Imbes na umatras ay patakbo kong kinuha ang pana at palaso. Agad kong inilagay lalagyan ng mga palaso sa aking likod. Hindi ko alam kung bakit pero iyon ang unang pumasok sa isip ko. Nang makita ako ng lobo ay muli itong umalulong at inilabas ang kanyang mga pangil. Agad naman akong naalerto at mabilis na lumayo sa kanya.
Wala akong alam sa kung ano ang nangyayari. Basta ang nasa isip ko lang ay ang depensahan ang sarili ko kung sakaling atakihin ako ng lobo.
Hindi ko maiwasang mapatitig sa nilalang na nasa harapan ko. Ito ang unang beses na nakakita ako ng ganitong lobo. Sa pagkakaalam ko ay hindi pula at umiilaw ang mga mata nila. At isa pa, hindi sila ganito kalaki sa personal!
Muling umalulong ang lobo. Kasunod nito ay ang biglaang pagsugod niya sa akin. At dahil sa pagkabigla ay hindi ako agad nakaiwas kaya nadaplisan ang braso ko.
Napahiyaw ako sa hapdi. Nang tingnan ko ito ay kitang-kita ko ang punit na manggas ng uniporme ko at ang sariwang dugo na umaagos sa sugat na dulot ng pagkalmot ng lobo. Halis mangiyak-ngiyak akong umatras palayo.
Hindi ito panaginip!
Hindi ko alam kung nasaan ako pero alam kong hindi ito panaginip. Totoo ang lahat ng nangyayari!
Nang mapagtanto ko ‘yon ay doon na ako tinablan ng takot at pangamba. Nagsimulang manginig ang mga tuhod ko, pati na rin ang mga kamay ko. Kamuntik ko nang mabitawan ang pana at palaso pero huminga ako nang malalim at pilit na nilabanan ang takot.
Hindi ako pwedeng magpalamon sa takot. Kailangan kong lumaban. Hindi ko alam kung ano ang nanguayari pero kailangan kong iligtas ang sarili ko. Kailangan kong labanan ang nilalang na nasa harapan ko, dahil kung hindi, ako ang tatapusin nito. Alam kong isa lang sa amin ang mabubuhay pagkatapos nito.
Hindi pa ako nakakagamit ng pana at palaso buong buhay ko. Hindi ko alam kung paano talaga ito gamitin. Basta nakita ko lang sa TV kung paano ito ginagamit ng mga archer.
Ipinuwesto ko na ang palaso sa pana. Marahan kong hinila ang kurdon ng pana. Ilang beses akong huminga nang malalim para pakalmahin ang sarili ko. Pinagmasdan ko ang galaw ng lobo at naghintay ng tamang pagkakataon.
Muli itong umatungal at sumugod sa akin. Doon ay mabilis kong binitiwan ang kurdon. Bumulusok pasalubong sa kanya ang palaso at mabilis itong bumaon sa kanyang binti. Dinig ko ang tunog na ginawa ng palaso nang bumaon ito sa laman ng lobo.
Umatungal ang nilalang at mas lalong naging agresibo. Akala ko ay mapapatumba ko na siya roon, pero tila wala itong epekto. Muli itong umatake. At hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko pero bigla akong tumalon.
Bahagyang nanlaki ang mga mata ko kasabay ng pag-awang ng bibig ko dahil sa gulat. Napakataas ng itinalon ko. Tila ba sobrang gaan ng katawan ko. At sa oras din ‘yon ay kusang gumalaw ang katawan ko. Mabilis kong hinugot mula sa aking likod ang palaso at pumosisyon upang pumana ulit.
Bumaon sa likod ng lobo ang palaso dahilan para umatungal ito sa sakit. Muli na naman itong sumugod pero mabilis ko na lang itong naiiwasan dahil sa pambihirang gaan ng katawan ko. Awtomatiko rin akong umaatake sa bawat pag-iwas ko.
