Book 6/Part 6: Pag-iisa Sa Gitna Ng Dagat

6453 Words
By Michael Juha getmybox@hotmail.com fb: Michael Juha Full -----------------------    Inabresiete ni Joy si John at dinala ito sa likod ng building kung saan niya nakita si Timmy na tumungo nang mag walk out ito. Doon nga nila nakita si Timmy, nakaupo sa sementong bangko sa lilim ng isang puno. Nakatalikod ito sa kanila, nakatingin sa kawalan at malalim ang iniisip.   “Shhh! Dito ka muna. Ako muna ang lalapit,” ang mahinang sambit ni Joy kay John na nanatiling nakatayo, malayo-layo sa kinauupuan ni Timmy. “Timmy! Nandito ka lang pala!” ang sambit ni Joy nang nasa harap na siya ni Timmy.   Dali-dali namang hinablot ni Timmy ang kanyang libro mula sa kanyang knapsack. Ayaw niyang mahuli siya ni Joy na nakatulala. “Ey… nandito ka pala, Joy,” ang sagot din niya.   “Nakita ko kasing dito ka patungo eh kaya sinundan na kita,” ang sagot ni Joy na umupo sa tabi ni Timmy. “Alam kong nasaktan ka Tok…” ang dugtong niya.   “Ba’t ako masasaktan?”   “Tok…” ang mahinahong sabi ni Joy. “…alam ko ang kuwento ninyo ni Hang, alam ng buong barkada ang kuwento na iyan at suportado namin kayo. At huwag ka nang magdeny-deny pa riyan, okay? Ang problema ninyo ay problema rin ng barkada,” dugtong niya.   “H-hindi mo kasi naintindihan ang sitwasyon namin, Joy eh. Masyadong kumplikado.”   “Naintindihan ko,” ang sagot ni Joy sabay tayo at, “Heto kausapin mo siya para magkaliwanagan kayo. Hayan siya o…” sabay turo niya kay John na nanatiling nakatayo sa ‘di kalayuan.   Nagulat si Timmy sa sinabi ni Joy. Nilingon niya ang kinaroroonan ni John. At baling kay Joy, binitiwan niya ang isang nininerbiyos na ngiti, “Ikaw talaga, palagi naman kaming nag-uusap niyan sa bahay. ‘Di nga iyan umuuwi sa kanila eh.”   “At kinakausap mo naman siya nang maayos?”   “Okay naman.”   “Kung okay, e ‘di dapat lang na magpaliwanag siya tungkol sa halikan nila ng talipandas na babaeng iyon.”   “Wala siyang dapat na i-explain, Joy. Malaya siya. Puwede niyang gawin kahit ano.”   “Ay, hindi puwede iyan sa akin, Tok. Dapat ay mag-explain siya,” ang sambit ni Joy. At baling kay John, “Hang… halika nga!”   “Joy!” ang pigil na sigaw ni Timmy kay Joy. Ayaw niya sanang lumapit si John sa kanya.   Ngunit huli na ang pagtutol niya. Nakalapit na si John.   “Umupo ka sa tabi ni Timmy at magpaliwanag. Okay?” ang utos ni Joy kay John.   Wala nang nagawa si Timmy nang tumabi si John sa kanya sa inuupuan nito.   “That’s good! Mag-usap kayo. Iiwanan ko muna kayo rito dahil may gagawin pa ako. Ang sambit ni Joy sabay talikod at nagtatakbo na kinilig. Bumalik siya sa umpukan nilang magbarkada.   Nang sila na lang dalawa ang naiwan. Seryosong-seryoso silang nakaupo, parehong nakayuko. Marahil ay kung may makakakita sa kanila na dalawang campus heartthrob, nakaupong magkatabi at seryosong-seryoso, ang iisipin ng makakakita ay may kakaibang namagitan talaga sa kanilang dalawa o ‘di kaya ay nagliligawan sila, o kaya ay magkasintahan na may seryosong pinag-usapan. Nakakakilig, bagamat para sa iba ay nakakadiri.   “Tok… Sorry,” ang pag-aalangang sabi ni John.   “Para saan?” ang tanong ni Timmy.   “Iyong paghalik ko kay Julie.”   “Bakit ka mag-sorry? Gusto mo iyon. Gusto ni Julie iyon. Wala tayong relasyon. Bakit ka magso-sorry sa akin?”   Hindi sumagot si John.   “Maganda nga iyon para ikaw na ang kukulitin niya, hindi na ako. At kitang-kita naman na nag-enjoy ka sa halik niya, eh,” ang dugtong ni Timmy.   “Kagaya ba ng pag-enjoy mo noong kahalikan mo rin siya?” ang sagot ni John.   Nahinto si Timmy. Hindi agad nakasagot. Hindi niya inaashan na ibabalik sa kanya ni John ang nangyaring halikan nila ni Julie. “M-masarap naman talagang humalik si Julie eh,” ang naisagot niya. “And I recommend her for you,” dugtong niya.   “Ako rin, I recommend her for you,” ang sagot ni John.   Tiningnan ni Timmy si John. “Di ba ibinasura ko na siya? Baka gusto mong pulutin ang basura ko at i-recycle. Makakatulong ka sa kalikasan.”   Natawa si John. Napapalakpak. “Ang galing! Kahit kailan ang galing mo talaga. Kaya nga mas lalo akong nainlove sa iyo eh.”   Hindi sumagot si Timmy. Seryoso lang siya.   Tahimik.   “So papayag kang ligawan ko si Julie?” ang pagbasag ni John sa katahimikan.   “Oo naman. Para hindi ka na mangungulit sa akin, at iyong babaeng iyon ay makalimutan na rin niya ako.”   “Sabihin mo sa akin ang totoo, Tok. Hindi ka ba nasasaktan? Hindi mo na ba talaga ako maramdaman?”   “Di ba sabi ko, magpalit na ako ng apilyedo. At magiging ‘Iglesias’ na rin ako, kapatid mo. Magiging kuya na kita. What’s the point?”   “Ang point dito, Tok, ay iyong naramdaman mo. Iyong totoo. Sinabi ko sa iyo ang naramdaman ko. Seryoso ako. May relasyon tayo o wala, kung iyan ang gusto mo, gusto ko lang malaman kung ano ba talaga ang laman ng puso mo. Kung may naramdaman ka ba sa akin regardless kung maging magkapatid man tayo, kung iyan ang gusto mo. Simple na tanong, uulitin ko, wala ka na bang nararamdaman para sa akin?”   “Hindi mo nakuha ang sinabi ko eh. Anong punto mo? Maging magkapatid na nga tayo, ‘di ba? May naramdaman pa ako sa iyo o wala, it doesn’t matter anymore. At kung mayroon man, ayaw ko na.”   “Hindi iyan eh. Kung gusto mong maging kapatid talaga ako, dapat ay wala kang itinatago sa akin. Maging honest tayo sa isa’t-isa. Paano tayo maging mabuting magkapatid kung may itinatago tayo? Kung hindi tayo honest sa isa’t-isa? Hindi mo dapat itago iyan sa akin kasi sabi mo nga, it doesn’t matter anymore dahil kahit may naramdaman ka man o wala, hindi naman puwedeng maging tayo So ano ang kinatatakutan mo kung sasabihin mong may naramdaman ka pa rin sa akin?”   Hindi nakaimik si Timmy.   “May nararamdaman ka pa rin ba sa akin?”   Tiningnan ni Timmy si John tapos yumuko. “Wala na...”   “Tumingin ka sa akin habang sinabi mo iyan!” ang utos ni John.   Sinalubong ng tingin ni Timmy ang tingin ni John. May galit ang tingin ni Timmy. “Wala! Wala na akong naramdaman,” ang sambit ni Timmy na kaagad ay kumalas sa kanilang tinginan.   Doon na lumangutngot ang mga ngipin ni John sa pigil na galit. Alam niyang hindi nagsasabi ng totoo si Timmy. “Gusto mo ba talagang maging kapatid ako, o gusto mo lang ang kayamanang mamanahin mo mula sa daddy ko?” ang nasambit niya.   Sa pagkarinig ni Timmy sa salitang iyon ay nag-init din ang kanyang tainga. Tiningnan niya ng matulis si John, bakas sa kanyang mukha ang matinding galit. “Ulitin mo nga ang sinabi mo?”   “Pera lang ba ang habol mo o ang maging kapatid ako? Kasi kung pera lang, puwede ko namang ibigay sa iyo nang buo ang mana ko eh,” ang matigas na boses na pag-ulit ni John.   Lalo pang nagalit si Timmy at hindi niya napigilan ang sarili. Bigla siyang tumayo at pinakawalan ang isang malakas na suntok na tumama sa mukha ni John. At sinundan pa iyon ng isa pa. Sa mukha uli.   Halos malaglag si John sa kanyang kinauupuan. Nagulat siya sa pagsuntok ni Timmy sa kanyang mukha. Ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Hindi niya kayang saktan si Timmy. Nanatili lang siyang nakaupo, nakayuko at hinahaplos ng kanyang kamay ang mukha na natamaan. Nang nakita niya ang dugo sa kanyang kamay na humaplos dito, hinugot niya ang kanyang panyo mula sa likurang bulsa ng kanyang pantalon at pinahid ito sa nagdurugong bibig. Si Timmy naman ay bumalik sa kanyang kinauupuan na hindi man lang tiningnan si John.   “Ni kailan ay hindi ko pinangarap na tumanggap ng mana sa kahit kanino mang tao. Sanay ako sa kahirapan. Kung gusto kong yumaman, sana dumidikit na ako sa iyo noon pa at nanghihingi ng kung anong bagay. Sana ay hindi na ako tumira sa bahay namin sa bundok. Sana ay sumama na lang ako sa iyo sa apartment mo. Ngunit hindi ko ginawa iyan. Wala akong hiningi sa iyo. Kahit ang kabayo na ginagamit natin sa bukid ay hindi ko hiningi iyan. At nariyan lang iyan, puwede mong kunin kung gusto mo. Kahit ngayon ay puwede kong isauli siya sa iyo! Kung ang tulong mo naman sa pagbili ng kabaong ng inay at gastos sa kanyang paglibing ang pag-uusapan, puwede kong bayaran iyon kapag nakapagtrabaho na ako! Hindi ako sakim, kagaya ng akala mo! Hindi ako manggagamit! HINDI AKO GUTOM SA PERA KAGAYA NG MGA MAYAYAMANG KATULAD MO!” ang sigaw ni Timmy.   Hindi nakaimik si John. Nanatili siyang nakayuko. Nilunok ang mga masasakit na salita ni Timmy.   “Gusto kong magkaroon ng pamilya na siyang maging katuwang ko hanggang sa aking pagtanda. Ayokong hanggang sa pagtanda ko ay wala akong masasabing pamilya. Simula nang mamatay ang inay, nag-iisa na lang ako. Ayokong tumandang nag-iisa.”   “So bakit kailangan pang magpalit ka ng apilyedo? Puwede mo namang gawin iyan kahit hindi tayo maging magkapatid?”   “Hindi mo ba naintindihan? Ayaw kong kinukulit mo ako! Ayaw kong nililigawan mo ako! Ayoko na!”   “So dahil diyan ay iyan na ang naging desisyon mo? Hindi na talaga magbabago?”   “Oo. Buo na ang isip ko. Hindi na iyan magbabago.”   Hindi umimik si John.   “Sa sinabi ko na, gusto kong babae ang mamahalin ko,” ang dugtong ni Timmy.     “Gusto mong babae ang mamahalin mo ngunit ayaw mo kay Julie?”   “Hindi ko gusto ang ugali niya. Ikaw kung gusto mo siya, mas mabuti. Kung liligawan mo si Julie, e ‘di   masaya. You are doing me a favor.”   Tahimik. Hindi kaagad nakakibo si John. Pakiradam niya ay nahulog siya sa isang kumunoy at unti-unting nilunok ng putik ang kanyang katawan at wala nang pag-asa pang masagip. Nakaramdam siya ng kawalang-pag-asa sa kanyang sitwasyon.   Maya-maya ay nagsalita siya, nakayuko. Bagsak ang kanyang mga balikat. “Tok… alam mo, sa sinabi mong iyan ay tila nanumbalik na naman ang pagkadesperado ko sa buhay. Iyong kalagayan ng buhay ko kung saan ay wala akong pakialam sa paligid, walang kaibigang matino, walang direksyon sa buhay. Iyong pakiramdam na walang katuturan ang lahat na gagawin ko. Nang unang makilala kita, hindi ko lubos maisip kung bakit ako nagkaroon ng attraction sa iyo. Nalilito ako, naguguluhan, nagalit sa sarili. Ngunit sa kalaunan, nang maging close tayo sa isa’t-isa, nawala ang pagkalito ko, nawala ang galit ko. Makita lang kita, sobrang saya ko na. Naalala mo noong unang pagkakataon na pumayag kang makipag-inuman sa akin at kinabukasan ay isinuot mo pa ang unipormeng binili ko sa iyo? Iyon ang pinakamasayang araw ng buhay ko. Bagamat may pagkakataon na binubulabog ako ng ang aking isip, may malaking katanungan at takot kung bakit, kung tama ba, kung paano haharap sa mga tao, nawawala ang lahat ng kalituhan at mga katanungan sa isip ko kapag nakikita kitang ngumingiti, kinakausap mo ako, sinasabi mo sa akin ang mga nasa isip mo, lalo na ang tungkol sa buhay mo. Nawawala ang galit ko sa aking sarili kapag kasama ka, kapag katabi ka sa pagtulog. Nagkaroon ng saysay at kulay ang lahat sa aking paligid, nagkaroon ng direksyon ang aking buhay…” Nahinto siya nang sandali ng naramdaman niyang babagsak ang kanyang mga luha.  “…ngunit sa sinabi mong iyan ngayon, Tok… nalulungkot ako. Nasasaktan ako. Natatakot ako. Nalilito kung ano ba talaga ang para sa akin.” Muling natahimik si John. “Pero kung talagang iyan na ang desisyon mo, wala akong magagawa. Sino ba ako sa buhay mo? Wala…” ang dugtong niya.   Hindi sumagot si Timmy.   “Tok… hindi ko ginusto na mararamdaman ko para sa iyo. Siguro ay puwede kong i-ignore ito at labanan. Ngunit bakit ko pipigilan ang aking sairli kung masaya ako na kasama kita? Kung masaya ako na mahalin ka? Kung masaya ako na iparamdam sa iyo kung gaano kita kamahal? Marahil ay kung natuturuan lang ang puso, hindi ko gugustuhin na isang lalaki ang mamahalin ko, Tok. Ayoko ng ganito. Ngunit ngayon na sinabi mong hindi na mababago ang desisyon mo, hindi ko na alam ang aking gagawin. Mahirap iyong ako lang ang naninindigan at ikaw ay sumuko na... Sana ay ipaglaban mo ang iyong naramdaman para sa akin.”   Naghintay si John sa sagot si Timmy. Ngunit pati si Timmy ay naguluhan. Naalala niya ang sakit sa ginawa ng daddy ni John sa kanya na hanggang sa pagkakataon na iyon ay hindi pa tuluyang naghilom ang sugat. Naalala rin niya ang paghingi niya ng palatandaan sa kanyang inay kung kung papayag ba siyang makipagrelasyon kay John o iwasan na lang siya. Higit sa lahat, naalala rin niya ang eksena nang isang beses nang tumungo siya sa isang pagupitan ay dumating ang isang matandang gusgusin na nasa mahigit 70 na ang edad, dala-dala ang isang lumang knapsack at dumaan sa pagupitan, pumasok sandali at nanghingi ng kaunting halaga at pagkain. Bago umalis ang matanda, ikinuwento niya ang kanyang buhay.   “Nagmahal ako ng lalaki, hindi lang isa kundi marami… bawat lalaking makarelasyon ko ay isiniksik ko sa aking isip na siya na ang huli, na siya na ang aking forever. Ngunit nagkamali ako. Kahit ilang beses sasabihin ng mga lalaki na mahal nila ako, kahit ilang beses pa nila akong pakiligiin o ipapakita sa akin ang kanilang sakripisyo, ang lahat ay nagbabago. Darating din ang panahon na lalayo sila at iiwan kang mag-isa. Kaya heto tumanda akong ganito, nag-iisa. Noong kabataan ko, hindi naman sa pagmamayabang, may hitsura ako. Maraming nagkakagusto sa akin. Noong mga panahon na iyon ay tila abot-kamay ko lang ang kaligayahan. Babae, bakla, hinahabol ako. Iyong huli kong ka-relasyon, akala ko talaga ay siya na. Marami akong tinalikdan nang dahil sa kanya. Itinakwil ako ng aking mga magulang, ng aking mga kapatid nang dahil sa kanya. Nagpakalayo-layo kami. Pinanindigan ko siya. May kaunti akong naipundar na sari-sari store at bakery at iyon ang aming ikinabubuhay sa bagong lugar kung saan kami napadpad. Ngunit nang bumagsak ito at naubos ang pera ko, parang bula rin siyang naglaho, ipinagpalit ako sa isang babae. Ang sakit. Umalis ako sa lugar na iyon at dito ako napadpad. Ngayon, heto ako, matanda na, masakitin, walang pera, at walang nagmamahal. Mahirap ang nag-iisa. Sobrang lungkot. Lalo na kapag ganyang umuulan, bumabagyo, may sakuna, o kaya ay may atake ka sa iyong karamdaman at ikaw lang mag-isa, maiiyak ka na lang kasi wala kang magagawa. Pero ganyan talaga ang buhay-bakla. Kaya hindi ako naniniwala na may forever sa relasyong lalaki sa lalaki. Maaaring aabot ng ilang taon ang isang relasyon ngunit hindi habang buhay. Either ang lalaki ay magsasawa o makahanap ng mas bata, o makapagdesisyon na mas okay pala kung sa babae siya papatol dahil in the end, magkakaroon siya ng anak, ng pamilya, at hindi mag-iisa sa pagsapit ng takip-silim ng kanyang buhay… Lahat naman siguro ng lalaki ay nangangarap magkaroon ng pamilya at anak. At sa babae lamang nila mahahanp ito. Tayong mga bakla, panandalian lang sa buhay nila. Talo tayo. Nakakaawa tayo. Kaya kayo... kung kaya ninyong makipagrelasyon sa babae, maghanap ng babaeng tatanggap at magmahal sa inyo sa kabila ng lahat. Mas maigi ang ganyan upang pagdating ng panahon ay hindi kayo mag-iisa...”   Iyon ang tumatak sa isip ni Timmy. Sobrang na-relate niya sa sarili ang sinabing iyon ng matandang bakla. Natakot siyang sa bandang huli ay mag-iisa rin katulad niya. Hindi niya kayang habambuhay na mag-iisa. Nang iniwan siya ng kanyang inay ay tumatak sa kanyang puso ang matinding kalungkutan. At iyon ang nakikinita niyang palatandaan ng kanyang inay para sa kanya upang gawin ang desisyon na huwag nang makipagrelasyon pa kay John.   Dahil hindi sumagot si Timmy, malungkot na Tumayo si John nang walang pasabi at dumiretso na sa silid aralan. Hindi na siya dumaan pa sa umpukan nina Joy.   Maya-maya lang ay dumating na sa silid-aralan ang sina Joy at mga barkada.   “Hang! Ba’t nandito ka? Akala ko ba ay magkasama kayo ni Tok! Ano ang nangyari?” ang tanong kaagad ni Joy kay John. At nang may napansin sa mukha ni John, “Oh my God! Anong nangyari d’yan sa bibig mo! Bakit dumudugo iyan? Sino ang gumawa niyan sa iyo?” ang tanong ni Joy habang inusisang maigi ang pumutok na labi ni John.   “Wala ito… nadapa lang ako at nauntog ang bibig ko sa bato.”   Napatitig si Joy kay John, iyong may halong pang-ookray. “Ganyan ka katanga Hang?” ang sarkastikong sabi ni Joy. “Alam mo, ha… kung nakita ko lang ang eksenang sinabi mo na naumpog ang bibig mo sa bato, kunin ko talaga ang bato na iyon at ipokpok ko uli sa bibig mo. Ganyan ka katanga? Hindi! Hindi ako naniniwala! Ano ang nangyari at sino ang may kagagawan niyan! Sino? Makakatikim talaga sa akin ang taong iyon!”   “Ikaw naman pinapalaki mo pa ang issue. Wala nga ito.”   “Hindi puwedeng ganyan na lang, Hang. Sabihin mo sa akin dahil kung hindi, magwawala ako sa klase na ito!”   “Huwag na nga eh…”   “Hindi! Sabihin mo sa akin Mr. Johnny Iglesias dahil kung hindi ay malilintikan ka sa akin!”   Dahil sa pagtaas ng boses ni Joy ay lumapit sa kanila ang mga barkada nila at tiningnan ang bibig ni John. Nagulat sila at  nagtatanong na rin.   “Hayan tuloy…” ang paninisi ni John kay Joy. “Mamaya na lang, mag-usap tayo,” ang sambit ni John upang hindi na sila mag-umpukan sa puwesto ni John.   Nang nakaalis na ang grupo, kinulit uli ni Joy si John tungkol kay Timmy. “Anong nangyari sa pag-uusap ninyo ni Tok?”   “Wala…”   “Wala? As in hindi kayo nag-usap?”   “Nag-usap naman. Kaso… Ewan ko ba, ‘di ko na maintindihan ang taong iyon. Hayaan ko na lang siguro siya.”   “Gash. Gaano ba kalaki ang galit niya na ganyan na lang siya kung maka-ignore sa iyo?”   Hindi na sumagot si John. Yumuko na lang ito at isinubsob ang kanyang mukha sa kanyang desk pahiwatig na ayaw na niyang makipag-usap.   Tinapik ni Joy ang likod ni John. “Hayaan mo, Hang. Kakausapin ko si Tok.”   Maya-maya lang ay dumating si Timmy sa loob ng klase. Malungkot ang kanyang mukha. Nilapitan siya ni Joy. “Timmy… ano ba ang nangyari sa inyo ni John. Ayaw namin ng ganito kayo. Tingnan mo nagkawatak-watak na tayo. Si John ay nag-iisa, ikaw naman ay nagmumukmok. Kami ay hindi maintindihan kung ano ang gagawin,” ang seryosong sambit ni Joy habang naupo sa tabi ni Timmy na halos idikit na ang bibig sa tainga ni Timmy dahil ayaw niyang marinig ng ibang ka-klase ang kanilang pag-uusap.   “Joy… wala namang problema sa akin eh. Ewan ko lang kay John.”   “M-may ginawa ba siyang hindi maganda, o ikaw sa kanya?”   Binitiwan ni Timmy ang isang malalim na buntong-hininga. “Wala Joy… siguro ay magkaiba lang talaga ang aming pananaw. Magkaiba ang aming target. Magkaiba ang aming paninidigan.”   “Hindi ko ba puwedeng malaman ang detalye, Tok. Ayaw naming makita kayong ganito eh. Ang lungkot lang.”   Inakbayan ni Timmy si Joy. “Sasabihin ko rin sa iyo, Joy. Kapag okay na kami ni John.”   Nasa ganoong ayos sina Joy at Timmy nang siya namang pagpasok ni Julie sa klase at nakita niya na halos magkadikit ang katawan ni Joy at Timmy at inakbayan pa ni Timmy si Joy.   Dali-daling nilapitan ni Julie si Joy. “At sino ang talipandas sa atin ngayon ha? Kaya pala galit na galit ka sa akin dahil  ikaw pala iyong gustong makatsansing kay Timmy! Mang-aagaw!” ang sigaw ni Joy.   Biglang napalingon si Joy kay Julie na nakatayong nakaharap sa kanya. “Ayyy! Nagselos ang burikat! I can’t blame you, gurl.... Iniiwasan ka eh. Kawawa ka!” ang sagot naman ni Joy na binitiwan ang isang ngiting nang-aasar, tumayo at halatang handang makipagsambuno kay Julie.   Akmang sasampalin na sana ni Julie si Joy nang bigla itong nahinto at nagulat nang may naramdaman siyang humawak sa kanyang kamay. Nang tiningnan niya kung sino, ang nakasimangot niyang mukha ay biglang bumigay para sa isang napakatamis na ngiti.   Si John. “Halika rito,” ang sambit ni John kay Julie.   Nilingon ni Julie si Joy. “Sa iyo na siya,” ang sambit niya kay Joy pahiwatig na ipinaubaya na niya sa kanya si Timmy.   Napabulong na lang si Joy sa kanyang sarili habang tinitingnan nang matulis si Julie na tumalikod at sumunod kay John. “Haliparot!”   Umupo si Julie sa bakanteng upuan sa tabi ni John. Maya-maya lang ay makikitang nagtatawanan na silang dalawa habang kuwento nang kuwento naman si Julie sa kanya at paminsan-minsang tumitingin sa kinaroroonan nila ni Timmy at Joy na nang-iinggit. Hanggang sa todo tsansing na talaga si Julie. Umabre-syete sa bisig ni John na may pasandal-sandal pa ng kanyang ulo sa balikat ni John.   Nahinto lang ang kanilang paglalandian nang pumasok na ang guro sa klase. Bumalik sa kanyang upuan si John sa likod ni Timmy samantalang si Julie naman ay sumunod, umupo sa bakanteng upuan sa tabi ni John.   Nang mag break time na, nagkahiwalay ang magbarkada. Sina John at Julie ang nagsama sa isang mesa sa student center samantalang si Timmy ay malungkot na nag-iisa sa isang sulok, malayo sa mga barkada. Nilapitan ni Joy si Timmy at niyaya na sumali sa kanilang umpukan.   “Huwag ka ngang magpakita Tok na malungkot ka. Baka isipin ng burikat na iyon na talunan ka. Halika, iinggitin natin ang p****k na babaeng iyon,” ang sambit ni Joy kay Timmy.   Kaya kahit ayaw sana ni Timmy na sumali sa umpukan ng barkada ngunit dahil makulit si Joy at ayaw paawat kung kaya ay wala nang nagawa si Timmy. Hindi naman nabigo si Joy sa kanyang layunin. Napangiti ng barkada si Timmy dahil sa masayang kuwentuhan ng grupo.   Nang uwian na sa klase, naunang lumabas ng gate si Timmy gawa nang kasama pa ni John si Julie. Hinintay ni Timmy si John sa may gate. Iyon naman kasi ang nakagawian nila na magkasama sila sa pag-uwi. Ngunit nang dumaan si John, nakita niyang kasama pa rin ni John si Julie at inakbayan pa niya ang babae. Yumukyok si Timmy sa kanyang inupuan sa gilid lang sementong upuan sa dinadaanan nina John at Julie. Halos hindi siya gumalaw o kumurap upang hindi nila siya mapansin.   Tuloy-tuloy lang sina John at Julie hanggang sa paglabas ng gate. Lumiko sina John at Julie sa kanan, sa direksyon patungo sa down town, imbes na sa kaliwa patungo sa bahay nila sa bukid. Sa isip ni Timmy ay baka magsama ang dalawa na kumain ng hapunan, o ba kaya ay doon matulog sa apartment niya si John. Wala nang nagawa si Timmy kundi ang hinintayin na makalayo sila upang aalis na rin siya na hindi nila makita.   Hindi lubos maintindihan ni Timmy ang kanyang naramdaman sa sandaling iyon. Mistulang tinadtad ang kanyang puso sa nakita ngunit may bahagi sa kanyang utak na nagpumilit na tanggapin ang eksenang nakita niya dahil iyon naman ang kagustuhan niya. Iyong feeling ng sakit na parang namatayan ng mahal sa buhay ngunit iniisip mo na lang na masaya ka na rin dahil nakapagpahinga na siya sa mga paghihirap niya sa mundo at masaya na siya kung saan man siya naroon. Kaya gaano man kasakit, tangap ito ng kalooban ni Timmy. Iyon ang naramdaman ni Timmy.   Nang nawala na ang dalawa sa kanyang paningin, binitiwan na lang niya ang isang malalim na buntong-hininga. Tumayo siya at tinumbok ang daan patungo sa bahay niya sa bukid.   Dahil umaasa pa rin si Timmy na sa bukid uuwi si John, hindi na niya sinakykan si Tokhang. Iniwan niya ang kanilang kabayo sa nag-alaga nito. Naglakad siya pauwi. Nang dumating naman siya ng bahay, hindi niya inilock ang pinto upang kung darating man si John ay kusa na lang itong papasok.   Hindi mapakali si Timmy habang nakahiga sa kanyang kuwarto. Mag-a alas 11 na ng gabi ngunit hindi pa rin siya makatulog. Tanging si John ang laman ng kanyang isip. Bagamat pilit niyang tinanggap sa kanyang puso na iyon na ang simula ng pagbabago ng kanilang relasyon, hindi niya maiwasan na masaktan at malungkot. Sa isang bahagi ng isip niya, umasa siya na uuwi si John at makatabi pa rin niya sa pagtulog.   Hindi nga nagtagal, narinig niya ang pagbukas ng pinto. Nang nasa loob na ng kuwarto si John ay agad itong humiga sa tabi ni Timmy. Walang imik.   Maya-maya ay nagsalita siya. “Salamat sa pag-iwan mo kay Tokhang. Next time, kapag ikaw ang mauna, sakyan mo na siya. Para sa iyo si Tokhang,” ang sambit ni John. Halata sa kanyang boses na nakainom ito. “Baka ito na pala ang huli kong pagtulog dito. Sa apartment na ako uuwi simula bukas,” ang dugtong niya.   Sa pagkarinig ni Timmy sa sinabi ni John ay hindi na niya napigilan ang pagdaloy ng kanyng mga luha. Mistulang may sariling isip ang mga ito na nagsiunahang magbagsakan sa kanyang unan. Hinayaan lang niya ang mga ito. Nagkunwari siyang hindi apektado. Hindi na rin niya sinagot ang sinabi ni John. Nanatili lang siya sa kanyang puwesto na nakatagilid patalikod kay John.   Iyon lang. Wala na silang imikan. Ang tanging maririnig lang sa pagitan nila ay ang ingay ng mga panggabing hayop sa bukid. At kahit may kaliitan ang kama ni Timmy, tila nagkasundo sila sa kanilang mga isip na dapat ay hindi magdikit ang kanilang mga katawan. Mistulang may imaginary na linya sa pagitan nila. Isang imaginary line na nakakapaso. Maingat na minanmanan nila ang kanya-kanyang kilos upang hindi lumampas sa linya at mapaso.   Kinabukasan nang magising si Timmy ay hindi na niya nakita pa si John. Late na nagising si Timmy kaya dali-dali na lang siyang naligo atsaka dumiretso sa eskuwelahan. Hindi na siya nag-agahan. Sanay din naman siya sa ganoon na walang laman ang tiyan sa umaga. Natuto lang siyang mag-agahan nang nakasama niya si John.   Nahuli ng limang minuto si Timmy sa pinakaunang subject niya sa araw na iyon. Bagamat nahuli ay pinapasok pa rin siya ng kanyang guro. Nang nakaupo na si Timmy, nakapa niya sa ilalim ng kanyang desk ang isang box ng empanada. Hindi niya lubos maisalarawan ang kanyang naramdaman. May kiliti ito sa kanyang puso ngunit may isang bahagi rin ng kanyang isip na tumutol at nag-udyok na isauli ito kay John. Tila may naghilahang puwersa sa kanyng isip. Sa bandang huli ay hinayaan na lang ni Timmy ang empanada sa ilalim ng kanyang desk.   Nang matapos na ang klase at nakaalis na ang kanilang guro, narinig ni Timmy ang boses ni Joy. “Pahingi naman nag empanada, Hang!” ang sambit ni Joy.   Biglang napalingon si Timmy kay John. Nakita niyang hawak-hawak sa kamay ni John ang isang box ng empanada na parehong-pareho rin sa isang karton ng emapanada na nasa ilalim ng kanyang desk. Inabot ni John ang empanada kay Joy.   Ngunit agad naman itong binara ni Julie. “Ba’t mo ibinigay sa kanya iyan! Ako ang nagbigay sa iyo niyan, eh!” ang galit na pagtutol ni Julie.   Biglang napaisip si Timmy na galing pala kay Julie ang empanada na nasa ilalim ng kanyang desk at hindi kay John. Dahil dito, dali-dali niyang hinugot ang empanada mula sa ilalim ng kanyang desk at inabot ito kay Joy. “Ito na lang Joy ang kunin mo. Busog pa ako eh,” ang sambit ni Timmy.   “Bakit mo ibibigay iyan sa kanya? Bigay ko iyan sa iyo dahil alam kong hindi ka nag-agahan!” ang bigla namang pagsingit ni John.   Biglang napangiti si Joy nang narinig ang sinabi ni John. Iyong ngiti na kinilig, na halos sisigaw na lang ng “Ayiiiiiiiiii!” at magtatalon habang ang kanyang kamay ay bahagyang itinakip sa bibig at may kapilyohang nakatingin kay Timmy. Tapos ay biglang ibinaling din niya ang tingin kay John.   “Oh my God! Ang sweet!” ang sambat ni Joy kay John.   “Binigyan mo siya ng empanada samantalang wala ka man lang ibinigay sa akin at ako pa itong ang nagbibigay sa iyo?” ang pagsingit naman ni Julie.   “Hindi ka niya mahal, gurl. Accept it!” ang sagot naman ni Joy kay Julie.   “Inggit ka lang!” ang sagot din ni Julie.   Tumawa lang ng malakas si Joy. “Let’s see!” at baling kay John, “Hang akin na ang empanada mo. Iyan ang gusto ko, Ayoko sa empanada ni Tok, bigay mo iyon eh. Ayiiiiiiiii!,” ang pang-iinis ni Joy.   “Hoy! Babae, mahiya ka naman. Binili ko iyan para kay John, hindi para sa ibang tao! Bumili ka ng para sa iyo!” ang pagsingit ni Julie na mataas ang boses.   Pinalaki naman ni Joy ang kanyang mata habang tiningnan si Julie. “Iyang emapanada ni John ang gusto ko eh! At ibinigay mo na iyan kay John kaya technically, si John na ang may-ari niyan!” turo niya sa empanada na hawak ni John.   “Hayaan mo na. Busog pa naman ako. At hindi ko type ang empanada,” ang pagsingit naman ni John habang nakatingin kay Julie. “Mamaya, kung gusto mo, bilhan mo na lang ako ng sigarilyo…” ang dugtong ni John.   Bigla napalingon si Timmy kay John na nasa kanyang likuran at tinitigan siya. Iyong titig na matulis, halatang galit, nagbabanta. Alam kasi ni John na galit si Timmy sa paninigarilyo niya kung kaya niya ito hininto nang naging sila pa ni Timmy.   At ang totoo, sinadyang banggitin ito ni John upang mapansin siya ni Timmy. At nagtagumpay siya. Nakuha niya ang atensyon ni Timmy.   Nakipagtitigan si John kay Timmy. Maya-maya lang ay siya rin ang sumuko at ibinaling ang tingin kay Julie, “Sige, pagkain na lang bilhin mo sa akin. Iyong may maraming cholesterol,” sabay bitiw ng hilaw na ngiti.   Muling humarap si Timmy sa kanyang desk at mahina ang boses na ginagad si John, ang bibig ay ngumingiwi pa. “Iyong may cholseterol!” tapos sinundan ng kumentong, “Ang landi, tangina!”   Ngunit kahit naiinis si Timmy, kinain pa rin naman niya ang empanada na bigay ni John. Iyon ang mas ikinakilig ni John. Ngunit ang empanada naman na bigay ni Julie para kay John ay sinagpang ni Joy. At kabaligtaran sa naramdaamn ni John na kinikilig, si Julie ay nanggalaiti sa galit habang pinagmasdan ang mukha ni Joy na enjoy na enjoy sa paglamon sa empanada na para sana kay John.   “May lason iyan!” ang sigaw ni Julie kay Joy.   Nilingon ni Joy si Julie. “Weee!” At baling niya kay John, “Thank you, Hang! Ang sweet mo talaga sa akin…”   Kinahapunan bago umuwi si Timmy sa bukid, kinausap muna siya ni Joy. Tungkol pa rin sa kalagayan nina John. Sinabi niya kay Timmy na nalaman na rin niya na siya ang sumuntok sa bibig ni John. Pati ang desisyon ni Timmy na magpalit ng apileydo ay alam na rin ni Joy at mga barkada. Ipinaalam din ni Joy kay Timmy na nalungkot siya at mga kaibigan nila sa nangyari. At ipinangako ni Joy na gagawin niya at mga barkada nila ang lahat upang hindi tuluyang mawasak ang kanilang magandang relasyon ni John, kung ano mang desisyon ang mapagkasunduan nilang dalawa – ang magiging magkapatid o magiging magkasintahan. Hinikayat din ni Joy si Timmy na unawain si John.   Tumango lang si Timmy. Nang mapansin ni Joy na matamlay si Timmy hinipo niya ang noo ni Timmy.   “Oh my God! May lagnat ka!” ang sambit ni Joy.   “Wala... Naambunan lang ako kanina nang maglaro kami sa outdoor court. Mawawala rin ito, itulog ko lang. Kapag nakapagpahinga na ako, okay na ito,” ang sagot ni Timmy.   “Sure ka?”   “Oo naman. Sanay na ako sa ganito. Bukas okay na ito. Kaya need kong makauwi nang maaga upang makapagpahinga,” ang sagot ni Timmy.    Nag-iisa si Timmy sa pag-uwi nang hapong iyon. Nang nakarating na siya ng bahay ay lalo pang tumindi ang kanyang sinat. Siguro ay may kinalaman ito sa ibayong lungkot na naramdaman niya bunsod nang hindi na niya kasama si John kung kaya ay humina ang kanyang immune system. Agad siyang nag-init ng tubig. Nang kumulo na ito, pinuno niya ng mainit na tubig ang baso at nilagyan ng isang piraso ng binalatang luya.   Sa kanyang kalagayan na may sakit at nag-iisa muli niyang naalala ang kuwento ng matandang bakla sa pagupitan. Naisip niya na kung siya na bata pa ay nahirapan na sa ganoong pag-iisa, hindi lang sa pisikal kungdi pati na sa emosyonal na aspeto, lalo na siguro kung matanda na siya. Hindi maiwasan ni Timmy ang hindi mapaiyak habang naglalaro sa kanyang isip ang ganoong senaryo.   Maya-maya ay nahiga siya sa kanyang kama at natulog.   Mag aalas 9 ng gabi nang magising siya. Medyo bumuti na ang kanyang pakiramdam bagamat masakit pa rin ang kanyang ulo at nanlalamig pa rin ang kanyang katawan. Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Ngunit hindi na siya dalawin pa ng antok.   Nang makita niya ang liwanag ng buwan, naisipan niyang lumabas ng bahay. Nakatalukbong ang kanyang buong katawan ng kumot pati na ang ulo, tinumbok niya ang pampang. Umupo siya sa gilid nito, sa puwesto na palagi nilang inuupuan ni John. Doon ay sinariwa niyang muli ang kanyang masasayang alala kasama ang kanyang  inay. Nang sumingit ang alalaala nila ni John, hindi niya maiwasang hindi tumulo ang kanyang mga luha.   Nasa ganoon siyang pag-eemote nang bigla na lang may umupo sa kanyang tabi. Laking pagkagulat niya dahil akala niya ay may multo na tumabi sa kanya. Nang nilingon niya kung sino, si John.   “Kumusta na ang pakiramdam mo, Tok. Heto may dala akong gamot para sa iyo,” ang sambit niya.   Halos magtatalon sa tuwa ang puso ni Timmy. Ngunit hindi niya ipinahalata ito. “S-salamat…” Ang maiksing sagot niya.   “Kahit galit ka sa akin, hindi kita matiis. Lalo na nang sinabi ni Joy na may sakit ka kaya kahit gabi na dali-dali akong pumunta rito. Ayokong nag-iisa ka, lalo na sa ganitong may karamdaman ka,” ang sambit ni John.   Hindi sumagot si Timmy. Ramdam niya ang pangingilid ng kanyang mga luha. Hinayaan lang niya ang mga ito.   “Tara… sa loob ng bahay. Makakasama sa iyo ang nandito sa labas. Dapat sa iyo ay nagpapahinga.”   “Gusto ko munang maupo rito…” ang sambit ni Timmy.   “Okay…” ang sagot ni John na bumalik sa pag-upo sa tabi ni Timmy.   Tahimik.   “P-pasensya na pala kanina sa may gate ng school. Alam kong hinihintay mo ako. Kaso nagdamdam lang ako sa iyo kaya sinamahan ko kunyari si Julie. Ngunit nang makarating na kami sa downtown, humiwalay na ako sa kanya at umuwi ako sa apartment ko…” ang paliwanag ni John.   Hindi siya sinagot ni Timmy. Alam ni Timmy na nagsabi ng totoo si John. “Kumusta ang mga labi mo? Dumudugo pa rin ba?” ang paglihis ni Timmy sa topic.   “Oo. Kagaya ng puso ko, nagdurugo pa rin,” ang sagot ni John   Napilitang ngumiti si Timmy na nilingon si John. “Labi lang ang tinanong ko. Bat pumasok ang puso?”   Napangiti na rin si John. “Ay sorry. Na-carried away kasi ako, eh.”   Hinawakan ni Timmy ang kamay ni John. “Sorry. Sorry sa mga drama ko, sa katarayan ko, sa katigasan ng ulo ko, sa masasakit na salitang binitiwan ko,” ang sambit niya.   "Okay lang iyon. Sanay na ako s iyo. At sanay din akong masaktan. Sabi nga nila, kapag hindi ka nasasaktan, hindi ka tunay na nagmahal. Kaya basta ikaw, okay lang na lagi mo akong saktan nang sa ganoon ay lagi kong maramdaman ang pagmamahal."   Napangiti uli si Timmy at tiningnan si John. "Panay ang hugot natin ngayon, ah."   "Ganyan kasi ang lengguwahe ng puso. Lahat ay idinadaan sa hugot."   Napangiti uli si Timmy. Ngunit hindi na niya sinagot pa si John. Ibinaling niya ang kanyang paningin sa ilog. Sa gitna ng liwanag ng buwan, naaninag niya ng rumaragasang daloy ng tubig. Kahit anong bagay ang hahadlang sa kanya, patuloy pa rin ito sa pag-agos patungo sa kanyang destinasyon....   “Kung ikaw ang ilog, ano naman ako?” ang tanong ni Timmy kay John.   Tinitigan ni John si Timmy. “Kung ako ang ilog... ikaw naman ang dagat. Kahit anong hadlang ay tatawirin ko, kahit ilang bukid ay hihiwain ko, marating lang kita at makapiling.”   Binitiwan ni Timmy ang isang malalim nabuntong-hininga at muling ibinaling ang paningin sa ilog. Inihalintulad niya ang ragasa ng daloy ng tubig sa pagpupumilit ni John na mahalin at abutin siya sa kabila ng mga balakid.   Tahimik.   “Oo nga pala, Tok. Sinabi ko na kay Tito na nakapagdesisyun ka na na maging Iglesias. Sinabi ko ring handa ka na sa pagproseso ng mga dokumento na kailngan sa paglipat ng iyong apilyedo. Ang sabi niya ay ipadala na lang daw niya ang mga papeles. Napag-sip-isip ko, na kung gusto mo talagang maging kapatid at kuya na lang ako, payag na ako. Wala akong magagawa Ngunit kung darating ang punto na magkapamilya ka na, susuportahan pa rin kita. Nariyan pa rin ako para sa iyo. Mamahalin pa rin kita. Naipangako ko sa aking sarili na hindi ako mag-aasawa. Kasi, gusto kong ang lahat ng aking atensyon ay nasa iyo lang, kasama na ang pamilya mo. At sana ay payagan mong maging bahagi rin ako ng iyong maging pamilya para hindi pa rin tayo maghihiwalay…” ang sambit ni John.   Hindi sumagot si Timmy. Naramdaman niya ang sobrang pagka-touched sa sinabi ni John. Lubos niya itong naappreciate. Kaya niyang isakripisyo ang sariling kaligayahan para lamang sa kanya.   “Alam mo, nanaginip ako…” ang pagbasag niya sa katahimikan.   “Ano?” ang sagot ni John.   “Nasa gitna raw ako ng dagat sakay sa isang maliit na bangka. ‘Di ko alam kung bakit ako naroon. Wala akong makikitang isla, walang pagkain, hindi ko alam kung saang direksyon patungo upang masagip ako o makahanap ng isla. Litong-lito ang isip ko, pagod na pagod, at sobrang takot. Maya-maya ay bigla kang sumupot sakay sa isang higanteng isda. Sa utos mo ay itinulak ng isda ang aking bangka hanggang sa marating nito ang isang maliit na isla. Nang ligtas na ako sa islang iyon, ang sabi mo ay aalis ka dahil magkaiba raw ang ating kapalaran at sa islang iyon ko matatagpuan ang aking inaasam-asam na pamilya. Ang sabi mo, hindi ka hahadlang kung ano man ang makakapagbigay sa akin ng kaligayahan. Umiyak ako nang nakaalis ka na. Nang inikot ko ang buong isla, nalaman kong ako lang pala ang tao roon. Nag-iisa pa rin ako. Doon na ako natakot at nalungkot. Araw-araw ay hinihintay kitang bumalik. Ngunit hindi ka na nagpakita pa. Hanggang hindi ko na nakayanan ang matinding lungkot. Nagkasakit ako at hindi na makatayo pa. Nang nasa bingit ako ng kamatayan nagpakita ang inay. Malungkot na malungkot siya. Bagamat wala siyang sinabi, biglang pumasok sa aking isip ang eksena kung saan niya sinabi sa akin ang tungkol sa iyo, na hindi na ako makahahanap pa ng isang kaibigang tulad mo. Pumanaw ako sa islang iyon na nag-iisa at baon-baon ang matinding lungkot,” ang kuwento ni Timmy habang umiiyak.   Niyakap ni John si Timmy. Idinampi niya ang kanyang bibig sa ulo nito at hinalikan ang kanyang buhok. “Hindi kita pababayaan, Tok. Kahit saan ka magtungo ay naroon ako. Kapag maging legal na kapatid na kita hindi mo lang ako kaibigan kundi kapatid at tagapagtanggol. At hindi ako papayag na may mangyaring masama sa iyo. Hindi ako papayag na mag-iisa ka. Hindi ako papayag na malayo ka sa akin.”   “Gusto kong mas higit pa sa kapatid ang ating relasyon. Ayoko nang magpalit ng apilyedo. Ayoko nang maging kapatid kita...”   “Talaga?” ang sagot ni John na nanlaki ang mga mata sa matinding kasiyahan.   Tumango si Timmy. “Hindi ko kayang labanan ang ipinakita mong kabaitan at sakripisyo para sa akin, ang  pagpunyagi mong mahalin kita. Mahal na mahal kita, John.”   “Oh... M-mahal na mahal din kita, Tok,” ang sagot ni John na akmang hahalikan sana si Timmy sa bibig dahil sa matinding tuwa.   Ngunit hinarang siya ni Timmy gawa nang may lagnat siya.   Maya-maya ay tumayo si John, “Tara sa bahay na tayo. Malalim na ang gabi at mas makabubuti sa iyo ang uminom ng gamot at magpahinga.   Tumalima si Timmy. Piniggyback siya ni John patungo sa kanilang bahay.   Nang makatulog na si Timmy, binantayan siya ni John habang nakahiga siya sa gilid nito. “Mahal na mahal kita, Tok. Hindi ako papayag na magkatotoo ang panaginip mo. Simula ngayon, hinding-hindi ka na mag-iisa. Hinding-hindi kita iiwan pa. Mamahalin at aalagaan kita habambuhay. Pangako ko iyan sa iyo,” ang bulong niya.   (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD