***XALENE's POV***
Mag-isa na lamang talaga ako sa kuwarto. Wala na ang lalaking pulubi na pikit-matang pinag-alayan ko ng virginity ko — kung na-devirginized nga ba talaga niya ako.
Isang palaisipan kasi sa akin na paanong nakadamit ako kung nag-shower ako at hinubad niya kagabi ang roba na isinuot ko. Ano 'yon? Nag-abala pa siyang damitan ako bago siya umalis?
"Miss, wala ka ba talagang nakita na kasama ko?" tanong ko ulit sa babae na gumising sa akin.
"Naku, hindi ko po alam. Day shift po kasi ako dito sa hotel. Pagdating ko kanina ay inutusan lamang po ako na i-check kayo kasi napansin na po na kanina pa dapat ang oras ng check out niyo," mahabang paliwanag niya.
Sa suot niyang uniform ay nalaman ko na chamber maid siya ng hotel. At nakaramdam na ako ng hiya sa kanya.
"Sige, aalis na ako. Salamat," kako at bumaba na sa kama. Agad na hinagilap ko ang tuwalya ko at ibinalabal muli sa aking balikat bago lumabas.
Pumasok sa aking isipan ang mga nangyari kagabi, ang mainit naming pagniniig ng lalaki. Totoo kaya 'yon? Hindi kaya panaginip lang lahat ng iyon?
"Ma'am, sandali lang po," bigla ay tawag sa akin ng chamber maid.
Napatigil ako sa paglakad at nilingon siya.
Patakbong lumapit siya sa akin. "Sa kasama niyo po yata ito."
A chill ran down my spine at the sight of the red baseball hat. Oo, sa pulubi nga ang sumbrero. Tandang-tanda ko na ipinasuot niya pa sa akin ang sumbrero kagabi.
"T-Thank you," pasalamat ko sa chamber maid nang kinuha ko iyon.
Yumukod siya sa akin at bumalik na sa kanyang trabaho.
Napatitig naman ako sa sumbrero. My heart went crazy again. Kung gano'n ay totoo ang nangyari sa amin? Hindi na talaga ako virgin. Nakuha niya talaga ang bataan.
Sure ka? Paano mo ipapaliwanag na wala siya paggising mo? kontra ng maliit na tinig sa isip ko.
Napangiwi ulit ako. Hindi na naman tuloy ako sure.
Tinapik-tapik ko ang aking pisngi para magising na ako. Para bumalik na ako sa sarili ko. Nakailang buntong-hininga rin ako.
Sabagay, wala namang problema kung na-virgin niya ako o hindi. Parehas ko naman ipagpapasalamat.
Kung na-virgin niya ako, salamat dahil tapos na ang problema ko. Wala na akong masyadong iingatan pa.
Kung hindi naman niya ako na-virgin, salamat pa rin dahil hindi ko man lang pinag-isipan ng maigi ang naging desisyon ko.
Magulo lang talaga. Parang dinagdagan lang yata ng lalaking 'yon ang sakit ko sa ulo. Sana man lang kasi hinintay niya akong nagising bago siya umalis. Hindi man lang nagpasalamat pati. Hindi ba niya alam kung gaano kahalaga ang ibinigay ko sa kanya?
Napalatak ako. Nagsisimula na akong mainis sa kanya. Parang gusto ko na tuloy pagsisihan na sa kanya ko ibinigay ang virginity ko.
'Wag lang tayo magkakasalubong pa't babasagin ko talaga ang mga itlog mo! sa isip-isip ko't nag-umpisa nang maglakad paalis. Sumakay ako sa elevator. Inis ko pa dahil may nakasabay akong mag-jowa. Ang sweet nila.
Napaismid ako. Sana all, masaya matapos magchukchakan. Hindi tulad ko, nachukchukan nga hindi naman sure.
Nang napansin ko ang hawak ko ay muntik ko nang upakan ang sumbrero. Badtrip ko pa dahil nag-iwan pa ng souvenir ang gunggong. Anong gusto niya? Hanapin ko siya para ibalik sa kanya ang sumbrero niya? Neknek niya.
