A Day in Fuegan

2197 Words
Matapos naming kumain ni Sonja ay sinabihan niya akong bumalik na sa kwarto at magpahinga habang naglilinis siya. Aangal pa sana ako dahil labis-labis na hiya na ang nararamdaman ko sa kanya, pero siya na mismo ang nagsabi na magpahinga ako. Pinameywangan niya pa ako habang pinagtataasan ng kilay. Kaya wala akong nagawa kundi sundin ang sinasabi niya. Nang makapasok ako sa kwarto ay humiga na lang ako upang makapagpahinga. Habang humihiga ay hindi ko mapigilan ang pagngiwi dahil sa sakit na nararamdaman mula sa sugat ko. Ramdam ko ang hapdi ng sugat ko ngayong nakatuon na rito ang atensyon ko. Mariin akong pumikit dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsi-sink in sa isip ko na wala na ako sa mundong kinagisnan ko; na wala na ako sa reyalidad na ilang beses ko nang gustong takbuhan. Nandito na ako sa isang mundo kung saan hindi ko alam kung ano ang naghihintay sa akin. Dala ng malalim na pag-iisip at matinding pagod ay hindi ko na namalayang hinila na pala ng antok ang aking kamalayan. ---- Nagising ako dahil halos hindi ako makahinga. Nang imulat ko ang mga mata ko ay bumungad sa akin ang makinis na dibdib ni Sonja. Dikit na dikit ang mukha ko sa dibdib niya—baon na baon sa gitna ng malulusog niyang hinaharap. Hindi ko mapigilang mamula. Amoy ko rin ang tila halimuyak ng rosas na nagmumula sa balat niya. Biglang nanuyo ang aking lalamunan. Gusto ko sanang gumalaw, pero natatakot ako na baka magising siya at akalaing tini-take advantage ko ang p********e niya. Nagpanggap na lang akong natutulog habang hinihintay siyang magising. Pero hindi ko talaga mapigilan ang sunod-sunod na paglunok ng laway. Ingat na ingat din ako na hindi niya masagi ang matigas na bagay na nasa gitna ng mga hita ko. Mabuti na lang at mabilis na nagising si Sonja. Nabigla pa siya sa posisyon namin at agad na lumayo. Patuloy akong nagpanggap na natutulog hanggang sa tuluyan siyang bumangon. Nang marinig ko ang pagbukas-sara ng pinto ay iminulat ko na rin ang mata ko. Nakahinga ako nang maluwag bago tumihaya at tumingin sa kahoy na kisame. Grabe, halos hindi ko kinaya ang eksenang ‘yon. Mabuti na lang talaga at nasa tamang pag-iisip pa ako. Hinintay ko na lang na humupa ang tigas na nararamdaman ko bago ako bumangon at lumabas ng kwarto. Nadatnan ko si Sonja na nagluluto ng almusal. “Good morning, Leo,” nakangiting bati sa akin ni Sonja. “Good morning,” sagot ko at ngumiti sa kanya nang pagkatamis-tamis. “Habang hindi pa luto ang almusal, maaari kang maghugas muna ng katawan dahil pagkatapos nating kumain, aalis na tayo para asikasuhin ang mga kakailanganin mo sa pamamalagi mo rito,” suhestiyon niya. Tumango ako. “Mainam ngang gawin ko ‘yon,” pagsang-ayon ko bago nagtungo sa paliguan. Maliit lang ang paliguan. Pang-isahang tao lang talaga. Gawa sa kahoy ang pader. Pero kahit na ganoon, mas maganda pa rin iyon kaysa sa paliguang nakagisnan at kinalikihan ko. Mas maayos pa nga ang tinutuluyan ko ngayon kumpara sa bahay ko talaga. Nagsimula na akong maghubad ng suot. Habang ginagawa ko ‘yon ay todo ingat ako na hindi matamaan ang sugat ko. Marahan