PAGBALIK ni Oz ng Maynila ay naging abala lang siya sa mga errands sa kanya ng kanyang ama. Paunti-unti lang dahil sa ilang Dance gig and commitments nila na malapit na ring matapos. Katatapos niya lang mag-shower at nakasuot na ng boxer briefs pangtulog nang makatanggap siya ng tawag.
“Dude,” Narinig kaagad ni Oz ang buntonghininga ng kaibigang si Dash bago ito nagsalita. Kapag mga ganoon ang tema ay alam na niyang papupuntahin siya nito sa kanila.
“Inuman tayo. Punta ka kina Miles. Now na.” Batid ang panlulumo sa boses ng kaibigan. Hindi sanay si Oz na ganoon ang dating nito sa kabilang linya. Dumiretso na ng closet si Oz at kumuha na ng itim na polo shirt at pantalong maong.
“Anong nangyari sa’yo? Napikot ka ba?” Nakangisi niyang tanong.
“Gagu. Pumunta ka na lang. Pakidala na rin ang pasalubong mo kay Mama. Nabanggit ko na kasi na nag-Palawan ka.” Tumango si Oz kahit hindi nakikita ni Dash ang reaksiyon niya.
“Ah, oo nga. Hindi ako nakadaan.” Namili ng sneakers sa kanyang rack si Oz. Nang makita ang itim na bagong bili niyang Jordans ay iyon ang isinuot.
“Ayos lang, kababalik ko lang din galing Tagaytay kanina.” Natigilan si Oz sa sinabi ni Dash. Kung susumahin ang tagal ng kaibigan sa Tagaytay na kasama ang bago nitong kinalolokohang babae ay mukhang seryosohan na nga ang labanan.
“Wow! Babad? Hindi ba dapat noong mag-rancho tayo nasa Tagaytay ka rin no’n? Sabi mo pinsan ni Dara?” Si Dara ang nakasama nilang babae sa Cebu at kasalukuyang pinagpapantasyahan ng kaibigang si Dash. Kakilala nilang magkakaibigan ang babae dahil nakasama nilang lahat ito sa iisang kwarto sa Cebu. First time niyang makitang natutuliro sa babae ang kaibigan nang magkakilala sila ni Dara.
“Pupunta ka ba o dito na tayo maguusap?” Napangisi si Oz nang mapansing nag-iinit na ang ulo ni Dash. Kinuha niya ang medyas na nakarolyo sa may closet niya at saka isinuot ito.
“Nagsasapatos na ‘ko. Nireregla ka ba? Ang sungit mo?!” Pagkasabi noon ay saka siya nagsapatos. Kinuha ang wallet at susi ng kotse niyang nakapatong sa side table ng kama.
“Tado. Sige na. Andito na ‘ko kina Miles. Bilisan mo.”
“Oo na. Mabilis lang naman biyahe wala na daw traffic. Late na, eh.”
“Sige. Ingat, dude.”
Paglabas niya ng kwarto sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ay nakasalubong niya ang ama niyang paakyat pa lang na mukhang galing ng opisina. Huminto siya at inabangan ang ama sa taas. Nakasuot ng itim na ternong suit at makintab ang sapatos. His father always looks dashing. Papasa itong artista dahil sa matangkad at fit pa rin ang katawan nito. Hindi ito mukhang singkwenta anyos dahil sa maamong mukha. Sabi ng Mama niya ay kamukhang-kamukha daw niya ang kanyang ama. Marahil kaya magkasundo sila ay dahil iisa sila ng hulma.
“Pa, kakadating mo lang?” Matapos niyang magmano ay saka lang tumango ang ama, “labas lang ako. Kina Miles, may pag-uusapan kami nila Dash.”
“Sige. Ingat ka. Ang mama mo ba?”
“Baka tulog na. Maaga umakyat kanina.” Tinapik siya ng ama sa balikat at dumiretso na sa kabilang dulo ng hallway na silid ng mga magulang.
Pagbaba ni Oz ay nasalubong niya ang kasama nila sa bahay na siya ring naging yaya niya simula noong dumating ito sa bahay nila noong limang taong gulang pa lang siya. Maliit na babae lang ang yaya ni Oz. Sa height niyang 6’2 ay hanggang dibdib niya lang ito.
“Yaya Bola, pakikuha po ang mga pasalubong ko. Ang pusit at kasuy. Salamat po.” Ang pangalang Yaya Bola ay si Oz mismo ang nagbigay noong bata pa siya. Ang tunay na pangalana ni Yaya Bola ay Violeta. Dahil abala sa mga negosyo ang mga magulang ay ang yaya niya ang nagaasikaso ng mga gamit niya. Bagamat malapit naman si Oz sa mga magulang, hindi maipagkakailang para na rin iyang pangalawang nanay ang kanyang Yaya.
