Preparation

2179 Words
Tumigil kami ni Sonja sa tapat ng isang malaking gusali. Gawa sa kulay lupang bricks ang kabuoan ng gusali. At sa ibabaw ng malaking pinto ay nakasulat ang sign na ‘Forgery’. May mga nakasabayan din kami ngunit pansin ko ang pag-iwas nila sa isat-isa. Mukhang taa nga ang sinabi sa akin ni Sonja, tinatrato ng bawat isa na kakumpetensiya ang sinumang naririto ngayon sa Fuegan. “Leo, sinabi ko na sa ‘yo na huwag kang lumingon-lingon kung ayaw mong mapunta sa atin ang atensyon nila,” saway sa akin ni Sonja nang mapansin ang paminsan-minsan kong pagpukol ng tingin sa mga nakakasabayan namin. “Pasensya ka na Sonja, hindi ko lang maiwasang mapatingin sa kanila kasi napapaisipako kung gaya ko ay bago lang din ba sila,” paliwanag ko sa kanya. “Iwasan mo, pakiusap lang. Mahirap kapag sa atin napunta ang atensyon nila, baka tuluyan pa nila tayong manmanan hanggang sa pagsisimula ng Divine Quest,” aniya bago hinawakan ang kamay ko. “Hindi natin alam na gaya natin, may bumuo din ng grupo upang masigurong magiging ligtas sila sa pagsisimula ng quest,” dagdag niya bago ako hinila palapit sa pinto. “Mabuti pa at mauna na tayong pumasok at nang makaalis na tayo rito.” Tumango lang ako at hinayaan siyang hilain ako. Hindi ko naman maiwasang mamula habang dinadama ang lambot ng kamay ni Sonja. Sobrang nakakapanibago talaga dahil hindi ko ito kailanman naranasan sa mundong kinagisnan ko. “Pumasok na tayo,” aniya bago itinulak ang malaking pinto. Akala ko ay mahirap itong buksan dahil sa angking bigat nito, pero hindi pala. Nang makapasok kami ay umaw ang ang bibig ko sa pagkamangha dahil higit na mas malaki at malawak ang espasyo sa loob kumpara sa inaakala ko. Napakataas ng kisame. Wala akong nakikitang kahit isang bintana pero hindi ko ramdam ang init sa paligid kahi na gawa sa bricks ang kabuoan ng gusali. Iginala ko ang mata ko at nakita ang iilang kulay pulang bola na tila gawa sa marmol. At ang mas nakakamangha ay ang paglutang nito sa hangin. Hindi kalayuan sa akin ay may nakita akong isang candidate na itinatapat ang kanyang kamay sa lumulutang na bola. “Iyan ang weapon orb,” pagpapaalam sa akin ni Sonja. “Iyan ang magdedesisyon kung anong weapon ang bagay sa ‘yo base sa mga katangian mo,” dagdag pa niya. “Itapat mo lang ang kamay mo at hintayin ang paglitaw ng kulay itim na tattoo sa kahit saang parte ng kamay mo,” paliwanag niya bago ipinakita sa akin ang palapulsuhan niya. Napatitig ako roon at nakita ang tattoo na tila naging porselas niya. Sa gitna ng kanyang palapulsuhan ay may hugis espada akong nakita. “Espada ang sandata mo, Sonja?” hula ko. Tumango lamang si Sonja bago hinawakan ang kamay ko. “Itapat mo na ang kamay mo at nang makaalis na tayo.” Tumango ako at sinunod ang sinabi niya. Itinapat ko ang kamay ko sa orb. “Ikalma mo ang katawan ata isipan mo. Ramdamin mo ang enerhiyang nagmumula sa orb.” Pinakinggan at ginawa ko ang sinabi ni Sonja. At ilang sandali pa ay unti-unti kong naramdaman ang mainit na sensayong nagmumula sa orb—iyong init na nararamdaman mo sa tuwing tumatama ang sinag ng papasikat na araw sa ‘yong balat. Napakasarap sa pakiramdam. Unti-unting nanuot sa aking laman ang init hanggang sa makita ko ang kulay apoy na mga alikabot na unti-unting lumalabas mula sa orb. Sumayaw ito sa hangin bago pumalibot sa aking palasingsingan. Napangiwi ako nang makaramdam ako ng matinding pag-init sa parteg iyon, ngunit agad ding naglaho kasabay ng paglitaw ng itim na tattoo. Inangat ko ang aking kamay at nakita ang tila pana at palaso sa gitna ng aking daliri. Agad ko itong ipinakita kay Sonja. “Tingnan mo, Sonja, sa tingin ko pana at palaso ang weapon ko,” saad ko sa kanya. “Ibig sabihin niyan, mas may potensyal ka sa long-ranged combats,” nakangiting sambit niya sa akin bago saglit na lumingon sa paligid. “Mukhang dumadami na ang tao rito. Tara na,” aniya at mabilis akong hinila papunta sa labas ng Forgery. Nang makalabas kami ay binitiwan na ni Sonja ang aking kamay. Pagkatapos ay humarap siya sa akin. “Sunod nating pupuntahan ay ang Trade Hall.” “Trade Hall?” tanong