kong inalis ang benda na inilagay ni Sonja rito. Nang maalis ko ay hindi ko mapigilang mapangiwi nang makita ang mahaba at malalim na sugat na dulot ng lobong ‘yon. Mabuti na lang talaga at nakaligtas ako at ito lang ang natamo ko. Matapos kong maligo ay muli kong isinuot ang damit na hinubad ko kanina dahil wala akong ibang damit na masuot. Nang matapos ako sa aking ginagawa ay bumalik na ako sa kusina at nadatnan si Sonja na inihahanda ang almusal sa lamesa. Saglit akong natigilan para pagmasdan siya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na tinutulungan niya ako. I mean, sino ba naman ang tutulong sa isang gaya ko? Buong buhay ko ay iniiwasan ako ng mga tao. Kung hindi naman iniiwasan, inaapi. Loser nga sabi nila. Loser sa lahat ng bagay. Mahina ang utak, mahirap, walang kaibigan, at walang pamilya. Kaya sino ba naman ang magkaka-interes sa isang gaya ko, hindi ba? Kaya hindi ako makapaniwalang isang kagaya ni Sonja ang tumulong sa akin. Maganda, mabango, masipag, at napakabait. Sobrang hinhin din niya, at sigurado akong maraming taong nagkaka-interes sa kanya. Hindi ko tuloy maiwasang magtanong kung panaginip lang ba itong nangyayari sa akin. “Leo?” tawag niya sa akin nang mapansin akong nakatayo lang sa gilid. Natigilan ako sa pagtitig sa kanya at agad na nag-iwas ng tingin. Nag-init ang pisngi ko dahil sa hiya. Baka kung ano na ang iniisip niya sa akin ngayon. Panigurado, mamaya paaalisin na niya ako rito sa tinutuluyan niya dahil baka isa akong banta sa kaligtasan niya, lalo na sa p********e niya. “Pasensya ka na kung napatitig ako sa ‘yo nang matagal,” pag-amin ko bago nahihiyang lumapit sa lamesa. “Hindi lang kasi ako makapaniwala na tinutulungan ako ng isang gaya mo,” dagdag ko pa bago siya pinaghila ng upuan. “Anong ibig mong sabihin?” aniya bago umupo sa lamesa. “Kasi hindi ako sanay na may tumutulong sa akin. Lumaki akong ako lang mag-isa, kaya nakakapanibagong may naglahad sa akin ng kamay,” sagot ko bago ngumiti sa kanya. “Kaya maraming salamat. Ganito pala ang pakiramdam.” Ngumiti pabalik sa akin si Sonja. “Gano’n ba? Masaya ako at ako ang unang taong ‘yon, Leo,” aniya bago nilagyan ng pagkain ang plato ko. “Gagawin ko ang lahat para maparamdam sa ‘yo kung gaano kasaya ang magkaroon ng kaibigan,” dagdag niya. “Pero bago ‘yon, kumain muna tayo bago lumamig ang pagkain,” hirit niya. Natawa na lang ako habang tumatango. “Kaya nga, kumain na muna tayo,” pagsang-ayon ko bago tinikman ang niluto niya. “Ang sarap,” komento ko. “Ang galing mong magluto, Sonja.” Lumawak ang ngiti niya bago umiling. “Bolero.” “Hindi, ah. Masarap talaga ang mga niluluto mo,” giit ko dahil totoo naman. “Nakakalimutan kong nasa ibang dimensyon ako, kasi sa tuwing natitikman ko ang luto mo ay tila nasa bahay lang ako,” dagdag ko. “Sobra-sobra na ‘yang papuri mo, ha, hindi na ako naniniwala,” natatawang sagot niya. “Bahala ka, basta sinasabi ko lang ‘yong nararamdaman ko,” nakangiting sabi ko. “Oo na. Kumain ka na nga lang diyan at nang makapaghanda na tayo, dahil marami pa tayong kailangang asikasuhin,” naiiling niyag sabi habnag nakangiti. Tumango lang ako bilang tugon at itinuloy ang pagkain. Matapos naming kumain ay naghanda na kaming umalis. Bago kami tuluyang lumabas ay may ibinigay sa akin si Sonja na kulay itim na cloak gaya ng suot niya. “Suotin mo ito at siguraduhin mong hindi ka makikilala ng kahit na sino,” aniya bago itinalukbong sa mukha niya ang hood ng cloak. “Kailangan mong proteksyunan ang pagkakakilanlan mo dahil hindi natin alam kung ano ang binabalak ng iba.” Napakunot ang noo ko sa sinabi niya dahil hindi ko maintindihan kung ano ang tinutumbok niya. “Anong ibig mong sabihin, Sonja?” tanong ko bago sinimulang isuot ang cloak. “Ang Divine Quest ay isang paligsahan, Leo. Paunahan ito sa kung sinuman ang makakakuha ng Divine Core,” aniya bago lumapit sa akin at isinuot sa aking ulo ang hood ng cloak. “Lahat ng tao rito ay kakumpetensya mo,” dagdag niya pa. “Pati ikaw?” tanong ko dahilan para saglit siyang matigilan. Ibinababa niya ang hood ng cloak at tumingin sa akin nang seryoso. Matamlay siyang ngumiti bago bumuntong-hininga. “Wala akong planong maging Diyos, Leo, ang gusto ko lang ay ang makabalik sa amin—sa pamilyang naghihintay sa pagbalik ko.” “Kung gano’n, bakit pa natin kailangang pumasok sa loob ng dungeon? Puwede naman tayong manatili na lang dito at hintaying matapos ang quest,” suhestiyon ko. Mariin siyang umiling. “Hindi ‘yon puwede, Leo, dahil sa oras na magsimula ang Divine Quest, ang barrier na prumoprotekta sa atin laban sa mga lobo ay mawawala, kaya wala tayong mapagpipilian kundi ang pumasok sa dungeon,” paglalahad niya kaya natigilan ako. “Bakit?” tanging nasabi ko na lang dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Ang dami kong gustong itanong pero alam kong hindi naman ‘yon masasagot ni Sonja, dahil gaya ko ay dinala lang din siya rito sa dimensyong ito para sumali sa Divine Quest at maging isang ganap na Diyos. “Iyan ang hindi ko masasagot, Leo. Basta ang alam ko lang, lahat tayo ay kailangang pumasok sa dungeon at hanapin ang Divine Core,” sagot niya bago hinawakan ang kamay ko. Natigilan ako at hindi napigilang mamula dahil napakalambot talaga ng kamay niya. Tumingin siya sa akin at lumapit nang napakalapit at ramdam ko na ang pagdikit ng dibdib niya sa dibdib ko. Halos isang dangkal na lang ang distansya namin at amoy na amoy ko ang mala-rosas na halimuyak ng katawan niya. Sinubukan kong lumayo sa kaniya pero hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kamay ko. “Leo, magtulungan tayo,” aniya habang seryosong nakatingin sa mga mata ko. “Magtulungan tayo sa loob ng dungeon. Magtulungan tayo hanggang sa makauwi tayo sa kanya-kanya nating tahanan,” dagdag niya. Bakas sa mga mata niya ang determinasyon sa bawat salitang binibitiwan niya. Kitang-kita ko ang matinding kagustuhan niyang makauwi sa kanila, kaya paano pa ako makakahindi? At isa pa, paano ako makakatanggi kung ganito kaganda ang humihingi sa akin ng pabor? “Sonja, hindi ako malakas gaya ng iba. Hindi ako magaling makipaglaban at wala akong kahit na anong alam sa mga sandata, pero gagawin ko ang lahat para protektahan ka at maging ligtas tayo hanggang sa matapos ang Divine Quest,” sagot ko sa kanya. Kitang-kita ko ang pagningning ng kanyang mga mata at ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi. “Talaga? Maraming salamat, Leo!” nagagalak niyang sabi bago ako biglaang niyakap. “Aray!” napahiyaw ako sa sakit nang maipit ang sugat ko kaya agad na napalayo si Sonja at humingi ng paumanhin. “Sorry, nadala lang ako ng emosyon ko,” nakayukong sambit niya. Ang cute niya! Pinigilan ko ang sarili kong pisilin ang pisngi niya. Ang tanging ginawa ko na lang ay ipinatong ang kamay ko sa ulo niya. “Ayos lang, wala kang dapat ihingi ng paumanhin,” nakangiting wika ko. “Tara na?” Tumango siya bago muling isinuot ang hood ng cloak. Pagkalabas namin ay agad na sumalubong sa akin nakahilerang maliliit na bahay gaya ng tinutuluyan namin. Gawa sa kahoy ang kabuohan ng bahay. Habang ang daanan naman ay gawa sa bato. Gaya namin ni Sonja ay nakasuot din ng cloak ang mga taong nadatnan namin sa labas. Ngunit kokonti lang ang mga iyon kumpara sa inaasahan ko. “Gaano tayo karami dito, Sonja?” tanong ko sa kanya. “Bakit parang ang kaonti lang ng mga nakikita ko?” “Hindi ko alam kung ilan tayong naririto, pero ang masasabi ko lang ay marami tayo. Tantiya ko ay lagpas tayo isang daan. Hindi ko alam kung nasaan ang iba. Marahil nasa loob ng kani-kanilang quarters at naghahanda na para sa papalapit na Divine Quest,” sagot niya habang nasa daan lang ang tingin. “Oh,” tumatangong tugon ko habang iginagala ang tingin sa paligid. “Huwag kang palinga-linga, Leo, sa daan lang ang tingin,” matigas na sambit ni Sonja. “Baka isipin nilang kinakabisado mo sila,” dagdag niya. “Anong ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong ko. “Hindi ba sinabi ko sa ‘yo na maaaring kakumpetensya mo lahat ng narito? Ganoon din ang tingin nila sa ‘yo, sa akin, kaya mas mabuting umakto na wala tayong pakialam sa kanila,” paliwanag niya. Tumango ako at ginawa ang sinabi niya. Ipinukol ko sa daan ang tingin ko at pinigilang lumingon-lingon. “Hindi naman siguro nila tayo pag-iinitan, ‘no?” biglaang tanong ko dahil napansin kong nakatingin sa amin ang iba. Hindi ko nga lang makita ang mga mukha nila dahil sa hood ng cloak na nagkukubli rito. “Hindi. Wala silang magagawang masama sa atin. Mahigpit na ipinagbabawal ang p*******t ng kapwa kandidato,” sagot niya sa akin. “Dahil sa oras na ginawa mo ‘yon, kamatayan ang ipapataw sa ‘yo ng Diyos ng Apoy,” sagot niya. “At hindi ako basta-basta gumagawa lang ng kuwento. Naging saksi ako noong nakaraang linggo kung paano nilamon ng apoy hanggang sa maging abo ang ilang kandidato nang minsan silang magsimula ng gulo na ikinasanhi ng pagkamatay ng ilang inosenteng kandidato. Mula noon ay wala nang nagtangkang gumawa ng gulo o kahit manakit ng kapwa kandidato,” pagkukwento niya. “Mabuti naman kung gano’n. Magiging payapa ang quest hanggang sa matapos ito,” nakangiting saad ko. “Iyan ang hindi ko maipapangako sa ‘yo, Leo, dahil sa oras na magsimula ang quest, hindi lang banta ng dungeon ang kahaharapin natin, kung hindi pati na rin banta ng mga kapwa natin kandidato na gustong maging ganap na Diyos.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD