***XALENE’s POV***
“Tigilan mo nga ang pagngatngat mo ng kuko mo, pimps. Mas nakaka-stress ka tingnan, eh,” saway sa akin ni Corinne.
“Sorry.” I stopped biting my nails. Mannerism ko na kasi ang pagkagat-kagat sa kuko, lalo ang kuko ng aking hinlalaki kapag nate-tense ako.
“Relax lang. Kung wala ka namang ginawang masama ay wala ka dapat ikapangamba. Sige ka mas nakaka-pimples ang stress. Papangit ka lalo,” aniya.
Inismiran ko siya. Weh, nagsalita ang mas pangit.
“Ang mabuti pa’y magpalamig ka muna ng ulo.” Inilapag niya ang baso ng juice na kakatimpla niya lang sa kusina.
“How can I relax, nerds? Sa bawat segundo na lumilipas mula pa kahapon ay nababawasan ang followers ko tapos kasabay niyon ay ang pagdagsa ng mga bashers,” I said, truly distressed.
Umupo siya sa harapan ko. “Alam mo akala ko ang mga pimples mo lang ang masarap tirisin, pero mas masarap pa palang tirisin ang Karylle na iyon.”
Sinamaan ko na talaga siya ng tingin. “Sige, lait pa!”
“Sorry, sorry.” Bahagya siyang natawa.
Tinikman ko na ang juice na tinimpla niya. Masarap pero hindi ko siya pupurihin dahil nilait niya na naman ang mga alaga ko sa mukha.
Yeah, kahit isang taon na ang nakakalipas ay patuloy pa rin sa pagdami ang mga pimples ko. Wala namang mga matris pero ang sisipag talagang mga manganak.
Nagpa-derma naman na ako pero walang naging saysay dahil sabi sa huling checkup ko ay may hormonal imbalance pala ako na siyang nagpapadami sa pimples ko at siyang nagpapapayat din sa akin. Ibig sabihin walang saysay ang mga ipinapahid ko sa mukha na mga pampakinis dahil ang makakatulong lang daw sa akin ay ang pagbabago ko ng life style. Tulad na lang ang sinabi ng doktor na bawal sa akin ang mga mamantikang pagkain. Ang kaso prito is life. Ang hirap sundin. Ang sarap pa kainin lahat ng mga gusto ko dahil kahit anong lamon ko ay hindi ako tumataba.
Bandang huli ay nagpasiya na lamang ako na hayaan na. Hindi na ako bumalik sa derma ko. Tinanggap ko na lang na kasama na talaga ang mga pimples sa buhay ko. Inisip ko na lang din na kailangan ko ang mga pimples ko. Na hindi puwede silang mawala sa aking mukha dahil walang Pimps Channel sa U-Tube at sss kung wala ang mga pimples ko. Dito ako nakilala at dito ako kumikita sa hitsurang pangit na ito kaya keber na lang sa mga mapanlait.
Hipon na kung hipon, wala silang pake!
“Pero seryoso ako, pimps. Huwag lang kami magkakasalubong ng Karylle na iyon at makakatikim siya sa akin.”
“Sinabi mo pa. Ang sarap tadyakan sa bagang ang gaga,” pagsang-ayon ko. Bumalik ang panggigil ko.
Matapos sumimsim sa juice ay seryosong tumingin sa akin si Corinne. “Kaya lesson learned na ito sa iyo. Hindi naman masamang tumulong o makatulong pero piliin mo dapat ang taong pakikisamahan mo. Por que bait-baitan sila feeling mo friendship goal na kayo?”
Humugot ako nang malalim na hininga. “Natauhan na ako. Alam ko na ngayon na hindi lang mga plastic ang mga tao sa social media, mga manggagamit pa. Lalo na ang Karylle na iyon. Para sa kasikatan ay gumawa siya ng kuwento. Nasaan ang budhi niya?”
“Kasalanan mo rin. Sinabi ko na kasi sa iyo na hindi maganda ang collab-collab. Buti sana kung kakilala mo silang maigi. Ano ngayon? Kulong ka ngayon.”
“Paano ako makukulong? Wala naman akong ginawang masama? Baka siya ang ipakulong ko!” Uminom pa ako ng juice para labanan ng matinding pagkukulo ng dugo ko.
“May video si Karylle na sinasabi mong ibulsa mo na lang ang perang nalikom niyo para pang-shopping. Samantalang ikaw ay wala ka man lang kahit ano na patunay para itanggi ang paratang na iyon. Kahit hindi ako nakapag-aral ng law ay masasabi kong dehado ka.”
Napalatak ako kasabay nang pagbaba sa baso ko. “Sinabi ko naman sa ‘yo putol ‘yong video na inilabas niya. Sa hulihan ay sinabi kong ‘joke lang’.”
“Naniniwala naman ako sa 'yo pero maniniwala ba ang ibang tao kung wala kang maipapakitang ebidensiya na nagbibiro ka lang?”
Ngumiwi ako. “Anong gagawin ko? Paano ko malilinis ang pangalan ko, nerds?”
“Hindi ko rin alam. Pero hindi ba’t sabi naman kahapon ni Miss Felicity ay titingnan niya kung anong magagawa niya? Siguro maghintay na lang tayo.”
Marahas akong umiling-iling. Mas lalo akong na-frustrate. “Hindi ko magagawang umupo lang at hayaan na lang na masira ang pinaghirapang pangalan ko. Dapat may gawin ako.”
“At anong gagawin mo, sige nga?”
“Basta,” madiin na sabi ko kahit na ang totoo ay hindi ko talaga alam ang gagawin ko. Gusto nang sumabog ang utak ko sa kakaisip ng paraan simula pa lumabas ang issue kahapon.
Inabot ni Corinne ang kamay ko at ginagap. Ipinaramdam niyang kasama ko siya sa laban. Mabuti na lamang at hindi niya ako iniiwanan. “Kung nandito lang sana si Leren.”
Minsan pa’y umiling-iling ako. “Hayaan mo na si Babs. Huwag na muna natin siyang guluhin ngayon.”
Tipid siyang ngumiti at marahang tumango bilang pagsang-ayon.
Sandaling katahimikan ang namagitan sa aming magkaibigan.
“What if bayaran mo na lang iyong sampung milyon, Xalene?” mayamaya pa’y suhestiyon niya.
“Magbabayad ako kahit wala akong kasalanan?”
Nagkibit-balikat siya. “Para matapos lang ang issue.”
“Ang tanong, saan ako kukuha ng sampung milyon?”
May naipon naman na ako mula sa kinita ko sa pagba-vlog, pero hindi pa rin iyon sasapat. Ang laki pa rin ng kulang. Isa pa’y pambili ko sana iyon ng kotse.
Paano na ang kotseng pinapangarap ko kung pambabayad ko lang sa kasalanang hindi ko ginawa? Ang unfair.
“Sorry, pimps, one hundred kyaw lang siguro ang maitutulong ko kung sakali. Alam mo naman ang problema ng pamilya ko ngayon. Si Daddy, hindi pa umuuwi. Pero iyong kotse ko, handa kong ibenta kung sakaling makapagdesisyon ka para pandagdag.”
Kumunot ang noo ko. “Hindi mo gagawin iyon. Alam ko kung gaano mo kamahal si Pinky.”
Pinky ang pangalan ng kotse ni Corinne. Oh, di ba, sosyal? Kaso red ang kulay ng kotse. Lol!
“Eh, paano kita matutulungan?” Lalo siyang nalungkot.
“Huwag na nga muna nating problemahin ang bagay na ‘yan. Mai-stress lang tayo,” I said in a resigned tone. Sinabayan ko iyon ng tayo.
Napatingala naman sa akin si Corinne.
“Pahiram si Pinky, nerds,” kako habang nakalahad ang kamay ko sa harapan niya. Hinihingi ko ang susi.
“At bakit? Saan ka pupunta?”
“Magpapahangin lang sa labas.”
Sinimangutan niya ako. Hindi naniniwala.
“Oo nga. Gusto ko lang sumagap ng sariwang hangin. Wala akong gagawing hindi maganda.”
“And how can I be sure?”
“Basta wala akong gagawin. Promise.”
“Talaga lang, hah? Kilala na kita Xalene Silvano.”
“Tama, kilala mo na ako, Corinne Rufino, kaya dapat alam mo na na kaya kung i-handle ang lahat ng problema. Diyos ko, mani lang ang problema na ito ngayon sa mga napagdaanan ko na sa buhay,” pagyayabang ko. I even winked at her.
“Ay, bahala ka!” Padaskol na inilagay na niya ang susi ng kotse niya sa palad ko.
“Oo, akong bahala!” may pinalidad sa boses ko na sabi ko naman habang nakangiti na.
Mayamaya lamang, ang lahat ng frustration ko ay idinaan ko sa pagmamaneho sa kotse ni Corinne.
Ang katotohanan, sumagi talaga sa isip ko na sugurin si Karylle pero dahil nabawasan na ang stress ko ay nagawa kong pigilan ang sarili ko. Ang laki na ng problema ko, sirang-sira na ang pangalan ko, huwag ko na sigurong dagdagan pa.
Si Karylle Kho ay beterana na sa mundo ng social media. Higit na mas marami ang followers niya sa akin. Maganda ang reputasyon niya dahil sa mga nagawa niyang pagtulong sa mga nangangailangan na laging naka-post sa kanyang mga social media account. Oras na magkamali ako ng kilos laban sa kanya, tiyak na lalo ko pang ikakabagsak.
Nag-red ang traffic light kaya napapikit ako saglit at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Inaalala ko ang araw na nagbibiro lang ako tungkol sa pera na nalikom namin. At nasisiguro ko na walang camera noon. Paano kaya nagkaroon ng video si Karylle?
Kagat ang pang-ibabang labi na nahulog na naman ako sa malalim na pag-iisip. Inalisa ko ang nangyari.
Hanggang sa malakas na mga busina ang nagpamalay sa akin na nag-green light na pala ang trapiko. Mabilis kong pinaarangkada na si Pinky.
Napadpad na lang ako bigla sa lugar kung saan ay dati akong nagtatrabaho. Ang layo na pala ng narating ko. From Quezon City to Makati kung saan nakatirik ang mga most expensive condo properties na ang pinakamataas ay ang Trump Tower—ang lugar kung saan nakatira si Madam Soledad na amo ko noon. Noong hindi pa ako vlogger. Noong isang dakilang alalay pa lang niya ako.
At kung bakit nag-u-turn ako papunta roon ay hindi ko alam. Siguro dahil feeling ko nandoon sa Trump Tower ang dapat na lugar ko hindi sa mundo ng mga nagpapanggap na mga tao lamang sa social media.
“Ikaw ba ‘yan, Xalene? Gumanda ka, ah?” Agad akong nakilala ni Kuya Noel. Ang isa sa mga guard ng Trump Tower.
“Mamatey? Now na?” biro ko.
Natawa naman siya at nahawa ako. Noon pa man ay kabiruan ko na si Kuya Noel. Palabiro rin kasi ang matandang guwardya kaya magkasundo kami.
“Puwede pa bang pumasok, Kuya? Na-miss ko bigla si Madam Soledad,” pagsisinungaling ko. Pero dahil nasabi ko na iyon ay tama, dadalawin ko na lang si Madam.
“Oo naman. Malakas ka pa rin sa akin, eh. Lagi ko ngang pinapanood ang mga vlog mo. Tawang-tawa ako. Good job ka,” tuwang-tuwa niyang sabi.
Lihim akong napaungol. Mukhang hindi pa alam ni Kuya Noel ang issue ko. Gayunman ay pinilit kong nginitian siya. Pinilit kong maging masigla para naman hindi masira ang good vibes niya. Ipinakita ko na ako pa rin si Xalene na nakilala niya noon. Si Xalene na jolly at full of life.
“Syempre, Kuya, talented yata itong kaharap mo,” kako.
“Aba’y oo naman. Maganda pa,” pang-uuto naman niya sa akin.
Masayang nag-apiran kami.
“Saglit lang, Xalene.” Nang bigla-bigla ay hinila niya ako upang mapunta sa tabi niya. Iyon pala ay may VIP na parating.
Mga limang lalaki na naka-suit ang nakita ko na papasok. Ang apat ay astig ang mga hitsura na para ba’y walang makakatibag. They looked like Vikings. Ang seseryoso ng mga mukha.
Ang isa naman na nasa gitna nila ay nakayuko ang ulo habang naglalakad dahil may kausap sa cellphone. Prenteng nakapamulsa naman ang isa niyang kamay. At kung astig ang apat ay ang cool naman niya. Ang cool niya sa pambida sa pelikulang OOTD niya. Bagay na bagay sa kanya ang trench coat suit na suot niya. Masasabi ko na who you sa kanya ang mga oppa ng Korean Drama kung itatabi ito sa kanila.
Malapit na sila sa pinto nang nagtaas siya ng tingin. Diretso sa akin. Nagkatitigan kami dahilan para dahan-dahang umuwang ang mga labi ko. Pakiramdam ko pa’y naging slow motion ang paligid. Ang guwapo niya, sh*t!
Naputol lamang ang titigan namin nang makaalpas sila. Napagtanto ko na rin na bodyguards niya pala ang apat na lalaki.
“Siya si Sir Syver Ruggiero. Bagong may-ari sa penthouse nitong tower,” imporma sa akin ni Kuya Noel.
Nakasunod pa rin ang tingin ko sa mga lalaki na tumango ako. Hindi ko na maialis ang tingin ko kahit likod na lamang ni Sir Syver ang nakikita ko.
At nang pumasok sila sa elevator ay nakagat ko na ang kuko ng hinlalaki ko. I think I’m in love. Ayiee!