By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
fb: Michael Juha Full
------------------------
Mainit ang ulo ni Timmy sa pagpasok niyang iyon sa eskuwelahan bunsod sa nangyari kina John at sa hindi na pagpasok ni John sa klase. Hindi niya lubos maisip kung ano ang dahilan ng kanyang pag-absent at kung may kinalaman ba siya rito. Iyon ang bumabagabag sa kanyang isip.
“Tok... narinig mo ba ang balita na lilipat na raw ng eskuwelahan si John? Ang tanong ni Jeff sa kaibigang si Timmy sa umagang iyon ng unang subject nila. Pangatlong araw na kasi iyon na hindi pumapasok si John sa eskuwela.
Isang masakit na tanong ang sumalubong kay Timmy sa araw na iyon. Mainit na nga ang kanyang ulo, ang impormasyon na iyon pa ang sumalubong sa kanya. Mistulang nilublob sa ilog ang kanyang puso at hindi ito makahinga. Para siyang nawalan ng lakas. Ngunit kahit nabagabag ang isip niya, nagmamatigas pa rin si Timmy. Gusto niyang panindigan ang mga nabitiwan na niyang salita kay John. “H-hindi ko alam, pare. Saan mo nalaman?”
“Narinig ko lang sa mga usap-usapan ng mga guro sa. Napadaan kasi ako sa Faculty Room at sa labas ay nag-uusap ang ating professors sa English at Psychology. Nabanggit nila iyan. May sinabi raw si John na kapag aabot ng 10 days ang kanyang absence, hindi na raw siya babalik. Akala ko ay alam mo. Alam mo ba kung bakit hindi siya pumasok?”
“Eh... hindi eh.”
“Hindi naman kayo nag-away?”
Natahimik si Timmy sandali. “Di ba... hindi naman kami ganyan ka-close na ngayon simula nang nangyari iyon sa amin? Iyong magkapatid daw kami pero gawa-gawa lang pala iyong DNA result. Iniiwasan ko na siya. Kaya sure ako na hindi ako ang dahilan. May ibang dahilan siguro na hindi natin alam,” ang sagot na lang niya bagamat sa kaloob-looban ng kanyang konsiyensya ay tinutuligsa siya nito.
Sa buong araw na iyon ay hindi na naka-concentrate sa pag-aaral si Timmy. Kahit nagmamatigas ang kanyang isip na panindigan ang sinabi niya kay John, ang kanyang puso naman ay sumisigaw na hanapin si John.
Dahil sa kaguluhan ng kanyang isip, pagkagaling niya sa eskuwelahan ay dumiretso kaagad siya sa puntod ng kanyang inay. Inilatag niya sa ibabaw ng puntod ang tatlong pirasong rosas na hiningi niya sa taga-alaga ng tanim sa unibersidad. Umupo siya sa gilid ng puntod, nakaharap sa uluhang bahagi. Doon ay umiyak siya nang umiyak at ipinalabas niya ang kanyang saloobin. Tila nakikipag-usap lang siya sa isang taong buhay. “Nag-guilty ako, Nay... Kung hihinto po siya sa kanyang pag-aaral nang dahil sa akin, baka mahihirapan po akong patawarin ang aking sarili. Ayaw ko rin naman pong bumalik kami sa aming relasyon, Nay. Alam mo kung gaano kasakit ang aking naramdaman sa ginawa ng kanyang ama. At alam ko rin po na kapag magkabalikan kami, malaking hadlang ang aming susuungin. Natatakot akong masaktan muli. Ayokong magdusa uli Nay. Nag-iisa na nga lang ako sa mundo, tapos heto, magdusa pa dahil lalaki ang aking iniibig. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa iyon, Nay.”
Hindi namalayan ni Timmy na halos malalim na pala ang gabi. Nakatulog siya sa tabi ng puntod ng kanyang inay. “Nay, uuwi na po ako. Sana po ay gabayan ninyo ako upang makapag-isip po ako ng tama at malalaman ko po ang gusto ninyo para sa akin. Kung mabibigyan po ninyo ako ng tanda, sana ay mahanap ko iyon.”
