By: Michael Juhagetmybox@hotmail.com
Fb: Michael Juha Full
----------------------------------
Matapos kong basahin ang sulat ni John, namalayan ko na lang na tumulo na pala ang aking mga luha. Nanghinayang ako, naguluhan, naawa kay John. Sa lahat ng kabutihan na ginawa niya para sa inay at sa akin, hindi ko alam na nasaktan ko pala siya. May isang bahagi ng aking utak na nag-udyok na sundan si John. Ngunit may isang bahagi rin na nagsabing huwag dahil iyan ang gusto niya para sa sarili, upang makalimot. Hindi ko alam ang aking gagawin. Kung susundan ko naman siya, baka isipin niyang mahal ko siya at maaari na niyang gawin ang gusto niya sa akin. Ngunit kung hindi ko man siya sundan, masasaktan din ako dahil nasanay na ako na nariyan siya at napamahal na rin siya sa akin bilang kaibigan at kapatid. Hinahanap-hanap ko na ang samahan namin. Ngunit ayaw ko rin na isipin niya na pagkatapos niya akong tulungan ay okay lang sa akin kung may gagawin man siyang ayaw ko.
Sa unang gabi na wala na si John ay doon ko narealize na ang hirap pala nang mag-isa. Na-miss ko ang kanyang kakulitan. Namiss ko ang kanyang ingay, ang kanyang paglalambing, pagtatanong sa kahit mga katarantaduhang bagay basta pansinin ko lang siya. Muling nanariwa sa aking isip ang mga pagkakataon kung saan ay masaya kami, tawa nang tawa, iyong paglalaba namin at paliligo sa ilog, ang pagsakay namin sa aming kabayong si Tokhang, iyong pag-iinuman namin sa pampang, pati ang pagpasok namin sa eskuwelahan, iyong pag-aalaga niya sa akin. Halos hindi ako makatulog sa gabing iyon. Halos nag-iiyak din ako sa buong magdamag.
Nang pumasok na ako sa eskuwelahan, halos hindi ko maipatakbo si Tokhang. Ewan ko kung naramdaman din ng kabayo kung bakit ako na lang ang nakasakay sa kanya. Hindi ko alam kung na-miss din ni Tokhang ang isang amo niya. Ang lungkot pala kapag naglalakbay sa daan na nag-iisa. Napabuntong-hininga na lang ako.
Nang nakarating na ako sa loob ng klase, sinilip ko pa ang aking knapsack. Nasanay na kasi ako. Dati, bago kami papasok ng klase, bubuksan niya ang aking knapsack habang naglalakad kami at nakabuntot siya sa akin. Doon na niya ilalagay ang empanada. Alam kasi niyang may ilalagay na tinapay si Emily sa ilalim ng aking drawer kung kaya ay uunahan na niya akong bigyan. Maghanap talaga siya ng paraan na makabili ng empanada bago kami umuwi sa hapon para ibigay naman niya sa akin kinaumagahan. Ngunit sa umaga na iyon ay wala akong nakitang empanada sa aking bag.
Nang nasa loob na ako ng silid-aralan, nagtaka ang mga kaklase ko kung bakit hindi ko na kasama si John. Wala akong maisagot kundi ang magdahilan na lumipat na siya sa kanyang apartment. Iyong iba ay may pagdududa na baka may alitan kami. Nang tinanong nila kung ano ang dahilan kung bakit siya lumipat, ang isinagot ko na lang ay dahil ayaw ng Tito niya na doon sa bukid siya tumira.
Maya-maya ay lumapit si Emily umupo sa upuan ni John. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata at ngiti at ibayong saya. “Good morning! Kumusta Tok? Ang pagbati niya.
“Good morning din,” ang sagot ko naman na pinilit ang sariling ngumiti.
“Uyyyyyy! Ang sweet-sweet! Baka langgamin kayo niyan!” ang sambit ni Jane na sinundan din ng ibang mga kaklase ang pangangantyaw. Alam ko, headline na ang issue ng halikan namin ni Emily nang nakaraang gabi sa party.
Napangiti na lang ako, bagamat halos hindi ako makatingin sa mga kaklase dahil sa hiya at dahil sa nararamdaman kong sakit at paglayo ni John.
Okay na lang sana ang ganoon, kantyaw-kantyaw. Palagi naman kaming kinakantyawan eh. Sanay na ako. At masaya ako, kinikilig sa bawat kantyaw nila. Ngunit iba sa pagkakataong iyon. Purong guilt at hiya ang nadarama ko. At ang matindi ay nang nagtanong kay Emily and kaklase namin na close kay Emily. “Ano ‘yan sis, official na talaga kayong mag-boyfriend?”
Tiningnan ko si Emily kung ano ang kanyang isasagot. Ngumiti siya, iyong kinikilig at halos hindi makatingin sa nagtanong.
