Paglapat ng mga paa ko sa malamig sa semento ay maliksi akong tumakbo. Hindi ako puwedeng mahuli ng mga pulis. Pero sadyang minalas yata ako ngayon araw dahil dalawang alagad ng batas ang sumalubong sa akin habang nakatutok ang hawak na baril.
"Pulubi, mukhang mahuhuli na rin kita," nakasinging wika ng pulis. Kilala ko ito. Alam ko ring mainit ako sa mga mata nito at sa aking pagkakaalam ay matagal na akong hinahanting nito. Aaminin ko naman na mayroon akong naging kasalanan dito.
Ito rin naman ang may kagagawan kung bakit nagawa ko ang bagay na iyon. Pinagbintangan kasi ako na kinuha ko raw ang wallet niya. Eh, samantalang ay napulot ko lang naman iyon.
Binuklat ko ang wallet para alamin kung sino ang may-ari. Pero nahuli ako habang na tinitingnan ko ang loob. Nabigla na lang ako nang mawala sa mga kamay ko ang pitaka. At pagtingin ko kung sino ang kumuha noon ay bumulaga sa aking harapan ang isang pulis.
Nakita ko rin ang posas nito na kinuha sa beywang niya at alam kong balak akong lagyan. Kaya naman bigla akong napaurong. Nagpaliwanag naman ako rito. Pero ayaw nitong maniwala sa akin. Pinagdidiinan pa rin na dinukot ko ang wallet niya.
Mas nagulat ako nang buksan nito ang kotseng nasa tabi namin, alam kong may kukuhanin doon ang pulis.
Kaya hindi na ako nag-isip. Agad kong kinuha ang maliit nakutsilyo na lagi kong dala-dala at walang balalang pinagbubutas ko ang gulong ng kotse nito.
Pagkatapos kong gawin ang bagay na iyon ay nagmamadali akong tumakbo. Narinig ko pa nga ang malakas na sigaw nito sa akin.
At iyon ang simula nang paghahanting sa akin ng pulis na ito na nasa aking harapan.
"Paano ba 'yan? Wala ka nang kawala sa akin Pulubi. Sisiguraduhin kong makukulong ka at hindi na makakalaya pa!" singhal niya sa akin habang nakangisi.
Nakaramdam naman ako ng inis sa pulis na ito nang ipakita sa akin ang hawak na posas at talagang inaasar pa ako. Hindi na lamang ako nagsalita pero malikot ang mga mata ko para maghanap ng puwede kong malusutan. Upang tuluyang makatakas sa mga ito.
"May sunog! May sunog!" sigaw naman ng isang babaeng kilalang-kila ko ang boses, walang iba kundi si Bombie.
Kaya napalingon ang dalawang pulis sa babaeng sumisigaw. Iyon ang sinamantala ko upang makatakas sa dalawang alagad ng batas. Parang ipo-ipo akong tumakbo pakaliwa. Alam ko naman ang pasikot-sikot sa lugar na ito.
Nagdiwang ako nang tuluyan na akong makalayo sa mga naghahanting sa akin. Kumanan naman ako para pumunta sa barong-barong na tinitirhan ni Bombie. Doon ako nakatira. Simula nang makita niya akong nagpapakalat-kalat sa kalye ay hindi nito pinagkait sa aking ang tulong na kailangan ko.
Hindi naman nagtagal ay agad akong nakarating sa maliit na bahay ng aking kaibigan. Pagpasok sa loob ay nakita ko itong hingal na hingal dahil siguro sa pagtakbo.
"Salamat sa tulong mo," wika ko rito sabay upo sa lumang upuan.
"Walang ano man. May sasabihin pala ako sa 'yo. Baka lang gusto mong sumama sa akin?"
"Saan? Pagkakakitaan ba 'yan?" tanong ko rito.
"Oo, dahil limang araw nating gagawin iyon. Sayang din ang 500 pesos na makukuha natin gabi-gabi," saad nito sa akin.
Kumunot ang noo ko sa mga pinagsasabi nito. May namumuong hinala rin sa akin isipan. Kaya masamang tingin ang ibinigay ko kay Bombie.
"Ohh! Bakit ganyan ka nakatingin sa akin?" nakataas ang kilay na tanong ni Bombie.
"Hindi ako natutuwa sa balak mo. Mukhang hindi maganda ang nasa isip mo!"
Nagulat ako nang biglang tumawa nang malakas si Bombie. Kaya lalo akong naasar dito. Agad kong kinuha ang suot kong tsinelas at walang babalang ibinato sa babaeng pasaway.
Nasalo naman nito ang tsinelas ko. Pero hindi pa rin ito maawat sa paghalakhak niya.
"Kapag hindi ka pa tumigil diyan. Ibabato ko sa 'yo ang upuan!" bulalas ko na may pagbabanta rito.
"Okay fine, seryoso na ako. Kasi naman, eh, ang dumi ng nasa utak mo. Saka hindi naman ako ganoon babae. Matino pa ang pag-iisip ko," sabi nito sa akin habang pangiti-ngiti pa.
"Stkk! Sabihin mo na nga kung saan tayo pupunta?"
"Mayroon kasi akong nakausap na isang mayamang tao. Nangangailangan sila ng dalawang taga-iyak sa kamag-anak nilang namatay. Sinunggaban ko na dahil Sayang din kasi. Luha lang ang puhunan natin," pahayag sa akin ni Bombie.
Napangisi rin ako sa mga tinuran nito. Sabagay tama ito. Sayang din ang 500 pesos na ibabayad sa amin. Kaya nakangiting sumang-ayon ako sa aking kaibigan.
"Game ako riyan. Kailangan ba tayo magsisimula sa ating trabaho?" tanong ko agad dito.
"Ngayon na! Kaya maghanda ka na dahil aalis na tayo. Ihanda muna rin ang mga luha mo. Dahil ilang oras din tayong iiyak."
"Kailangan ko yatang bumili nang maraming eyemo drops. Baka kasi maubusan ako ng luha," sabi ko kay Bombie.
"Mayroon na akong binili para sa akin. Bahala kang bumili ng sa 'yo," sabi pa nito sabay ngisi sa akin.
"Bigyan mo muna ako dahil. Bukas ay ako naman ang bibili ng eyemo drops. Hindi mo naman mauubos 'yan."
"Okay," sagot nito sa akin.
Hindi naman kami nagtagal sa barong-barong. Mabilis din kaming nakarating sa lugar na kung saan kami iiyak nang katakot-takot. Sana lang ay maraming luha ang tumulo sa aking mga mata ngayon gabi.
Mukhang mayaman nga ang patay na iiyakan namin. Hindi lang ito basta bahay kundi isang mansiyon. Nang magpakilala si Bombie sa security guard ay agad naman kaming pinapasok sa loob ng gate. May sumalubong sa amin na babae. At kahit na may kaedad na ito ay nababanaag ko pa rin ang taglay nitong kagandahan.
"Siya ba ang magigimg kasama mo sa pag-iyak ngayon gabi?" tanong ng babae kay Bombie.
"Opo, Mrs. Hang," mabilis na sagot ng kaibigan ko.
"Sumunod na kayo sa akin para makapagsimula na kayong umiyak," sabi ng babae. Sabay talikod at bumalik sa loob ng bahay.
Pasimple naman akong bumulong kay Bombie. "Hindi kaya lugi tayo sa 500? Saka ang yaman nila dapat ay ginawa naman nilang isang libo."
"Ayos na iyon. Medyo barat si Mrs. Hang," sagot sa akin ni Bombie. Tumango na lang ako rito at pagpasok sa loob ng bahay ay agad kaming naupo malapit sa kabaong.
Pero ang mga mata ko ay umiiwas doon. Ayaw kong makita ang pagmumukha ng patay na nakalagay roon at baka madala ko sa aking panaginip.
"Magsimula na tayo," pabulong na sabi sa akin ni Bombie.
"Sige," sagot ko.
Napabaling ako ng tingin kay Bombie nang bigla itong
umatungal nang malakas at tila bakang kinakatay ito.
Gustuhin ko mang tumawa ay nagpigil ako kaya kinagat ko ang ibabang labi ko. Naramdaman ko pa nga ang pagsiko nito sa akin. Alam ko na ang ibig sabihin noon. Gusto na rin nito na umiyak ako. Kinuha ko ang eyemo drops at agad kong ipinatak sa mga mata ko. Mayamaya pa'y nakisabay na rin ako sa pag-atungal ni Bombie. Na tila isang baka na ginagahasa.