Nakarating si Timmy sa kanyang bahay sa bukid. Ngunit sa buong magdamag ay halos hindi rin siya nakatulog. Sa kanyang isip ay naroon si Johnny, nasasaktan sa kanyang ginawang pagtanggi.
Kinabukasan sa eskuwelahan, halos hindi pumasok sa kanyang isip ang mga itinuro ng professors. Hanggang sa natapos ang klase sa araw na iyon. Si John pa rin ang laman ng kanyang isip.
“Timmy, may bibilhin ako mamaya sa downtown, puwede bang magpasama sa iyo?” ang tanong ni Julie kay Timmy nang lumapit ito sa kanya.
Hindi agad nakasagot si Timmy. Nag-isip. “Ahm... m-may gagawin pa kasi ako mamaya eh. Next time na lang, Julie.”
“Sandali lang naman, Timmy, eh.”
“Kailangan kong makauwi kasi... Sorry. Next time na lang talaga, babawi ako,” ang sagot ni Timmy bagamat ang totoo ay naguluhan siya, naguilty dahil ang ginawa niyang dahilan upang masaktan at lumayo si John ay upang ligawan si Julie. Ngunit nakonsyensiya na siya ngayong hindi na pumasok si John sa klase. Gusto niyang makapag-isip kung tama ba ang kanyang gnawa. Kaya gusto niyang mapag-isa. Gusto niyang dumistansya muna kay Julie.
Hindi na nagpumilit pa si Julie. Tumalikod ito kay Timmy na may kaunting hinanakit. Tiningnan naman ni Jeff si Timmy habang si Timmy ay umiwas sa tingin ni Jeff.
Pagkatapos ng klase ay hindi alam ni Timmy ang kanyang gagawin, kung uuwi sa bukid o pupunta ng simabahan o sa plaza. Sa huli ay naisipan niyang puntahan ang tindahan kung saan sila unang nag-inuman ni John at kung saan unang nabuo ang kanilang pagkakaibigan.
Nag-order siya ng limang beer at limang barbecue na manok, pati kanin. Habang umiinon siya ay muli niyang binalikan sa kanyang alaala ang mga masasayang araw nina John. Kung paano sila nagkatagpo, kung paano niya siya ipinagtanggol nang siraan ang kanyang ina, iyong mga pangungulit niya kapag natutulog na sila sa kanyang kama, iyong pagdadala niya sa kanya ng empanada sa umaga. Mistulang pinagtataga ang puso niya habang binalikan niya sa kanyang alaala ang mga iyon. Sumisigaw ang puso niya na hanapin si John. Ngunit nagmamatigas ang kanyang pride at isip.
“Timmy!!! Nandito ka pala!” ang sigaw ni Julie. Natunton niya si Timmy na nag-inom na mag-isa.
Nahinto ang pagmuni-muni ni Timmy. Nilingon niya si Julie na kasalukuyang ipinarada ang kanyang motorsiklo. Sa isip niya ay isang gambala ang pagdating ni Julie.
Hindi sumagot si Timmy sa kanyang pagtawag. Itinuloy niya ang kanyang pag-inom na tila wala siyang narinig.
“Akala ko ba ay may gagawin ka?” ang sambit ni Juli na umupo sa tabi niya. “Bakit dito ka uminom. Ang cheap naman ng lugar na ito!” ang dugtong ni Julie.
“Napadaan lang ako rito. Pero aalis na rin ako. At isa pa, hindi cheap ito para sa aming mahihirap. Mataas lang talaga ang standard mo.”
“Ito naman. Biro lang iyong sa akin.”
Hindi sumagot si Timmy. Wala siya sa mood na makipagkuwentuhan. Lalo na kay Julie.
“Parang ang lungkot-lungkot ng mukha mo. Iyan ba ang dahilan kung bakit ka uminom?” ang tanong ni Julie. Ganyan naman talaga. Kapag may gusto ka sa isang tao, mabilis mong mapansin ang kahit maliit na bagay sa kanya, ma-emosyon man, mga bagay na ginagawa, sinusuot, binibili...
“Hindi ah! Bakit naman ako malulungkot? Hindi lang kasi ako natuloy, kaya heto, dito na lang ako nagpalipas ng oras.”
“Ano ba iyang gagawin mo sana?”
