The First Quest

2050 Words
MABILIS na lumipas ang mga araw, at hindi namin namalayan ang tuluyang pagdating ng araw ng Divine Quest. Mahapdi pa ang aking mga mata nang bumangon ako. Pagtingin ko sa labas ay hindi pa sumisikat ang araw. Ngunit kahit na ganoon ay rinig ko na ang ingay mula sa ibat-ibang quarters. Huminga ako nang malalim bago lumabas ng silid. Pagkalabas ko ay nadatnan ko si Sonja na naghahanda ng almusal. Nag-angat siya ng tingin sa akin at nakita ko ang medyo paglubog ng mga mata niya. Hinuha ko’y hindi siya nakatulog nang maayos. Kagabi kasi ay panay ang pagsasabi niya na hindi niya mapigilang magamba sa pagsapit ng Divine Quest sa kadahilanang wala siyang kahit na anong ideya kung ano ang maaaring mangyari sa amin. “Good morning, Sonja,” nakangiting bati ko sa kanya nang tuluyan akong makalapit. Umupo ako sa tapat niya. Ngumiti siya sa akin pabalik. “Good morning, Leo. Kumain na tayo?” aya niya bago umupo. Tumango lang ako sa kanya bago nagsimulang kumain. Tahimik lang kaming dalawa habang kumakain. Tanging tunog lamang ng kutsara na tumatama sa pinggan ang maririnig. “Mamaya na talaga ang quest, ‘no?” basag ko sa katahimikang namamagitan sa aming dalawa. Nag-angat ng tingin si Sonja at tumango. “Mamaya na talaga,” segunda niya bago huminga nang malalim. Inabot ko ang kamay niya at hinawakan nang mahigpit. Tinitigan ko siya sa kanyang mga mata. “Nandito ako, Sonja, hindi ka nag-iisa, okay? Sasamahan kita at gagawin ko ang lahat ng makakaya ko maproktektahan ka lang. Pangako ‘yan,” mahabang saad ko para pagaanin ang loob niya. At hindi ko ‘yon sinabi para lang basta pagaanin ang loob niya. Sinabi ko ‘yon dahil papanindigan ko ‘yon. Gagawin ko ang bawat salitang binitiwan ko. Gagawin ko ang lahat para lang matapos namin ang quest nang ligtas. “Maraming salamat, Leo,” sagot niya. Ngumiti ako sa kanya. “Walang anuman. Kaya huwag ka nang magpalamon sa pangamba, ngumiti ka na,” saad ko sa kanya.”Ngiti na, please?” Tumango lamang si Sonja bago ngumiti. Kahit pilit ‘yon ay sapat na yon para kahit papaano ay gumaan din ang pakiramdam ko. “Ayan. Isa pa nga, ‘yong kita ang ngipin,” hirit ko. “Leo, inaasar mo na ako, e,” nakangusong sagot niya. “Kumain na tayo. Kailangan na nating pumunta sa harap ng dungeon bago pa amn sumikat ang araw,” paalala niya. Tumango ako at nag-focus na sa pagkain. Pero sa ilalim ng mesa ay hindi k mapigilan ang paginginig ng mga paa ko. Ngayon lang nag-sink in sa isip ko ang mga posibleng mangyari sa amin. Natatakot ako. Nangangamba. Pero pinilit kong huwag ‘yong ipakita kay Sonja, dahil mas lalo lamang bibigat ang pakiramdam niya. Kailangang may isa sa amin ang maging matatag. Kailangang may umaktong mga balikat na masasandalan. Si Sonja ang naging sandalan ko simula pa nang mapadpad ako rito sa Fuegan. At ngayong siya ang nangangailangan ng masasandalan, panahon na para ibalik ko sa kanya ang pabor na ginawa niya para sa akin. Nang matapos kaming kumain ay naghanda na kami ni Sonja sa pagpunta sa dungeon. Wala kaming ibang dala maliban sa kumot, iilang pagkain at lalagyan ng tubig. Pagkalabas namin ng quarter ay agad na sumalubong sa amin ang malamig na ihip ng hangin. Ramdam ko ang lamig na nanunuot sa aking balat kahit na nakasuot ako ng cloak. Nang lingunin ko si Sonja ay pasimple niyang hinihipan ang kanyang kamay at ikinikiskis ito sa isat-isa upang malabanan lang ang lamig. Kaya ang ginawa ko ay lumapit ako sa kanya at pasimpleng hinawakan ang kamay niya. Hindi ako nagsalita at hindi ko rin siya nilingon. Nasa daan lang ang tingin ko. Kahit na parang wala lang sa akin ang ginawa ko, sa kaloob-looban ko ay sobrang kabado ako at ang lakas ng t***k ng puso ko. Hindi ko rin mapigilan ang panginginit ng aking pisngi dahil sa hiya. Mabuti na lang talaga at madilim. Nang igala ko ang aking mga mata ay marami din pala kaming kasabay. At kung dati ay ilap sila sa isat-isa, ngayon