Paglabas ko sa elevator ay malalaki ang mga hakbang kong dere-deretcho ng alis. Itinakip ko ang sumbrero sa mukha ko. Bigla ay nagkaroon ng silbi ang sumbrero. Hindi ko kasi alam pero hiyang-hiya ako na mag-isang lalabas ng hotel. Parang naririnig ko na tinatawanan ako ng mga tao roon kasi tinakasan ako ng lalaking kasama ko.
Habang naglalakad naman ako pauwi ay nakatulong naman ang sumbrero sa init ng araw. Wala akong kapera-pera kaya wala akong pamasahe. Buti na lang pala at naiwanan ng gunggong na lalaki na iyon ang sumbrero niya.
Nang palapit na ako sa bahay namin ay unti-unti naman akong kinain ng kaba. Panay ang dasal ko na sana wala na ang Gian na 'yon sa bahay. Sana kahit ngayon lang ay hindi ko siya makita.
"Saan ka galing? Alam mo bang alalang-alala kami sa 'yo?" mataas ang boses na salubong sa akin ni Ate Zara.
Tumaas ang isang kilay ko. "Talaga ba? At kailan pa kayo natutong mag-alala?"
"Problema mo?!" galit niyang singhal.
"Ang problema ko ay nagpapatira kayo dito ng ahas! Na kahit ilang beses kong sinabi na ahas siya, manyak siya, rapist siya, ayaw niyo pa ring maniwala!" Sumambulat na ako. Hindi ko namalayan. Siguro dahil napuno na ako.
"Anong gusto mo?! Ipakulong natin ang kadugo natin?! Na wala tayong utang na loob matapos niya tayong tulungan sa mga problema natin?"
"So, dahil lang may utang na loob kayo magbubulagbulagan na kayo sa ginagawa niya sa akin?!" mas malakas na sigaw ko. "Sige, huwag niyong ipakulong! Huwag nating ipakulong! Alagaan niyo para kapag tutuklawin kayo ng ahas ay baka sakaling matauhan na kayo!"
Pagkatapos ng puno ng kapaitan na litanya ko ay tumalikod na ako at tinungo ko ang kuwarto ko. Ni isang sulyap ay hindi ko iginawad sa nanay kong mukhang pera na naroon sa kusina at prenteng nagkakape lang.
Lumuluha akong pumasok sa kuwarto ko. Balak kong mag-impake na dahil bigla ay ginusto ko na talagang maglayas, pero bago ang lahat ay kinuha ko muna ang cellphone ko. Sakto na nag-ring. Tumatawag si Kent.
Sa una'y nagtaka pa ako dahil hindi naman ako ang love interest ng police na 'yon kundi si Leren na kaibigan ko, pero dahil na-realize ko bandang huli na baka si Leren ang may hawak ng cellphone niya ay sinagot ko na ang tawag.
"Babs, kumusta?" patili kong sagot kay Leren. Pinilit kong pinasigla ang aking boses upang hindi mahalata ng kaibigan ko na may pinagdadaanan ako.
Actually, tatlo kaming magkakaibigan. Ako, si Corinne, at si Leren. Magkakaibigan kami simula pa high school. At kahit naging busy kami sa aming mga buhay-buhay matapos ang graduation namin noon, nagbalik naman ang magandang samahan namin ulit nang muli kaming nagkikita-kita higit isang buwan na ang nakaraan.
"Heto, mas makinis pa rin ang mukha sa 'yo," sagot niya.
"Mas sexy naman ako sa 'yo," bawi ko.
Yeah, kung ako pangit, isang hipon dahil sa aking mga pimples, si Corinne naman ay nerd, at si Leren naman ay mataba. Friendship goal kami. Pare-parehas pangit.
"Heh!"
Natawa ako. "Oh, bakit ka napatawag?"
"Magkita tayo bukas."
"Bakit?"
"Gusto kong mamasyal. Aliwin ang sarili ko. Samahan mo ako. Gala tayo."
