DAYO 2

945 Words
Palingon-lingon si Luke sa paligid. Kinakabahan siya dahil baka nasundan siya ng grupo ni Mike para pagtripan na naman. Pasukan na naman at ginagawa na naman siyang katatawanan at laruan ng mga ito. Hindi siya makalaban dahil lubhang napakahina ng kaniyang loob. Nakahinga siya nang maluwag nang hindi nakita ang kahit isa sa grupo nito o si Mike mismo. Papasok na sana siya sa silid-aralan nang biglang may bumatok sa kaniya. "Tanga ka talaga, e! Ang sabi ko, bitbitin mo ang mga gamit namin bago ka pumasok sa room!" At isa-isang inihagis ng mga ito ang mga notebook at libro kay Luke bago nauna nang pumasok ang mga ito sa loob. Pinulot naman nang walang magawang si Luke ang mga ito at palihim na lang na magalit. Pilit kinakaya ang mga gamit na nagkakandahulog na. Nakangisi pa ang grupo ni Mike, bago isa-isa niyang iniabot ang mga ito. Ginulo pa nito ang buhok niya bago sabihing "ayos ka bata." Nagtawanan naman ang grupo nito. Ang ilan naman ay walang pakialam. Ayaw nilang madamay pa. Nagsitigil lang sila nang dumating na ang gurong si Miss. Dimagiba. Sobrang terror nito at walang kinikilingan. Mahilig mambagsak at hindi nadadaan sa pakiusapan. "Bakit ka nakatayo, Luke?" Naniningkit ang matang nakatingin ito sa kaniya. Medyo malayo pa kasi ang upuan niya dahil iniaabot pa niya ang gamit ni Jack, kasama sa grupo ni Mike. "E-eh, m-ma'm..." Napapakamot sa ulong mabilis na tumakbo si Luke sa sariling upuan at agad na umupo. Hindi na nagkomento pa ang kanilang guro at sinimulan na ang pagtuturo. Nang makalingat ito, agad na binatukan ni Mike si Luke. "Hoy! Mamayang lunch ibili mo kaming pagkain," mahinanang saad nito. At agad na umayos nang upo nang mapansing napatingin sa kanila ang terror teacher. Napapayukong natatakot na si Luke. Lalo pa at mahinang sinipa pa ni Mike ang upuan niya. Pilit man siyang nagpapakatapang, wala talaga siyang lakas ng loob. Isa lang siyang estudyanteng mahina at duwag. *** "Anak ng... bakit ba hindi kayo tumitingin sa dinaraanan?!" Galit na galit na pinulot ni Shanaya ang kaniyang bag. Napangisi naman si Mike at agad na dinuro si Shanaya. "Hoy! 'Wag mo kaming sigawan. Bago ka ano? Ito ang tandaan mo, kapag dumaan na kami, tatabi ka!" At matiim siyang tiningnan nito bago umalis. Nakangisi naman siyang pinasadahan nang tingin ng apat pang kasama nito bago sumunod sa lalaking bastos. Nagtitimping sinundan lang sila nang tingin ni Shanaya. May araw rin kayo sa akin. Pero sa hindi malamang dahilan ni Shanaya. May isang bagay siyang hindi siya maintindihan. Kanina pa niya pilit na binabasa ang isip ng mga ito, pero wala. Anong nangyari? Mamaya na lang niya pagkakabalahan iyon. Hahanapin pa niya ang room ng kaniyang unang subject. *** Nanginginig na inilapag ni Luke ang tray ng kaniyang pagkain sa lamesa. Hindi niya nais na lumingon kahit saan pa dahil baka makita niya ang grupo ni Mike. Bibilisan na lang niya ang pagkain. Nakayukong mabilis na kinuha ang kubyertos at sumandok ng pagkain. Subalit, hindi pa nakakaabot sa bibig niya ang kutsara, natapon na ito dahil may tumabig dito. Kahit hindi niya lingunin kung sino ang may gawa, tawa pa lang ng mga ito, kilalang-kilala na niya. "Gago mo talaga e, no? Wala kang katakot-takot sa amin. Ano na 'yong inuutos ko?" Umupo pa sa tabi niya si Mike at balewalang kinuha ang tray ng kaniyang pagkain. Halos matapon na ang lahat nang nakalagay doon dahil sa pabiglang pagkuha nito. "Wa-wa-wala ka-ka-kasi a-akong pera..." (Wala kasi akong pera.) hirap na hirap na saad ni Luke. Bata pa siya ay may diperensiya na ang kaniyang dila. Kaya naapektuhan ang kaniyang pagsasalita. Alam na ito ng lahat dahil dito siya nag-aral mula elementary at ngayon nga ng first year college sa kursong nurse. Karamihan ay umiintindi pero may ilan ay katulad ng pinsan niyang si Mike, mapang-api. "Wa-wa-wala ka-ka-kasi a-akong pera..." nakangising ginaya siya ni Mike. "Ikaw mawawalan ng pera? Eh, mahal na mahal ka ng kuya mo. Bumili ka na roon baka maupakan pa kita riyan." at inambaan niya ito nang suntok. Agad namang tinakpan ng dalawang braso ni Luke ang mukha upang salagin ang suntok nito. Nagtawanan naman ang apat pa nitong alipores na nakapalibot sa kaniya. Mula no'ng grade five sila, inaapi na siya ni Mike. Lumipat ang pamilya nito galing Pampanga at nakabili ng lupa malapit sa kanila rito sa maynila. At iyon na ang simula ng kaniyang kalbaryo. Pakiramdam niya, naiinggit si Mike sa kaniya dahil bigay ang lahat ng nais niya sa kaniyang kuya, samantalang ito ay palaging sinisigawan ng nakakatandang kapatid. Matapang lang ito kapag sila lang dalawa, pero kapag nasa lugar na nila at nakikita na sila ng kani-kanilang pamilya, ang bait-bait nito. Kung alam lang nila, pero hindi niya magawang magsumbong o kaya lumipat na lang sila ng lugar. Mahihirapan ang kaniyang kuya at iyon ang ayaw niyang mangyari. "Ba-ba-baon ko i-i-yon e..." (Baon ko iyon, e) Binatukan na naman siya ni Mike.Halos masubsob na si Luke sa lamesa sa lakas niyon. Lumingon pa si Mike sa paligid dahil baka may gurong nakamasid o kaya estudyante. Nang may nakatingin, pinandilatan niya ng mata at agad na nag-iwas ng tingin. Binulungan niya ang pinsan. "Kapag ako ay hindi mo sinunod, paabangan ko ang kuya mo at ipapapatay ko. Alam mong kaya kong gawin iyon." Nanlalaki ang mga matang napatayo si Luke at mabilis na tinungo ang counter ng canteen. Tawa naman nang tawa si Mike. "Bulol na uto-uto pa!" At nakipag-high five pa ito sa mga kaibigan niya. Tanga talaga, akala naman ni Luke gagawin niya iyon. "Hoy, para sa lima ang orderin mo!" pasigaw pa nitong sabi sa patango-tangong si Luke. jhavril---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD