***XALENE's POV***
“Ready ka na, Xalene?”
“Opo, Miss Felicity.”
Tinulungan ako ni Miss Felicity na ipasok ang maleta ko sa trunk ng kanyang kotse.
“Bakit po kayo nakangiti?” pagkuwan ay pansin ko sa kanya dahil ang ganda ng pagkakangiti niya.
“It's nothing, I just remembered something.”
“Ano po ‘yon?”
“Naalala ko noong inihatid ko rin si Leren sa villa ni Zrion. Malaka ang kutob ko na may mauulit na pangyayari.”
“Po?” bulalas ko. Hindi ko kasi maunawaan. “Anong mauulit po?”
Mas lumuwang ang pagkakangiti ni Miss Felicity. “Never mind, Xalene. Ako nama’y nangangarap lang. Malay natin.”
Napanguso ako. “Hindi ko talaga kayo maintindihan. Nababaliw ka na po ba, Miss Felicity?”
Natatawa siyang napahugot ng hininga. “Ikaw talaga. Basta kalimutan mo na ‘yon. Wala ‘yon. Naalala ko lang talaga si Leren.” At isinara na niya ang trunk. “Let’s go?”
“Sige po,” napapantastikuhang sagot ko naman.
Isang huling suri ko muna sa apartment ko kung naka-lock na ba lahat bago ako sumakay na kotse ni Miss Felicity.
WALA MUNA kaming naging imikan sa byahe. Papasok na kami sa private road papuntang Trump Tower nang magsalita ako.
“Bakit po tayo nandito?”
“You do know this place?” Mabilis na sinulyapan ako ni Miss Felicity. “Nakapunta ka na rito sa Trump Tower?”
Madaming tango ang ginawa ko. “Dito po nakatira ang dating amo ako. Si Madam Soledad. Doon po sa sixteenth floor pero wala na po siya ngayon diyan.”
“Oh…” Ngumiti siya sa akin. “Kaya pala familiar ka.”
“Opo.”
“Don’t worry, wala tayong gagawin dito. Dito lang tayo sasakay papuntang Mount de Loro.”
Lumalim ang gatla sa pagitan ng mga kilay ko. “Mount? Bundok po? Anong gagawin natin doon?”
“Nandoon ang mansyon ni Syver. Nasa tuktok ng Mount de Loro. At tanging chopper lamang ang paraan para makapunta roon.”
“Po?” Napamulagat talaga ako.
Ngumiti siya sa akin kasabay nang pagtigil ng kinasasakyan naming kotse niya sa main entrance ng Trump Tower. Agad kong nakita si Kuya Noel, ang guwardya. Sakto na siya na naman ang duty.
“Hindi naman siguro nagbago ang isip mo, Xalene, hindi ba? Huwag kang mag-alala dahil isang text o tawag mo lang ay darating agad ang chopper na kukuha sa iyo oras na gusto mong umalis doon, pero huwag naman sana. Umaasa na sa iyo si Syver na magbabantay at mag-aalala sa mga aso niya.”
Syver? Trump Tower? Kuya Noel? It was as if someone had lit a lamp inside my head. Gumitaw na ang anyo ng isang mahanging ‘unggoy’ sa isipan ko. Naalala ko na. Alam ko na bakit pamilyar sa akin ang pangalang Syver.
Syver nga pala ang pangalan ng nagsara sa akin sa elevator dito sa Trump Tower, tapos pinagkamalan pa akong magpapakamatay.
Oh, my gosh, magiging amo ko ang kumag na unggoy na iyon?!
“Xalene, are you okay?”
“Uhm, Miss Felicity, iyong Syver na magiging amo ko po. Siya po ba si Syver na may-ari ng penthouse ng Trump Tower?” nanlalamig ang mga palad ko na paniniguro.
“Kilala mo si Syver? Anong ginawa niya sa iyo?”
“H-hindi po. Nakasabay ko lang siya noon sa may rooftop,” pagsisinungaling ko.
Bumalik ang ngiti sa labi ni Miss Felicity. “Akala ko naman kung na ang ginawa sa iyo.”
Isang pilit na ngiti ang bumalatay sa mukha ko. Confirmed. Anong gagawin ko? Paano kung nakikilala ako ni Sir Syver? Paano kung ayawan niya ako kasi ang tingin niya sa akin ay suicidal?
“Let’s go?” Nagtanggal na si Miss Felicity ng seat belt.
