***XALENE's POV***
"Ano pang ginagawa mo, Xalene? Sumabay ka na kina Sir Syver sa elevator," untag sa akin ni Kuya Noel.
"Oo nga pala. Paakyat nga rin pala ako," kako nang maalala kong dadalawin ko nga pala si Madam Soledad sa unit niya.
"Dali na para maabutan mo sila."
"Okay lang po kaya?"
"Oo naman. Mabait si Sir Syver."
Nagliwanag ang mukha ko. Wala naman palang problema kong in love na ako sa Syver na iyon, mabait naman daw. "Kung gano'n ay sige, Kuya Noel, maiwan na kita rito. Daanan na lang kita ng pagkain paglabas ko kapag may nakita ako sa ref ni Madam."
Sumaludo na lamang sa akin ang napakabait sa akin na guwardya simula't sapol.
Ngumiti naman ako pagkatapos ay tumakbo na patungong elevator. Tamang-tama lang dahil kakapasok lang ni Sir Syver at mga tauhan niya.
"Sandali po! Sandali po! Sasakay din po ako!" sigaw ko para alam nilang may sasakay pa. Nakahabol naman ako pero pasara na ang pinto ng elevator.
Naknamputsa! Wala man lang sa kanila na pumindot sa door open o sa door hold button upang hindi magsara. Nanatiling nakatayo habang nakapamulsa si Sir Syver at ang apat naman na lalaki sa likod niya'y nakatingin lang lagpas sa akin na animo'y mga robot.
At ang shunga ko rin dahil natulala naman ako imbes na pigilan ko ang mga pinto na magsara. Hindi ako nakakilos dahil nagtama na naman ang mga mata namin ng napakaguwapong si Sir Syver. Na-starstruck na naman ako sa kanya. Natitig ako sa napakatapang kung tumingin pero napakagandang mga mata niya. Animo'y minamagneto ako ng blangko niyang tingin upang lumapit ako sa kanya at halikan ang namumulang mga labi niya.
"Luh!" Hanggang sa namalayan ko na lamang na nawala na siya sa paningin ko. Tuluyan na palang nagsara ang elevator.
Napanganga ako. Hindi ako makapaniwala. Sinaraduhan ako? Iniwan ako? Ayos, ah!
Unti-unti ay tumubo ang panibugho sa naglalakad na red flag na mga lalaking iyon, lalo na kay Sir Syver. Naniningkit ang mga mata kong iniisip na binabalatan ko sila ng buhay. Mahirap bang pindutin ang door open button? Buwisit sila!
"Guwapo ka nga! Hindi ka naman gentleman! Tse!" inis ko nang sigaw.
"Anong nangyari, Xalene? Bakit hindi ka sumakay? May problema ba?" saklolo sa akin ni Kuya Noel. Agad siyang nakalapit sa akin. Sinuri pa niya ang pinto ng elevator.
"Wala pong problema ang elevator, Kuya. Ang may problema ay ang mga lalaking sumakay. Pinagsarhan ako ng mga bastos," himutok ko.
Napamaang ang guwardya. "Talaga? Ginawa iyon ni Sir Syver?"
"Ay, hindi po. Ako po ang gumawa nito sa sarili ko," sa inis ko ay pamimilosopo ko sa kanya.
Nagkamot siya ng batok. "Ah, baka nagmamadali na naman sila. Ganoon sila kapag nagmamadali. Parang walang nakikitang ibang tao. Ikaw na ang umunawa sa mga VIP."
Bumuntong-hininga ako. Pinayapa ko ang sarili ko pero hindi dahil nauunawaan ko na ang mga unggoy, kundi dahil nahiya ako sa inasal ko kay Kuya Noel. Hindi tama na siya ang pagbuntungan ko ng inis ko.
"Ayos lang, Kuya, pero siguro maghahagdan na lang ako," kako sa mahinahon nang boses.
"Huh? Bakit? Eh, mamayamaya magbubukas na rin itong elevator." Pinindot-pindot ni Kuya Noel ang up and button.
"Hindi na ho. Ayokong masinghot ang naiwang hininga ng mga unggoy na iyon sa elevator na 'yan. Baka lalo lang akong mabuwisit sa kanila," pagdadahilan ko.
"Ikaw talaga palabiro ka kahit kailan."
Umasim ang mukha ko. "Hindi po ako nagbibiro, Kuya Noel. Seryoso po ako."
Natulala na sa mukha ko ang mabait na guwardya. Ang sarap tawanan ng hitsura niya sana kung hindi lang ako na-batdrip sa Syver na iyon at sa mga tauhan niya. Panira sila ng mood.
"Sige, Kuya, dito na ako," paalam ko na sa kanya. Inumpisahan ko nang humakbang patungong hagdanan.
"Xalene, heto na ang elevator," narinig ko pang tawag sa akin ni Kuya Noel pero nagbingi-bingihan ako.
Seryoso talaga ako. Ayokong maamoy ang anumang amoy o hangin na naiwan ng limang gunggong sa elevator kaya hindi ako sasakay. Nakakainit sila ng bunbunan.
Ang kaso'y nakalimutan ko na nasa 15th floor nga pala ang unit ni Madam. Wala pa yata ako sa 4rth floor ay laylay na ang dila ko sa pagod.
Ano ba etey? Ang alam ko dadalaw lang ako sa dating amo ko bakit parang sa penetensya ako napadpad? Kaloka.