“Sandali. Naihanda ko na ‘yon. Kukuhanin na lang.” Bulong nito habang lumalakad papuntang kusina. Maya-maya pa ay bumalik na siya ng sala kung saan naghihintay si Oz. Agad siyang tumayo para alalayan ang Yaya. Pagkakuha niya ng kahon ay saka siya nagpaalam.
“Punta ko kina Miles, Ya. Matulog ka na. Uminom ka kaya ng mainit na gatas para makatulog ka? “Di ba at iyon ang lagi mong ipinapainom sa’kin?”
“Kaya ka nga tumangkad ng ganiyan dahil sa pagkukulit ko sa’yong uminom ng gatas at matulog tuwing tanghali. Kung hindi kita hinahabol noon para uminom ng gatas mo ay baka hindi ka tumangkad ng ganiyan ngayon,” Napangit si Oz dahil matangkad ang mga magulang niya kaya’t kahit hindi siya uminom ng gatas noon at matulog ng hapon ay siguradong tatangkad pa rin siya. Ngunit hindi na niya iyon sinabi sa yaya.
“Ikaw na talaga. Ikaw na ang the best in the universe. Magpahinga ka na, Yaya. Baka mamaya pa ‘ko uuwi o umaga. Depende pala sa mood ng mga kasama ko.” Tumango ang kausap ni Oz. Kilalang-kilala ng mga kasama nila sa bahay at ng mga magulang niya ang mga barkada niya dahil madalas ang mga itong tumambay doon.
“Sige na, gabi na. Mag-ingat ka.” Nakipag-high five si Oz sa yaya niya bago lumabas. Pagsakay niya ng kotse at matapos mailagay sa likod ng sasakyan ang mga kahon ng pasalubong ay naisipan niyang bumalik at kumuha ng alak. Isang malaking Jack Daniel’s ang kinuha niya para pagsaluhan nilang magkakaibigan.
Habang nagmamaneho na siya papunta sa bahay ng manager na si Miles ay sumagi sa isip niya kung darating ba ang araw na magyayaya siya ng inuman para pagusapan ang problema sa babae. Umiling siya at parang biglang kinilabutan.
“Nope. Never in my entire existence. Sila ang mamroblema sa’kin. Bakit ba ‘ko papaapekto sa kanila. I’m Oswald Navarro and women beg me to date them.” Ngumisi pa siya kahit wala naman siyang kausap. Kung naririnig siya ng yaya niya at Mama ay siguradong babatukan siya ng mga iyon. Walang nakakaintindi sa pagkahumaling niya sa babae kung hindi ang mga kaibigan niyang mga ganoon din ang gawain.
The drive to Valle Verde was quick. Maya-maya pa ay tinatawagan na ng guwardiya ng village si Miles upang papasukin ang kotse ni Oz sa village gate.
Nang dumating siya sa loob ng garahe nila Miles ay sinalubong siya kaagad nito. Pagbukas niya ng pintuan ng kotse ay nameywang pa ang manager niya.
“Ang bilis mo sigurong nagmaneho. Hindi ko naman alam kanina na pupunta si Dash dito.”
Nagkibit-balikat lang si Oz. Alam naman niyang fast driver talaga siya. Sa lahat ng bagay naman ay sinisikap niyang maging mabilis.
“Anong problema ni Fuego?” tanong ni Oz sa manager na mukhang inagaw lang sa higaan. Nakasuot na ito ng robe na pantulog.
“Heartbroken yata. Hindi ko alam na darating ang araw na magpupunta kayo rito para magreklamo tungkol sa babae. Usually ay ang babae ang nagrereklamo at umiiyak dahil sa inyo.” Nakairap pa nitong sabi. Sumimangot si Oz at saka naalala ang malaking kahon ng alak na itinali pa niya ng seatbelt sa passenger seat para hindi ito matumba.
“Naku, huwag mo ‘kong sinasali. ‘Wag mong i-generalize. ‘Yang si Dash lang ang masyadong dinidbdib ang pambabae.” Tinaasan siya ng kilay ni Miles at saka itinuro ang dala niyang bote.
“May dala kang alak?”
“Oo. May dala rin akong pulutan pero mamaya na natin kunin.”
“Sige. Tara na at baka nagngangangalngal na ang isa sa loob.”
Pagkasara niya ng pinto at pag-lock ng kotse ay magkasunod na silang pumasok ni Miles sa loob ng mansyon nito.
Nang makita ni Oz na nakahilata at nakatulala si Dash sa sofa nila Miles ay napa-iling siya.
"Dude, tara may dala kong JD. Baka panis na ang alak dito kina Miles, eh." Bati niya kay Dash na tinapik niya sa balikat.
