***XALENE's POV***
Hindi ko alam kung bakit ako nagising gayong gusto ko sana ay tulog ako ngayong araw kahit hanggang maghapon pa. Wala naman kasi akong alam na gagawin na spectacular upang gumising. Pinaalala nga agad ng utak ko ang napakalaking problema ko sa sampung milyon.
“Kainis!” ungol ko sabay baon ng mukha ko sa malambot kong unan. Pinilit kong itulog pa pero wala na talaga. Gising na talaga ang diwa ko.
Gaya ng aking kinaugalian, hindi dumidilat ang mga mata na kinapa ang cellphone ko sa bedside table. Ugali ko na na social media ko ang unang tsinetsek kaysa ang mag-inat o magtanggal ng muta sa mga mata.
Ang kaso imbes na ang wallpaper ng cellphone ko ang Nakita ko ay isang kulay dilaw na sticky note.
Bawal ka munang mag-cellphone! -ang sulat kamay ni Corinne na nabasa kong nakasulat sa note.
Nge! Ang reaksyon ko naman sabay balikwas ng bangon. Hindi ako napakali sa nabasa ko. Anong pinagsasabi ng gaga? Kailan pa nagkaroon ng batas na bawal mag-cellphone?
“Kagigising mo lang, Xalene Silvano? Aba’y sana all donya,” bungad nang hindi kumakatok na si Corinne. Dinampot niya ang remote ng air condition, pinatay. Dikawasa’y tinungo ang bintana upang buksan.
Pupungas-pungas at kakamot-kamot ang ulo na nakasunod-tingin ako sa kanya pero hindi na ako nagtanong kung bakit naririto siya. Habang nasa malayo si Leren ay kami na lang ang magkakampi. Malamang ay hindi siya mapakali at nag-aalala siya sa akin dahil sa pinagdadaanan ko ngayon.
“Saan ka galing kagabi? Aba’y hindi na kita nahintay, ah? Nag-alala ako para kay Pinky,” mayamaya lamang ay sermon na niya sa akin nang balikan niya ako.
Napangiwi ako. “Seryoso? Sa kotse mo talaga ikaw nag-aalala?”
“Aba’y syempre naman. Mamaya niyan ma-carnap dahil sa kapabayaan mo. Alam mong mahal na mahal ko iyon,” pagrarason niya pa rin.
Hindi ko na iyon pinatulan pa. Sasakit lang ang ulo ko. Isa pa’y wala naman talaga akong laban kay Pinky.
“So, saan ka nga galing kagabi?” pagbabalik ni Corinne sa topic. Pinamaywangan niya ako na parang nanay ko.
“Naghanap ng lalaki,” tamad kong sagot. Pero dahil sa sinabi ko na joke lang sana ay naalala ko ang unggoy na ang pangalan ay Syver doon sa Trump Tower.
Erase! Erase! Erase! Madali kong binura sa isip ko ang mukha ng unggoy. Wala rin akong balak pa na sabihin kay Corinne ang tungol sa engkuwentro ko sa mayabang na lalaking iyon. Natitiyak ko naman na hindi na kailanman magkukuros pa ang aming landas.
“So, may napala ka ba sa pagwawalwal mo?” Pinandilatan ako ng mga mata ni Corinne.
Sumimangot namn ako. “Hindi ako nagwalwal. Nagpahangin lang ako at dinalaw na rin si Madam Soledad.”
“True ba ‘yan?”
“Oo nga. Teka nga ano ba ‘to?” Itinaas ko na ang cellphone upang makatakas sa panenermon niya. “Anong bawal akong mag-cellphone?”
Bumuntong-hininga si Corinne. At bago sagutin ang dahilan ng kadramahan niya ay umupo siya sa gilid ng kama. “Tumawag si Leren kagabi. Hinahanap ka. Gusto kang makausap dahil sa nababasa niya raw online na issue tungkol sa iyo. Ang kaso wala ka kaya sa akin na niya sinabi na huwag ka raw mag-alala dahil tutulungan ka ni Doc Zrion. Kakausapin daw ni Doc Zrion si Miss Felicity at ang abogado niya para ayusin ang lahat.”
Kumunot ang noo ko sa naramdaman kong hiya kay Babs. “Sana sinabi mo na huwag ako ang isipin nila. Dapat nag-i-enjoy sila kung nasaan man sila ngayon hindi ang pinoproblema nila ang problema ko. Dapat gumagawa sila ng madaming baby, hindi iyong nagpapaka-stress sila dahil sa akin.”
“Sira!” Hinila ni Corinne ang buhok ko. “Sa tingin mo talaga ay matitiis ka ni Leren? Kung noon ngang hindi siya mayaman ay gagawin lahat ng bruhang iyon makatulong lang, ngayon pa kaya?”
I bit my lip. “Nakakahiya lang kasi kay Doc Zrion.”
“Ano ka ba, pimps, ayos lang iyon. Kahit bayaran ni Doc Zrion ang sampung milyon ay hindi iyon ikakabawas ng kayamanan niya kaya huwag kang mag-self pity diyan. Isa pa ay sila ang nagkusa na tulungan ka. Nagulat nga ako nang tumawag sila, eh.”
“Sure ka? Hindi nakakahiya?”
“Hindi nga,” giit niya tapos ay nanunuksong ngumiti. “Kung gusto mo sabihin natin na twenty million ang inaakusa sa iyo na nawawalang pera. Paghatian natin iyong sampung milyon.”
“Gaga!” Natawa ako na di-oras.
“Joke lang. Pinapangiti lang kita,” bawi naman ni Corinne.
I smiled at her.
“Pero ang bilin ni Babs ay huwag ka na lang munang mag-social media. Umiwas ka muna sa magulong mundo daw ng mga vlogger. Ang sabi niya pa kasi ay aalamin din ni Doc Zrion kung ano talaga ang nangyari sa donations na iyon bakit nawala. Susubukan nilang hulihin ang totoong may sala.”
Napangiwi akong tiningnan ang cellphone ko. Parang hindi ko kaya na hindi mag-cellphone. Ngayon pa nga lang ay kating-kati na akong mag-sss.
“Akin na nga ‘yan.” Bigla ay dinikwat ni Corinne ang cellphone ko. “Itatago ko muna. Saka ko na ibabalik kapag maayos na ang lahat.”
“Nerds, hindi kaya mamamatay naman ako sa boryong nito na walang cellphone? Ano ‘to nasa panahon ako n kupong-kupong na walang cellphone?”
Tumaas ang sulok ng mga labi niya. “Pwes, tiisin mo.”
Naiiyak na lumaylay ang mga balikat ko. Gusto ko nang ngumawa. Ang hirap naman. Wala naman akong ginawang masama pero bakit ako napaparusahan ng ganito?
Buwisit na Karylle Kho! Kasalanan lahat ito ng bruhildang iyon. Sana talaga ay malaman agad ni Doc Zrion kung saan talaga napunta ang sampung milyon nang magkaalaman kaming dalawa. Titiyakin ko na siya ang mapapahiya.
“Bawal ka ring manood ng TV kaya iuuwi ko muna iyong TV mo sa bahay para hindi ka ma-attempt na manood ng balita,” dagdag pa ni Corinne sa mga kondisyon nila.
“Ano?! Pati ba naman nananahimik na TV, bawal?” protesta ko na talaga. “Bakit hindi niyo na lang ako ipatapon sa planet Mars kaysa ganito?”
“Actually, naisip namin iyan ni Babs nang mabawasan naman kahit isa ang papulasyon ng mga pangit dito sa Earth,” panunukso pa sa akin ng bruha.
“Sumama ka!” singhal ko sa kanya. Akala mo hindi pangit, eh.
Natawa lamang si Corinne.
Ako nama’y nilukuban ulit ng matinding kalungkutan na may halong takot.
“Oh, bakit?” pansin agad sa akin ni Corinne.
Ipinilig ko ang aking ulo. Hindi na ako nakahiya. Ipinakita ko na kay Corinne na namomoblema na ngayon pa lamang. Na hindi ko maiwasang mag-aalala para sa sarili ko. At sa malungkot na tinig ay sabi ko, “Hindi ko lang maiwasang mag-alala. Paano na ako nito kung hindi na ako makakapag-vlog? Saan ako kukuha ng pangkain? Iyong next na sasahurin ko sa U-Tube baka kulang pa sa isang buwan na bills ko at pambili ng ibang pangangailangan ko.”
Nawalan siya ng kibo, tila saglit na nag-isip. “Hay naku, huwag mo munang isipin iyon. Ang mahalaga ay maaayos na ang mas malaking problema mo. ‘Tsaka nandito ako, nasa tabi-tabi lang naman si Leren, syempre hindi ka namin pababayaan.”
Ngumiti man ako ay malungkot pa rin. Syempre ay ayoko namang iasa ang sarili ko sa mga kaibigan ko. Nasanay na akong maging independent kaya nahihiya na ako na magpapasan sa iba, kahit pa kina Leren at Corinne.
“Isa pa’y,” Magaang hinawakan ako ni Corinne sa balikat. “pansamantala lang naman na pagla-lie low mo. Makakabalik ka rin sa vlogging oras na mahuli ang totoong tumangay ng sampung milyon na iyon. Kailangan lang munang linisin ang pangalan mo. At natitiyak ko, mapapahiya ang Karylle Kho na iyon.”
“Ang tanong ay kung may babalikan pa ako matapos masira ang tiwala sa akin ng mga followers ko,” naiyak ko na talaga na sabi. Hindi bagay sa akin ang madrama, alam ko, pero hindi ko mapigilan ang damdamin ko.
Lord, pinaghirapan ko ang U-Tube channel ko tapos ganito lang? Sa isang iglap lang ay mawawala sa akin? Ang unfair naman?
“Pwes, isipin mo na lang na pagkakataon mo nang malaman kung sino talaga ang mga genuine mong mga followers sa iyong pagbabalik. Dahil ang totoong fans ay hindi basta-basta naniniwala sa mga ibinibintang sa idolo nila,” may point na hayag pa rin ni Corinne.
Sumisinghot na napatitig ako sa kanya. Sobrang nata-touch ako sa mga pampalubag-loob niya sa akin. She’s such an angel. Suwerte kami ni Leren na naging kaibigan ito dahil ang dami niyang words of wisdom. Ang galing niyang magpayo at magpagaan ng sitwasyon.
“Sige na. Huwag ka nang umiyak. Lalo kang pumapangit. Namumula lalo ang mga alaga mo sa mukha, oh. Kadiri,” ang kaso dahil pang-asar niya ay naitulak ko na naman siya nang wala sa oras.
“Ewan ko sa ‘yo!” Padaskol akong tumayo at lumabas ng kuwarto. Iniwan ko siya dahil baka kung anong magawa ko sa kanya. Binabawi ko ang sinabi ko na siya ay isang anghel. Isa siyang demonyita pala.
“Hoy, Xalene! Saan ka na naman pupunta?!” habol niya sa akin.
“Sa langit at hindi ka puwedeng sumunod sa akin dahil bawal doon ang demonyitang tulad mo!” pasigaw kong sagot kahit na sa kusina lang naman ako pupunta.
Narinig ko ang napakalutong na tawa niya. Kitam ang sama ng ugali. Geez!