Hindi namin alam kung nasaan na kami. Kung walang maliliit na orbs sa na nakadikit sa kulay abong pader at mga bato ay hindi namin makikita ang dinadaanan namin. Kasalukuyan naming binabagtas ang nag-iisang lagusang nahanap namin simula pa kanina. May kakitidan ang daan kaya todo ingat kami sa paggalaw at nang hindi namin masagi ang orbs.
“Leo, parang hindi ko na kaya,” sambit ni Sonja na nasa likuran ko lang. “Wala na akong lakas. Kailangan ko na ng tubig,” aniya.
Dinig ko sa boses niya ang pagod. Nahihirapan na siyang magsalita. Liban sa makitid na daan ay dumagdag pa ang init na dulot ng orbs sa paligid, kaya mas mabilis kaming nauuhaw.
Kung hindi lang sana namin naiwan ang dala namin kanina ay hindi sana namin dadanasin ito ngayon.
Nilingon ko si Sonja at nakitang nakaluhod na siya sa lupa. Tinanggal na rin niya ang suot niyang cloak at ang naiwan na lang ay ang suot niyang kulay abong bestida na hapit na hapit sa kanyang katawan. Kitang-kita ko ang mala-porselana niyang kutis.
Napailing ako at napalunok. Ano ba ‘tong naiisip ko. Nahihirapan na nga kami, nagagawa ko pang mag-isip nang gano’n.
Ibinalik ko ang tingin ko sa binabagtas namin. Hindi ko alam kung hanggang saan ang makitid na lagusang ito. At hindi kami dapat manatili rito nang matagal dahil paniguradong mawawalan kami ng malay dahil sa labis na pagkauhaw.
“Sumampa ka sa likod ko, Sonja, bubuhatin na lang kita,” sambit ko bago tumalikod sa kanya at ipinosisyon ang sarili ko. “Kailangan nating makaali dito kaagad,” dagdag ko pa.
Wala akong nakuhang sagot sa kanya, pero naramdaman ko na lang ang braso niyang yumayakap sa leeg ko kasunod ng pagpatong niya sa aking likuran. Saglit pa akong natigilan nang maramdaman ko ang pagdikit ng dibdib niya sa likod ko.
Umiling ako para alisin ang naiisip ko.
Nang masiguro kong komportable na ang posisyon niya ay tumayo na ako at nagsimulang maglakad.
Hindi ko alam kung tatagal ba ako sa ganitong posisyon. Sana nga, oo. Dahil kapag nangyari ‘yon ay paniguradong tutumba ako at may posibilidad na masagi pa namin ang orbs na ilang pulgada lang ang layo sa amin.
“Pasensya ka na, Leo, ha?” bulong ni Sonja sa akin. “Pasensya ka na kung masyado akong pabigat sa ‘yo.”
Umiling ako upang tutulan ang sinabi niya. “Hindi ‘yan totoo, Sonja. Hindi ka pabigat sa akin, okay? At isa pa, nangako ako sa ‘yo at hinding-hindi ko ‘yon babaliin,” sagot ko bago saglit na inayos ang pagkakasampa niya sa akin. “Kaya mag-relax ka lang diyan at ako ang bahala sa ‘yo. Pangako, makakaalis tayo rito nang buhay.”
“Salamat, Leo, salamat…” tugon niya bago ko naramdaman ang pagpatong niya ng mukha niya sa balikat ko.
“Walang anuman,” sagot ko at muling naglakad.
Hindi ko alam kung ilang minuto ko nang karga si Sonja, pero ramdam ko na ang pagbigat ng bawat hakbang ng mga paa ko, ganoon din ang panunuyo ng lalamunan ko. Nanginginig na rin ang kalamnan ko dahil sa sobrang pagod. Ilang sandali mula ngayon ay babagsak na rin ako.
Malapit na akong bumigay nang mahagip ng mga mata ko ang liwanag mula sa unahan. Nabuhayan ako ng loob. Mukhang malapit na kami sa dulo ng lagusan.
Tila nawala ang pagod at uhaw na nararamdaman ko. Bumilis ang bawat paghakbang ng aking mga paa na para bang wala akong kargang tao.
At nang marating ko ang dulo ay gumuhit ang ngiting panatag sa mga labi ko.
Bumungad sa amin ang napakalawak na parang ng ligaw na kulay araw na bulaklak na rosas ang hitsura ngunit mas maliit. Amoy na amoy ko ang preskong hangin na nagmumula doon, at ang halimuyak ng mga bulaklak na maikukumpara ko sa amoy ng kalikasan sa tuwing sisikat ang araw.
“Sonja, nakalabas na tayo,” sambit ko para magising siya.
Rinig ko ang paghikab niya nang siya ay magising.