ay may iilan na akong nakikitang magkasama sa iisang grupo. Nang ibaba ko ang tingin ko a nakita ko si Sonja na nakatingin din sa mga kasabay naming grupo. “Papaano kaya sila nakabuo ng isang grupong may maraming miyembro?” tanong niya sa hangin. Hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa kamay niya. “Bakit, gusto mo bang maghanap din tayo ng bagong mga kasama?” tanong ko sa kanya. Nag-angat siya ng tingin at umiling. “Hindi na. At isa pa, hindi naman ‘yon ang rason bakit ko ‘yon nasabi. Nagtataka lang ako,” sagot niya bago ipinatong sa kamay ko ang isa niya pang kamay. “Atsaka, nandiyan ka na, Leo. Hindi ko na kailangan pa ng ibang makakasama,” dagdag niya. Muling nag-init ang pisngi ko dahil sa sinabi niya. “A-Ah, oo naman, ‘no! Gagawin ko ang lahat maprotektahan ka lang,” sagot ko bago nag-iwas ng tingin kahit na alam kong hindi naman gaanong maaninag ni Sonja ang mukha ko. “Heto na talaga, ‘no?” biglaang sambit ni Sonja. “Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko, Leo,” saad niya pa. “Kaya nga. Wala rin naman tayong magagawa kung mananatili tayo rito sa labas ng dungeon, dahil panigurado, lalapain tayo ng mga halimaw sa oras na mawala ang barrier,” sagot ko at napatingin sa napakalaking tower na tanaw na tanaw ko kahit pa man malayo pa kami sa mismong kinaroroonan nito. “Ang magagawa na lang natin ngayon ay ang umabante nang umabante, Sonja. At pangako, kapag dumating ng oras na mapagod ka, kakargahin kita. Hindi kita iiwan, isasama kita sa bawat hakbang na gagawin ko.” Humigpit ang hawak niya sa kamay ko. “Maraming salamat, Leo. Ako rin, pangakong hindi kita iiwan. Nasa likod mo lang ako palagi.” Ngumiti ako sa kanya at ganoon din siya sa akin. Matapos ng usapan naming ‘yon ay tahimik naming binagtas ang daan papunta sa dungeon nang magkahawak ang kamay. Nang makarating kami sa dungeon ay agad na bumungad sa amin ang kumpol ng mga candidate. Ang iba ay grupo-grupong naghihintay, habang ang iba naman ay mag-isa at nagmamasid sa paligid. Pinagmasdan ko ang napakalaki at napakalawak na gusali. Hindi ko matantiya kung gaano ito kalawak, lalo na sa loob, pero sigurado akong napakalawak nito. Gawa sa bricks ang dungeon, at hindi ko makita ang dulong bahagi nito dahil natatabunan ito ng makapal na kumpol ng kulay abong mga ulap. Sa palibot naman ng dungeon ay isang malawak na bakanteng lupain. Kahit na malamig ang paligid ay amoy ko pa rin sa hangin ang tigang na lupa, at ramdam ko sa aking balat ang pagsama ng alikabok sa bawat ihip ng hangin. “Hanggang kailan tayo maghihintay?” tanong ko kay Sonja, nagbabakasakaling alam niya kung kailan magbubukas ang dungeon. “Hindi ko alam, Leo. Sana magbukas na agad dahil nilalamig na ako,” sagot niya bago isiniksik ang sarili sa akin. Hindi ko naiwasang mapalunok at mag-init ang pisngi. Masyadong clingy ngayon si Sonja, at hindi ako sanay. Marahil dala lang ng lamig ng panahon, at ng nararamdaman niyang pangamba ang pagiging clingy niya. Hinayaan ko lang siyang sumiksik sa akin, dahil liban sa gusto ko rin, nawawala din ang lamig na nararamdaman ko. Hindi ko alam kung ilang minuto na ang lumipas magmula nang makarating kami sa harap ng dungeon. Papasikat na ang araw, pero hindi pa rin nagbubukas ang dungeon. Nakarating na ang lahat ng candidates, ngunit wala pa ring senyales na magbubukas na ang dungeon. Marami na riin akong naririnig na reklamo mula sa iba. “Sonja,” tawag ko sa kanya upang gisingin siya. Nakatulog kasi siya habang nakasandal sa balikat ko. Medyo nasa kalayuan kami ng dungeon upang dumistansya sa maraming tao at para na rin maghanap ng mauupuan at masasandalan. Marahang bumuka ang mata ni Sonja bago niya iginala ang tingin sa paligid. At nang mapagtanto niyang nakaunan siya sa balikat ko ay agad siyang umayos ng upo. “P-Pasensya ka na at nakatulog ako,” aniya bago pasimpleng pinunasan ang gilid ng labi niya. “Ayos lang,” tugon