“Sonja, sa diyan ka lang sa likuran ko,” sambit ko sa kanya habang inihaharang ko ang kamay ko upang protektahan siya sa mga nagtatakbuhang candidates.
May iba naman na matapang na hinarap ang mga lobo na ngayon ay isa-isa nang lumalapit sa amin habang ipinapakita ang matutulis nilang mga pangil.
“Leo, ano na ang gagawin natin?” tanong sa akin ni Sonja habang sumisiksik sa likod ko.
Hindi ako nakasagot, dahil hindi ko alam ang dapat kong sabihin. Maging ako ay hindi alam kung ano ang gagawin.
Napatitig ako sa naglalakihan at nagbabangisang mga lobo. Nang una kong makita ang isa sa kanila ay hindi ko ‘yon natitigan nang lubusan dahil na rin madilim noong mga panahong ‘yon. Ngunit ngayon, kung saan tirik na tirik ang araw, ay malaya kong napagmamasdan ang kanilang mga wangis.
Hindi nalalayo sa normal na mga lobo ang kanilang anyo, ngunit mas malaki, mabilis, at maliksi ang mga ito. Matatalim din ang mga mata nitong kulay pula. At mukhang hindi nakakaramdam ng takot ang mga halimaw na ito.
Naikuyom ko ang mga kamay ko dahil sa frustation. Hindi ko kasi alam kung ano ang gagawin. Hindi ako sigurado kung kay kong magpatumba ng isa pa sa uri nila liban doon sa natalo ko nang unang mapunta ako rito.
Limang minuto. Sobrang ikli ng oras na ‘yon kung iisipin, pero masyadong matagal na iyon para mapanatiling ligtas ang mga sarili namin laban sa mga halimaw na ito.
“Lumaban tayo, huwag tayong magpalamon sa takot!” sigaw ng isa sa amin.
Umalingangaw ang malakas niyang boses at nasapawan nito ang alulong ng mga lobo at ang sigaw ng ibang kandidato. Dahil doon ay natahimik ang mga nagpa-panic na mga kadidato.
“Minsan na nating napatumba ang mga halimaw na ‘to. Alam na natin kung paano sila matatalo. Ngayon pa ba tayo tatakbo?!” muling sigaw niya.
Kasunod ng sigaw niya ay ang pag-init ng marka sa daliri ko kaya agad akong napatingin doon. Mula sa tattoo ay may lumalabas na kulay pula at nagliliwanag na alikabok.
Parami ito nang parami hanggang sa mag-anyong pana ito. Kaagad kong nilingon si Sonja at nakitang may hawak na rin siyang espada.
Iginala ko ang tingin ko sa paligid at ganoon din ang iba pa naming kasama. May hawak na silang kanya-kanyang sandata. At kung kanina ay puno ng takot ang mga mukha nila, ngayon ay nababalot na ito ng tapang at determinasyon.
Hindi ko napigilan ang pag-arko ng sulok ng mga labi ko. Mukhang nasiyahan ang Diyos ng apoy sa katapangang ipinakita ng isa sa amin at hinayaan kaming magamit ang mga sandata na sana’y sa dungeon pa namin magagamit.
“Sonja, manatiili ka lang sa likuran ko,” sambit ko sa kanya bago ko ipinosisyon ang sarili ko.
Dahil nasa likuran ako ay malaya kong mapapana ang mga lobo. Free hit, kumbaga. Hangga’t may mga lumalaban sa mga lobo nang malapitan ay makakaatake ako nang libre at walang takot.
Muling naglabas ng pulang alikabok ang tattoo ko sa aking daliri at namuo ang isang palaso.
Hminga ako nang malalim bago ko sinimulang hilain ang pisi ng pana. Saglit akong napapikit nang manumbalik sa akin ang pakiramdam nang una kong gamitin ang sandata ko. Sa pagdilat ng aking mga mata ay mas malinaw kong nakikita ang aking mga target.
Sa pagbitiw ko sa pisi ay mabilis na bumulusok ang palaso papunta sa isang lobo at bumaon ito sa kanyang noo, dahilan para umatungal ito nang pagkalakas-lakas. Dahil dito ay nawala ito sa pokus at madaling napaslang ng isa sa amin sa pamamagitan ng paglaslas ng leeg nito.
Muling namuo ang isang palaso sa kamay ko. Ipinosisyon kong muli ang sarili ko para muling pumana. At gaya ng nauna ay tagumpay ko itong natamaan.
“Ang galing mo, Leo!” namamanghang sambit ni Sonja mula sa aking likuran.
Hindi ko napigilang mamula at mapangiti bago siya sinulyapan. “H-Hindi naman sa ganoon. Nagagawa ko lang silang tamaan dahil abala silang lumalaban sa ibang candidates,” sagot ko bago muling ibinalik ang pokus sa mga lobo.
Habang tumutulong ako sa pagpana ay nagbibilang din ako ng oras. Kaonting tiis na lang at magbubukas na ang dungeon.