ko sa kanya. “Ang Trade Hall ay ang lugar kung saan kinukuha ng candidates ang mga supply na kakailanganin nila sa pananatili rito habang hindi pa nagsisimula ang quest. Pagkain, mga damit, at iba pa,” aniya bago nagsimulang maglakad. “Tara na bago pa man dumami ang mga tao,” dagdag niya. Tumango lang ako at sumunod sa kanya. At habang naglalakad kami ay may napansin akong mga quarters na tila walang bakas na may taong nakatira. “Anong nangyari sa mga quarters na ‘yan, Sonja? Nasaan ang mga nakatira diyan?” sunod-sunod kong tanong. “Oh, hindi ko pa pala nasasabi sa ‘yo na magkakaroon ka rin ng sarili mong quarter. May numero kang makukuha mamaya sa Trade Hall, at iyon ang numemrong ‘yon ay ang numero ng quarter kung saan ka mamalagi,” sagot niya. Saglit akong natigilan at napatingin sa kanya. Hinawakan ko ang palapulsuhan niya at inihirap siya sa akin. “Bakit?” nagtatakang tanong niya sa akin. Saglit akong yumuko para itago ang namumula kong mukha. “P-Puwede bang sa ‘yo na lang ako tumira hanggang sa magsimula ang quest?” “Hmm?” Nag-angat ako ng tingin. “Kasi, hindi ko alam kung paano ito ipapaliwanag pero, komportable ako sa ‘yo at…at hindi ko alam kung paano ang kalakaran dito, kaya ‘pag kasama kita, napapanatag ako,” paliwanag ko habang pilit na pinipigilan ang pamumula ng mukha ko. Hindi sumagot si Sonja kaya napatingin ako sa kanya. “Hindi ka ba komportable na kasama ako?” tanong ko. Umiling siya bago hinawakan ang kamay ko. “Hindi sa gano’n. Nabigla lang ako sa sinabi mo dahil ito ang unang beses na may gustong makasama ako sa iisang bubong,” sagot niya sa akin. “Kasi buong buhay ko, iniiwasan ako ng mga tao liban sa pamilya ko. Kaya nakakapanibagong may gustong makasama ako sa iisang bubong.” “Parehas pala tayo ng kinasanayang buhay,” saad ko sa kanya bago hinawakan ang kamay niya. “Tatanungin kita ulit, ayos lang ba? I mean, puwede bang hindi na lang ako kumuha ng sariling quarter? Sa ‘yo na lang ako titira.” Tumango si Sonja bago ngumiti. “Oo, Leo, mas gusto ko ring may kasama sa quarter dahil nakakabaliw ‘pag walang nakakausap,” aniya at sinundan ng mahinang pagtawa. “Tara na? Baka dumami ang mga tao e,” dagdag niya. Tumango ako at ngumiti. “Tara.” Ilang minuto lang ay nakarating na kami sa tinatawag nilang Trade Hall. Isa itong pabilog na gusali na gawa pa rin sa bricks. Singlaki rin ito ng Forgery. Ang pinagkaiba lang nila ay may malalaking bintana ang Trade Hall. May mga nauna na sa amin. Pansin ko ang pag-iwas nila gaya ng mga tao roon sa Forgery. Hindi ko na lang sila pinansin at mas pinagtuunan ang loob ng Trade Hall. Sa gitna ng gusali ay may mga nakahilerang mahahabang lamesa na nag-uumapaw sa pagkain. Gulay, karne, prutas, at iba pang uri ng pagkain. Sa gilid naman ay nakahilera ang mga lamesa kung saan nakapatong doon ang mga damit, cloak, kumot, at iba pang pangunahing mga kagamitan sa bahay. Habang nag-iikot kami at kumukuha ng mga kakailanganin ko ay may napansin akong mga white orb sa palibot ng gusali. Nakalutang din ito at mas malaki nga lang sa orbs doon sa Forgery. “Sonja, ano ‘yang orbs na ‘yan at para saan?” tanong ko habang hindi inaalis ang mga mata roon. “Ah, ang orbs na ‘yan ay hindi pa functional. Magagamit lang natin ‘yan kapag nagsimula na ang quest,” sagot niya. Kumunot ang noo ko dahil hindi ko naintindihan ang sagot niya. Papaano namin magagamit ang orbs kung sa pagsisimula ng quest ay nasa loob na kami ng dungeon? At sa pagkakaintindi ko sa sinabi ni Sonja, mawawala ang protective barrier at malayang makakapasok ang mga halimaw gaya ng napatay ko nang mapunta ako rito sa Fuegan. At ibig sabihin din no’n ay hindi na kami maaari pang lumabas sa dungeon kung ayaw naming makaharap muli ang mga lobong ‘yon. Napailing na lang ako dahil marami pa rin akong hindi alam tungkol sa bagong mundong ginagalawan ko. At hindi lang ako, maging si Sonja rin na mas nauna sa akin dito. Pinagmasdan ko na lang si Sonja na kumuha ng mga kakailanganin namin. At nang matapos siya ay tinawag na niya ako para buhatin ang mga ‘yon. “Ano na ang gagawin natin? Kailangan pa ba natin itong