Ngunit may nagsulsol pa, “Magsyota na iyan ah! Naghahalikan na eh! Hindi hahalikan ng isang lalaki ang isang babae kung hindi official na sila na. Insulto iyan sa babae. Magsyota na iyan sila!” ani Felix na kaklase din namin.
Sasagutin ko sana si Felix ng, “Woi, hindi naman. Wala naman akong intensyon na ganyan.” Ngunit hindi ko na itinuloy. Baka kasi masaktan lang si Emily.
“Totoo Sis?” ang paggiit na tanong ng kanyang kaibigan.
At doon na ako medyo nagulantang na sumagot si Emily ng, “Oo.” Na ang expression ay iyong nahihiyang nag-aalangan.
Nang marinig nila ang sagot ni Emily, nagpalakpakan ang buong klase. May sumigaw ng “Oh my God!” Ang iba ay nagcongratulate. Ang iba naman ay nangantyaw na magpakain daw.
Dahil kinumpirma na ni Emily, wala na akong nagawa. Syempre, lalaki ako. Baka masaktan ko ang damdamin niya kapag idideny ko siya. Kaya pilit na ngumingiti na lang ako kapag may nagtanong sa akin tungkol sa amin.
Sa buong araw na iyon ay hindi na humiwalay si Emily sa akin. Doon na siya umupo sa upuan ni John at nang tinanong ng teacher kung bakit doon siya umupo, ang sagot na lang niya ay wala si John, na sinabayan ng kantyaw ng ibang kaklase na sasagot din sa guro ng, “Mag-boyfirend na iyan sila Ma’am! Ngayong araw lang. 3-hoursary na nila ngayon.” At magtatawanan. Ang guro naman, depende sa ugali ay either matuwa at kikiligain o magsesermon na dapat ay unahin ang pag-aaral.
Kahit sa break time ay palaging nakatabi sa akin si Emily. Hanggang sa pag-uwi ay halos ayaw ring humiwalay. Sa araw na iyon ay nagmistulang sagisag ng masidhing kasiyahan si Emily samantalang ako naman ay ang larawan ng isang taong nagluluksa. Habang ibinayaw siya sa ikapitong alapaap sa matinding saya, ako naman ay iwinasiwas ng bagsik ng isang super typhoon.
Kinabukasan ay parang dinagdagan pa ng insulto ang aking pagdurusa. Nagpakain si Emily sa buong klase pati sa aming mga guro. Nagdala siya ng cake at juice para sa lahat.
Halos hindi ko na makayanan ang biro sa akin ng pagkakataon. Naguluhan na nga ako sa pag-alis ni John, nalungkot sa nangyari sa amin, heto pa, dinagdagan pa ni Emily. Napaka-ironic. Tinadtad na nga ang aking puso, pero heto nagsasaya sila para sa akin, “Congratulations Tok!” “Congratulations sa inyo ni Emily!” “Best wishes sa inyo!” na para bang kami ay ikakasal na. Halos palagyan na lang ni Emily ng malaking banner ang harap ng pinto ng aming klase ng “Suarez-Cruz Nuptial.”
Lumipas pa ang tatlong araw at hindi pa rin pumasok si John. Doon na lalong nag-alala ang aking mga kaklase. Habang enjoy na enjoy si Emily sa status namin, ang ibang officers naman ay hindi mapakali sa nangyari kay John. Wala kasing pasabi si John, walang excuse letter.
“Tok... sabihin mo nga sa amin kung ano ang nangyari sa inyo ni John? Bakit hindi na siya pumapasok?” ang tanong ni Jeff at iba pang mga officers nang hindi na talaga nila makayanan ang pag-alala nila kay John.
“Eh... malay ko ba. Alam niyo naman na wala akong cell phone para ma contact siya o ma-contact niya ako at sabihin sa akin kung ano ang nangyari sa kanya. Atsaka... malaki na siya. Alam na niya ang kanyang ginagawa,” ang sagot ko na lang.
“Tok... alam mo, sa sagot mong iyan, nahalata kong may alitan kayo eh.”
“W-wala, wala kaming alitan ah!” ang pag-aalibi ko pa. “Sadyang pinauwi siya ng Tito niya sa apartment.”
“E ‘di nag-iisa ka na lang sa bukid?”
“Oo,” ang sagot ko.
Nagkatinginan sila. “Tok, ipagpaalam lang namin sa iyo na kaming mga officers ay bibisita kay John sa apartment niya. “Hindi kami makakapayag na i-drop niya ang kanyang subject. Kaklase natin siya at hindi lang iyan, naging close na rin natin siya. Malaki ang naitulong niya sa klase natin. Natandaan mo na kapag kailangan natin ng sponsor mga activities natin, siya agad ang nagbibigay ng snacks, o kahit T-shirts natin. Siya ang nagpalagay ng isang help rack na lagayan ng mga papel at ballpen para doon sa mga walang papel sa tests, o iyong nawala o naiwan ang mga ballpens nila sa bahay. Kapag kulang tayo sa libro, bumibili siya para sa atin. At natandaan mo pa ba noong nagkasakit si Emma? Hindi nakapasok ng ilang araw sa eskuwelahan dahil may lagnat na pabalik-balik at si John ang nagbayad ng kanyang pampa-ospital? Nang nacheck-up na siya ng ospital, doon nalaman na dengue pala ang sakit niya at kung hindi naagapan ay maaaring namatay siya. Si John ang nagligtas sa buhay niya. Tinanghal siyang hero ng mga magulang ni Emma. At inacknowledge ng principal ang kagandahang-loob ni John. Ngayon na absent siya ng tatlong araw na walang pasabi, bale-wala lang sa iyo ito? Ang ating mabagsik na guro ay lumambot ang puso at nagtatanong kay John at nagmungkahi na bisitahin siya baka raw kung napaano na? Ang ating principal ay nagtatanong din kung ano ang nangyari sa kanya? Ang lahat ng guro natin ay ganoon din ngunit ikaw, heto, parang wala lang? Anong nangyari sa pinakaresponsableng class president? Anong nangyari sa pinakamatalinong estudyante ng buong Grade 12? Anong nangyari sa pagiging magkaibigan ninyo?” ang pangongonsiyensya ni Jeff.
Hindi ako nakaimik. Nanatili lang akong nakayuko. Hindi ko naman kasi alam kung ano ang aking isasagot. Hindi nila alam ang buong kuwento.
“Mamaya, pagkatapos na pagkatapos ng klase, hihintayin ka namin sa may gate. Kapag alas 5:30 na ng hapon at wala ka pa rin, kaming mga officers ang dadalaw sa kanya, kahit wala ka,” ang sambit naman ni Joy.
Alas 5 ng hapon nang maglabasan kami sa huli naming subject. Nagdadalawang-isp ako kung dadaan sa gate kung saan nag-assemble ang mga officers. Ngunit nanaig pa rin ang pagmamatigas ng aking puso. Ang ginawa ko ay sa likod ako ng eskuwelahan dumaan, sa may palayan. Short-cut kasi iyon at may maliit lang na gate na puwedeng akyatin. Iyon din ang pinakamalapit na daan patungo sa sementeryo. Naisip kong imbes sasama sa mga kapwa officers, sa puntod ng inay na lang ako dadalaw.
Nang nasa harap na ako ng puntod ng inay, kinausap ko siya. Nanghingi ako ng patawad sa nangyari sa amin ni John. “Nay... nalilito kasi ako. Mahal ako ni John ngunit hindi ko alam ang tunay kong naramdaman para sa kanya. Naawa ako sa kanya, Nay. Ngunit ayaw ko ring mahulog ang loob ko sa kanya. Hindi ko tanggap sa sarili na magkaroon ng relasyon sa kapwa lalaki, Nay... Ngunit kung gusto niyo talagang magsama uli kami ni John, sana ay gabayan niyo po ako Nay sa kung ano ang tamang gagawin. O kaya po ay bigyan niyo ako ng palatandaan...”
Pagkagaling ko sa sementeryo ay dumiretso na ako ng bahay. Sa pagsakay ko kay Tokhang ay tila mas bumigat pa ang aking pakiramdam. Naalala ko kasi ang sinabi ng aking inay, “...hindi ka na makakahanap pa ng kaibigan na kasing-bait ni John. Huwag mong pabayaan na mawala siya, lalo na... kapag isang araw na wala na ako, may isang kaibigan kang nariyan para sa iyo at hindi ka iiwan.”
Sa gabing iyon ay halos hindi ako makatulog. Pabaling-baling ako sa aking higaan. Na-miss ko ang mga kamay na hindi mapakali sa pagkalikot sa tyan ko, sa dibdib ko at pagyayakap sa aking katawan. Na-miss ko ang paglalambing niya, mga makukulit niyang hiling, ang mga hita na kung saan-saan na lang ipinapatong sa aking katawan. Na-miss ko rin ang kanyang bisig na kapag nagising ako ay nasa ilalim na ng aking ulo at nagiging unan ko. Na-miss ko ang pag-iinuman namin sa pampang…
Kinabukasan sa eskuwelahan, nagtaka ako nang tila umiiwas sa akin ang mga officers. Parang galit sila sa akin na hindi ko mawari. Si Emily lang ang tanging lumalapit sa akin.
“Ano ang mayroon at tila galit sila sa akin?” ang tanong ko kay Emily.
“Hayaan mo na sila, Tok. Ngayon lang iyan... Naawa kasi sila kay John” ang sagot ni Emily.
“At ako ang itinurong dahilan, ako ang salarin, ganoon?”
“Parang ganoon siguro... Basta, intindihin mo na lang sila. ‘Di mo sila masisisi eh. Napamahal na rin sa kanila si John,” ang sagot ni Emily.
Kaya hindi ko na lang sila pinansin. Naisip ko na baka may sinabi si John sa kanila, dahilan upang magalit sila sa akin. Ngunit sa isip ko ay wala na akong pakialam.
Nang maglunch break na, hindi rin nakatiis si Jeff. Nilapitan niya ako. “Alam mo, Tok, naroon lang si John sa apartment niya. Malungkot siya.”
“Anong sinabi niya?” ang tanong ko.
“Wala naman. Nang magharap kami ng mga officers, ang sabi niya sa amin ay hihinto na raw siya ng pag-aaral. Nang umuwi na ang mga babae, niyaya niya kaming mag-inom sa bahay niya. Ako, si Daniel, at si Tony, mga lalaking officers. Apat kaming nag-inuman. Nang nalasing na siya, doon na siya umiiyak. Awang-awa kami sa kanya. Na-miss ka raw niya. Nang tinanong namin kung bakit siya umalis sa iyo, ang isinagot lang niya ay tatanungin kita.”
“Anong sagot mo?”
“Sinabi kong tatanungin kita. Sabi nga niya na okay lang daw sa kanya kung sabihin mo ang lahat. Kung hindi mo man daw sasabihin ay maintindihan pa rin niya,” ang sagot ni Jeff.
Tahimik. Hindi agad ako nakaimik.
“Ano ba talaga ang problema, Tok? May maitutulong ba ako? Kung mayroon man, sabihin mo para matulungan ka namin, kayo ni John. Ayaw naming masira ang pagkakaibigan ninyo, ayaw naming magkawatak-watak tayo. Alam namin Tok na dahil kay John kung kaya ay mas masaya ka sa taon na ito. Sobrang masigasig ka, sobrang focus ka sa mga activities, sobrang masayahin ka. Iba ka ngayon kaysa nagdaang mga taon na minsan ay tinatamad ka, minsan ay kapag may nag-object sa iyong mga plano, nawawalan ka kaagad ng gana at nadi-discourage ka. Ngunit ngayon, kahit mahirap ang mga project, pinupursige mo, lalo na kapag sasabihin ni John na, ‘Ako ang bahala sa snacks’, ‘Ako ang bahala sa pamasahe’, o ‘Ako ang bahala sa uniporme’ Sobrang saya natin. Ayaw naming basta masayang na lang iyan, Tok,” ang paliwanag ni Jeff.
“Sinabi ba talaga niya na puwede kong sabihin...?”
“Oo... ano ba ang problema Tok?”
Tiningnan ko siya. Nagdadalawang isip kasi ako kung sasabihin ba talaga ang bagay na iyon. Ayokong mapahiya si John o huhusgahan nila siya.
Ngunit doon na ako na nakapagdesisyon nang, “Oo nga pala, aalis na siya mamayang hapon pabalik ng Maynila. Alas 6 ng gabi ang flight niya... hindi na raw siya babalik pa rito. Kaya nalungkot ang mga officers kasi iyon na kagabi ang huling pagkakataon na makausap namin siya.”
Mistulang may malakas na bombang sumabog sa aking harapan sa aking narinig. Tila may kung anong bagay na tumusok sa aking puso. Kaya iyon ang nagpalakas sa aking loob. “Pare... puwede ba tayong mag-usap sa lugar na walang makakarinig sa atin? Ngunit mamaya na sa break time” ang sambit ko.
“Oo naman. Sa likod ng building, walang tao roon,” ang sagot ni Jeff.
Nang mag break time na, dali-dali kaming bumaba sa ground floor patungo sa sinabing lugar ni Jeff. Wala ngang tao, may lilim, at may mesa at upuan pa. Nang naupo na kami ni Jeff, don ko na sinabi sa kanya ang lahat. Wala akong itinatago. At habang nagkukuwento ako, hindi ko naiwasan ang hindi mapaluha. Na-miss ko kasi si John. At presko pa ang sakit ng sugat ng kanyang pag-alis.
Pati si Jeff ay nagulat at hindi makapaniwala. “Totoo, Tok?”
“Hindi ako iiyak ng ganito pare kung hindi totoo ang lahat,” ang sambit ko.
“Alam mo, naawa ako kay John. Naawa rin ako sa iyo. Sigurado ako, Tok na seryoso siya sa iyo, sa naramdaman niya. Kasi, isipin mo, kinaya niyang sabihin sa iyo ang saloobin niya kahit alam niyang maaaring mapahiya siya sa mga kaklase natin o magalit ka sa kanya, o maaari ring masira ang pagkatao niya. Lalaking-lalaki si John ngunit umiiyak... nang dahil lang sa iyo? Kaya seryoso siya, Tok.”
Hindi ako umimik.
“At alam mo, ang sabi pa niya, sa kanila raw ang siga-siga niya. Wala siyang kinatatakutan. Ngunit dito, ikaw ang lang kinatatakutan niya. Kaya mahal ka niyang tunay, Tok...”
“A-alam ko iyon, pare. Sa sobrang kabaitan niya sa akin at sa mga tulong niya sa aking pamilya pati na sa klase natin, alam kong totoo ang sinabi niya na mahal niya ako. Ngunit... arrrggggh!” hindi ko na itinuloy pa ang aking sasabihin.
Tiningninan niya ako sa mata. “Ikaw Tok, iyong totoo... ano ang naramdaman mo para sa kanya. Huwag kang magsinungaling. Mag best friend naman tayo, at alam mo naman ako, loyal sa iyo. Maintindihan ko at suportado kita kahit ano man ang isasagot mo. May naramdaman ka ba para sa kanya?”
“N-nalilito ako, pare eh. ‘Di ko alam. Ngayon ko lang kasi naranasan ang ganito. K-kasi... gusto ko rin si Emily. Crush ko siya, masaya ako kapag kasama siya. At ngayon, alam ng lahat na magkasintahan na kami.”
“Kalimutan muna natin si Emily, Tok,” sabayabay bitiw ng nakakalokong ngiti at turo sa sarili niya. Alam ko ang ibig niyang sabihin.
Napangiti ako sa kanyang reaksyon. “Pilyo ka talaga,” ang nasambit ko na lang.
“Balik tayo kay John, nami-miss mo ba siya? Hinahanap-hanap mo ba ang mga bagay-bagay sa kanya? Palagi ba siyang pumapasok sa isip mo? Nalulungkot ka ba kapag wala siya sa piling mo?”
“Oo...”
“Oo sa lahat?” ang paggiit niya sa tanong.
Tumango ako. “Ang hirap lang talagang tanggapin pare. Nagagalit nga ako sa aking sarili dahil hindi ko siya maiwaksi sa aking isip.”
Tinapik niya ang aking balikat. “Tok, 100% mahal mo rin siya. Habulin mo siya, Tok. Pigilan mo upang huwag nang tumuloy sa kanyang paglipad. Alam mo, ang sabi niya sa amin nang malasing siya kagabi ay magbago lang ang kanyang isip at hindi tutuloy sa pagbalik ng Maynila kapag pinigilan mo siya. At isa pa Tok... may banta sa kanyang buhay sa Maynila. Maaatim mo ba kung may mangyari sa kanya roon? Mapapatawad mo kaya ang sarili mo kung paptyin siya?”
Hindi ako nakasagot agad sa sinabi niya. Sinabi rin kasi sa akin ni John iyon.
“At kapag bumalik si John Tok, kami na ang pinakamasayang klase at batch sa eskuwelahang ito,” dugtong ni Jeff.
“P-paano kung ‘di kami matanggap ng ating mga ka-klase? Nakakahiya, nakakatakot. Baka i-judge nila ako? Kami ni John?”
“Tok... nakita mo bang natakot si John nang isiwalat niya ang lahat sa iyo at sa amin? Hindi. Dahil matapang si John. Dahil ipinaglaban ka niya, Tok. Dahil ganyan ang magmahal. Dapat ganoon ka rin. Ipaglaban mo siya, Tok. Ipaglaban mo ang pagmamahal mo sa kanya.”
“P-paano si Emily? Paano ang---“
Itutuloy ko pa sana ang aking sasabihin nang biglang may narinig akong kaluskos mula sa aming likuran. Nang nilingon ko ang pinagmulan ng ingay, nakita ko si Emily.
“Narinig ko ang lahat, Tok,” ang sambit niya. Kalalabas lang niya galing sa isang nakaharang na lumang divider na halos matabunan ng mga makakapal na d**o. Doon pala siya nagtatago at nakinig sa aming pag-uusap. Nabasa ng luha ang kanyang dalawang pisngi. “Sinundan ko kayo rito at narinig ko ang lahat. Ang sakit lang, Tok... Hindi ko akalain,” at doon na siya humagulgol. “Kaya pala kakaiba ang trato ni John sa iyo. Kaya pala lungkot na lungkot ka simula nang hindi pumasok si John. Kaya pala...”
Nilapitan siya ni Jeff at binigyan ng panyo habang ako naman ay napako sa aking kinauupuan sa sobrang pagkagulat at pagkalito.