“Wala naman. Sa akin na lang iyon,” ang sagot ni Timmy. “Paalis na ako, Julie. Kanina pa ako rito eh,” ang pagpapaalam niya.
“Huwag muna, Timmy. Masyado ka namang nagmamadali, eh. Kainis ka. Mag-order pa ako ng beer. Mag-enjoy muna tayo. Sabayan mo akong uminom.”
“Ay huwag na. Aalis na talaga ako. Malayo ang sa amin at mahirap ang daanan.”
“Kakainis naman to, o!” ang pagmamaktol ni Julie.
“Pasensya na talaga. Kasi nga malayo pa ang sa amin at bukid. Malalim na ang gabi, o!”
“O e ‘di kung ganoon, ihahatid na kita sa motor ko.”
“Huwag na Julie.”
Ngunit hindi nagpaawat si Julie. Kaya napilitang sumakay si Timmy sa kanyang motorsiklo hanggang sa bahay kung saan niya ipinakisuyo si Tokhang.
“Saan ba ang bahay mo?”
Itinuro ni Timmy ang bukid. “D’yan ang daanan. Madilim at hindi nadadaanan ng de-gulong na sasakyan. At malayo pa iyon, nasa tuktok ng bukid na ito” ang pag-aalibi niya upang madiscourage siyang sumama.
“Ikaw lang mag-isa?”
“Oo.”
“Sasamahn na lang kita. Doon na rin ako matutulog.”
“Huwag! Mahirap sa iyo. Sige na... aalis na ako,” ang sagot ni Timmy at nagmamadaling naglakad patungo sa daan.
Nang malayo-layo na siya, naalala niya si Tokhang. Sa pagmamadali niya ay hindi na niya naisip na may kabayo pala siya. Ngunit okay na rin sa kanya dahil kung nakita ni Julie ang kabayo, baka lalo lang maexcite na sumama siya dahil sasakay sa kabayo.
Tuloy-tuloy na lang sana ang paglalakad ni Timmy patungo sa kanyang bahay ngunit nang marinig niya ang pag-andar ng motor ni Julie, bigla niyang naisipang bumalik, para sa kabayo, si Tokhang.
Nang nakabalik na siya sa bahay ng pinakisuyuan nila sa kabayo ay agad niyang kinuha si Tokhang at sinakyan. Pinatakbo niya ito, ngunit hindi patungo sa kanyang bahay kundi sa apartment ni John. Hindi rin niya lubos maisip na doon siya patutungo. May naramdaman siyang malakas na udyok sa kanyang isip na iyon ang kanyang gagawin. Ang hanapin si John at alamin kung ano ang nangyari sa kanya. Alam niyang hindi rin siya makatulog sa kaiisip kung hindi niya malalaman ang dahilan ng pag-absent ni John.
Kaya kahit halos alas 10 na ng gabi ay nagpursige pa rin siyang pumunta sa apartment.
“Timmy! Ikaw pala! Mabuti’t napadayo ka. Anong atin?” ang tanong ng Tito ni John. “Ito ba iyong kabayo na pinabili ni John sa akin na gamit ninyo sa bukid?” ang dugtong niya.
“Opo. Ito po si Tokhang.”
“Ang ganda ng porma at tinding! At lalo pa siyang pumogi ngayon!”
“Opo. At natuto na po iyang dumapa kapag mag gustong sumakay na hindi makasakay dahil sa taas niya.”
“Magaling! Magaling!” Nahinto siya sandal. “O... anong atin?”
“Ah, eh... p-pinatatanong kasi ng aming Dean k-kung a-ano ang nangyari, bakit po hindi na pumapasok si J-John” ang pag-aalibi ni Timmy.
“Akala ko ba ay nagpadala na iyon ng excuse letter sa Dean niya? Hindi ba natanggap?” ang sagot ng kanyang Tito na nalito.
“Ah, eh…” ang naisagot lang ni Timmy. Sa loob-loob niya ay may naramdaman siyang hiya. Busted ang kanyang alibi. Mabuti na lang at gabi iyon. Kung hindi ay siguradong nakikita ng Tito ni John ang pamumula ng kanyang mukha. “Eh... b-baka, b-baka nalimutan lang po niya. Masyado kasing busy kami ngayon sa school. Maraming pinangasiwaan ang Dean. Maraming activities po ang school,” ang palusot niya.
“Ganoon ba? Baka nga...”
“S-sige po. Aalis na lang po ako. S-sasabihin ko na lang po sa Dean namin na may Excuse letter na po pala si John,” ang biglaang pagpapaalam ni Timmy sa sobrang hiya na nabisto ang pagsisinungaling niya. Kaya kahit gusto pa niyang alamin kung nasaan si John, kinalimutan na lang niya ito. Ayaw niyang mahalata na naghanap lang siya ng dahilan upang magtanong tungkol kay John.
“Sandali, Timmy. Lampas ala 10 na ng gabi. Dito ka na lang kaya matulog. Ang kuwarto ninyo ni John ay bakante iyan, puwede kang d’yan matulog. Baka mapahamak ka pag-uwi mo. Maulan-ulan pa naman. Delikado ang daan patungo sa bukid. Halika sa loob!”
“B-baka naman po nakakahiya,” ang pakipot pa niyang sagot.
“Bakit nakakahiya? Naging bahagi ka ng pamilya namin. At sigurado akong matutuwa si John kapag nalaman niyang dumalaw ka.”
Doon na siya nakahanap ng tyempo si Timmy na magtanong. “N-nasaan po ba si J-John?”
“Halika muna sa taas. Dito tayo magkuwentuhan,” ang pag-anyaya ng Tito ni John.
Hindi lubos maisalarawan ang tuwa na nadarama ni Timmy sa pag-anyaya sa kanya ng Tito ni John na doon matulog. At lalo na sa napansin niya na wala siyang kinalaman sa hindi pagpasok ni John sa klase.
“Nagtungo si John ng Maynila dahil ipinatawag ng aking pinsan, ang nag-iisang kapatid ng kanyang ama. Tito lang kasi ako ni John sa pagka-pinsan ko ng second-degree sa kanyang ama. Sila talaga ang mga mayayaman. Itong apartment na ito ay binili ng papa niya para sa kanya. Nakapangalan ito sa kanya ngunit ako ang namamahala. Kaya kahit namatay na ang daddy niya, tuloy pa rin ang pangangasiwa ko rito. Ngayon, itong kapatid ng ama ni John na pinsan ko ay dumating galing ng US. May mga negosyo rin ito roon at isang American citizen na. Medyo concerned siya sa pagkamatay ng kanyang kapatid at marahil ay ipapa-imbestiga nila ang pagkamatay, at kung sino ang dapat na managot ay hahabulin niya. Gusto rin niya sigurong makita si John,” ang paliwanag ng Tito ni John.
“Ah... g-ganoon po pala iyon.”
“Oo. Iyan ang dahilan kung bakit siya umalis. At pagkataps niya sa Maynila ay sa Mindoro naman siya tutungo, sa inay niya.”
May kaunting kurot na naramdaman si Timmy sa sinabi ng kanyang Tito na pupuntahan ni John ang kanyang inay. Natandaan kasi niya ang huling sinabi niya kay John, “Ang inay mo, bago lang kayo nagkita ngunit nasaan ka? Iniwan mo siya para lang sa akin? Ngayong ang inay mo na lang ang natirang pamilya mo, ibigay mo ang oras mo sa kanya. Alam kong nasasabik siya sa iyo. At alam kong nasasabik ka rin sa kanya. Huwag mong hayaan na balang-araw kapag nawala rin siya sa iyo, magsisi ka dahil hindi mo siya binigyan ng pagkakataon at sapat na oras upang magkasama kayo at maipadama mong mahal mo siya at nariyan ka para sa kanya.”
Kahit papaano, medyo napanatag ang loob ni Timmy sa narinig na kuwento ng Tito ni John. Nakahinga siya ng maluwag. Nang pumasok na siya sa kuwarto ni John. Napansin kaagad niya ang isang naka-kuwadro na litrato nilang dalawa ni ni John na nag-aakbayan. Iyon iyong nasa bukid sila, nag-selfie si John habang inaakbayan niya si Timmy at ang likuran nila ay ang ilog. Napakagandang tanawin. Berdeng-berde ang kulay ng paligid, naroon ang ilog na palagi nilag pinapaliguan at ang pampang kung saan sila palaging nagkukuwentuhan o nagpapalipas ng oras. At sa kanilang mga mukha ay makikita ang ibayong saya. Muling nanariwa sa isip ni Timmy ang panahong iyon. Iyon ang kasagsagan ng kanilang pagiging magkasintahan. Ang panahon kung saan ay mistulang pag-aari nila ang mundo at sila lang dalawa lang ang nakatira rito.
Binuksan din niya ang cabinet ni John at doon ay nakita niya ang huling damit niya na ipinasuot niya kay John – pantalon, t-shirt, at brief – lahat ay maayos na nakatupi at nakasilid sa plastik. Napansin din niya ang T-shirt na sinuot niya sa una niyang pagpasok sa unibersidand na may tatak na, “I’m here to win back my love.” Nakahanger ito, at naka-plastic din.
Binitiwan niya ang isang malalim na buntong-hininga sa pagkakita niya sa mga iyon.
Queen size na may dalawang unan ang kama ni John. Malambot ito kumpara sa kama niya sa bukid na banig lamang ang sapin. Ngunit hindi pa rin siya makatulog. Sa buong magdamag ay pabaling-baling siya sa higaan, yakap-yakap ang isang unan, isiniksik sa isip na iyon ay si John.
Kinabukasan ay ginising siya ng Tito ni John. “Timmy, handa na ang almusal. Mag-agahan ka muna bago ka pumasok.”
Tumalima si Timmy. Pagkatapos ng agahan ay naligo si Timmy at dahil wala naman siyang dalang toothbrush, ginamit niya ang toothbrush ni John. Pati ang damit, pantalon at brief na pinahiram ni Timmy kay John na nasa cabinet ay ginamit rin niya. Ngunit bago siya umalis ay nilabhan niya ang kanyang brief, T-Shirt at pantalon at inilagay ang mga iyon sa hanger at isinabit sa may terrace ng kuwarto. Bagamat puwede pa namang isuot ni Timmy ang kanyang T-Shirt at pantalon, pinili niyang isuot ang damit ni John sa tindi ng pangungulila niy sa huli.
Pagkagaling niya sa apartment ni John ay dumiretso muna siya sa pinakisuyuan niya kay Tokhang.
“Woi! Parang nakita ko ang T-shirt na iyan na suot ni John ah!” ang sambit ni Jeff nang nasa eskuwelahan na si Timmy.
“At pati ang pantalon,” ang pagsingit din ni Emily.”
“Saan ka natulog kagabi?” ang makahulugang tanong ni Jeff.
“Sa bukid.”
“Sa bukid? Bakit suot mo ang t-shirt at pantalon ni John?”
“Itong T-shirt at pantalon, akin naman talaga ito eh. Isinuot lang ito n John nang doon siya natulog sa bukid at wala siyang dalang damit,” ang sagot ni Timmy.
Nagkatinginan sila Jeff at Emily. “Eh, bakit iyan ang napili mong isuot ngayon? Na-miss mo siya?”
Inirapan ni Timmy si Jeff. “Hindi ba puwedeng wala lang akong maisuot dahil marumi ang aking mga damit? Alangan namang itapon ko ang mga ito. Sa kagaya kong mahirap, kahit damit pa ng patay ay isusuot ko kapag wala na talaga akong maisuot. At walang meaning iyon. Kagaya ng relasyon namin na patay na rin, wala na ring kahulugan ang pagsuot ko nito. Hindi ako natatakot kahit patay na iyong may-ari, at wala rin sa isip ko kung may kahulugan ito. Ang importante ay may maisuot, kesa naman papasok ako ng klase na nakahubad.”
Nagkatinginan silang dalawa ni Emily. Iyong may pang-ookray na tingin.
“Wow! Ang haba ng explanation. Defensive! Ang talino mo talaga no?” ang biro ni Jeff na binitiwan ang pang-ookray na tawa.
“Kaya nga naging presidente ng freshman eh,” ang sagot naman ni Emily.
“Kayo na nga lang ang mag-usap. Pareho ang linya ng mga pag-iisip ninyo eh. Sarap pag-untugin mga ulo ninyo eh. Matulog muna ako at inaantok ako,” ang sambit ni Timmy sabay subsub ng ulo niya sa kanyang desk. Bagamat in-denial siya tungkol kay John, may kiliti naman siyang naramdaman na bukas pa rin ang isip nila na magkabalikan sila ni John. Lihim siyang napangiti.