ilista o ano?” tanong ko dahil baka gaya sa mundong pinagmulan namin ay kailangan pa ng resibo. “Hindi na, Leo. Tara na, kailangan na nating bumalik sa quarter natin bago pa man dumami ang tao rito,” saad ni Sonja bago naunang maglakad sa akin palabas. Sumuno naman ako sa kanya habang dala-dala ang napakaraming pagkain at kagamitan. Habang binabagtas namin ang daan pabalik ay pansin ko pa rin ang mga titig ng iba sa amin. At kanina ko pa napapansin na kami lang ni Sonja ang naglalakad nang magkasama. I mean, kami lang ang magkadikit at maliban sa amin ay ilag na sa isa’t-isa ang lahat. Nang makarating kami sa quarter ay naghanda na kaagad si Sonja ng makakain namin. Nang magpresenta akong tulungan siya ay mariin niya akong tinanggihan. “Mas mabuti pang magpahinga ka na muna, Leo. Tandaan mong may sugat ka pang kailangang paghilumin,” paalala niya. Agad akong napatingin sa sugat ko. Tama siya, kapag hindi ito naghilom sa pagsisimula ng quest ay maaari itong maging balakid sa aming dalawa. At ayaw kong maging pabigat kay Sonja. Kailangan kong maging malakas para protektahan siya at para makabawi sa kabaitang pinapakita niya sa akin. — MABILIS na lumipas ang araw at wala akong ibang ginawa kundi ang magpahinga at tingna si Sonja na gawin ang lahat ng gawain. Ilang beses kong sinubukang tumulong pero nagagalit siya at pinagsasabihan akong mas kailangan kong magpahinga. Hindi ko tuloy maiwasang mapangiti habang naiisip na para kaming mag-asawa. Napailing na lang ako sa kalokohan ko. “Leo?” tawag sa akin ni Sonja kasabay ng pagbukas ng pinto ng kwarto. Pumasok siya habang nakangiting nakatingin sa akin. “Hmmm?” pagtango ko sa kanya. “Masyado pang maaga para maghapunan, gutso mong magpahangin muna tayo sa labas?” aya niya sa akin habang nakatago sa likuran ang magkabilang kamay. Napatitig ako kay Sonja. Hindi ko talaga maitatanggi ang gandang taglay niya. Kahit ilang araw pa lang kaming magkasama ay hindi ko na mapigilan ang sarili kong mahulog sa kanya. Maganda, mabait, maalaga, mabango—halos perpekto. “Sige, gusto ko ring lumanghap ng sariwang hangin,” sagot ko bago bumangon. Lumabas kami ng quarter. Umupo kami sa labas at pinagmasdan ang papalubog na araw at ang nagbabagang kalangitan. “Leo, ilang araw na lang ay magsisimula na ang quest,” panimula ni Sonja kaya napatingin ako sa kanya, lalo na no’ng marinig ko ang saglit na pagpiyok ng boses niya. “Kaya nga, e. At hindi natin alam kung ano ang naghihintay sa atin,” sagot ko habang inoobserbahan siya dahil ramdam kong may kakaiba sa kanya. tanging tango lang ang isinagot ni Sonja bago nagsimulang manginig ang kanyang balikat. Humarap siya sa akin ata nabigla na lang ako nang magsimulang tumulo ang mga luha niya. Hinawakan niya ang magkabila kong kamay habang nakatitig sa akin nang diretso. “Leo, natatakot ako,” halos pabulong niyang sambit bag diniinan ang pagkakahawak sa kamay ko. “N-Natatakot ako sobra. Hindi ko alam kung makakabalik pa ba ako sa pamilya kong naghihintay sa akin,” sunod-sunod niyang sambit. Hindi ako agad nakapagsalita. Sobrang nabigla ako sa biglaang pag-iyak niya. Hindi ko lubos akalaing gano’n pala ang nararamdaman niya, ni hindi ko man lang nahalata. Masyado akong nalunod sa pinapakita niyang positibong imahe. Ang tanga ko para hindi maisip na baka nangungulila rin si Sonja, na nabigla rin siya sa pagkakapunta niya rito, na natatakot din siya dahil sa walang kasiguraduhang kapalaran namin dito sa Fuegan. Nakagat ko na lang ang ibabang labi ko bago ko inilapit ang sarili ko sa kanya at niyakap siya nang mahigpit habang hinihimas ang likod niya. “Huwag kang mag-alala, Sonja, gagawin ko ang lahat para makauwi ka nang ligtas sa inyo. Poprotektahan kita sa abot ng makakaya ko. Pangako,” pabulong kong sambit sa kanya. “Salamat, Leo,” sagot niya at mas hinigpitan ang pagkakayakap sa akin habang idinidiin ang mukha sa dibdib ko. Tumango lang ako bago ipinatong ang baba ko sa ulo niya at pumikit. Kung dati ay wala akong makitang rason para seryosohin ang quest, ngayon ay mayroon na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD