***XALENE's POV***
"Salamat, Ate," ginhawang-ginhawa na pasalamat ko sa may-ari ng kuwartong kinuha ko para upahan. Matapos kong magbayad ng one moth advance at one month deposit na renta ay ibinigay niya sa akin agad ang susi.
"Kapag may problema ay nandoon lang ako sa taas," sabi niya na nakangiti. Mukha naman siyang mabait. Madali ring kausap. Hindi tulad ng ilang napagtanungan kong may nakapaskil na room for rent, parang pinagdudahan ako agad na walang pambayad. Ang daming mga tanong.
"Sige po."
Nang umalis ang aking landlord ay muli kong pinasadahan ng tingin ang munti kong magiging mundo. May isang kama na may kutson na rin, may maliit na lababo, may bintana, lagayan ng damit, maliit na lamesa, isang upuan, at ang pinakaimportante mayroon sariling banyo.
Napangiti ako. At last, malaya na ako, safe na ako, at makakatulog na ako ng maayos. Wala na akong alalahanin na magagalit sa akin 'pag late akong nagigising. Wala nang mambubulabog sa akin dahil uutangan ako o dahil walang pambili ng almusal. Higit sa lahat wala nang magtatangka na pasukin ako at gawan ng masama.
Ibinaba ko ang bag ko sa kama at humilata. This is life!
Nagpasya ako na wala akong gagawin kundi ang humilata. Bukas na ako gagala kapag nagkita kami ni Leren.
Buti na lang limang araw na wala si Madam ko. Nasa South Korea siya ngayon kasama ang pamilya niya kaya malaya ako hanggang sa susunod na Lunes pa.
Subalit, hindi naman ako makatulog dahil bumalik sa isip ko ang pulubing bigla na lang akong inindiyan sa hotel.
Napahugot ako ng hininga nang napilitan akong magmulat ng mga mata. Mukhang mali ang inakala ko na pagkatapos kong ipagkaloob ang virginity ko sa isang lalaki ay makakalimutan ko agad siya. Imposible yatang mangyari 'yon.
Panay ang palatak kong bumangon at umupo sa gilid ng kama. Napapakagat labi rin ako. Ilang sandali na nagmuni-muni. Hanggang sa napatingin ako sa aking cellphone at tiningnan kung ano na ang oras.
Alas-singko na ng hapon. Mamayamaya lamang ay magdidilim na at parang may humihila na sa akin, sinasabing puntahan ko ang pulubi sa lugar kung saan ko siya unang nakita at baka naroon siya.
"Bakit pa?" nakasimangot na reklamo ko. Ayoko. Ayoko siyang puntahan. Ayoko siyang makita.
Tamad na tamad na ibinagsak ko ang katawan ko sa kama. Sinabi sa sarili ko na matutulog na lang ako kaysa pag-aksayahan ko ng panahon ang lalaking nag-iwan na lang sa akin basta-basta. Ang kapal ng mukha ng ungas. Hmmp!
Nga lang parang may humila pa rin sa akin. Namalayan ko na lang na isinuot ko ang sumbrerong pula at palabas na ako sa inuupahan kong kuwarto para balikan ang pulubi.
Ibabalik ko lang ang sumbrero niya, sabi ko na lamang sa sarili ko para magkaroon ako ng dahilan bakit gusto ko pang makita ang lalaking 'yon.
Fifteen minutes lang ay narating ko na ang lugar kung saan ko siya unang nakilala. Hindi naman kasi sa malayong-malayo ako naghanap ng mauupahan. Pinili ko pa rin na isang sa sakay lang ang layo ko sa pamilya ko. Kahit gano'n ang mga 'yon; sina Nanay, Ate Yuuna, at Ate Zara. Mahalaga pa rin sila sa akin. Mahal ko pa rin sila. Pamilya ko pa rin sila. Ang mahalaga lang naman ay hindi na ako doon uuwi at matutulog.
Umupo ako sakto sa inupuan ko kagabi. Nilaro-laro ko ang sumbrero na matiyagang naghintay.
Nasaan ka na? Nainis na lang ako nang halos isang oras na akong naghihintay pero wala pa ring dumarating na pulubi.
Kung bakit ba kasi nagpunta pa ako rito? Samantalang sinabi ko naman kagabi na mainam nang sa pulubi ko ibigay ang virginity ko para maliit lang ang tsansa na muli ko siyang makita. Ano't parang naghahabol pa ako ngayon?
Bumuntong-hininga akong napatitig sa sumbrero. Lintik kasi na sumbrerong ito. Nagkakaroon pa tuloy ako ng dahilan.