Napakunot-noo ako. "Akala ko ba magtatago kayo ni Kent? Bakit may nalalaman ka ngayon na gala-gala?"
May problema si Leren. Mahabang kuwento pero sakit sa ulo niya ngayon ang kanyang love life. Kawawang taong baboy.
"Siya nga ang may sabi. Katabi ko siya ngayon."
Natuwa na ako dahil sa sitwasyon ko ngayon ay iyon talaga ang kailangan ko; ang gumala.
"Kung gano'n ay sige tara. Paalam na ako kay Madam. Kailan?"
Si Madam ay ang amo ko sa kasalukuyan sa trabaho kong personal assistant. Malaki naman ang sahod ko sa kanya. Ang kaso sa laki ng utang ko sa kanya dahil sa nagastos naming pagpapa-ospital kay tatay bago siya namatay ay para na lamang akong nagtatrabaho ng libre sa kanya. Ang natitira sa sahod ko'y kulang pa halos sa sarili ko.
"Bukas game ka?"
"Game na game," pagpayag ko agad sa masigla pa ring boses.
Ang hindi alam ni Leren ay bigla akong lungkot nang natapos na ang usapan namin.
"Xalene, puwede ba akong pumasok?" boses naman ni Ate Yuuna.
Tinatamad na sana akong makipag-usap, "Pasok ka, Ate," pero pinagbigyan ko na lang siya.
Ngumiti ang kapatid ko nang makita niya ako. "Sinabi sa akin ni Kuya Paolo ang nangyari," at panimula niya.
I didn't react. Umupo ako sa gilid ng kama ko.
"Naisip ko na mas mainam ngang umalis ka na lang dito sa bahay."
Napamata ako sa kanya. Muntik na akong magtampo rin sa kanya.
"Heto." Pero nang may ilabas siyang pera at inabot sa akin ay natabunan ng pagtataka. "Gamitin mo ito sa paghahanap ng matutuluyan. Maghanap ka ng maaari mong upahan kahit maliit lang na kuwarto."
Tuluyan akong napipi. Tahimik kong tinanggap ang ibinibigay niya. Kinalaban ko pa ang iyak ko pero tumulo pa rin.
"Hindi ko na tatanggihan ito, Ate, dahil gusto ko na talagang umalis din dito. Babayaran na lang kita kapag—"
Hindi ako pinatapos ni Ate Yuuna. "Bigay ko 'yan sa 'yo, Xalene, dahil ayaw kong mapahamak ka dito mismo sa loob ng bahay natin. Mag-umpisa ka ng buhay mo na wala kami. Malayo sa amin. Malayo sa demonyong Gian na 'yon. Malayong-malayo."
Napahagulhol na talaga ako. "Salamat, Ate, pero sana ikaw rin lumayo rin sa bahay na 'to. Sumama ka na sa akin. Magpakalayo-layo tayo. Si Kuya Paolo, nahuli ko siya. Lagi ka niyang binubusuan."
Ginagagap ni Ate Yunna ang aking mga kamay. "Huwag ako ang alalahanin mo. Sarili mo muna."
Napahindik ako. Nanlaki ang mga mata ko. "Alam mo?"
Naiiyak na tumango siya. "Pero 'wag kang mag-alala, kaya ko ang sarili ko."
Napaiyak na naman ako. "Sumama ka na lang sa akin kung gano'n. Huwag kang mag-alala dahil kapag mag-umpisa na akong sumahod sa U-Tube bilang isang vlogger ay kaya na nating mabuhay. Hindi mo kailangang magtiis din dito."
Umiling siya. "Hindi ko kayang iwanan si Nanay. Isa pa ay nangako ako noon kay Tatay na aalagaan ko siya."
"Pero—"
"Xalene, sige na. Huwag matigas ang ulo mo. Mag-impake ka na. Umalis ka na habang wala pa si Gian. Hindi ka niya puwedeng makitang umalis dahil baka palihim ka lang niyang susundan."
Sa gitna ng pag-iiyak ko ay tumango ako. Nagmamadali na nga akong nag-impake.