matulog ka na muna gigisingin kita kapag kakain na.” Sinubukan niyang ngumiti pabalik sa’kin ngunit alam kong sa kabila noon ay marami siyang iniisip. Hindi na ‘ko nagpalit ng damit upang makatipid sa sabon at oras ng paglalaba. Nahiga na ‘ko sa papag at pinagmasdan ang aking ina. Pagtalikod niya at pagkuha ng kalderong nilagyan niya ng isang takal ng bigas ay nagsimulang yumanig ang kanyang mga balikat. Tahimik siyang umiiyak. Alam kong ayaw niya itong iparinig sa’kin kahit na ilang hakbang lang ang layo ng kusina mula sa kamang hinihigaan namin. Gusto kong damayan si Mama ngunit alam kong makakadagdag lang ako sa iisipin niya. Bumaling ako sa kaliwa upang hindi ko makita ang tahimik na pagtangis niya at nagpanggap na natutulog. Nag-usal ng dasal na sana ay magkaroon ng liwanag ang ngayo’y madilim naming buhay.
Isang linggo naming inulit-ulit ni Mama ang ganoong gawain ngunit sa interview pa lang ay umaayaw na siya sa ilang pinag-applyan. Noong una ay itinatanong ko pa kung anong nangyari sa loob ng silid kung saan siya pumapasok tuwing may interview siya kahit na hindi naman niya sinasabi. Isang beses ay lumabas si Mama na umiiyak at agad akong hinila upang umalis. Kasunod lumabas ng silid ay isang matandang lalaki na namumula ang mukha.
“Wala kang mahahanap na trabaho kung maarte ka!”
Akala ko noon ay tuluyan lang kaming aalis ngunit humarap si Mama sa matandang lalaki at sumigaw, “Wala ka ring mahahanap na sekretarya mo kung m******s ka! Matandang manyak!” Pagkatapos noon ay tumakbo na kaming dalawa palabas ng opisinang iyon. Makinis at maganda ang aking ina. Matangkad din siya at balingkinitan. Kung hindi niya ako ipapakilalang anak niya ay hindi rin malalaman ng mga tao na may anak na siya. Kaya marahil gusto siyang pagsamantalahan ng mga lalaking may kaya sa pag-aakalang ibibigay ng ina ko ang dignidad niya at katawan para sa pera.
Matapos ang dalawang linggo na paghahanap ng trabaho sa mga opisina na walang napuntahan, naubos na ang ipon niyang pera. Sinubukan naman ni Mama na mag-apply bilang kusinera at taga-hugas ng mga plato kahit kakarampot ang kita sa mga ito at hindi kayang tustusan ang gastos namin maging ang pag-aaral ko. Bago pa man lumayas ang aking ama, tatlong buwang renta rin ang kailangan naming bayaran at kung hindi kami makakapagbayad ay palalayasin kami ng bahay. Gayumpaman, pinagkasya muna namin ang kinikita niya sa pang-araw araw. Tumutulong ako sa kantina na pinagtrabahuhan niya at minsan ay naabutan din ng may-ari ng limang piso bilang bayad.
Dumating ang araw na kinatatakutan namin. Maaga kaming umuwi noon galing kantina dahil sabi ni Mama ay may kailangan daw kaming gawin. Pag-uwi namin ng mga alas-dos ng hapon galing sa kantina ay nasa labas ang mga gamit namin. Nakakandado na sa labas ang pintuan. Pagdating namin ay nagbubulungan ang mga kapitbahay. Ang may-ari naman ay dumating at lumapit kaagad sa amin. Mukhang alam na ng aking ina ang mangyayari ngunit umasa pa rin siguro siyang hindi ito matutuloy.
“Lina, hindi na talaga pwede. Masyado na matagal ang palugit na ibinigay ko. Alam ko namang mahirap ngayon ang sitwasyon kaso ay may pamilya rin akong binubuhay. Nag-abiso naman ako sa’yo noong isang linggo. Pasensiya na, Lina.” Kumapit pa siya sa balikat ni Mama at ang mukha ay puno ng pag-aalala. Si Aling Nena na may-ari ng barung-barong na tinutuluyan namin ay maayos kausap. Hindi siya katulad ng napapanood ko noon sa TV sa may tindahan na kapag pinapalayas ang tauhan sa istorya ay sinisigawan pa at minumura. Kahit na marami siyang paupahang bahay sa lugar ay hindi siya matapobre at maayos siyang nakikihalubilo sa mga tao doon.
“Pasensya na po kayo. Hindi lang po kasi talaga kasya ang pera. Iiwanan na lang po namin ang mga gamit. Baka po pwede nyo na lang ibenta at makabawas sa utang namin. Kapag nakaluwag-luwag ay babalikan ko na lang kayo upang bayaran ang iba pang utang. Ang mga damit na lang po ang dadalhin namin ni Angel.” Ang tinutukoy na gamit ni Mama ay ang ilang kawali at kaldero, mga plato at kutsara’t tinidor, isang electric fan at emergency light na napanalunan noon ni Mama sa isang raffle. May isang orocan na cabinet naman na naroon pa ang aming mga gamit.
“Sigurado ka bang iyon ang gusto mo?” Nakakunot ang noong tanong ng kasera.
“Opo. Hindi rin kasi namin kayang dalhin ang mga iyan. Sa pupuntahan namin ni Angel ay damit lang ang kailangan. Aling Nena, maraming salamat. Pagpalain po kayo sa kabutihan ng puso ninyo.” Naiyak si Aling Nena sa sinabi ni Mama. Hinila niya ito sa isang yakap. Naglapitan din ang ilan naming kapitbahay at tinulungan kaming ilagay sa ilang sako at plastic na dala nila ang mga damit naming dadalhin. Mukhang may plano na si Mama dahil nakangiti na siya sa mga kapitbahay noong namaalam na kami sa kanila.
“Mag-iingat kayo, Lina, Angel!” Nagpasalamat kami sa lahat ng taong nagbigay ng oras upang magpaalama sa’min. Maging ang ilang batang nakalaro ko roon ay naiyak din noong malamang aalis na kami.
Ang tanging naisip ko naman noon ay kung makakabalik pa ba kami sa lugar na iyon at kung saan na kami pupunta ni Mama.