"Anong panis ka diyan! Kapal mo, ha. Puro bago ang mga alak dito. May collector's edition pa. Sabihan mo nga 'yang kaibigan mo na bumangon at makipag-usap sa'tin. Kanina pa ‘yan pagdating niya nakahilata diyan. Babaerong naturingan pero kapag nabasted parang naluging palaka." Napailing si Oz sa sermon ng manager habang kumukuha ito ng mga shot glass sa wine bar ng bahay sa hindi kalayuan ng pwestong tinatambayan nila sa sala.
"Ikaw, Dude nabasted? Sino naman? Ah, teka si Dara ba?" Kahit naman hindi niya itanong ay sigurado na siya sa sagot. Si Dara lang ang babaeng pinagaksayahan ni Dash ng panahon at pinag-investan ng emosyon. Marahil dahil kakaiba si Dara. Matapang ito at malakas ang loob. Hindi rin nagpapaapi. May naalala si Oz na babaeng ganoon din ang ugali. Palaban at malakas ang loob na makipag-away. He closed his eyes and erased that thought from his mind.
"Sino naman ang Dara na 'yan? Siya ba ang kasama mo sa Tagaytay? Shucks! May girlfriend ka na talaga?" Napaupo si Dash at napahilamos sa mukha. Gustong matawa ni Oz dahil sa pagkakunsumi ng kaibigan sa manager nilang matanong.
"Kung girlfriend ko na talaga, magmumukmok ba 'ko rito?"
"Ah, so nagmumukmok pala tayo? Bakit ba? Humor us and tell us what happened para hindi naman masayang ang audience impact namin ni Oswald." Tumango si Dash at bumuntong-hininga bago muling magsalita. Si Oz naman ay inabangan ang kwento ng kaibigan na siguradong magdamag nilang pag-uusapan nang paulit-ulit.
"We made this stupid rule and the first and foremost rule is that what we have is something physical only, s*x lang, no emotions involved. I was not even letting her know that I'm feeling something towards her so as not to break the f*****g rule but still, she knew! She broke off our fake relationship. Peke na nga naging bato pa. Ayaw na raw niya 'kong makita." Napaisip si Oz dahil sa sinabi ni Dash. Gusto niyang sisihin ang kaibigan na nagpadala sa agos ng damdamin. Hindi sana siya masasaktan nang ganoon kung hindi siya nag-invest ng feelings. Inulit niya muli ang sitwasyong binanggit ng kaibigan. Nag root cause analysis si Oz sa isipan. Rules and breaking of rules. Kapag wala na ang kontrata, pwede na silang gumawa ng panibagong deal o kahit walang usapan. Just mutal meeting of the heart and not of the minds. Kinilabutan si Oz, pati siya ay nahahawaan na ng pagkabaliw ng kaibigan.
"Hindi ba mas maganda nga na na-break ninyo ang stupid rules? Para you can start fresh. Walang halong kasunduan. You're not being fake anymore. You're free to feel something dahil tapos na ang usapan ninyo. Pero, pumayag ka ba na hindi na kayo magkikita?" Napakunot ang noo ng kaibigan at saka muling nagsalita.
"Hindi ko naman kinonfirm. Sabi ko lang..." Nagulat siya nang biglang ngumiti ang kaibigan, "Oz, you're brilliant! Tama! Hindi naman pala ko pumayag na hindi na kami magkikita ulit."
Tumayo si Dash at kinuha ang bote ng JD na hawak ni Oz at ang maliit na shot glass naman na hawak ni Miles. Ito na mismo ang naglagay ng alak at ininom ng isahang tira lang ang laman ng shot glass. Para lang sininghot ni Dash ang alak.
"I need your help."
"Kikidnapin mo?" tanong ni Oz.
"Hindi! Gago ka ba? Baka sapakin ako non!"
"Anong tulong?" Nagtatakang tanong niya. Bigla siyang kinabahan sa gustong ipagawa ni Dash. Sumipsip ng alak si Oz mula sa hawak niyang baso.
"Paano ba manligaw?"
Magkasabay na naibuga nina Miles at Oz ang iniinom nilang alak.
Tatlong oras na silang nag-uusap tatlo nang mapagpasiyahan ni Oz na tumawag na ng backup. Tumayo siya at pumunta sa garahe upang tawagan ang mga kaibigan. Nag-message na siya sa GC nila ngunit walang pumansin noong gabi pa lang kaya’t tinawagan na niya isa-isa.
“Dude, punta kayo lahat dito sa bahay ni Miles. May emergency tayo. Now na.” Matapos niyang tawagan isa-isa ay pumasok na siya sa loob ng bahay. Alam niyang pupunta ang mga ito kapag sinabing emergency.