ko bago nag-unat ng katawan at tumayo. “Tara, lumapit tayo sa kanila baka mahuli tayo sa pagpasok,” pabirong saad ko bago inlahad ang kamay ko sa kanya. Ngumiti lang siya bago tinanggap ang kamay ko. Marahan ko siyang hinila. Akmang maglalakad na sana kami palapit sa kumpol ng mga candidate nang biglang may lumitaw na pulang fire orbs sa himpapawid. Parami nang parami ang fire orbs hanggang sa maging isang higanteng imahe ito ng isang lalaking balot ng pulang apoy. Lahat kami ay napatingin sa kanya. Kakaiba ang presensya niya, iyong tipong mapapayuko ka at mapapaluhod upang magbigay galang. Sa tingin ko ay isang Diyos ang lalaking nasa harapan namin. “Ang Diyos ng apoy na si Fuego,” rinig kong sambit ng isa sa amin. Agad na napabalik ang tingin ko sa sinasabi nilang Diyos. Kahit na kaylapit niya sa amin at mukhang nagbabaga ang apoy na pumapalibot sa kanya, ay hindi ko ramdam ang init. Walang pinagbago sa temperatura ng paligid. “Magandang araw, mga napiling mortal.” Umalingawngaw ang malaki at malalim niyang boses sa buong paligid. Lahat ay natahimik at itinuon ang atensyon sa kanya. “Ito na ang araw kung saan opisyal na magsisimula ang Divine Quest,” dagdag niya bago kami pinasadahan ng tingin. “Hindi na ako makapaghintay na makita ang pagpapamalas ninyo ng inyong kakayahan, at sa kung paano n’yo kami kukumbinsihin na kayo ay nararapat na maging isang ganap na Diyos.” Matapos niyang sabihin ‘yon ay nagsilitawan ang pulang fire orbs sa paligid. Sumayaw ito sa himpapawid at nagsama-sama sa gitna ng kalangitan. Tila nagkaroon ng maliit na araw sa gitna ng kalangitan bago ito sumabog at naglabas ng umaapoy na alikabok sa buong paligid. Sumabaw ang alikabok sa hangin. Kasunod no’n ay ang tila pag-aapoy ng hangin mismo. Napakunot ang noo ko dahil tila may manipis na papel na nasusunod sa palibot namin. Ilang sandali pa ay unti-unti kong nasilayan ang malawak na parang. Doon na nanlaki ang mga mata ko. Kaagad kong hinablot ang kamay ni Sonja nang mapagtanto ko ang nangyayari. Mahigpit kong hinawakan ang kamay ni Sonja at ipinosisyon siya sa likuran ko. “Leo, anong nangyayari?” bakas ang pagtataka sa boses ni Sonja nang mapansin niya ang pag-iiba ng kilos ko. Ilang sandali lang ay ganoon na rin ang naging reaksyon ng mga kasama namin. Lahat sila ay naging alerto. “B-Bakit naglalaho ang barrier?” sambit ng isang babae na nasa tabi ko. Bakas ang takot at pangamba sa boses niya habang nakatingin sa unti-unting naglalahong barrier. “H-Hindi pa nagbubukas ang dungeon, pero bakit naglalaho na ang barrier, God Fuego?!” natatarantang sigaw ng isa sa amin kaya napatingin kaming lahat sa Diyos ng apoy. Nagkaroon ng ilang segundong katahimikan sa pagitan namin at ni Fuego. “Dito magsisimula ang pagsusulit,” sagot niya. “Limang minuto,” aniya bago kami pinasadahan ng tingin. “Limang minuto at magbubukas ang dungeon. Pero sa loob ng limang minutong ‘yon ay lalabanan ninyo ang mga halimaw na lobong umaaligid sa inyo,” dagdag niya bago naglaho kasabay ng pag-ihip ng hangin. Nang maglaho si Fuego ay samu’t saring reaksyon ang narinig ko mula sa mga kasama ko. Pero mas nangibabaw ang labis-labis na pagtutol at takot. At isa na ako sa mga taong ‘yon. “Leo…” Halos pumiyok si Sonja nang tawagin niya ang pangalan ko. Napahigpit ang kapit niya sa suot kong cloak. “H-Hindi ko na kayang lumaban pa sa isa na namang lobo. B-Baka hindi na ako makaligtas!” Tuluyang pumiyok ang boses ni Sonja. “A-Ayoko pang mamatay!” Hinarap ko siya at hinawakan ang magkabila niyang kamay. “Huwag kang mag-alala, Sonja. Nandito ako. Tutulungan kita,” paninigurado ko sa kanya. “Magtulungan tayo. Sisiguraduhin kong makakapasok tayo nang ligtas sa dungeon.” Tanging tango lang ang naisagot ni Sonja dahil mabilis kaming naalerto nang marinig namin ang alulong ng mga lobo kasabay ng tuluyang pagkawala ng barrier.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD