***XALENE’s POV***
MAKALIPAS ANG ISANG TAON.
“Hi, mga ka-pimps ko. Heto na naman ang inyong napakaganda at napaka-sexy na inyong beshie,” ang laging intro ko sa vlog ko. At tulad nang nakasanayan ko ay live na vlog ang ginagawa ko ngayon kaya naman nabasa ko na may nagreklamo agad na mga viewer sa comment section.
“Oo na, sige na, ang inyong hipon na beshie na. Hindi man lang makatawad talaga sa inyo, eh, 'no?” Inismiran ko sila. Totoong ismid kasi ayokong maging plastik sa mga vlog ko. Kung ano ang nararamdaman ko ay iyon ang ipinapakita ko kahit sa harapan ng kamera, pero dapat laging good vibes lang. Ito ang sekreto ko kaya kahit isang taon na ang nakakalipas mula inumpisahan ko ang vlogging kasama si Leren ay madami pa ring sumusuporta sa aking channel.
“So, for todays video ay excited ako dahil makikilala niyo na ang taong siyang naging dahilan bakit pumasok ako sa pagba-vlog. At alam niyo ba, sobrang-sobrang idol ko ang taong ito dahil ang ganda-ganda niya. Siya na yata ang magre-represent sa sinasabing anghel na nalaglag mula sa langit. Buti na lang hindi nabalian ng likod." Tumawa ako ng malutong pero agad din akong nagseryoso. "Oo. Promise.” Tiningnan ko rin si Miss Felicity na nasa tabi ko. Ngumiti naman siya sa akin. Tapos ay nagbasa muna ako ng mga comments para makipag-interact.
-Si Miss Leren po ba?
-Si babs 'yan pustahan!
-Nasaan na po si Leren? Miss ko na po ang idol ko.
Ang mga nabasa ko munang mga comment ng mga nanonood.
Parang wala akong malasahan sa bunganga ko na ibinalik ang tingin sa camera. “Ang sabi ko napakaganda. Galing sa langit. Paano niyo naman naisip na si Leren siya? Heller!”
Inulan na ng HAHA reaction ang aking live. Bentang-benta na naman ang pagtataray ko. Ito kasi ang gusto nila na character ko, ang masungit na joker.
“Wala. Busy pa ang babs niyong bishie. Hindi ko alam kung kailan makakabalik. Huwag kayong naghahanap ng wala dito, oy!” patawang sabi ko pa. Ginaya ko ang boses ng legendary comedian na si Babalu.
“Okay, change topic na. Heto na nga, mga ka-pimps. Alam niyo bang sobrang busy ang ating kasama ngayon. Mabuti na lamang at naisingit niya tayo sa schedule niya." Tumango-tango ako sa camera na na animo'y may mga nagtanong ng totoo ba?
"At siya ay walang iba kundi si Miss Felicity Aguilan! Ang head manager Maix Aesthetic Clinic at kanang kamay ni Doktora Vicky!" saglit ay masiglang pakilala ko na nga sa aking guest habang pumapalakpak.
Inulan ng WOW reaction ang aking vlog nang isama ko na sa screen ang katabi kong nakaupo na si Miss Felicity.
“Hello,” ngiting-ngiti na bati ni Miss Felicity sa mga viewers.
“Oh, ‘di ba, magkasingganda kami?” kako pero umulan naman ng angry reaction. “Tse! Nakalista mga pangalan ng nag-angry! Aabangan ko kayo sa kanto!” kaya kunwari ay pagtataray ko.
Kasama si Miss Felicity na natawa. “Magkasingganda talaga tayo, Xalene.”
“Oh, hah? Narinig niyo iyon. Si Miss Felicity na ang nagsabi,” pagmamayabang ko sa mga viewers.
“Mas makinis lang kaunti ang mukha ko sa iyo,” pero kunwari ay pambabagsak naman sa akin ni Miss Felicity.
Iningusan ko siya na ikana-HAHA react ng mga viewers na naman.
“Ah, tama na ang pagandahan. Talo ako, eh,” sabi ko na na ang mukha ay dehadong-dehado. “So, kumusta ka Miss Felicity? Ano nga ba ang sekreto mo’t ganyan ka sobrang kaganda?” pagkatapos ay seryosong tanong ko na sa kanya.
Ang talagang agenda ng vlog ko kasama si Miss Felicity ay about sa beauty tips. Minsan ay naisisingit nga lang ang tungkol sa trabaho niya sa Maix Aesthetic Clinic at sa pagiging kanang kamay ni Doktora Vicky kapag may nagtatanong sa comment section na nababasa ko.
Question and answer kami hanggang sa matapos ang vlog ko, na syempre may kahalong pagpapatawa ko.
“Napagod ka ba, Miss Felicity?” tanong ko sa kanya nang ilapag ko ang juice na ginawa ko para sa kanya matapos ang isang oras din naming chikahan sa camera. At dahil sikat na ako kahit papaano sa mundo ng vlogging ay nakabili na ako ng sarili kong Sony Alpha ZV-E10. Hindi na lamang hiram kay Miss Felicity ang ginagamit kong camera tulad noon. Sarili ko na. Malakas din pala kasi ang kita sa vlogging. Medyo nakakabuhay na rin ng pamilya kung ifu-fulltime talaga.
“Of course not. Nag-enjoy nga ako," amused na sagot niya bago sumimsim sa mango juice.
Umupo ako sa tabi niya at malambing na kumapit sa braso niya. “Thank you so much po talaga at pumayag ka pong mag-guest sa vlog ko. Ang daming views.”
