***XALENE's POV***
“Sure ka ba? Mag-aalaga ka ng mga aso? Kaya mo?” Hindi mailarawan ang mukha ni Corinne. Hindi siya makapaniwala nang ibinalita ko sa kanya ang biglaang desisyon ko na kunin ang trabahong hinahanapan ng yaya ni Miss Felicity.
Nagkibit-balikat ako. Maingat kong inilalagay ang mga gamit ko sa maleta ko para bukas.
Bukas na agad ang sinabi ni Miss Felicity na punta namin sa mansyon ng kaibigan niyang magiging amo ko. Sobrang natuwa siya nang sinabi ko kanina sa tawag niya sa landline na hindi nagbago ang desisyon ko na kunin ang trabaho. Hulog pa nga raw ako ng langit.
“Sigurado ka ba sa gagawin mo? Baka makagat ka? Ang hirap magka-rabies, pimps.” Pag-ulit niya nang hindi ako nagsalita.
“Hindi naman ako papakagat. Isa pa, aso sila ng mayaman. Tiyak na kumpleto sila vitamins at bakuna,” katwiran ko na.
“Kahit na. Nakakatakot pa rin. Hindi ka kabisado ng mga asong iyon. Mamaya niyan lapain ka ng buhay o kaya naman—”
“Teka… teka…” sansala ko sa nakakahindik nang pinagsasabi niya. “Ginawa mo namang horror. Lalapain talaga?”
“Syempre, mga aso nga ‘di ba?” giit niya.
“Aso nga hindi aswang para lapain ako. Chill lang, okay?”
“Ay, bahala ka na nga,” sa wakas ay pagsuko niya.
Bumuntong-hininga ako’t itinigil ko muna ang pag-iimpake. Hinarap ko siya’t nagpaliwanag. Ayokong aalis na may tampo siya sa akin dahil hindi ko siya pinapakinggan. “Nerds, kailangan kong gawin ito, okay? Kailangan kong umalis habang hindi ko pa nababawi ang reputasyon ko sa vlogging. Kailangang may pagkaabalahan ako habang nagpapahinga dahil kung hindi ay baka makikita mo na lang akong umiiyak nang walang dahilan, kinakausap ang sarili ko, o kaya naman pinapaikot ko na ang bangs ko kasi nababaliw na ako.”
“Madami ka namang puwedeng gawin maliban sa pag-aalaga ng mga aso. Puwede ka namang magyaya, huwag lang sa mga aso. Madami akong kakilala na may anak. Hanapan kita,” protesta niya pa rin.
“Matatagalan pa. Heto, ‘andiyan na. ‘Tsaka nakakahiya kay Mis Felicity ‘pag mag-back out ako, nerds. Umasa na siya sa akin. Kahit ito man lang ay matulungan ko rin siya kasi ang laki rin ng naitulong niya sa akin,” may determinasyong paliwanag ko pa.
Napahugot ng paghinga si Corinne. Pagpapakita na nauunawan na niya ako. “Kung sabagay sa laki ng naitulong niya sa iyo ay wala pa sa kalingkingan niyon ang pag-aalaga mo ng aso ng kaibigan niya.”
“At ang kaibigan niyang iyon ay kapatid ni Doc Zrion, nerds,” pagbibigay alam ko pa sa kanya.
“Seryoso?”
“Uohm.” Tumango-tango ako. “Kaya nakatulong na ako sa kapatid ni Doc Zrion, nakabayad ako ng utang na loob, sasahod pa ako, mawawala pa ang depresyon ko. Okay na rin, hindi ba?”
Kumibot-kibot ang mga labi ni Corinne. “Bahala ka na nga. Basta mag-iingat ka do’n. Huwag kang papakagat sa aso. Ayokong mag-alaga ng kaibigan na may rabies sa ospital. My gosh.”
“Gaga!”
Natawa na kami parehas. Pagkatapos ay pinilit ko nang kinuha sa kanya ang cellphone ko dahil mahirap ang walang cellphone sa bagong trabaho na papasukan ko. Alanganin man ay isinauli naman niya sa akin bago siya umalis.
Matapos ni Corinne ay ang Ate Yoona ko naman ang naging bisita ko. Muling nagambala ang pag-iimpake ko nang bigla siyang kumatok.
“Ate, napasugod ka?” kinabahan man ako dahil napakalungkot ng hitsura niya ay masigla ko pa ring salubong sa kanya.
“Okay lang bang makausap ka, Xalene?”
“Oo naman. Pasok ka, Ate.” Iminuwestra ko sa kanya ang maliit kong salas.
Pagkaupo niya ay kinuhanan ko siya ng miryenda sa kusina.
“So, anong atin? Kumusta kayo sa bahay?” umpisa ko sa chikahan namin nang ilapag ko ang mango juice at sandwich sa center table.
Hindi ko na kinailangang alukin siya sa pagkain dahil kinuha niya agad ang baso ng juice. Animo’y uhaw na uhaw siyang ininom iyon.
Nagsalubong tuloy ang mga kilay ko. Sa ikinilos niya ay na-gets ko na na may problema siyang dala-dala sa pagdalaw niya sa akin.
“May problema sa bahay, Ate Yoona?”
Bigla na lamang pumatak ang mga luha ng kapatid ko. “Alam kong may pinagdadaanan ka ngayon sa career mo, Xalene. Nabasa ko online ang issue tungkol sa iyo, pero wala na kasi akong malapitan.”
“Iyon ba. Wala ‘yon. Tapos na iyon. Nagawan na ng paraan. Naibalik na ang sampung milyon na donations, Ate, kaya huwag kang mag-alala. Saka wala ‘yon. Wala akong ginawang masama kaya lalabas din ang katotohanan na malinis ang konsensya ko.”
“Alam ko. Hindi naman ako naniniwala na magagawa mo iyon. Kilala kita bata ka palang. Kahit piso na mapupulot mo noon sa bahay ay ibinabalik mo pa kay Nanay.”
Pinuno ko ng hangin ang dibdib ko sa pagsisikap na huwag ding mapaiyak. Ayokong umiyak at baka mamaga ang mga mata ko bukas. Nakakahiya na makilala ko ang bagong amo ko na maga ang mga mata ko.
“Salamat, Ate,” tipid na wika ko lang at ngumiti sa kanya.
Natahimik na si Ate Yoona. Napatitig siya sa baso ng juice na kanyang iniinuman.
Ipinatong ko ang kamay ko sa hita niya. Sa lalim nang napuntahan ng isip niya ay nagulat pa siyang napatingin sa akin.
“Sabihin mo na sa akin. Ano ‘yon? Anong nangyari sa bahay?”
“Si ano… si Nanay kasi…”
Nanlaki ng mga mata ko. “Anong nangyari kay Nanay?”
“Itinakbo ko siya sa ospital noong isang araw dahil inatake siya sa puso at hindi maganda ang lagay niya. Kailangan niyang manatili sa ospital para maobserbahan kung kailangan ba niyang maoperahan o hindi.”
“Huh? Bakit siya inatake?”
“Hinuli kasi si Gian ng mga pulis sa mismong loob ng bahay natin. Nakipagtalo siya kaya ayun, nanikip ang dibdib niya. Buong akala ko dahil lang sa nerbyos at galit niya sa pakikipagtalo pero nang dalhin ko siya sa ospital ay atake na pala sa puso.”
Animo’y binagsakan ng pader ang likod ko sa nalaman. “Dahil sa Gian na naman na iyon. Hanggang ngayon pa rin ba pinuprotektahan pa rin niya ang adik na ‘yon? Ano bang napapala niya sa taong iyon? Sakit lang naman sa ulo tapos ngayon sakit na sa puso.”
“Huwag ka nang magalit kay nanay. Anak lang talaga ang turing niya kay Gian.”
“Oo nga. Kinalimutan nga niya ako bilang anak dahil si Gian na lang ang tinuturing niyang anak. Hindi nga niya ako hinanap noong naglayas ako, ‘di ba?” puno ng hinanakit na sabi ko.
“Huwag ka namang ganyan, Xalene. Mahal ka ni Nanay.”
“Pero mas mahal niya ang Gian na ‘yon,” sumbat ko.
“Intindihan mo na lang dahil parang bunsong anak na niya si Gian.”
Parang sumakit ang ulo ko na nasapo ko ang noo ko. Napapikit ako sa sama ng loob sa sarili kong ina.
“Alam kong nagtatampo ka kay Nanay, Xalene, pero sana tulungan mo pa rin siya,” sumamo sa akin ni Ate Yoona. “Wala na akong malalapitan. Si Ate Zara, ubos na rin siya.”
“Syempre tutulong ako,” mapait kong sabi.
Nagkaroon ng pag-asa kahit paano ang mabait na mukha ni Ate Yoona. Ngumiti siya sa akin.
“Sandali lang,” kako sa kanya at tumayo. Tinungo ko ang kuwarto ko at inilabas ang pitaka ko. Halos manlambot ako nang makita ko ang laman niyon. Tatlong libo na lang pala. Gayunman, inilabas ko lahat iyon at binalikan ang kapatid ko sa sala. Ibinigay ko sa kanya ang lahat ng laman ng wallet ko.
“May bangko ka ba? I-wire transfer ko na lang ang dagdag. Iyan na lang pala ang natira sa cash ko. Ibili mo na lang muna iyan ng makakain niyo at gagamitin niyo sa ospital.”
“Sige. I-chat ko na lang ang details ng bangko ko,” aniya na nahihiya.
Tumango ako.
“Pasensiya ka na talaga, Xalene. Imbes na panggastos mo ay napunta pa sa amin.”
“Ayos lang. Kapag may kailangan ay sabihin mo lang sa akin. Tawagan mo ako agad.”
“Pero wala ka nang raket? Galit na galit pa sa iyo ang mga followers mo sa U-Tube.”
“Meron na ulit simula bukas.”
“Talaga?”
“May papasukan akong trabaho at start na ako bukas kaya ikaw na ang magsabi kay Nanay kung bakit hindi pa ako makakadalaw sa kanya. Kapag nagkaroon na lang ako ng day off.” Hindi ko na kailangang sabihin ang saktong magiging trabaho ko. Sapat nang malaman ni Ate na may trabaho pa rin ako sa kabila ng nangyari sa career ko upang hindi siya mahihiya na humingi ulit sa akin ng tulong pagdating sa pinansyal na pangangailan ni Nanay.
“Promise mo ‘yan, ah? Siguradong matutuwa si Nanay at aasa na makikita ka niya ulit. Hindi man sinasabi ng matanda pero alam ko na miss na miss ka na niya.”
Sasabihin ko sanang ‘Weh?’ pero binawi ko. Malungkot akong ngumiti at tumango na lang. Seryoso ang lagay ni Nanay, hindi tama na pairalin ko pati ngayon ang kakulitan ko. Set aside muna ang pagiging komedyante.
At kung tutuusin ay may oras pa naman sana ako upang dalawin ang nanay ko. Ang kaso ay nangangamba ako na hindi pa oras para muli kaming magkita. Natatakot ako na baka hindi pa naghilom ang sugat sa puso ko dahil sa mas pagpapabor niya sa Gian na iyon.
Tama lang siguro na saka na lang. Hindi naman siya pababayaan nina Ate Yoona at Ate Zara. Kahit wala ako sa tabi niya ngayon ay alam kong magiging maayos ang lagay niya.
“Ubusin mo lahat ‘yan bago ka umalis,” sabi ko kay Ate na itinuro ang sandwich at juice.
Sinikap naman ni Ate na ngumiti sa kabila ng dalahin niyang problema. Hindi nagtagal ay nagpaalam na rin siya na umalis. Kailangan na raw niyang bumalik sa ospital dahil may mga gamot na inireseta raw ang doktor na kailangang mabili na niya.
Naiwan akong mag-isa sa apartment na lalong naging malungkot, lalong bumigat ang atmosphere. Para tuloy akong nasu-suffocate.
Sana tulungan ako ng Diyos na malampasan ang sabay-sabay na pagsubok na ito. Sana makaahon pa ako.
Hindi ko tuloy matiyak kung paano ako nakatulog sa dami ng iniisip ko nang gabing iyon. Ang alam ko’y bigla na lamang akong nagising kinaumagahan nang marinig kong may nagbusina sa labas.
Si Miss Felicity na malamang. Sinusundo na niya ako.
Humugot ako nang napakalalim na buntong-hininga bago bumangon. Wala nang atrasan ito. Mag-aalaga na talaga ako ng mga aso. Hindi na lang para sa sarili ko kundi pati na rin sa nanay ko.
Fighting!