"Hoh! Ayaw ko na!" Hindi nagtagal ay pagsuko ko sa mga hagdan. Nasa 6th floor na ako at hindi ko na talaga kayang umakyat pa. Nilunok ko na lang ang pride ko. Hapong-hapo ako na lumabas na sa may hagdanan at nagpasyang sumakay sa elevator.
"Kasalanan 'to ng Syver na 'yon!" paninisi ko sa unggoy. Napagod na ako, nagmukha pa akong tanga. Lintik siya.
Wala sa sariling basta na lang ako pumindot sa floor selection button at hinimas-himas salitan ang mga binti ko. Pero ang alam ko talaga ay number fifteen ang pinindot ko. Laking pagtataka ko na lamang nang lumabas ako sa elevator. Hindi kasi ako sa 15th floor nakarating kundi sa rooftop. Masyado akong lumagpas.
Ay sus! Natampal ko ang noo ko.
Panay ang buntong-hininga ko na pinindot ang down button ng elevator. Bababa na naman ako. Asar ko naman talaga.
Hanggang sa naingganyo ako na magpahangin na lamang sa rooftop. Na siguro dinala ako ng mga paa ko rito dahil mas makapag-isip-isip ako rito. Na mas kailangan kong mapag-isa kaysa makipagdaldalan kay Madam Soledad.
Napagpasiyahan kong umupo sa concrete parapet railing ng rooftop kaysa sa bench na pasadyang nilagay roon para sa gustong magpahangin. Masayang pinanood ko ang mga ilaw ng iba't ibang establisyemento. Parang mula roon ay natatanaw ko ang buong ka-Maynila-an.
Ang ganda ng mga ilaw. Parang mga alitaptap na iba-iba ang mga kulay.
Sunod ay tumingala naman ako sa langit. I looked at the stars in the darkest of the night. Binilang ko at hiniling na sana diamonds na lang sila na puwedeng pitasin. Kahit isa lang nang sa ganoon bukas ay may ibebenta ako't isasaksak ko sa baga ni Karylle.
Sampung milyon? Kinuha ko raw ang napakalaking pera na iyon. Napakasinungaling ng gaga. Dapat sa kanya naging writer hindi vlogger.
Nalungkot akong nagpakawala ng napakalalim na buntong-hininga. Sa kawalan naman ako tumingin. Sana nga ninakaw ko na lang ang perang iyon para kahit tuluyang masira ang career ko ay may pera ako. Hindi ganito na hindi ko alam ang gagawin oras na mawala ang pinaghirapan kong pangalan.
Pangalan na nga lang sa U-Tube channel ko ang maganda sa akin, nasira pa. Kainis!
Malaman ko lang kung sino ang totoong tumangay ng sampung milyon na iyon ay kakatayin ko talaga ng buhay. Makikita niya.
Nayakap ko ang sarili ko dahil sa pag-ihip ng malamig na panggabing hangin. 'Tapos ay yumukod ako sa baba para makita ko naman kung gaano kataas ang kinaroroonan ko.
"Whatever you're planning, huwag mong itutuloy, Miss. Crowded na sa impyerno, huwag ka nang dumagdag pa." Nagulat na lang ako nang bigla ay may nagsalita na lalaki sa aking likuran.
"Oy!" Muntikan na akong mahulog nang pabigla akong lumingon sa kanya.
"Careful!" Sigurado sana na laman na ako ng balita bukas na nagpakamatay kung hindi mabilis ang kilos ng lalaki. Sa isang iglap ay nahawakan niya ako sa baywang at parang papel lamang ako na binuhat niya paalis sa concrete railing.
"Sala—" pasasalamat ko sana.
"Kung gusto mo talagang magpakamatay huwag dito sa Trump Tower. Huwag mong idamay ang mga taong nananahimik dito sa magulo mong buhay," pero inunahan niya akong sabi.
Napanganga akong itinuro ang aking sarili. "Ako? Magpapakamatay? Imbento 'to, ah," kako pero hindi lumabas sa bibig ko. Nakilala ko na kasi kung sino siya. Si Sir Syver pala.
Tila nahipnotismo na naman niya ako. Hindi ko talaga mapigil ang sarili ko na humanga sa kakisigan niya. Ang mga mata ko'y parang nagkaroon na ng sariling buhay na naglalakbay sa guwapong mukha niya.
"No matter your problem or how serious it is, it's still not right to try taking your own life," sabi pa niya.
Gustong-gusto kong itama ang maling akala niya, sabihing nagpapahangin lang ako at nag-iisip, pero hindi ko naman magawa dahil nakatulala pa rin ako sa mukha niya.
At tuluyang wala na akong nasabi nang may narinig akong ugong ng chopper sa himpapawid na paparating. Napatingala ako sa langit.
"Kailangan na nating umalis, boss," lapit sa kanya ng isang tauhan niya.
Tumango si Syver at tumalikod na sila sa akin. Walang lingon-lingon at mabilis ang mga kilos nila na sumakay sa chopper nang bumaba sa helipad.
Nakatunganga pa rin akong inihatid sila ng tanaw. Hanggang sa lumiit nang lumiit na parang tutubi sa aking paningin ang chopper na papalayo.
Nang hindi ko na matanaw ay ipinilig ko na ang aking ulo at tinampal-tampal ang mga pisngi ko. Noon lang nagbalik ang huwisyo ko.
Ano bang itong nangyari sa akin? Ilang beses naman na akong nakakita ng mga guwapo, ah, bakit ako umakto na parang first time ko? At sa harapan pa talaga ng unggoy na 'yon?
Aisst!