Wala akong nagawa kundi ang gayahin siya. Nakita kong inabot niya sa chauffeur ang susi ng kanyang kotse tapos ay binalingan niya ulit ako ng tingin na may ngiti.
Nang dumaan kami sa entrance ay pasimpleng niyukuan ako ni Kuya Noel. Tipid ko naman iyong sinuklian ng ngiti.
“Uhm, Miss Felicity, paano po kung hindi ako magustuhan ni Sir Syver na mag-alaga ng mga aso niya?” tanong ko nang naglalakad kami patungong elevator, wanting back out at the last minute. Parang hindi ko kaya na makita pa si Sir Syver.
“Hindi ‘yan dahil sabi nga niya ay kahit sino ang kuhanin ko basta mapagkakatiwalaan at may concern sa mga aso. Iyon lang naman ang mahalaga.”
“Paano po ‘pag ayaw ng pangit na yaya ng mga aso niya? Baka matakot sila sa mga pimples ko at lapain ako?” hirit ko pa.
Humagalpak ng tawa si Miss Felicity. “Are you nervous, Xalene?
Nag-iwas ako ng tingin. “Ang yaman-yaman po kasi pala ng magiging amo ko. Natatakot ako baka magkamali ako,” at dagdag pagdadahilan ko.
Magaang idinantay niya ang kamay sa aking balikat. “Huwag kang matakot. I assure you, mabait si Syver.”
Inaalala ko ang hitsura ni Syver noong gabi na iyon. Para namang hindi mabait. Parang lalapa rin ng tao. Yay!
Hindi nagtagal ay lumabas na kami sa elevator nang makarating kami sa rooftop ng Trump Tower. Eksakto na paparating na ang chopper na susundo sa amin.
Lalo akong ninerbyos. Tinitingala ko pa lang kasi ang chopper ay nalulula na ako, paano pa kaya mamaya na sasakay na kami?
“Miss Felicity, what if akyatin na lang natin ang Mount de Loro? Mas maganda naman yatang mag-trekking kaysa sumakay diyan sa chopper?” hirit ko na naman. I couldn’t shake off the nervousness I was feeling. Halu-halong nerbyos na, juskolord.
“Relax lang, okay?” sabi niya lang sa akin.
Saglit ay bumaba na ang chopper. May dalawang lalaki na bumaba upang umalalay sa amin sa pagsakay.
“Tara na, Xalene,” akay sa akin ni Miss Felicity.
Napangiwi na talaga ako. “Ayokong sumakay diyan, Miss Felicity. Baka biglang bumagsak. Ayaw ko pa pong mamatay.”
OA na kung OA pero sa bus nga takot ako minsang sumakay lalo na kapag ordinary na bus dahil parang lilipad sa sobrang bilis ng pagmamaneho ng mga kaskaserong driver. Dito pa kaya na literal na lilipad? Woaaahhhh!
Isang malakas na tawa ang pinakawalan ni Miss Felicity. “Hindi ko alam na matatakutin ka pala sa heights, Xalene?”
“Hindi naman po. Ibang usapan lang po diyan,” nangangatal na katwiran ko. Ang tingin ko sa chopper ay parang nakasakay na roon si Kamatayan na naghihintay sa amin. Nakailang lunok tuloy ako.
“Sige na. Tulungan niyo siya,” utos na ni Miss Felicity sa dalawang lalaki.
“Huwag po!” parang iiyak na pakiusap ko naman sa kanila nang hawakan nila ako sa magkabilang braso. Walang anu-ano nila akong binuhat kaya nagmukha tuloy akong unggoy na binitbit nila. Sapilitan nila akong ipinasok sa chopper.
“Ayokong sumakay!” iyak ko. Iniharang ko ang mga paa kosa pinto para hindi nila ako maipasok pero nagawan pa rin nila ng paraan.
“Woaahhhh!” atungal ko na lang nang nagwagi silang naipasok ako sa loob ng chopper.
Tawang-tawa sa akin si Miss Felicity.
“Nanay ko po!” Nakailang sign of the cross naman ako nang naramdamang kong nag-umpisa nang umakyat sa ere ang chopper. Parang gusto ko agad sumuka. Nalula agad ako.
“Xalene, calm down. Walang mangyayaring masama sa atin,” nakatawang pampakalma naman sa akin ni Miss Felicity. Mahigpit na hinawakan niya ang kamay ko.
“Baka biglang sasabog po ito,” iyak ko naman na walang luha. Walang halong biro, takot na takot talaga ako.
Nakakainis pa si Miss Felicity dahil panay ang tawa niya sa akin.
“Huwag mo po akong tawanan,” angal ko tuloy sa kanya.
“Sorry, sorry.” Mabait na pinunas ng palad niya ang pawis ko sa noo.
“Yay!” Napakapit na talaga ako sa braso niya at napapikit ng mariin nang gumiwang ang chopper. Ang sama sa pakiramdam sa tiyan. Katulad siya ng pakiramdam ng pababang ferris wheel.
Sa loob ng ilang minuto na nasa ere kami ay ganoon ang hitsura ko. Bagaman medyo nawala ang lula ko ay takot pa rin ako dahil sa kung anu-anong senaryo sa balita na pumapasok sa isip ko tungkol sa pag-crash ng eroplano o ng helicopter.
Minsan pa lang ako nakatikim ng langit sa pulubi pa, huwag naman sana literal na langit na agad ang matitikman ko. Aguy!
“Nandito na tayo, Xalene,” mayamaya ay imporma sa akin ni Miss Felicity.
Sobrang naginhawaan ako. “Talaga po?”
“Oo.”
“Buhay pa po ba tayo?”
Natawa na naman sa akin si Miss Felicity. “Oo naman. Ano ka ba?”
Napangiwi ako. “Sorry po, Miss Felicity. Hindi lang talaga ako sanay na sumakay ng ganito. Mas sanay ako sa jeep o tricycle po.”
“It’s okay. Normal lang naman na matakot,” aniya at hinagod niya ang likod ko na parang bata.
“By the way, ayon ang mansyon ni Syver,” dikawasa’y turo niya sa ibaba.
Pinilit kong tingnan ang sinasabi niya at natanaw ko na nga ang mansyon. Parang laruan pa lang kaliit mula sa himpapawid ang mansyon pero tiyak kong ang laki niyon na bahay sa ibaba. Para siyang sa sikat na white house sa Washington D.C. na lagi kong napapanood sa balita. Sobrang nakakamangha.
“P-paano po naipatayo ang malaking bahay na iyan sa tuktok ng bundok?” manghang-mangha na naiusisa ko.
“Limang taon din ang ginugol ni Syver bago niya naipatayo ang dream house niya na iyan,” pagbibigay-alam sa akin ni Miss Felicity.
“Grabe, ang galing,” naibulalas ko pa. Nakanganga ang mga labi ko. Sa pagkamangha ko sa mansyon ay nakalimutan ko na tuloy ang takot ko. Nawala sa isip ko na nasa ere pa kami.
Hindi nagtagal ay bumaba na ang chopper sa pinaka-helipad ng mansyon. Naliliyo na bumaba ako kasunod ni Miss Felicity.
“Ayos ka lang?” pansin sa akin ni Miss Felicity.
“Opo. Ayos na ako.”
Muntik na naman niya akong tawanan. Hindi lang nangyari dahil may isang matandang lalaki nang nagmula sa kung saan.
“Miss Felicity…” salubong nito sa amin.
“Kumusta, Mang Edgar?”
“Ayos lang naman po.” Nagyuko ng ulo ang matanda na Mang Edgar ang pangalan bilang paggalang kay Miss Felicity “Siya na po ba ang papalit sa akin pansamantala?” tapos ay pansin niya sa akin.
“Opo, Mang Edgar. Alam na po ito ni Syver.”
“Magandang umaga sa iyo, iha,” nakangiting bati naman niya sa akin na inilahad ang mga kamay at ikinulong roon ang mga palad ko, dahilan para makadama ako ng warmth sa pagtanggap sa akin. “Sana ay magustuhan mo rito.”
“Sana nga po,” sabi ko naman.
“Hali muna kayo sa loob,” paanyaya ni Mang Edgar sa amin. “Wala sa ngayon si Sir Syver dahil kinailangan niyang bumalik sa ibang bansa, pero sabi niya babalik siya agad oras na matapos niya ang aayusin doon.”
Napatingin ako kay Miss Felicity. Iiwanan akong mag-isa sa napalawak na mansyon? Luh!
“Lagi talagang wala si Syver,” sabi niya.
“Oo, laging wala si Sir Syver pero huwag kang mag-alala, iha, dahil tatlong araw pa naman bago ako aalis. Tuturuan muna kita. Magagamay ka muna rito bago ako aalis,” segunda ni Mang Edgar.