Hanggang sa namalayan ko na lang na hindi na makaalis sa kinatatayuan niya ang ang lobo. Doon ko nakita ang mga palasong bumaon sa katawan niya. Unti-unti ay nagsimulang magliyab ang katawan niya na siyang ikinagulat ko. Bahagya akong napaatras dahil baka umatake ito ulit.
Pero tuluyang nilamon ng apoy ang kanyang katawan hanggang sa maging abo ito. Napatitig na lang ako sa nasunog na mga d**o.
Natalo ko ang lobo. Nanalo ako!
Napaluhod ako at napahiyaw sa sakit. Siguro dahil sa adrenaline ay hindi ko naramdaman ang sugat ko. Pero ngayong tapos na, halos mamatay ako sa sakit. Napangiwi ako habang kagat-kagat ang aking ibabang labi. Kahit simpleng paggamit ng pwersa sa kaliwang braso ko ay humahapdi ang sugat.
Sa kalagitnaan ng pagdaing ko ay may lumitaw na parang sinag ng liwanag sa hangin. Isa, dalawa, tatlo, hanggang sa hindi ko na mabilang na sinag ng liwanag. Napapikit ako at hinintay itong humupa.
Doon ay bumungad sa akin ang tila isang lagusan. Sa kabilang bahagi ng lagusan ay kitang-kita ko ang ilang mga gusali. May mga tao rin akong nakita kaya agad akong tumayo at pumasok doon.
Pagkapasok na pagkapasok ko ay bumungad sa akin ang napakalaki at napakataas na gusali na hindi ko maipaliwanag kung saan gawa. Isang salita lang ang pumapasok sa isip ko. Tower. Mukhang tower ang gusaling nasa harap ko pero higit na malaki, malawak, at mataas. Magmumukha akong langgam ‘pag lumapit ako roon.
“Hi! Ayos ka lang?” Napalingon ako sa gilid nang marinig ko ang isang maliit at mahinahong boses ng babae.
Doon ay sinalubong ako ng isang babaeng nag-aalalang nakatingin sa akin. May mahaba siyang itim at tuwid na buhok. Singkit ang mga mata at mala-rosas ang labi. Pansin ko rin ang pambihirang laki ng dibdib niya kaya hindi ko maiwasang mapatitig doon.
“Ayos ka lang?” tanong niyang muli at bahagyang gumalaw kaya umalog din ang dibdib niya.
Hindi ko napigilang mamula at mag-iwas ng tingin. Inayos ko ang salamin ko bago sinalubong ang mga mata niya. “A-Ah, oo. Ayos lang ako.”
Ngumuso siya kaya mas lalo akong namula dahil napaka-cute niya. “Hindi ka maayos. Tingnan mo nga ‘yang kalagayan mo! Halika, sumama ka sa akin at gagamutin ko ‘yang sugat mo.”
Aangal pa sana ako pero mabilis niyang hinablot ang kanang kamay ko. Napakalambot ng kamay niya. Maliit pero saktong-sakto sa akin.
“Ilang araw na lang at magsisimula na ang Divine Quest, kaya kailangan mong magpagaling at magpahinga. Kailangan mo ng sapat na lakas,” aniya kaya napatigil ako.
Hindi ko kasi naintindihan ang sinabi niya. Anong Divine Quest ang sinasabi niya?
“Anong ibig mong sabihin? Hindi kita maintindihan,” kunot-noong saad ko sa kanya.
Kumunot din ang noo niya sabay lingon sa akin. “Papaanong hindi? Hindi mo ba nabasa ang liham na ipinadala ng mga Diyos at Diyosa?”
Mas lalong kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Ang daming tanong ang bumaha sa isip ko. Hindi ko alam kung ano ang uunahin kaya tanging iling na lang ang isinagot ko sa babaeng nasa harapan ko.
“Sigurado ka na hindi mo alam kung bakit tayo narito?” pagkakalro niya.
Umiling ako ulit.
“Siguro narinig mo na pinili tayo ng mga Diyos at Diyosa upang maging isa sa kanila, ‘di ba?” aniya at itinaas ang dalawang kilay na para bang naghihintay ng sagot ko. “We are to clear the dungeon and become a god.”