***
“Johnny, gusto kong manghingi ng paumanhin sa iyo nang dahil sa kabiguan kong makadalo sa libing ng iyong ama. Alam mo naman, sobrang abala ako. Nagkataon kasi na may board meeting ang mga shareholders ng kumpanya at bilang chairman ng board ay mahirap mag-absent lalo na’t may mga malalaking plano ang kumpanya at ang ibang share holders ay nanggaling pa ng Europe at Japan. Nang matapos naman ang board meeting na iyon, nagkasakit naman ang Tita mo,” ang paliwanag ng Tito ni John na nakabase sa Amerika.
“Okay lang po, Tito Manuel. Naintindihan po namin ang kalagayan ninyo. Kahit naman nang nandito pa ang daddy, alam niya na palagi kayong abala. ‘Di po ba palagi kayong pinagsasabihan niya na magpahinga rin kahit konti?”
Napangiti ang Tito ni John. “Naalala mo rin pala. Kung buhay lang iyon, sinabon na naman ako noon.”
Napangiti na rin si John. “At least, Tito, nabisita mo na ang libingan ng daddy.”
“Oo nabisita ko na. At itong issue ng pagkamatay niya ang nakakadisturb sa akin. Is it true na ikaw sana ang pakay noong hitman?”
“Opo,” ang sagot ni John. At ikinuwento niya ang buong pangyayari.
“So mas pinili nilang ilagay ang batas sa kanilang mga kamay imbes na mag-file ng kaso? Kaya ngayon, tayo ang mag-file ng kaso upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng iyong ama.” Nahinto sandali ang kanyang Tito. “Wala ka namang pagtutol?” dugtong niya.
“Wala po Tito. Mas maigi po…”
“Okay then ipa-proseso ko ito sa abugado ng papa mo. Suportahan mo lang siya at kapag may hearing na kailangan kang mag-attend, siputin mo. Ako rin ay ganoon. Pupunta ako rito kapag during the hearing.”
“Opo.”
“Ang inay mo ay nahanap mo na raw at naiproseso na ang kanyang mana?”
“Opo.”
“Wala ka namang objection?”
“Wala naman po. Ako pa nga ang nag-encourage sa inay na kunin ang kanyang share.”
“May kalaguyo raw ang inay mo? Baka ubusin ang mana niya ng kanyang lalaki? Parang nagpakahirap lang ang daddy mo tapos ipamigay lang ang mga ipinundar niya sa ibang tao?”
“Kilala ko po si Tatay Tonying, Tito. Makakaasa po kayo na mabuting tao po siya. At boto po ako sa kanya para sa inay. Nakita ko po kung gaano siya kasipag, kamatulungin, maalalahanin. May mabuting puso po siya. Minahal na niya ang inay kahit nababalot siya sa sobrang kahirapan. Hindi po pera ang habol niya. I’m sure hindi niya aabusuhin ang inay,”
“At papayag ka na makasal sila kung sakali?”
“Payag po ako. Matagal na panahon na pong nag-isa ang inay at karapatan po niya ang lumigaya.”
“Okay. Pero kung magpakasal man sila, dapat ay pipirma sila ng isang pre-nuptial agreement.”
“Ano po iyon?”
“Nagsasaad na kung anong kayamanan man mayroon ang iyong inay at may mangyari sa kanya, ang kayamanan niya ay maipamana lamang niya sa iyo at hindi sa kanyang asawa.”
Hindi agad nakakibo si John. “P-parang... ‘di po ba unfair iyon?”
“In fact, that is fair. Bakit makinabang ang bagong asawa ng inay mo sa kayamanan na pinaghirapan ng iyong itay? Kahit nga ang inay mo, nakuha lang niya ang yaman na iyan dahil asawa siya ng kapatid ko at wala naman siyang naiambag. But see? May mana siya. Pero that’s okay dahil legal na asawa naman siya, at inay mo siya. Pero sa upcoming na asawa ng inay mo, I think maintindihan niya iyan. Kung hindi pera ang habol niya, then there should be no problem. Tama ba?”
“S-sige po... sasabihin ko kay inay kung iyan po ang gusto ninyong iparating.”
“Hindi iparating, John. Gusto kong iyan ang kanilang gagawin. And take note of that. There is no other option.”
“Okay po, Tito.”
“Ngayon, itong kay Timmy Suarez naman...”
Biglang kumalampag ang dibdib ni John sa pagkarinig sa pangalan ni Timmy. “B-bakit po Tito?” ang tanong niya.
“Ito iyong adopted ng daddy mo, ‘di ba? Ipinakilala na niya ito sa lahat nating kamag-anak? Wala ako noong time na iyon, eh. Ngunit inimbitahan ako at pinadalhan ng litrato at background nitong batang ito.”
“Opo. S-siya nga po ang adopted son ng daddy.”
“Natuloy ba ang paglipat ng apilyedo niya sa ‘Iglesias’”?
“H-hindi na po gawa nang namatay nga po ang daddy bago po mangyari iyon.”
“Kasama siya sa mana,” ang sambit ng Tito ni John.
Ramdam naman ni John ang paglulundag ng kanyang puso sa tuwa. Halos mapaiyak siya. Doon niya narealize na kahit ganoon ang kanyang ama ay marunog din pala itong tumupad sa kanyang mga sinasabi. “
“Ang distribution ng mana ng daddy mo ay 50% sa inay mo, 25% sa iyo, at 25% naman para kay Timmy,” ang dugtong na paliwanag ng Tito niya. “Wala ka namang pagtutol rito?”
“W-wala po, Tito. Masaya po ako. Mabait po si Timmy, masipag, matalino, at higit sa lahat, siya po ang nagpatino sa akin. N-naimpluwensyahan po niya ako kaya po nakapagtapos ako ng high school at ngayon ay college na. At iyan din po ang dahilan kung bakit sa isang unibersidad sa probinsya ako nag-aaral dahil naroon po siya.”
“Very good naman kung ganoon. Pero may objection ako sa kanya.”
Doon na kinabahan si John. “P-po? A-ano po ang objection ninyo, Tito?”
“Hindi siya Iglesisas. Kaya kung gusto niyang makuha ang mana niya, sabihin mo sa kanya na ituloy ang proseso ng paglipat ng kanyang apilyedo sa ‘Iglesias’.
Napaisip si John. Kasi kung magiging legal na magkapatid sina ni Timmy, hindi na sila maaaring maging magkasintahan. Ngunit kung hindi naman niya ituloy ang paglipat ng apilyedo niya sa Iglesias, hindi rin niya makukuha ang mana. Naguluhan si John kung ano ang pipiliin. Paano na lang ang naramdaman ni John para kay Timmy? Babalik na naman ba sila noong panahon na naging panandaliang magkapatid sila? Na iniiwasan siya ni Timmy? Ngunit kawawa rin si Timmy kung hindi niya ibigay ang mana nang dahil lang sa pansarili niyang gusto na maging magkasintahan sila?
Parang pinapipili lang siya ng isa sa dalawa: mana or jowa.
“Sabihin mo sa kanya iyan John upang ma-proseso na ang paglipat ng kanyang apilyedo at maibigay na sa kanya ang kanyang mana. At mas maganda kung magagawa niya ito sa lalong madaling panahon. Nakahanda na ang mga papeles niya, nasa abugado na ng daddy mo. Ang pagpirma na lang niya ang hinihintay. Atsaka, kapag legal na Iglesias na siya, dapat ay lahat ng desisyon niya at mga plano ay coordianted sa iyo, o sa akin. Hindi puwedeng Iglesias lang siya sa pangalan at pagkatapos ay parang hindi siya bahagi ng pamilyang ito. Dapat ay panindigan din niya ang responsibilidad na kaakibat sa kanyang pagiging Iglesias. Magtrabaho upang mas lumago pa ang mga negosyo ng iyong daddy. Hindi magpakatamad, at lalo nang hindi magwaldas ng pera kung hindi naman pinaghirapan. Naintindihan?”
“O-okay po, Tito... N-naintindihan ko po,” ang pag-aalangang sagot ni John.
(Itutuloy)