CHAPTER 9

2422 Words
***XALENE's POV*** Hindi ko pa man nakikita ang mga naglalakihang aso ay parang gusto nang magbago ang isip ko. Para akong nasa gitna ng riles na hindi malaman kung kung aabante pa rin ba ako o aatras na bago pa dumating ang tren. Ang tanga ko pala para isiping ordinaryong mga aso lang ng isang bilyonaryo ang aking aalagaan. Hindi ko rin masisisi si Miss Felicity dahil ilang ulit nga pala niyang sinabi sa akin na giant breed dogs ang mga aalagaan ko. Kasalanan ko talaga dahil hindi ko man lang naisip na kapag sinabing giant breed dog ang isang aso ay malalaki. Giant nga, eh. Kainis, mukhang nagdilang anghel si Corinne na lalapain ako ng mga aso. Huwag naman sana. Cross finger. “Is there a problem, Xalene?” bahagyang nakakunot ang noo na pansin ni Miss Felicity sa akin. She was puzzled sa nakikita niyang pagngiwi-ngiwi ko at pag-cross finger. Kinailangan ko pang lumunok bago sumagot. “W-wala naman po. Nagulat lang po ako dahil ang lalaki pala ng mga aso ni Sir Syver.” “Huwag kang mag-alala mababait sila,” assurance naman ni Miss Felicity. “At saka matatalino. Natitiyak kong magugustuhan ka nila dahil alam ng mga aso kung sino ang mabait at hindi. Naaamoy nila daw.” Kaysa matuwa ay nabulunan ako ng sariling laway ko. Parang may nalasahan akong maasim sa bunganga ko pati. Iyong mapagkakatiwalaan sure ako na mapagkakatiwalaan ako. Pero iyong mabait? Iyon ang hindi ko na tiyak. Pang-asar pa ang utak ko dahil mabilis na ipinaalala ang mga ginawa kong mga panlalait, lalo na kina Leren at Corinne. “Oo, mabait naman ang mga aso, iha. Huwag kang mag-alala,” sabi rin ni Mang Edgar. “Sana nga po,” napilitan kong sabi na lang din. “Mamaya na lang kita ipapakilala sa mga aso, iha. Magpahinga muna kayo at itutuloy ko na ang pagluluto nang matatanghalian natin.” Ngumiti si Miss Felicity. “Kailangan mo ba ng tulong, Mang Edgar?” “Kaya ko na iyon. Mag-iihaw na lang naman na ako ng bangus. Tatawagin ko na lang kayo ‘pag kakain na. Mag-relax muna kayo ritong dalawa.” Nakangiti naming inihatid ng tanaw si Mang Edgar. Kumawala si Kobe sa pagkakarga ko at sumunod sa kanya. Bigla akong nainggit. Sana all may aso. “Nagbabago ba ang isip mo, Xalene?” Nawala ang ngiti sa mga labi ko. Frustration flared inside me. Bago ako umamin ay nalilitong tumabi ako ng upo kay Miss Felicity. “Hindi naman po. Natakot lang ako konti.” “Ayos lang ‘yan. Kailangan mo lang ng adjustment. Parehas lang din ito kapag bata ang aalagaan mo. Kailangan mo ring kunin ang loob nila, hindi ba?” Muli akong napatingin sa mga larawan ng mga aso. “Kaso ang bata po nangangagat lang. Sila yata nanlalapa. Hindi kaya maging gutay-gutay ang katawan ko oras na lumapit ako sa kanila?” Tinawanan lang ulit ako ni Miss Felicity. Tinapik-tapik ang aking hita. “Pakisabi na lang po sa pamilya ko na mahal na mahal ko sila kapag hindi ako nakaligtas sa mga aso, Miss Felicity,” seryosong bilin ko naman. “Teka, saan namang nanggaling ‘yon? Ikaw talaga. Kayang-kaya mo ito. Magtiwala ka lang sa sarili mo para magtiwala sa iyo ang mga aso.” Nanlupaypay ang mga balikat kong sumandal sa napakalambot na upuan. Kinagat-kagat ko ang hinlalaking daliri ng kamay ko. Duda talaga ako na makakaya kong paamuin ang limang aso at gampanan na maging taga-alaga nila. Parang kailangan ko ng himala. Naging busy saglit si Miss Felicity sa cellphone niya. Sinamantala ko iyon para pakititigan pa ang mga larawan ng mga aso. Well, hindi naman talaga sila nakakatakot kung tutuusin. Nawewendang lang ako dahil ang lalaki nilang aso. Mas sanay akong pet iyong mga breed na Shih Tzu, Chihuahua, Pomeranian, at iyon nga tulad ni Kobe na Corgi. Huminga ako nang malalim. Sabagay, dragon nga napapaamo sa mga pelikulang napanood ko, mga aso pa kaya? Gaga, sa pelikula lang ‘yon! asar ko naman talaga nang kontra pa sa akin ng konsensya ko. Hindi na lang sumang-ayon, eh. “By the way, nasabi ko na ba sa iyo kung magkano ang magiging salary mo?” “Hindi pa po,” sagot ko. “Sana malaki para hindi ko na maisipan pang mag-back-out,” pero sa isip-isip ko. “Si Syver ang nag-chat at sabi niya sabihin ko raw sa iyo na fifty thousand pesos ang magiging sahod mo monthly.” “Fifty thousand pesos po?” panlilinaw kong tanong habang nagiging peso sign ang mga itim na bilog sa mga mata ko. Paanong hindi ako matatakam sa fifty thousand pesos? Eh, minsan ganoon na ang sahod ko sa U-Tube sa isang content ko na may one million views. Hindi na rin pala masama. “Yes, Xalene. Fifty thousand pesos a month in exchange for taking care of his dogs, so he was hoping that you won't change your mind. Sana raw ay matiis mo ang mga alaga niya hanggang sa bumalik si Mang Edgar. And don’t worry dahil kapag nagustuhan niya raw ang trabaho mo ay bibigyan ka rin niya ng bonus. Ayos na ba ‘yon?” Napamata ako sa makinis na mukha ni Miss Felicity. “Seryoso po? Kahit pansamantalang yaya lang ako ng mga aso ganoon ang magiging sahod ko plus may bonus pa?” “Yes, of course. At huwag kang mag-alala dahil hindi mo kailangang maglinis nitong mansyon. Every weekend may mga darating para maglinis. Ibig sabihin ang mga aso lang talaga ang trabaho mo rito.” “Talaga po?” Disbelief was all over my face. Kung susumain ko kasi ay parang sampung libo kada isang aso. Hindi na talaga masama sa katulad kong desperadang nangangailangan ng pera. Tumango siya habang nakangiti. “Talagang talaga po?” She chuckled. “Talagang talagang talaga,” at ulit niya. Medyo nagkandapilipit pa ang dila niya. Mukha talaga akong pera, sino bang hindi, kaya kinilig na akong ngumiti kay Miss Felicity. Hindi ko na kailangang sumagot. Sa malapad na pagkakangiti ko ay sapat nang kasagutan na tinatanggap ko na talaga ang trabaho. Ang shunga ko na kung mag-iinarte pa ako. . . . TANGHALI. Tinawag na nga kami ni Mang Edgar para sa tanghalian. Sa malawak at marangya na balkonahe ng mansyon niya kami dinala. At dahil mukhang ilang beses nang nakarating sa lugar si Miss Felicity ay ako lamang ang napapanganga sa kagandahan ng lugar. “Ang ganda naman dito.” Mula sa kinauupuan namin na outdoor dining table with chairs ay tanaw na tanaw ko ang panorama ng karagatan. Kitang-kita ko ang mga kalmadong alon, mga maliit na isla, at kahanga-hangang mga kulay ng langit na kahit tirik ang araw ay hindi mararamdaman ang init dahil natatalo ng preskong hangin. Kung may mag-i-interview nga siguro sa akin ngayon at papipiliin ako kung saan ko gustong tumira. Sa Maynila ba o dito? Agad kong maisasagot na dito, dito sa mansyon hanggang pagtanda. Amazed na amazed talaga ako. Nasa tuktok na nga ng bundok ang mansyon, napapalibutan pa pala ng dagat. Marvelous. “Introvert po ba si Sir Syver, Mang Edgar?” hindi ko napigilang usisa sa matanda habang pinagsasaluhan namin ang mga seafoods na inihanda niya. “Introvert?” Mukhang hindi siya pamilyar sa salitang banyaga na sinabi ko. “Introvert po. Ibig sabihin ayaw niya na may kapitbahay na mga tsismosa,” hindi tama na paliwanag ko naman. Kamuntikan na tuloy maibuga ni Miss Felicity ang kanyang kinakain na alimasag. “Mukhang ganoon na nga, iha. Mas gusto kasi ni Sir Syver na tahimik lang lagi ang kinaroroonan niya,” sabi naman ni Mang Edgar. “Paano po ‘yon? Ang ingay kong tao?” kako naman. Sinenyasan ako sa mata ni Miss Felicity na huwag kong paglaruan sa kakulitan ko ang matandang inosente. Ipininid ko na nga ang mga labi ko bilang pagsunod. “Mukhang mabait ka naman kaya natitiyak kong magkakasundo kayong dalawa,” may katiyakang sabi pa ni Mang Edgar. At kahit paano ay napaglubag iyon sa mga agam-agam ko pang natitira. Patapos na kami sa pagkain nang tumunog naman ang papa-lowbat ko nang cellphone. Si Ate Yoona ang tumatawag sa akin nang suriin ko ang screen. “Si Ate ko. Sagutin ko lang po’t baka tungkol kay nanay,” excuse ko kina Miss Felicity at Mang Edgar. Tinanguan naman nila ako. Medyo lumayo ako sa kanila bago ko sinagot ang tawag ng kapatid ko. “Ano ‘yon, Ate?” patanong na bungad ko kahit may ideya na kung ano ang itinawag nito. Kinakabahan ako. “Tungkol kay Nanay, Xalene,” garalgal na tinig niya sa kabilang linya. Tama nga ako. “Bakit? Anong balita?” Tinatagan ko ang boses ko. Ipinagdasal ko na sana hindi ang masamang pumasok sa isip ko ang sasabihin niya. “Nakausap ko na ang doktor at ang sabi ay may nakitang butas sa puso ni Nanay. Ventricular septal defect o VSD daw. Isang kondisyon kung saan mayroong butas o pagkakabukol sa septum o pader ng puso na naghihiwalay sa dalawang ventricle nito. At kung hindi maisasara ay maaaring magresulta sa hindi normal na daloy ng dugo sa puso ni Nanay na maaaring magdulot ng mga sintomas at iba pang mga komplikasyon sa kanya.” Natulala ako ng ilang sandali. Sa totoo lang ay wala akong naintindihan sa mga sinabi niya. Ang naunawaan ko lang ay ang salitang may butas sa puso ang nanay namin. Magkaganunpaman, nakaramdam na agad ng matinding takot para sa buhay ng nanay ko. “Kailangan maoperahan si Nanay, Xalene, sa lalong madaling panahon sabi ng doktor,” dagdag ni Ate. Sumisinghot na siya. Umiiyak na. Ilang segundo munang prinocess ko sa utak ko ang lahat bago ako nakapagsalita. “Eh, di gawin na operasyon.” “Paano? Kailangan daw ng malaking halaga, eh.” “Gawan na lang natin ng paraan. Sabihin mo sa doktor na operahan na muna niya si Nanay.” Wala akong worried pagdating sa pera. Pera lang ‘yon, nagagawan ng paraan. Ilang beses na ba akong naubusan at nangailangan? Maraming beses na pero nagagawan ko pa rin naman ng paraan. “Eh, baka aabot sa milyon ang magagastos para sa VSD repair. Open-heart surgery raw kasi iyon.” Umawang ang mga labi ko. Kinailangang lumanghap ako ng hangin. Sumikip kasi ang dibdib ko. Nakaramdam din ako ng guilt. Ganoon na pala kasama ang lagay ng nanay ko pero hindi ko man lang nagawang silipin. “Xalene, nandiyan ka pa?” “Oo, Ate.” “Sorry kung sinasabi ko ito sa iyo kahit na alam kong may pinagdadaanan ka rin. Hindi bale magagawan naman siguro namin ito ng paraan ni Ate Zara. Tinawagan lang kita para malaman mo rin sana ang lagay ni Nanay.” Umiling-iling ako kahit hindi niya nakikita. “Ayos lang, Ate. Mabuti nga’t sinabi mo nang makagawa