"Sige, thirty minutes na lang. Kapag wala pa rin siya, wala na akong pake sa kanya," pakunswelo ko sa sarili ko.
Sige. I-push mo pa, banas na sabi naman ng bahagi ng isip ko.
Nabo-boring na naghintay pa ako. Sa kamalasan, kahit nang dinagdagan ko pa ng ten minutes ang palugit ko sa kanya, kahit anino niya ay wala pa rin akong nahintay na dumating.
"Ayoka na!" galit ko nang pagsuko. Na-realize ko na parang tanga na ako na naghihintay sa wala. Malalaki ang hakbang na umalis na ako sa lugar na 'yon, dala pa rin ang sumbrerong pula.
.
.
.
KINABUKASAN.
"Kailangan nating gawing pera ang mga ito para mabuo ko ang isang milyon at makapasok na ako sa website ng Exodus, pimps," deklara sa akin ni Leren pagdating na pagdating ko sa bahay nila.
Pimps ang tawag niya sa akin dahil taong pimples nga ako. Babs naman ang sa kanya dahil taong baboy siya. Nerds kay Corinne dahil taong luma naman siya. At wala akong karapatan na magreklamo dahil ako mismo ang nagpauso sa aming tatlo na iyon ang tawagan namin.
Bagay naman sa amin. At least, aminado kaming tatlo na pangit talaga kami.
"Pag-aaksayan mo talaga ng pera ang Solomon na 'yon?" Nagkandahaba-haba ang nguso ko na tiningnan ang nakalapag sa center table na hikaw na bigay sa kanya ni Miss Eyrna, ATM card ni Kuya Rain niya, ang kuwintas na bigay sa kanya ni Kent, at ang gown na binili ni Doc Zrion para sa kanya.
"Sayang naman ito," sabi ko pa nang dinampot ko ang hikaw ni Miss Eyrna. Paanong hindi ako manghihinayang, eh, inggit na inggit ako sa kanya noong ibinigay iyon sa kanya ng idol naming singer na si Miss Eyrna. "Kung tutuusin ay isa ka na sa pinakasuwerting nilalang sa balat ng lupa dahil ikaw ang pinakatangi-tanging binigyan ni Miss Eyrna ng hikaw. And take note sariling hikaw niya pala talaga. Malay mo mahalaga sa kanya ito pero ibinigay niya pa rin sa iyo para mapasaya ka niya lamang na avid fan niya. Hindi niya alam isasangla mo lang pala." Ibinaba ko iyon at dinampot ko naman ang kuwintas. "Saka itong regalo sa 'yo ni Kent? Really, babs, regalo isasangla mo?" Kinuha ko rin ang ATM card ni Kuya Rain niya. "Ito pa. Inipon pala para sa iyo ng Kuya mo tapos ipambabayad mo lang sa mga Exodus na ang yayaman na? Hindi ka ba nahihiya sa kuya mo? For sure, ilang araw na hindi kumain iyon sa mga trabaho niya makaipon lang."
Isa sa pinakaiinggitan ko talaga kay Leren noon ay ang pagkakaroon niya ng napakabait na kuya. Ang kaso, iyon nga, namatay si Kuya Rain sa brutal na pamamaraan sa kamay ng mga organ traffickers kaya nagpapakabaliw itong si Leren na makuha ang hustisya. Na kaya gusto niyanh makita ang totoong mukha ni alyas Solomon ay dahil sa business card ni Solomon na nakita sa kuwarto ni Kuya Rain bago ito namatay.
"Huwag mo na akong konsensyahin dahil wala naman akong choice. Hindi bale at tutubusin ko naman kapag nagkapera ulit ako. Papalitan ko," pagdadahilan ni Leren.
Matalim ang tinging ipinukol ko sa kanya. "May choice ka at iyon ay ang hayaan mo na ang Solomon na iyon."
"At paano ang hustisya ng pagkamatay ni Kuya, aber? Hahayaan ko na lang?"
Napabuntong-hininga ako. "Sa tingin mo talaga ay masaya si Kuya Rain sa gagawin mo? Tingin mo matatahimik ang kaluluwa niya kung alam niyang napahamak o mapapahamak ka dahil sa kanya?"
"Syempre hindi," madiing sabi niya. "Pero at least nakikita niyang ginagawa ko ang lahat para ma-solve ang kaso niya."
Nangalumbaba ako. "Alam ko naman 'yon, na parang gusto mong mabigyan ng Guinness World Records sa pagiging 'The best sister in the world' mo at tama lang naman. Ako lang naman ay concern sa iyo kaya ayaw ko rin sanang pasukin mo ang komplikadong mundo ng mga bilyonaryong halimaw na mga iyon."