Tinanggap ni Emily ang panyo ni Jeff at nagpahid siya ng luha.
“S-sorry talaga Emily. I’m so Sorry. Hindi ko alam ang aking gagawin. Litong-lito ako sa nangyari. Kamamatay lang ng aking inay, tapos heto ngayon, ganito ang nararamdaman ko.”
“Sino ba talaga sa aming dalawa?”
Hindi ako makatingin-tingin kay Emily sa tanong niyang iyon. Mistulang nasisilaw ako sa tindi ng aking pagkahiya. Tiningnan ko si Jeff. Tumango-tango siya.
“Sagutin mo ang tanong ni Emily, Tok. Huwag nang magpaligoy-ligoy upang hindi ka mato-torture, upang matapos na, upang maipalabas mo ang katotohanan. Hindi ka masisisi pare kung ang sasabihin mo ay totoo. Ngunit kung kasinungalingan ang sasabihin mo, maraming tao ang maaaring magdusa, kasama na ang sarili mo. At lahat kami,ikaw ang aming sisisihin,” ang pagsingit ni Jeff.
Mistula akong paslit na may nagawang kasalanan. Hindi makatingin sa kanila, hindi alam kung paano magsimula.
“Sige na, sabihin mo ang totoo, pare. Maintindihan namin kung iyan talaga ang tunay mong nararamdaman,” dugtong ni Jeff.
Kay nilakasan ko na ang loob ko. Pinilit ko ang sariling tingnan si Emily. “P-palayain mo na lang ako, Emily...” ang nasambit ko.
Doon na humagulgol si Emily. “M-malaya ka naman, Tok eh. Ako lang naman kasi ang nagdesisyon na tayo na ‘di ba? Ako lang ang nagsalita sa mga tao na magkasintahan na tayo. All along ay wala kang sinabi. Nakatulala ka lang palagi. Kaya naintindihan ko. Mahirap naman kung pipilitin kita sa isang relasyon na ako lang ang nagmahal. Mas masakit iyon...”
“Sorry talaga, Emily. Sorry. Patawarin mo ako...” Tumayo ako at niyakap siya. Napaiyak na rin ako habang isinubsob ko ang aking ulo sa kanyang balikat. Pareho kaming nag-iiyakan.
Maya-maya ay may hinugot siya sa kanyang bag. Dalawang teddy bear. Parehong kulay brown at parehong kasing taba ng softdrink na litro. “Itong isang teddy bear ay lalaki, para sa iyo. Ikaw ‘to, Tok. Ito namang isang teddy bear ay babae, at ako rin ito...”
“P-paano mo nalaman na babae iyang teddy bear? Wala namang pinagkaiba silang dalawa?” ang tanong ko.
“Iyan nga eh... sa isip ko lang pala na siya ay isang babae. Dahil ang totoo, ang tamang kapartner pala ng teddy bear mo ay isa ring lalaki. Kaya sa iyo na lang din ito, Tok. Ibigay mo kay John. Hindi ako ang teddy bear na iyan kundi si John,” sabay bitiw ng isang hilaw na ngiti. “Kung siya talaga ang mahal mo, Tok, bibigyang-laya kita. Ikaw at si John ay mahal ng ating buong klase. Malaki ang naitutulong ni John sa klase natin, at lalo na sa iyo. At ramdam ko kung gaano siya ka-seryoso sa iyo. Kaya sino ba ako upang humadlang sa kaligayahan mo? At least ang pakonsuwelo ko na lang ay hindi ka napunta sa ibang babae. Kahit sa bagay na iyan na lang, masaya na ako.” Muli niya akong niyakap.
“Alis ka na, Tok... baka hindi mo na maabutan sa airpot si John. Maging masaya ang buong klase kapag nakumbinsi mo siyang bumalik. Maging masaya kami kapag nakita ka ring masaya. Habulin mo na siya, bilis! Kami na ang bahalang maghanap ng alibi para sa iyo kung tatanungin ng ating guro kung nasaan ka,” ang pagsingint ni Jeff na inabutan pa ako ng perang pamasahe.
Tinaggap ko ang ibinigay na pamasahe ni Jeff. Dali-dali kong isinilid sa aking knapsack ang dalawang teddy bear na bigay ni Emily atsaka nagtatakbo akong lumabas ng campus. Nang may naalala ako, nilingon ko si Jeff, “Tawagan na lang kaya natin si John pare! Pahiram ng cp mo, may number ako sa kanya!” ang sambit ko.
“Binago na niya ang sim card niya, Tok. Hindi mo na siya ma-contact. Kaya dalian mo baka mahuli ka!”
“Wala kang bagong number sa kanya?”
“Wala,” ang sagot niya.
Kaya wala na akong nagawa kundi ang ituloy ang pagtakbo. Nang dumaan ako ng gate, sinita ako ng guwardiya. Nag-alibi na lang ako na may emergency sa bahay kaya kailangan kong umalis.
Mag-aalas 4 na iyon. Alas 6 ang flight ni John na sinabi ni Jeff. Kaya todo takbo ako patungo naman ng bus terminal. Sasakay pa kasi ng bus para makarating ng airport. Isang oras din ang biyahe ng bus patungo roon. Nang malapit na akong makarating sa terminal, naalala kong wala na palang biyahe ng bus kapag ganoong oras na. Mga renta na lang ngsasakyan ang puwede. Ngunit libo-libo naman ang bayad at wala ako noon. Natuliro na naman ang utak ko kung ano ang aking gagawin.
Maya-maya ay naalala ko si Tokhang.
Sumakay ako ng tricycle pabalik ng bahay. “Habulin natin ang amo mo, Tokhang. Dapat ay mahabol natin siya upang ‘di siya matuloy sa pag-alis!” ang sambit ko sa kabayo. Agad ko siyang sinakyan atsaka pinatakbo.
Mabilis ang pagpapatakbo ko kay Tokhang sa kalsada na hindi sementado at ang mga alikabok ay kumakalat na animoy sumusunod sa amin. Nagmistula akong isang artistana nag-shooting ng pelikulang wild wild west na ang setting ay nasa disyerto.
Nang nakarating na ako sa airport. Agad kong itinali si Tokhang sa isang kahoy na ‘di kalayuan sa kalsada. Nagtatakbo ako patungo sa entrance ng eroplano. Tiningnan ko ang monitor ng departure at arrival. Nakita ko ang flight ni John na patungo ng Maynila. “Boarded” ang nakalagay.
Tinungo ko ang gate at nakiusap sa guard. “Sir, puede po bang makapasok? Nandoon kasi ang kapatid ko sa flight na iyan,” turo ko sa monitor na ‘boarded’. Maliit lang kasi ang airport namin at sa oras na iyon ay iisa lang ang naka-schedule na flight. “M-may emergency kasi sa amin, nabaril po ang aming inay,” ang pagsisinungaling ko pa.
“Sir...boarding na po sila. Hindi na po natin sila mahabol pa,” ang sagot ng guard.
“Sir, nagmamakaawa po ako. Hindi ko po alam ang aking gagawin Sir! Maawa po kayo, Sir. Tulungan po ninyo ako.”
At marahil ay naawa ang guwardiya kaya kinuha niya ang kanyang walkie-talkie at may kinausap. Tapos tinanong niya kung ano ang pangalan ng pasahero. Sinabi ko na Johnny Iglesias ang pangalan. Maya-maya lang ay may narinig akong announcement mula sa central speaker. “Passenger Johnny Iglesias! Passenger Johnny Iglesias, please approach the information desk. Passenger Johhny Iglesias, to the information desk please!”
Medyo nakampante ang aking kalooban nang na-announce na ang pangalan ni John. Ngunit nang lumipas ang limang minuto, 10 minuto na wala pa ring lumapit sa information, hindi na naman ako mapakali. Parang gusto kong sumugod na lang sa loob ng pre-departure lounge at dumeretso sa boarding area.
Dahil tila nawalan na ako ng pag-asa sa harapan ng airport, dali-dali kong tinungo ang pinakagilid ng building kung saan ay may harang na mga alambre ngunit nakikita ang nag-iisang eroplano na nakaparada na siya ring sasakyan ni John patungong Maynila. Nagbakasakali ako na naroon pa si John, nagpahuli sa pag-akyat ng eroplano.
Ngunit laking pagkadismaya ko nang makitang nakasara na ang pinto ng eropano at dahan-dahan na itong umusad patungo sa runaway. “Johnny!!! Johnnyyyyyyyyyyyyy!” ang sigaw ko.
Ngunit walang nakarinig na pasahero sa aking sigaw. Wala na akong nagawa kundi pagmasdan ang eroplanong pumuwesto sa dulo ng runway at maya-maya lang ay bumuwelo na sa pagtakbo hanggang sa umangat na ito sa ere. Habang unti-unting pumapalayo at nawala sa aking paningin ang eroplano sa himpapawid, hindi ko namalayang tumulo na pala ang aking mga luha.
Nanatili ankong nakatayo roon, nakatingala sa kawalan. “Bigo ako,” ang bulong ko sa aking sarili.
Pinunasan ko ang mga luha sa aking pisngi at tatalikod sana nang may narinig akong boses. “Anong ginagawa mo rito?”
Biglang napukaw ang aking isip. “Si John!” ang bulong ko.
Ngunit nang tiningnan ko ang may-ari ng boses, guwardiya pala ito ng airport. “Bawal po ang bystander dito sir,” ang pagsita niya sa akin. Bigla na naman akong nadismaya.
“Eh... o-opo. Aalis na po ako,” ang sagot ko na lang.
Mistulang napakabigat ng aking katawan at halos hindi ko maiangat ang aking mga paa habang naglalakad ako patungo sa kinaroroonan ni Tokhang. “Hang, hindi natin nahabol ang amo mo. Pasensya na. Ginawa na natin ang lahat pero bigo tayo. Tayo na lang talaga ang maiiwan sa bukid,” ang sambit ko sa kabayo nang nasa harap ko na siya.
Aakyat na lang ako sa likod ni Tokhang nang may nagsalita. “Gandang kabayo ah!” ang narinig kong boses. Bigla akong napalingon sa pinagmulan ng boses. Doon na ako nagtatalon sa tuwa. Si John!
“John!!! Kanina ka pa riyan?” ang tanong ko. Hindi ko na napigilan ang pagpatak ng aking mga luha.
Niyakap niya ako nang mahigpit. “Oo kanina pa,” ang sagot naman niya.
Sinuklian ko rin ang kanyang yakap. Mahigpit. “Galing ka sa loob?” ang tanong ko.
“Dito lang ako sa labas,” ang sagot naman niya.
“Bakit dito la lang sa labas? ‘Di ba dapat ay nasa loob ka galing?”
“Bakit sa loob, hindi naman ako pumasok roon?”
“B-bakit ‘di ka pumasok?” ang tanong kong naguluhan
“Bakit ako papasok? Alam ko namang darating ka?”
“Huh! Paano mo nalaman?”
“Tinext ako ni Jeff.”
Doon na tumaas ang boses ko. “Sinet-up ninyo ako?”
“Parang ganoon na nga,” ang sagot niya sabay tawa.
“Tangina mo! Pinahirapan mo pa ako! Di mo lang alam kung gaano katindi ang stress ko! Hayop ka! Kanina mo pa ako nakikita rito?”
“Hmmm. ‘Di Naman masyado.”
Dali-dali ko siyang itinulak. “f**k you!” sabay akyat sa kabayo at pinatakbo ko si Tokhang.
“Tok... pasakayin mo ako! Hoyyyyyy! Wala nang masasakyan ngayon!” ang sigaw niya.
“Maglakad kang mag-isa pabalik!” ang sigaw ko rin.
Ngunit siyampre, dahil hindi ko naman talaga siya matiis. Pinahinto ko si Tokhang nang mga isang kilometro ang layo mula sa kanya. Nang nakarating na siya. Itinaas niya ang kanyang kamay at inabot ko ito upang makaakyat siya sa likod ng kabayo. Nang nakaakyat na siya, pumuwesto siya sa aking likuran. Ako ang nagdala kay Tokhang.
Niyakap niya ako. Mahigpit habang ang kanyang ulo niya ay isinubsob sa aking balikat. “Miss na miss kita Tok,” ang bulong niya sa aking tainga.
Bahagyang nilingon ko siya. Inirapan. “Tangina mo!” ang mahina kong pagmumura.
Kinurot naman niya ang aking pisngi. “Hindi mo ba ako sasagutin?”
“Sagutin saan?”
“Miss na miss kita.”
“Alam mo na ang sagot riyan, tanga!”
“May alam din akong isang bagay,” ang sambit niyang tumatawa pa, nang-aasar.
“Ano?”
“Mahal mo rin daw ako.”
“Tado! Sinabi ko lang iyon dahil pinipressure niya ako. Ayaw nilang umalis ka at kapag nangyari iyan, magagalit silang lahat sa akin. Kaya iyon ang isinagot ko!” ang pag-aalibi ko pa.
“Weeee!” ang sagot naman niya na lalo pang lumakas ang tawa.
“Huwag ka ngang magtanong d’yan! Ang dami mong tanong. Galit pa ako sa inyo. Sinet-up niyo lang pala ako!” ang galit-galitan kong sabi.
“Sige na, sige na, ‘di na ako magtatanong. Ayiiiiii!” ang sagot niya naman na halatang kinilig.
Muli niya akong niyakap nang mahigpit. Hindi na ako pumalag. Hinayaan namin ang aming mga sarili na namnamin ang saya at sarap na kasama ang isa’t-isa sa.
“Mamaya pagdating natin sa bahay, doon ka na uli matulog sa isang kama. Gumawa uli ako ng isa pang kama para sa iyo,” ang pang-iinis ko.
“Di bale, padating na pagdating natin mamaya, gagawa tayo ng bonfire sa labas, magandang ipanggatong iyan,” ang biro din niya.
“Oo. Tatagain muna kita bago mo magawang ipanggatong ang kama ko.”
Tawanan.
(Itutuloy)