“Ang ganda…” bulalas niya nang makita ang mga bulaklak na nagkalat sa buong paligid.
Ibinaba ko siya at hinayaang lapitan ang mga bulaklak. Pero mukhang nadala na siya sa orbs kanina kaya hindi niya ito agad hinawakan. Kumuha siya ng bato at inagis doon, at nang makitang walang ibang nangyari ay nakangiti niya itong hinawakan at pinitas.
“Ang bango, Leo!” aniya bago inilagay sa tainga niya ang bulaklak.
Hindi ko tuloy maiwasang mapatitig sa kanya. Bulaklak lang ang dumagdag sa ayos niya, pero mas gumanda siya sa paningin ko. Kaagad akong nag-iwas ng tingin nang mapansin ko ang panginginit ng aking pisngi.
“Maghanap muna tayo ng water source,” sambit ko na lang para maalis sa isipan ko ang mukha ni Sonja. At isa pa, ramdam ko na rin ang epekto ng kawalan ng tubig sa katawan.
“Oo nga, kasi kanina pa ako nauuhaw,” segunda niya bago tumayo. Pero bago ‘yon ay pumitas muna siya ng ilang bulaklak.
Iginala ko ang mga mata ko sa paligid para maghanap ng mga palatandaan na may malapi na water source, pero wala akong nakita. Tanging malawak na parang ng bulaklak lang ang nakikita ko at iilang malalaking bato.
Hindi pwede ‘to. Kailangang makahanap kami ng mapagkukunan ng tubig. Hindi kami mamamatay sa mga panganib na dala ng dungeon kundi dahil sa kawalan ng tubig.
Nakagat ko ang nanunuyo kong ibabang labi dahil sa frustration. Bawat sandali na iniisip kong makahanap ng mapagkukunan ng tubig ay mas tumitindi ang uhaw na nararamdaman ko.
Habang naglalakad kami sa parang ng bulaklak ay may napansin akong gumagalaw sa ilalim ng mga dahon ng bulaklak. Agad akong naalerto at lumapit kay Sonja.
“Bakit, Leo?” tanong niya sa akin nang mapansing inilalabas ko ang pana ko.
“Maging alerto ka, Sonja,” sambit ko sa kanya habang ipinoposisyon ang sarili ko para pumana. “Diyan ka sa likuran ko at tingnan mo kung may kakaiba sa paligid. Ituon mo ang atensyon mo sa mga dahon ng bulaklak. Hindi maganda ang kutob ko,” pagpapaalam ko sa kanya.
Patuloy kong napapansin ang mga paggalaw sa paligid. Hindi ko alam kung anong klaseng nilalang ang nasa ilalim ng mga dahon, pero nasisiguro kong banta ‘yon sa kaligtasan namin ni Sonja.
Isa. Dalawa. Tatlo. Parami nang parami ang mga gumagalaw sa ilalim ng mga bulaklak at mukhang napansin na rin ‘yon ni Sonja kaya dumikit na siya sa akin.
Magkadikit ang aming mga liko upang bantayan ang blindspot ng isa’t isa. Inilabas na rin niya ang kanyang espada habang itinututok sa direksiyon kung saan nanggagaling ang mga kaluskos.
Ilang sandali pa ay patalon na bumulaga sa amin ang isang kulay asul at pabilog na nilalang. Sa pagkabigla ay mabilis ko itong napana. Nang matamaan ko ito ay agad itong nagliwanag bago naging asul na alikabok at tinangay ng hangin.
Kasunod no’n ay ang paglutang ng isang kulay asul na orb na sinlaki ng isang barya. Akmang papanain ko sana ito nang sunod-sunod na magsilitawan ang iba pang nilalang na kawangis ng nauna kong napaslang, pero magkakaiba lamang ng kulay.
Sa sobrang dami nila ay hindi ko na nagawa pang depensahan ang aking sarili pati na rin si Sonja.
Mabilis kong binitiwan ang aking sandata at agad naman itong naging kulay pulang alikabok. Tumalikod ko at niyakap na lang si Sonja para protektahan mula sa mga bilog na nilalang. Ramdam ko ang pagtama nila sa katawan ko. Napapikit na lamang ako habang hinihintay na mabalot ng sugat ang katawan ko.
Pero ilang segundo ang lumipas ay wala akong kahit na anong pinsalang natamo. Pinakiramdaman ko ang katawan ko at hindi ko mapigilang mamangha nang maramdamang parang mga balloon na may laman na tubig lamang ang mga nilalang.
Kahit ilang beses akong matamaan ng atake nila ay hindi ako nakakaramdam ng sakit. Kaagad kong inilabas ang sandata ko at muli silang inatake. Pero hindi ko na sila pinapana isa-isa. Gamit ang pana ko ay pinaghahampas ko sila at mabilis naman silang nagliliwanag at nagiging alikabok. Sa bawat nilalang na napapaslang ko ay may naiiwang maliliit na orbs na nakalutang sa hangin.
Kahit na wala akong pinsalang natatanggap mula sa kanila ay bumagsak ako sa lupa. Nanginginig ang aking mga tuhod at nanlalabo ang paningin.
Napamura ako dahil ngayon ko lang napagtanto na dahil ito sa kawalan ng tubig. Sa pagbagsak ng katawan ko ay aksidente kong nahawakan ang isa sa mga lumulutang na orb.
Mabilis itong umilaw at naging alikabok bago pumasok sa tattoo ko sa aking daliri. Kasunod no’n ay ang paglitaw ng parang isang puting hologram mula sa tattoo ko. Nang titigan ko ‘yon ay napansin kong naroon ang isang larawan na kamukha ng mga nilalang na nasa palibot namin. Katabi ng larawan ay may mga nakasulat, na nang basahin ko ay isa palang impormasyon tungkol sa mga nilalang.
‘Slime’. Iyan ang nakalagay na pangalan ng mga nilalang. Binasa ko ang mga nakasulat na impormasyon tungkol dito.
‘Ang slime ay isang uri ng dungeon monster na karaniwang matatagpuan sa unang palapag ng dungeon. Ito ay walang kahit na anong dalang panganib. Ang kulay ng isang slime ay nakadepende sa elementong taglay nito. Ang tawag sa tila batong naiiwan nito matapos itong mapaslang ay elemental orb. Ang elemental orb ay isang dungeon item na binibigyan ng abilidad ang isang candidate na gamitin ang elementong taglay ng orb sa loob ng limang segundo.’
Matapos kong mabasa ang impormasyong iyon ay kaagad kong sinubukang ilabas ang orb na pumasok sa tattoo ko. At nabigla ako nang makitang may mas malaking hologram na lumitaw.
Sa itaas na bahagi ng hologram ay may nakasulat na ‘Storage’. At sa ibaba nito ay nakasulat ang ‘Weapons. Dungeon Items.’
Hindi ko alam kung paano ito gamitin. Sinubukan kong pindutin ang mga nakasulat pero walang nangyayari.
“Leo, anong ginagawa mo?” tanong sa akin ni Sonja na kasalukuyang iwinawasiwas ang espada niya para bawasan ang bilang ng mga slime na nasa paligi namin.
Agad akong napatigil sa ginagawa ko bago ko siya hinarap. “A-Ah, wala,” sagot ko na lang dahil mukhang ako lang ang nakakakita ng hologram. Sigurado ako roon dahil gaya ko ay pumasok din sa tattoo ni Sonja ang elemental orbs.
“Hindi ko alam kung paano gamitin ang orbs,” pagsasabi ko sa kanya bago ko pinilit na tumayo.
Agad naman siyang lumapit sa akin para tulungan akong makatayo.
“Ako alam ko,” nakangiting sabi niya sa akin bago lumabas ang kulay asul na orb sa kamay niya. Pagkatapos ay may pentagram na lumitaw sa ibabaw nito. Kasunod no’n ay ang paglitaw ng tubig sa palad niya.
Napaawang ang bibig ko sa pagkamangha. Para akong batang unang beses na nakakita ng magic trick, pero this time, totoong mahika na.
“Papaano mo ‘yan nagagawa, Sonja?” tanong ko sa kanya.
“Hindi ba sinabi ko sa ‘yo na may liham na natatanggap ang mga god candidate mula sa Diyos ng apoy?” aniya. “Kasama sa liham na ‘yon ang paraan kung paano gamitin ang mga ito,” aniya sabay turo sa lumulutang na orbs.
“Wala akong natatandaang binanggit mo ‘yan sa akin,” saad ko sa kanya.
“Oo, kasi ngayon lang din lumitaw sa sulat ang paraan kung paano,” sagot niya sa akin.
Kumunot ang noo ko dahil sa sinab niya. Pinasadahan ko siya ng tingin at nakitang wala siyang kahit na anong dala.
“Saan ang lihat na sinasabi mo, Sonja?” nagtataka kong tanong.
“Nasa harapan ko lang, Leo. Para itong isang hologram na kusang lumilitaw sa hangin sa tuwing gusto ko itong palabasin,” aniya.
Mas lalo akong naguluhan. Una, bakit hindi ako nakatanggap ng liham mula kay Fuego. Pangalawa, bakit tila magkaiba ang sinasabi ni Sonja na hologram kumpara sa hologram na nakita ko kanina?
Ano ba talaga ang nangyayari. Bakit tila ako lang ang walang alam sa nangyayari at sa kung paano talaga ang sistema ng Divine Quest?