“My pleasure,” aniya sabay tapik-tapik sa hita ko. “Masaya akong makita na ang taas na ng narating mo sa pagba-vlog. Two million subscriber ka na. Congratulations.”
“Salamat po,” kiming sabi ko. Umayos ako ng upo at pa-cute na inipit ang buhok kong mga tumikwas sa likod ng mga tainga ko.
“Ipagpatuloy mo ‘yan.”
“Opo. Masaya po ako sa pagpapatawa sa tao kaya i-enjoy ko po ang career na ito hangga’t kaya ko.”
“Pero buti hindi ka naaapektuhan sa mga toxic issue na mga nagaganap sa social media?”
“Naku, dedma lang ako sa mga pinagagawa ng iba. Focus lang po ako sa goal ko na magpatawa sa followers ko.”
“Keep up the good work then.” Nakangiting tumango-tango si Miss Felicity. Kita ko sa mukha niya na proud na proud siya sa akin. Bakit hindi? Eh, siya lang naman kasi ang dahilan bakit ako naging vlogger. Kung hindi siya sa akin nagtiwala noon ay wala sana ako sa kinakalagyan ko.
“Opo, at hindi naman kayo hihingi na ng share sa pagge-guest niyo sa aking vlog, ‘di ba? Ang yaman mo naman na po, ‘di po ba? Hindi mo na kailangan ng pera.”
Napamaang siya. Hindi niya yata alam ang usapang share sa kita kapag nag-collab sa isang vlog o simply kapag naging guest lang.
“Hindi ko naman na po babayaran itong guesting niyo, ‘di ba?” tuso ko nang panlilinaw.
Natawa naman siya. “What if sabihin kong kailangan ko rin ng pera?”
Biglang nalaglag ang mga balikat ko. Akala ko pa naman masosolo ko na ang kikitahin ko.
“Joke lang,” pero pambawi naman niya agad.
“Ayiee, thank you po.” Nayakap ko tuloy siya nang wala sa oras. Mukhang pera ako, eh.
Between snacks ay nagkuwentuhan pa kami. Kung anu-ano lang. Wala naman daw siya kasing trabaho ngayon dahil inilaan niya talaga ang araw na ito para sa aking request na makasama siya sa vlog ko. Lahat daw ng appointment niya ay pina-cancel niya. Oh, di ba? Ang lakas ko sa kanya? Kilig.
“Ang problema ko lang ngayon ay kung paano makakahanap ng katulad ni Leren na mapagkakatiwalaan sa trabaho,” pagbubukas niya sa akin ng isang topic nang maubusan ako.
“Ano naman po iyon?”
“Iyong kakilala ko kasi ay nangangailangan naman ngayon ng nanny.”
“Nanny? As in yaya po?”
“Yeah, yaya ng mga alaga niyang aso.”
“Ang suwerte naman ng mga aso. May yaya. Sana all aso.” Totoong naiinggit ako sa mga aso. Aba, saan ka nakakita ng ganoon? Aso lang may yaya?
“Ganoon talaga dahil parang anak na niya ang mga alaga niya kaya ang gusto niya’y makuha ay katulad ni Leren na maaasahan at mapagkakatiwalaan.”
“At mataba?”
Nakangiting nagkibit-balikat si Miss Felicity.
“Pimps, nakita mo na ba ang kumakalat ngayon sa social media tungkol sa ‘yo?” Natigil kami sa pag-uusap tungkol sa yaya ng mga pinagpalang mga aso nang humahangos na dumating din sa apartment ko si Corinne.
Nang lumaki ang kita ko mula pagba-vlog ay naglakas-loob na talaga akong bumukod. Hindi na talaga ako bumalik pa sa bahay namin na may manyak akong pinsan.
“Hello po, Miss Felicity. Nandito po pala kayo,” bago ang lahat ay bati ni Corinne kay Miss Felicity nang makita niyang may kasama ako.
Ngumiti naman sa kanya si Miss Felicity.
“Ano ba ‘yon, nerds? Kakatapos lang naming mag-vlog kaya hindi pa ako nakaka-online,” kako sa kanya.
“Si Karylle Kho. Sinisiraan ka niya sa Famebook,” aniya. Bumalik ang pag-aalala sa mukha niya.
Nagsalubong ang mga kilay ko. “Anong sinisiraan? Kaibigan ko si Karylle. Lagi ko ngang ka-collab ang malditang iyon dahil sa mga fund raising niya at wala naman kaming problema.”
“Aba’y ewan ko,” aniya na litung-lito. “Basta ang pinapalabas niya ay hindi nakarating ang donations na nilikom niyo para sa mga naapektuhan ng bagyong Eping dahil nasa sa iyo raw ang pera.”
“Ano? Anong pera?” hindi makapaniwalang naibulalas ko.
“Panoorin mo kasi. Dali!”
“Here’s your phone, Xalene.” Nababahala na rin ang hitsura ni Miss Felicity nang iniabot niya sa akin ang phone ko.
Napalunok akong kinuha ang cellphone ko at nagbukas nga ng social media. Hindi ko na kinailangan na i-search ang malditang Karylle na iyon dahil madami na palang nag-mention sa akin sa bagong post niya.
Tahimik naming tatlo na pinanood ang statement niya na sinasabi ni Corinne.
“Yes, po. Nandoon kay Xalene Silva A.K.A pimps ang pera. Ang pera na worth ten million na donation niyo kaya hindi natuloy ang paghahatid namin ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Las Nieves,” sabi ni Karylle habang umiiyak.
Lumuwa naman ang mga mata ko sa narinig kong sinabi niyang halaga.
Sampung milyon? Nasa akin ang sampung milyon na donations? Kailan pa?