Tumango na lang ako. Gustuhin ko rin namang mag-back out ay hindi rin pala maaari. Paano ang nanay kung pare-parehas kaming walang trabaho na magkakapatid? Paano kung kailangan niyang maoperahan sa puso?
“Pasok kayo,” giya sa amin ni Mang Edgar papasok sa mansyon.
At kung maganda ang labas ng malaking bahay ay lalo sa loob. Maaliwalas ang lahat dahil sa floor-to-ceiling na wall glass. Kitang-kita ang labas; ang kalikasan. Malamig ang klima dahil nasa mataas na lugar. Puti ang lahat pati sa loob, mula sa pintura hanggang sa mga makabagong mga furniture.
Pero ang mas umagaw sa pansin ko ay ang mga painting ng mga aso hallway na dinaanan namin. Ang lalaking mukha ng mga iba’t ibang aso. Hindi naman halata na mahilig talaga sa aso ang bagong amo ko. Ang galing.
“Aw! Aw!” Isang nilalang pa ang sumalubong sa amin nang makarating kami sa napakalawak na living room. At isa siyang maliit na aso. Isang cute na cute na corgi. Kulay puti at orange ang kulay.
Tinatahulan niya kami ni Miss Felicity. Pero imbes na matakot ay lumuhod ako’t pinaamo siya.
“Ang cute mo naman.” Tuwang-tuwa ako nang mahawakan ko na siya’t makarga.
“Ang pangalan niya ay Kobe,” ani Mang Edgar.
Ngumiti lang ako sa matanda at patuloy sa paghimas sa ulo ng aso.
“Aba’y mukhang may mabuting puso ka talaga sa mga aso, iha. Nakuha mo agad ang loob ni Kobe,” sabi pa niya sa akin.
“Mahilig po kasi talaga ako sa mga hayop,” kako naman
“Kaya siya po ang kinuha ko para papalit sa inyo pansamantala, Mang Edgar,” sabi naman ni Miss Felicity.
“Mainam kung gano’n para hindi ka mahihirapan sa mga alaga ni Sir Syver.”
Lumiwanag ang mukha ko. “Kasama po ba si Kobe sa aalagaan ko, Mang Edgar?”
“Naku hindi, iha, dahil iyang si Kobe ay alaga ko iyan. Iyong mga aso ni Sir Syver ay naroon sa shelter. Mamaya ay ipapakita ko sila sa iyo.”
“Sige po.” Ibinalik ko ang atensyon ko sa cute at mabait na asong karga ko. Sana kasing cute niya ang mga aalagaan kong aso.
“Nadagdagan na naman ba ang aso ni Syver, Mang Edgar. Mukhang bago sa akin ang isang iyon,” mayamaya ay usisa ni Miss Felicity sa matanda.
Sinundan ko ang larawang itinuro niya doon sa hallway. Halos nagkandahaba ang leeg ko.
“Ay opo, ang panglimang aso po ni Sir Syver. Si Magnum po. Isang Cane Corso naman po siya. Binili pa niya sa Italy.”
Napakurap-kurap ako.
“Hindi na talaga makuntento sa mga aso niya. Kumuha pa talaga ng pinakamalaking aso. Tsk.” Umiling-iling si Miss Felicity.
Nalula naman na ako nang balikan ko ang tingin ng asong pinag-uusapan nila. Diyos ko, larawan pa lang ay parang halimaw na ang hitsura ng aso. Itim na itim. Parang isang uso ang hitsura at hindi aso.
“Sandali lang po,” singit ko sa pag-uusap nila nang hindi ako makatiis.
“Yes, Xalene?” si Miss Felicity.
Napalunok ako bago itinuro ang mga larawan ng mga parang halimaw na ang hitsura na mga aso. Kung hindi ako nagkakamali ay lahing Doberman ang isa, iyong sa pang-K9 na aso sa tapang. Golden Retriever naman iyong isa pa, iyong aso na tulad ng aso ni Marimar. Bulldog naman ang isa, iyong aso na parang naggi-gym sa laki ng katawan. At German Shepherd ang nasa huli, isa pang aso na madalas K9 pero kadalasan ay police dog.
“Si-sila po ba ang aalagaan kong aso ni Sir Syver? Ang mga nasa larawan?” lakas-loob ko nang tanong.
“Yeah,” sagot ni Miss Felicity.
“Oo iha,” sagot din ni Mang Edgar.
Nanlaki ang mga mata ko’t muntik nang mahimatay. Paktay!