Habang tumatagal ang laban ay unti-untin napupuno ng alikabok ang paligid at unti-unti rin akong nahihirapang makakita. Dahil doon ay nagsimulang mahirapan ang mga kagaya kong pana at palaso ang sandata na suportahan ang mga close-ranged candidate.
Isa. Dalawa. Tatlo. Parami nang parami ang sigaw na naririnig namin mula sa kapwa namin candidates. Dinig na dinig ko rin ang tunog ng napupunit na laman at nadudurog na buto.
Dahil doon ay unti-unting gumapang ang takot sa aking sistema. Hindi lang sa akin kung hindi pati na rin sa iba.
Ang kaninang pabor na laban ay nabaliktad. Ngayon ay nagmistula kaming mga kuneho na pinaglalaruan ng mga lobo bago sakmalin at kainin.
Huminga ako nang malalim at kinagat ang ibabang labi ko para pakalmahin ang sarili. Hindi ako puwedeng matakot at manginig. Hindi ako puwedeng maging duwag. Kailangan kong maging matapang dahil may umaasa sa akin—may kailangan akong protektahan.
“Kaonting tiis na lang, Sonja, magbubukas na ang dungeon,” sambit ko habang unti-unting umaatras mula sa mga lobo. “Paatras tayong lumapit sa dungeon para kapag nagbukas ito ay mabilis tayong makapasok,” sambit ko sa kanya bago muling humakbang.
Mabilis namang nakuha ni Sonja ang nais kong ipahiwatig kaya nagawa naming makalapit sa dungeon. At ilang sandali lang nang makalapit kami ay nagkaroon ng mahinang pagyanig sa paligid kasunod ng pag-alingawngaw ng tunog ng bumubukas na pintong bato ng dungeon.
“Bukas na ang dungeon!” sigaw ng isa sa amin.
Dahil sa sigaw na ‘yon ay nagpaunahan ang lahat sa pagpasok sa loob. Nagkaroon ng stampede. Dahil lang doon ay nakalimutan nilang may mga lobo pang banta sa aming kaligtasan.
Dahil malapit lang kami sa dungeon ay mabilis kaming nakapasok. At nang nasa loob na kami ay napatingin ako sa ibang candidates na naabutan ng mga lobo at pinagpiyestahan.
“Isirado na ninyo ang lagusan! Bilisan ninyo!” natatarantang sigaw ng isa sa amin. “Isara na ninyo bago pa man may lobong makapasok. Bilis!”
“Huwag!” mariing tutol ko kaya napatingin sa akin ang iba. “M-May hindi pa nakakapasok,” dagdag ko nggunit sa mas mahinang boses. “Hin—”
Hindi ko na natapos ang dapat sana’y sasabihin ko nang maramdaman ko ang pagyakap ni Sonja mula sa aking likuran. “Huwag, Leo. Huwag ka nang magsalita, pakiusap,” bulong niya sa akin.
“Pero…” Nakagat ko ang ibabang labi ko dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Papaano nila naisip na hayaang mamatay ang ibang candidates, hindi ba sila naaawa sa mga ito?
“Bilisan n’yo, isara n’yo na!”
“Bakit…” tanging naibulong ko sa hangin habang puwersahan nilang isinasara ang malaking pinto ng dungeon.
Hinila ako ni Sonja palayo sa kumpol ng mga tao. At nang medyo malayo-layo na kami ay binitiwan niya ang kamay ko.
“Leo, sana maintindihan mo kung bakit kita pinigilan kanina,” panimula niya bago tinapunan ng tingin ang ibang candidates na sinusubukan pa ring isara ang pinto.
“Hindi kita naiintindihan, Sonja, patawad,” mahinang sambit ko bago yumuko.
“Hindi mo ba nakikita, Leo?” tanong ni Sonja bago ko narinig ang paghikbi niya.
Nag-angat ako ng tingin para tingnan siya at doon ko nakita ang sunod-sunod na pag-agos ng mga luha niya.
Saglit akong natigilan. Akmang papahirin ko na sana ang luha niya nang humakbang siya palayo sa akin bago napaupo habang patuloy pa ring umiiyak.
“Sonja…”
“Bakit hindi mo pa rin nakikita na unti-unti tayong pinapatay ni Fuego? Bakit hindi mo pa rin napapansin na posibleng hindi na tayo makabalik nang buhay sa mga tahanan natin? Na baka hindi na talaga tay makabalik, kahit mga buto man lang natin?” sunod-sunod niyang sambit.
Mariin kong kinagat ang labi ko. Ikinuyom ko ang aking mga kamao at huminga nang malalim para pakalmahin ang sarili ko.
“Nakikita ko, Sonja. Napapansin ko,” mahinang sambit ko habang patuloy na humihinga nang malamim. “Matagal na ‘yang naglalaro sa isip ko pero pilit kong iwinawaksi dahil ayokong lamunin ako nito. At ayokong mangyai ‘yon, dahil sa oras na nilamon ako no’n hindi ko na alam kung kaya ko pa bang magpakatatag,” dagdag ko bago lumuhod at sinalubong ang mga mata niya.
Hinawakan ko ang magkabila niyang kamay. “Pero sa tuwing sinusubukan akong lamunin ng takot, naiisip kita. Ikaw ang nagbibigay sa akin ng rason para lumakas, para maging matatag,” mahinahon kong sambit habang nakatitig sa mga mata niya.
“Alam kong unti-unti tayong binabawasan ni Fuego. Alam kong hindi tayo basta-basta makakauwi sa kanya-kanya nating tahanan, na hindi magiging madali ang Divine Quest,” wika ko bago tumayo at marahan siyang hinila patayo. “Pero kahit na ganoon ay hinding-hindi magbabago ang pangako ko sa ‘yo. Hindi ko ‘yon kakalimutan—poprotektahan kita sa abot ng makakaya ko. Gagawin ko ang lahat matapos lang natin nang ligtas ang Divine Quest, kahit hindi tayo ang makakuha ng Divine Orb.”
Tumango lang si Sonja bago ako niyakap nang mahigpit.
“Maraming salamat, Leo,” bulong niya bago mas hinigpitan ang yakap. “Pasensya na rin sa mga sinabi ko kanina,” dagdag niya bago ibinaon ang mukha niya sa dibdib ko.
“Ayos lang ‘yon, alam kong nadala ka lang din ng emosyon mo,” sagot ko sa kanya bago siya niyakap pabalik.
“Nagsasara na ang lagusan!”
Napatingin kami sa bukana ng dungeon at nakitang unti-unti na itong nagsasara nang kusa kahit pa may mga candidate pang humahabol para makapasok.
Nang tuluyang magsara ang dungeon ay nabalot ng dilim at katahimikan ang buong paligid. Pero hindi nagtagal ay nabasag ang katahimikan nang biglang yumanig ang kinatatayuan namin kasunod ng tila paggalaw ng lupa. Nagsigawan ang ilan sa amin, marahil na rin sa pagkabigla at takot.
Hinigpitan ko ang pagkakayakap kay Sonja. Sinabihan ko siyang umupo kami at nang hindi kami matumba.
Ganoon lang ang ginawa namin hanggang sa unti-unting humina ang sigawang naririnig namin hanggang sa tuluyan itong maglaho. Kasabay nito ay ang pagtigil ng paggalaw ng lupa.
At mula sa isang sulok ay may lumitaw na kulay araw na maliit na bilog. Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Parami nang parami ang mga ito hanggang sa magliwanag nang tuluyan ang buong lugar.
Napatitig ako sa maliliit na orbs at napansing mga maliliit na bato pala itong nakabaon sa pader at sa mga malalaking bato sa loob ng dungeon.
Inilibot ko ang mga mata ko at napansing tila nasa isang kweba kami. Naghanap ako ng iba pang palatandaan pero wala na akong makita liban sa mga maliliit na orbs at mga bato. Wala rin akong ibang nakikitang canditates buko sa amin ni Sonja.
Marahil ay napunta rin sila sa ibang bahagi ng dungeon. Hinuha ko ay ipinaghiwalay kami, at nangyari ‘yon matapos ng mismong pagsasara ng dungeon. Iyon siguro ang dahilan ng paggalaw ng kinatatayuan namin.
“Ang ganda,” sambit ni Sonja habang tinititigan ang maliliit na orbs. Akmang hahawakan na sana niya ang mga ito nang mabilis kong hinawakan ang kamay niya.
“Huwag kang magpadalos-dalos, dahil hindi kabisado ang dungeon,” sambit ko sa kanya bago ako naghanap ng maaaring gamitin upang malaman kung may mangyayari ba kapag ginalaw ang orbs.
Nang may mahanap akong maliit na bato ay inihulog ko ito sa isang orb, at napaatras na lang kami nang biglaan itong mag-apoy.
Agad akong napatingin kay Sonja na ngayon ay nanlalaki ang mga mata habang hawak-hawak ang kamay niyang nasunog na sana ngayon kung hindi ko siya napigilan.
Napatingin din siya sa akin. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang takot at pangamba. “S-Salamat, Leo,” aniya bago muling tiningnan ang orbs. “Kung hindi dahil sa ‘yo, nalapnos na ang kamay ko.”
“Walang anuman. Kaya huwag ka nang magadalos-dalos dahil hindi natin alam kung anong klaseng panganib ang naghihintay sa atin,” sagot ko bago hinawakan ang kamay niya. “Tara na, maghanap muna tayo ng lugar na mapagpapahingahan dahil masyadong nakakapagod ang araw na ito.”
“Nandito na talaga tayo, ‘no?” biglaang sambit ni Sonja. Bakas sa boses niya ang panginginig na marahil sanhi ng takot.
Nilingon ko siya at nginitian. Pagkatapos ay hinigpitan k ang pagkakahawak sa kamay niya. “Oo nga. Nandito na tayo sa loob ng dungeon. Wala ng atrasan ‘to.”