Nakatitig lang ako kay Sonja habang ginagamot niya ang sugat sa braso ko. Sobrang lapit ng mukha niya sa akin kaya hindi ko mapigilang mamula. Kita ko rin ang bahagyang pagsilip ng dibdib niya mula sa kanyang suot na damit.
"Imposibleng hindi mo talaga alam bakit na nandito," aniya habang marahang dinadampian ng bulak ang sugat ko. "Lahat ng nandito ay alam kung bakit sila napunta rito."
"Wala talaga akong kahit na anong alam. Basta namalayan ko na lang na nasa parang na ako ng damuhan at kailangan kong depensahan ang sarili ko mula sa isang lobo," giit ko habang bahagyang napapangiwi dahil sa hapdi ng inilalagay niya sa sugat ko.
"Lahat ng mga nandito ngayon ay ang mga nanalo laban sa mga lobong 'yon," aniya.
Saglit akong napaisip. "Anong nangyari sa mga hindi nanalo?"
Tumigil siya sa ginagawa niya at sinalubong ang mga mata ko. "Naging pagkain sila ng mga lobo. At kung iniisip mong nagbibiro ako, tingnan mo itong sugat na natamo mo."
Tanging tango na lang ang naisagot ko sa kanya. Hindi ko alam kung swerte ba talaga ako dahil nakaligtas ako sa lobong 'yon.
"Paano ba tayo makakabalik sa pinagmulan natin?" tanong ko.
"Hindi ko alam. Basta ang alam ko lang ay pinili tayo ng mga Diyos at Diyosa. Hindi lang tayo basta pinili. Tayo ay nagtataglay ng potensyal na maging isang diyos. Ipinatawag tayo rito upang ipakita kung karapat-dapat tayong maging isang ganap na diyos," sagot niya habang sinisimulang lagyan ng benda ang aking sugat. "Walang patapon sa atin dito. Lahat tayo ay pinili. Lahat tayo ay karapat-dapat maging diyos at mamuhay sa mundo ng mga diyos at diyosa."
"Paano kung ayaw kong sumali sa sinasabi mong Divine Quest? Ibabalik ba nila ako sa pinagmulan ko?" tanong ko.
Tumayo siya bigla kaya natapat sa mukha ko ang dibdib niya. Bahagya pa itong sumagi sa tungki ng ilong ko kaya namula na naman ako.
"Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa 'yo. Sa oras kasi na magsimula ang Divine Quest, lahat ng nandito ngayon ay papasok na sa Dungeon para hanapin ang Divine Core, ang susi para maging isang ganap na diyos," sagot niya.
"Ilang Divine Cores ba ang nasa loob ng dungeon?"
"Isa lang," mabilis niyang sagot. "Kumbaga sa lahat ng narito, isa lang ang magkakaroon ng pagkakataon upang maging ganap na diyos."
"Paano naman 'yong mga nabigong makuha ang core?" pahabol kong tanong.
Saglit na napaisip si Sonja. "Siguro doon na sila ibabalik sa pinagmulan nila? Kasi wala nang rason para manatili sila rito."
"Nasaan ba talaga tayo?" muli kong tanong dahil wala talaga akong ideya kung saang lupalop ng mundo na ako napadpad.
"Nasa Fuegan tayo. Isa itong dimensyon na ginawa ng Diyos ng Apoy na si Fuego. Ang lahat ng narito ay ang mga pinili niyang mortal na may potensyal upang maging diyoa sa ilalim ng pamumuno niya," sagot niya. At nang makita niya ang nakakunot kong noo ay napabuntong-hininga na lang siya bago nagpatuloy, "maraming diyos at diyosa, pero may mga namumuno sa kanila. Kumbaga major gods. Sa ilalim ng pamumuno ng major gods, ay ang minor gods. Halimbawa, si Fuego ay Diyos ng Apoy. Sa ilalim ng pamumuno niya ay ang mga diyos na may kapangyarihang may kaugnayan sa apoy."
Hindi ko masyadong naintindihan ang lahat sinabi niya pero kahit papaano ay may naintindihan ako.
"Maghahanda na muna ako ng makakain natin. Magpahinga ka muna," nakangiting sambit ni Sonja bago niya nilisan ang silid.
Nang makaalis siya ay humiga na lang ako para magpahinga. Napatitig ako sa kahoy na kisame. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala. Kanina lang ay pauwi lang ako galing sa paaralan. Kanina lang ay hinahabol pa ako nila Jude para gulpihin. Kanina lang ay isa lamang akong normal na labingwalong taong binata.
Pero sa isang kisapmata ay biglang nagbago ang lahat. Napunta ako sa ibang dimensyon at naging isa sa mga sinasabing pinili ng mga diyos at diyosa na maging isa sa kanila. Sa isang kisapmata ay nagawa kong pumatay ng mabangis na hayop sa kabila ng pagiging lampa at mahina. Sa isang iglap ay kung hindi ko nagapi ang lobo na 'yon ay magiging hapunan na sana ako.
Napapikit ako. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Hindi ko alam kung dapat ba akong sumaya dahil nakatakas ako sa miserableng buhay ko o maging malungkot dahil baka habambuhay na ako sa dimensyong ito?
At isa rin sa bumabagabag sa isipan ko ay kung paano ako napili. Anong ang dahilan kung bakit napasama ako sa mga pinili. At bakit wala akong kaalam-alam na may ganito pala. Ni hindi ko nga alam na may ibat-ibang diyos at diyosa.
Ito na yata ang pinakamalaking plot twist ng buhay ko.
Sa dami ng iniisip ko ay hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Nagising lang ako nang tawagin ako ni Sonja para kumain.
Pagkalabas ko ay nadatnan ko siya sa kusina na naghahain ng pagkain. Nakasuot siya ng apron na sobrang hapit sa katawan niya lalo na sa dibdib. Napalunok ako nang mapunta ang mga mata ko roon. Pero agad din akong nag-iwas ng tingin dahil baka mahalata niya.
"Kumain na tayo, Leo," nakangiting aya niya sa akin bago umupo.
Tumango lang ako at umupo na rin. Kukuha na sana ako ng pagkain pero siya na ang gumawa para sa akin. Nagpresinta rin siyang subuan ako pero tumanggi na ako dahil nakakahiya na sa kabaitan niya.
Habang kumakain kami ay hindi ko mapigilang mapasulyap sa kanya. Inaamin ko, nagagandahan ako sa kanya. Sobrang ganda. Ang ganda rin ng hubog ng katawan niya.
"Hindi ba masarap ang ulam?"
"Masarap," sagot ko habang nakatingin sa dibdib niya. "I mean, ang ulam. Ang sarap ng ulam," bawi ko saka nag-iwas ng tingin dahil sa hiya.
Tumawa lang si Sonja sa akin.
"Nga pala, Leo, bukas ay sasamahan kita sa Forgery para magpagawa ka ng mga sandata na gagamitin mo sa loob ng dungeon," aniya kaya napatingin ako sa kanya.
"Kailangan pa 'yon?"
Tumango siya. "Oo. Bilang depensa na rin dahil hindi natin alam kung anong nasa loob ng dungeon. Malay natin, kailangan pala nating lumaban ulit para depensahan ang mga buhay natin, 'di ba?"
Napalunok ako at napaisip sa sinabi niya. Hindi ko mapigilang matakot at mangamba. Dahil hindi gaya sa akin, si Sonja at ang iba pang naririto ay sinanay na sa pakikipaglaban noon pa mang mga bata sila. Sa madaling salita, ako lang ang hindi handa sa pagsisimula ng sinasabi nilang Divine Quest.