"Kay Kuya ka maging concern, pimps, at sa ibang maaaring maging sunod na biktima ng mga sindikato," pakiusap niya sa akin.
Tumaas ang isang kilay ko. "Ayokong magpa-superhero, ano. Ang maitutulong ko lang sa 'yo ay ang samahan kang isangla o ibenta ang mga ito. 'Yon lang. Period walang erase."
Ginawa ko nga iyon. Hindi ko iniwan si Leren hanggang sa nabuo namin ang isang milyon. Naisangla namin ang kuwintas at singsing. Nai-withdraw ang laman ng ATM at naibenta ang gown. Suwerte pa namin dahil binayaran din kami ni Miss Felicity sa mga ginawa naming vlog kahit hindi namin natapos ang kontrata.
Mahabang kuwento pero dahil kay Mis Felicity ay naging vlogger ako at si Leren naman ay naging endorser ng isang slimming pills. Basahin niyo na lang ang story ni Leren na THE BILLIONAIRE'S PLUS-SIZE MAID para maunawaan niyo. He-he.
Mula sa bangko kung saan pinapalitan namin ni Babs ang ibinayad ni Miss Felicity kay Leren na kalahating milyon ay dala-dala namin ang mga pera na sumakay sa taxi.
One hundred thousand pesos, iyon na lang ang kulang ni Leren para mabuo niya ang isang milyon. Isang kembot na lang at makikita na niya ang mukha ni alyas Solomon na nag-umpisa sa kaguluhan ng buhay nilang magkapatid.
Sana all na lang ako dahil ang totoo may isang alyas din sa EXODUS ang gusto ko rin sanang makita. Iyon ay ang totoong mukha rin sana ni alyas SAUL. Siya naman ang parang crush ko sa mga EXODUS, pero dahil ang ng mahal ng membership sa website nila at wala naman akong pagkukunan ng isang milyon, hayaan ko na lang.
"Ayan na-post ko na na magla-live ako mamaya-maya lamang," imporma ko kay Leren matapos kong mag-type ng announcement sa aking cellphone. Naisip ko kasi na mas mapapadaling maibenta namin ang gown niya kung ila-live selling namin. Subukan lang namin at baka may magkagusto sa gown na followers namin – na akin na raw followers dahil wala na raw pang balak si Leren na sumali sa vlog ko.
"Oo naman. Baka nga pag-aagawan pa 'yan, eh," tiwalang-tiwala sa ideya na saad ko. Sana nga umubra para matapos na ang problema namin. Para mabuo na ang isang milyon at matatahimik na kahit paano si Leren sa alyas Solomon na 'yon.
Nang bigla ay may umagaw sa pansin ko. Isang pulubing lalaki na naglalakad sa gilid ng kalsada. Napasunod talaga ako ng tingin sa kanya. Parang... parang siya kasi iyong pulubi na pinag-alayan ko ng aking virginity.
"Hoy, sinong tinitingnan mo?" puna sa akin ni Leren.
"Kuya, para po!" kaysa sagutin ko siya ay malakas na sabi ko sa taxi driver.
Sumunod naman sa akin ang matandang nagmamaneho kahit na parehas ito ni Leren na takang-taka.
Bumaba agad ako.
"Aalis ka? Paano itong gown? Kamo ibebenta mo?" pigil sa akin ni Leren.
"Oo, susunod ako. Magkita na lang tayo ro'n sa bahay niyo. Ibebenta natin 'yan pagdating ko. Aalis na ako." Pagkasabi ko niyon ay tumakbo na ako.
Medyo malayo na rin kasi ang narating ng taxi sa nakitaan kong banda sa pulubi. Lakad-takbo ako. Kailangan ko siyang makita.
Sa kamalasan nang marating ko ang lugar kung saan ay naglalakad kanina ang pulubi ay hindi ko na naman siya makita. Nasaan na 'yon?
Naglakad-lakad pa ako. Umikot-ikot sa lugar. Nang makita ko naman ang pulubi ay hindi pala siya.
"Bakit?" tanong ng lalaking pulubi.
"Sorry, akala ko ikaw 'yung kakilala ko," nahiyang paghingi ko ng paumanhin sa kanya. Hindi talaga siya ang pulubi dahil nang ngumiti siya'y bulok na ang mga ngipin niya. Nangangamoy basura rin siya. Hindi siya katulad ng hinahanap kong pulubi.
Laylay ang mga balikat kong napabuntong-hininga. Makikita ko pa kaya siya?