rin ako ng paraan.” “Balak naming ibenta o isangla iyong bahay kaya huwag kang masyadong ma-stress.” Natahimik na naman ako. “Ayos lang ba sa iyo?” “O-oo naman. Kung anong alam niyo na makakabuti kay Nanay ay gawin niyo. Gagawin ko rin kung anong maitutulong ko.” “Salamat, Xalene.” “Tawagan mo ako lagi, Ate.” “Sige.” Iyon lang at narinig ko na ang mahinang klik sa kabilang linya. Nawala na sa linya si Ate Yoona. Isinuksok kong muli ang cellphone sa bulsa ng pantalon ko. I muttered something suitably nasty. I couldn’t help it. Sobrang naiinis na kasi ako. Bakit parang ang malas-malas ko naman yata ngayon? Kung makadagsa ang problema ay parang wala nang bukas, ah? Asar! Sunod-sunod na pagbuga ng hangin nag ginawa ko bago ko binalikan sina Miss Felicity at Mang Edgar. Kumakain na sila ng dessert. “Ang sarap naman niyan,” parang wala akong natanggap na bad news na masigla kong puna sa kinakain nilang biko. “Si Mang Edgar daw mismo ang gumawa nito, Xalene. Tikman mo dali. Ang sarap,” engganyo sa akin ni Miss Felicity. Excited ko ngang tinikman iyon. Sa kilos ko ay hindi talaga mahahalata na may malaki na naman akong problema. Mahihiya na kasi ako kay Miss Felicity kung pati ang problema ng pamilya namin ay tutulungan niya ako. Abusada na ako kapag ganoon. “Ang sarap nga. Sakto lang ang tamis,” papuri ko naman kay Mang Edgar matapos kong namnamin ang malagkit. “Asawa ko talaga ang nagluluto ng biko. Natutunan ko lang sa kanya,” pa-humble naman ng matanda. At nakita ko ang ningning ng mga mata niya sa pag-alala niya sa kanyang asawa. Mukhang miss na miss na niya ang misis niya kaya gustong magbakasyon. Kinilig naman ako. Matapos naming i-enjoy ang biko ay naging hudyat iyon kay Miss Felicity para lisanin ang mansyon. Tinawagan na niya ang piloto ng chopper ni Sir Syver. “Ano aalis na ako? Magiging ayos ka dito, ‘di ba?” aniya sa akin nang marating namin ang helipad. “Opo. Salamat po sa paghatid, Miss Felicity. Asahan niyong aayusin ko ang trabaho ko po dito,” determido kong tugon. Inabandano ko na nang tuluyan ang ideya ng pag-alis dahil mas kailangan ngayon ni Nanay ng tulong ko. Masama man ang loob ko sa kanya, ina ko pa rin siya. Bilang anak, responsibilidad ko na gawin din ang lahat matulungan lamang siyang madugtongan ang buhay niya. At masasabi kong malaking tulong na ang sasahurin ko rito para sa operasyon niya. Kung kakailanganing dasalan o orasyonan ko ang mga aso na aalagaan ko para matanggap nila ako, gagawin ko. I need to stay here by any means necessary. Okay na sa akin kahit makagat pa ako ng aso. Basta walang rabies. “Pero huwag ka namang papakagat, okay?” biro ni Miss Felicity. “Opo,” tila ba’y napakabait na bata na sagot ko naman. Binalingan naman ni Miss Felicity si Mang Edgar. “Maiwan ko na po si Xalene dito. Kayo na po muna ang bahala sa kanya.” Isang bahagyang pagyuko ang itinugon ng medyo nasa di-kalayuang matanda. Isang huling ngiti pa ang iginawad sa akin ni Miss Felicity bago siya sumakay na sa chopper. Kumakaway ako sa kanya habang inihahatid ko siya ng tanaw. Hindi ako tumigil sa pagkaway kahit pa nang parang tutubi na lang sa liit ang chopper sa himpapawid. Patuloy ako sa pagkaway habang iniisip ko kung ano kayang kapalaran ang naghihintay sa akin dito sa napakalaking mansyon. Sana lang talaga ay makayanan ko ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD